Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 13

Pahalagahan ang Regalong Buhay

Pahalagahan ang Regalong Buhay

1. Sino ang nagbigay sa atin ng buhay?

SI Jehova ang “Diyos na buháy.” (Jeremias 10:10) Siya ang Maylalang natin at nagbigay sa atin ng buhay. Sinasabi ng Bibliya: “Nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa kalooban mo ay umiral sila at nalalang.” (Apocalipsis 4:11) Oo, gusto ni Jehova na mabuhay tayo. Ang buhay ay isang mahalagang regalo galing sa kaniya.—Basahin ang Awit 36:9.

2. Paano magiging matagumpay ang buhay natin?

2 Ibinigay ni Jehova sa atin ang mga kailangan natin, gaya ng pagkain at tubig, para patuloy na mabuhay. (Gawa 17:28) Pero hindi lang iyan; gusto niyang mabuhay tayo nang masaya. (Gawa 14:15-17) Para maging matagumpay ang buhay natin, kailangan nating sundin ang mga utos ng Diyos.—Isaias 48:17, 18.

ANG PANANAW NG DIYOS SA BUHAY

3. Ano ang ginawa ni Jehova nang patayin ni Cain si Abel?

3 Itinuturo ng Bibliya na mahalaga kay Jehova ang buhay natin at ng iba. Halimbawa, noong galit na galit si Cain—anak nina Adan at Eva—sa nakababata niyang kapatid na si Abel, sinabihan siya ni Jehova na kailangan niyang kontrolin ang galit niya. Pero hindi nakinig si Cain, at sa sobrang galit niya, “sinalakay [niya] ang kapatid niyang si Abel at pinatay ito.” (Genesis 4:3-8) Pinarusahan ni Jehova si Cain dahil sa pagpatay nito kay Abel. (Genesis 4:9-11) Ipinapakita nito na kung galit na galit tayo, puwede tayong maging marahas o malupit. Ang ganitong tao ay hindi tatanggap ng buhay na walang hanggan. (Basahin ang 1 Juan 3:15.) Para mapasaya si Jehova, dapat nating mahalin ang lahat ng tao.—1 Juan 3:11, 12.

4. Ano ang itinuturo sa atin ng isang utos ng Diyos sa mga Israelita tungkol sa regalong buhay?

4 Pagkalipas ng libo-libong taon, ipinakita ni Jehova na mahalaga sa kaniya ang buhay nang ibigay niya kay Moises ang Sampung Utos. Isa sa mga utos nito ay: “Huwag kang papatay.” (Deuteronomio 5:17) Kung sinadya ng isang tao na pumatay, dapat siyang patayin.

5. Ano ang pananaw ng Diyos sa aborsiyon?

5 Ano ang pananaw ng Diyos sa aborsiyon? Mahalaga kay Jehova kahit ang buhay ng ipinagbubuntis na sanggol. Sa Kautusan na ibinigay ni Jehova sa mga Israelita, sinabi niya na kung masaktan ng isang tao ang isang buntis at mamatay ang sanggol nito, dapat patayin ang taong iyon. (Basahin ang Exodo 21:22, 23; Awit 127:3.) Itinuturo nito sa atin na mali ang aborsiyon.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 28.

6, 7. Paano natin maipapakita kay Jehova na mahalaga sa atin ang buhay?

6 Paano natin maipapakita kay Jehova na mahalaga sa atin ang buhay? Magagawa natin ito kung mag-iingat tayo para hindi manganib ang buhay natin at ng iba. Kaya hindi tayo dapat manigarilyo, magngangà, o magdroga, dahil masama ito sa atin at nakakamatay.

7 Ang Diyos ang nagbigay ng buhay at katawan natin, at dapat natin itong gamitin sa paraang gusto niya. Kaya kailangan nating alagaan ang sarili natin. Kung hindi, magiging marumi tayo sa paningin ng Diyos. (Roma 6:19; 12:1; 2 Corinto 7:1) Hindi natin puwedeng sambahin si Jehova, ang nagbigay sa atin ng buhay, kung hindi natin pinapahalagahan ang buhay. Baka napakahirap itigil ng masasamang bisyo, pero tutulungan tayo ni Jehova kung magsisikap tayo dahil ipinapakita nito na mahalaga sa atin ang buhay.

8. Ano ang gagawin natin para hindi manganib ang buhay natin at ng iba?

8 Natutuhan natin na ang buhay ay isang mahalagang regalo. Nagtitiwala si Jehova na gagawin natin ang lahat para hindi manganib ang buhay natin at ng iba. Magagawa natin ito kung maingat tayong magmamaneho ng kotse, motorsiklo, o iba pang sasakyan. Iniiwasan din natin ang mapanganib o mararahas na sports. (Awit 11:5) Ginagawa rin nating ligtas ang bahay natin. Inutusan ni Jehova ang mga Israelita: “Kung magtatayo ka ng bahay, dapat mong lagyan ng halang [o, mababang pader] ang bubong, para walang mahulog mula rito at hindi magkasala sa dugo ang pamilya mo.”—Deuteronomio 22:8.

9. Paano natin dapat tratuhin ang mga hayop?

9 Mahalaga rin kay Jehova kung paano natin tinatrato ang mga hayop. Pinapayagan niya tayong pumatay ng hayop para gawing pagkain at damit, at kapag nanganganib ang buhay natin mula rito. (Genesis 3:21; 9:3; Exodo 21:28) Pero hindi natin dapat pagmalupitan ang mga hayop o patayin sila bilang katuwaan.—Kawikaan 12:10.

ITURING NA BANAL ANG BUHAY

10. Paano natin nalaman na ang dugo ay lumalarawan sa buhay?

10 Ang dugo ay banal para kay Jehova dahil lumalarawan ito sa buhay. Matapos patayin ni Cain si Abel, sinabi ni Jehova kay Cain: “Sumisigaw sa akin mula sa lupa ang dugo ng kapatid mo.” (Genesis 4:10) Ang dugo ni Abel ay lumalarawan sa buhay niya, kaya pinarusahan ni Jehova si Cain sa pagpatay nito kay Abel. Pagkatapos ng Baha noong panahon ni Noe, ipinakita uli ni Jehova na ang dugo ay lumalarawan sa buhay. Pinayagan ni Jehova si Noe at ang pamilya nito na kumain ng karne ng hayop. Sinabi niya: “Ang bawat gumagalaw na hayop na buháy ay puwede ninyong maging pagkain. Ang lahat ng iyon ay ibinibigay ko sa inyo gaya ng berdeng pananim.” Pero may ipinagbawal si Jehova sa kanila: “Huwag ninyong kakainin ang laman kasama ang buhay nito—ang dugo nito.”—Genesis 1:29; 9:3, 4.

11. Ano ang iniutos ng Diyos sa bansang Israel tungkol sa dugo?

11 Mga 800 taon pagkatapos sabihin ni Jehova kay Noe na huwag kumain ng dugo, inutusan uli ni Jehova ang bayan niya: “Kung may isang Israelita o dayuhan na naninirahang kasama ninyo na nangaso at nakahuli ng isang mailap na hayop o isang ibon na puwedeng kainin, dapat niyang patuluin ang dugo nito at tabunan ng lupa.” Pagkatapos, sinabi niya: “Huwag ninyong kakainin ang dugo.” (Levitico 17:13, 14) Gusto pa rin ni Jehova na ituring ng bayan niya na banal ang dugo. Puwede nilang kainin ang karne, pero hindi ang dugo. Kapag nagkatay sila ng hayop para kainin, dapat nilang patuluin ang dugo nito sa lupa.

12. Ano ang pananaw ng mga Kristiyano sa dugo?

12 Ilang taon pagkamatay ni Jesus, ang mga apostol at matatandang lalaki ng kongregasyong Kristiyano sa Jerusalem ay nagtipon para pag-usapan kung anong mga bahagi ng Kautusan na ibinigay sa mga Israelita ang dapat pa ring sundin ng mga Kristiyano. (Basahin ang Gawa 15:28, 29; 21:25.) Tinulungan sila ni Jehova na maintindihan na ang dugo ay mahalaga pa rin sa kaniya at kailangan pa rin nila itong ituring na banal. Hindi puwedeng kainin o inumin ng unang mga Kristiyano ang dugo o kainin ang karne na hindi pinatulong mabuti ang dugo. Kapag nilabag nila ito, kasinsama ito ng pagsamba sa idolo o paggawa ng seksuwal na imoralidad. Mula noon, hindi kumakain o umiinom ng dugo ang mga tunay na Kristiyano. Kumusta naman ngayon? Gusto pa rin ni Jehova na ituring nating banal ang dugo.

13. Bakit hindi nagpapasalin ng dugo ang mga Kristiyano?

13 Ibig bang sabihin, hindi rin dapat magpasalin ng dugo ang mga Kristiyano? Oo. Inutusan tayo ni Jehova na huwag kumain o uminom ng dugo. Kung pagbawalan ka ng doktor na uminom ng alak, ituturok mo ba iyon sa katawan mo? Siyempre hindi! Kaya ang utos na huwag kumain o uminom ng dugo ay nangangahulugan din ng hindi pagpapasalin nito.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 29.

14, 15. Gaano kaimportante sa isang Kristiyano na pahalagahan ang buhay at sundin si Jehova?

14 Paano kung sabihin sa atin ng doktor na mamamatay tayo kapag hindi tayo nagpasalin ng dugo? Ang bawat isa ang magpapasiya kung susundin niya ang utos ng Diyos tungkol sa dugo. Malaki ang pagpapahalaga ng mga Kristiyano sa buhay na regalo ng Diyos, kaya humahanap tayo ng ibang paraan ng paggamot para patuloy na mabuhay; pero hindi tayo magpapasalin ng dugo.

15 Ayaw nating magkasakit at mamatay, pero dahil mahalaga sa Diyos ang buhay, hindi tayo magpapasalin ng dugo. Mas mahalagang sundin si Jehova kaysa pahabain ang buhay natin sa pamamagitan ng pagsuway sa kaniya. Sinabi ni Jesus: “Ang sinumang gustong magligtas ng buhay niya ay mamamatay; pero ang sinumang mamatay alang-alang sa akin ay muling mabubuhay.” (Mateo 16:25) Gusto nating sundin si Jehova dahil mahal natin siya. Alam niya kung ano ang pinakamabuti para sa atin, kaya gaya ni Jehova, itinuturing nating mahalaga at banal ang buhay.—Hebreo 11:6.

16. Bakit sumusunod ang mga lingkod ng Diyos sa kaniya?

16 Anuman ang mangyari, susundin ng tapat na mga lingkod ng Diyos ang utos niya tungkol sa dugo. Hindi sila kakain o iinom ng dugo, at hindi sila magpapasalin ng dugo. * Pero tatanggap sila ng ibang paraan ng paggamot para iligtas ang buhay nila. Sigurado silang alam ng Maylalang ng buhay at dugo kung ano ang pinakamabuti para sa kanila. Naniniwala ka ba diyan?

ANG PAGGAMIT NG DUGO NA PINAHINTULUTAN NI JEHOVA

17. Sa Israel, ano lang ang paraan ng paggamit ng dugo na pinahintulutan ni Jehova?

17 Sa Kautusan na ibinigay ng Diyos kay Moises, sinabi ni Jehova sa mga Israelita: “Ang buhay ng isang nilikha ay nasa dugo, at ako mismo ang naglagay nito sa ibabaw ng altar para makapagbayad-sala kayo [o, makahingi ng tawad] para sa inyong sarili, dahil ang dugo ang nagbabayad-sala.” (Levitico 17:11) Kapag nagkasala ang mga Israelita, mapapatawad sila ni Jehova kung maghahandog sila ng hayop at hihilingin sa saserdote na ibuhos ang dugo nito sa altar sa templo. Ito lang ang paraan ng paggamit ng dugo na pinahintulutan ni Jehova noon sa Israel.

18. Anong pagkakataon ang naging posible sa atin nang isakripisyo ni Jesus ang buhay niya?

18 Nang dumating si Jesus sa lupa, pinalitan niya ang utos tungkol sa paghahandog ng hayop. Ibinigay niya ang kaniyang buhay, o dugo, para mapatawad ang mga kasalanan natin. (Mateo 20:28; Hebreo 10:1) Napakahalaga ng buhay ni Jesus dahil matapos siyang buhaying muli ni Jehova tungo sa langit, binigyan ni Jehova ng pagkakataon ang lahat ng tao na mabuhay magpakailanman.—Juan 3:16; Hebreo 9:11, 12; 1 Pedro 1:18, 19.

Paano mo maipapakita ang pagpapahalaga sa buhay at dugo?

19. Ano ang dapat nating gawin para maging “malinis sa dugo ng lahat ng tao”?

19 Nagpapasalamat tayo kay Jehova sa buhay na regalo niya! At gusto nating sabihin sa mga tao na kung mananampalataya sila kay Jesus, puwede silang mabuhay magpakailanman. Mahal natin ang mga tao, at gagawin natin ang lahat para turuan sila kung paano magkakaroon ng buhay na walang hanggan. (Ezekiel 3:17-21) At gaya ni apostol Pablo, masasabi rin natin: “Ako ay malinis sa dugo ng lahat ng tao, dahil hindi ko ipinagkait na sabihin sa inyo ang lahat ng kalooban ng Diyos.” (Gawa 20:26, 27) Oo, ipinapakita nating mahalaga sa atin ang buhay at dugo kapag itinuturo natin sa iba ang tungkol kay Jehova at kung gaano kahalaga sa kaniya ang buhay.

^ par. 16 Para sa impormasyon tungkol sa pagsasalin ng dugo, tingnan ang pahina 77-79 ng aklat na “Manatili sa Pag-ibig ng Diyos,” na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.