Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 5

Kung Paano Mananatiling Hiwalay sa Sanlibutan

Kung Paano Mananatiling Hiwalay sa Sanlibutan

“Hindi kayo bahagi ng sanlibutan.”—JUAN 15:19.

1. Sa ano nag-aalala si Jesus noong gabi bago siya mamatay?

ITO ang huling gabi bago mamatay si Jesus. Alam niyang malapit na niyang iwan ang mga alagad niya, at nag-aalala siya sa kinabukasan nila. Sinabi niya sa kanila: “Hindi kayo bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19) Pagkatapos, ipinanalangin niya sila sa kaniyang Ama: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:15, 16) Ano ang ibig sabihin ni Jesus?

2. Ano ang “sanlibutan” na tinutukoy ni Jesus?

2 Dito, ang “sanlibutan” ay tumutukoy sa mga taong hindi nakakakilala sa Diyos at nasa ilalim ng pamamahala ni Satanas. (Juan 14:30; Efeso 2:2; Santiago 4:4; 1 Juan 5:19) Paano natin maipapakitang “hindi [tayo] bahagi ng sanlibutan”? Sa kabanatang ito, pag-aaralan natin ang ilang paraan: Nananatili tayong tapat sa Kaharian ng Diyos at neutral, ibig sabihin, wala tayong pinapanigan sa politika. Nilalabanan natin ang espiritu ng sanlibutan. Mahinhin tayong manamit at mag-ayos, at balanse ang tingin natin sa pera. Isinusuot din natin ang kasuotang pandigma na ibinigay ng Diyos sa atin.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 16.

MAGING TAPAT SA KAHARIAN NG DIYOS

3. Ano ang pananaw ni Jesus sa politika?

3 Noong nasa lupa si Jesus, nakita niyang maraming problema ang mga tao at mahirap ang buhay nila. Mahal niya sila at gusto niyang tumulong. Naging lider ba siya sa politika? Hindi. Alam niya na ang talagang kailangan ng tao ay ang Kaharian, o gobyerno, ng Diyos. Si Jesus ang magiging Hari sa Kahariang iyon, at ang Kaharian ang pangunahing paksa ng pangangaral niya. (Daniel 7:13, 14; Lucas 4:43; 17:20, 21) Hindi sumali si Jesus sa politika, at nanatili siyang neutral. Sa harap ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato, sinabi ni Jesus: “Ang Kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36) Neutral din ang mga alagad niya. Sinasabi ng aklat na On the Road to Civilization na “ayaw humawak ng anumang posisyon sa politika” ang unang mga Kristiyano. Bilang mga tunay na Kristiyano ngayon, tapat din tayong sumusuporta sa Kaharian ng Diyos at neutral tayo sa politikal na mga gawain ng sanlibutan.—Mateo 24:14.

Kaya mo bang ipaliwanag kung bakit tapat ka sa Kaharian ng Diyos?

4. Paano sinusuportahan ng mga tunay na Kristiyano ang Kaharian ng Diyos?

4 Ang mga embahador ay kinatawan ng kanilang gobyerno sa ibang bansa, kaya hindi sila nakikisali sa politika ng bansang iyon. Ganiyan din ang mga pinahiran, na may pag-asang mamahalang kasama ni Kristo sa langit. Ganito ang isinulat ni Pablo sa mga pinahirang Kristiyano: “Mga embahador kami na humahalili kay Kristo.” (2 Corinto 5:20) Ang mga pinahiran ay kinatawan ng gobyerno ng Diyos. Hindi sila nakikisali sa mga isyu sa politika at gobyerno. (Filipos 3:20) Sa halip, tinutulungan ng mga pinahiran ang milyon-milyon na matuto tungkol sa gobyerno ng Diyos. Sinusuportahan sila ng “ibang mga tupa,” na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa bagong sanlibutan ng Diyos. Sila rin ay nananatiling neutral. (Juan 10:16; Mateo 25:31-40) Maliwanag, walang tunay na Kristiyano ang sasali sa politika ng mundong ito.—Basahin ang Isaias 2:2-4.

5. Bakit hindi sumasali sa digmaan ang mga Kristiyano?

5 Itinuturing ng mga tunay na Kristiyano ang lahat ng kapananampalataya nila bilang kapamilya at nagkakaisa sila anuman ang bansa o pinagmulan nila. (1 Corinto 1:10) Kung sasali tayo sa digmaan, lalabanan natin ang sarili nating pamilya—mga kapananampalataya natin—na iniutos ni Jesus na mahalin natin. (Juan 13:34, 35; 1 Juan 3:10-12) Iniutos pa nga ni Jesus sa mga alagad niya na mahalin kahit ang mga kaaway nila.—Mateo 5:44; 26:52.

6. Ano ang pananaw ng mga nakaalay na lingkod ni Jehova sa mga gobyerno?

6 Kahit neutral tayo, nagsisikap tayong maging mabuting mamamayan. Halimbawa, bilang paggalang sa gobyerno, sumusunod tayo sa mga batas nito at nagbabayad ng buwis. Pero tinitiyak nating maibigay “sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Marcos 12:17; Roma 13:1-7; 1 Corinto 6:19, 20) Kasama sa “mga bagay na sa Diyos” ang ating pag-ibig sa kaniya, pagsunod, at pagsamba. Mas gugustuhin pa nating mamatay kaysa suwayin si Jehova.—Lucas 4:8; 10:27; basahin ang Gawa 5:29; Roma 14:8.

LABANAN ANG “ESPIRITU NG SANLIBUTAN”

7, 8. Ano ang “espiritu ng sanlibutan,” at ano ang epekto nito sa mga tao?

7 Para maging hiwalay sa sanlibutan ni Satanas, hindi natin hahayaang makontrol tayo ng “espiritu ng sanlibutan.” Ang espiritung iyan ay ang paraan ng pag-iisip at paggawi na galing kay Satanas, at kinokontrol nito ang mga hindi naglilingkod kay Jehova. Pero nilalabanan ito ng mga Kristiyano. Gaya ng sinabi ni Pablo, “tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos.”—1 Corinto 2:12; Efeso 2:2, 3; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 17.

8 Dahil sa espiritu ng sanlibutan, ang mga tao ay nagiging makasarili, mayabang, at mapagrebelde. Naiimpluwensiyahan nito ang mga tao na isiping hindi nila kailangang sumunod sa Diyos. Gusto ni Satanas na gawin ng mga tao ang anumang gusto nila nang hindi iniisip ang magiging resulta nito. Gusto niyang maniwala ang mga tao na ang “pagnanasa ng laman at pagnanasa ng mga mata” ang pinakamahalagang bagay sa buhay. (1 Juan 2:16; 1 Timoteo 6:9, 10) Ginagawa ng Diyablo ang lahat para iligaw ang mga lingkod ni Jehova at para tularan natin ang kaisipan niya.—Juan 8:44; Gawa 13:10; 1 Juan 3:8.

9. Paano tayo puwedeng maapektuhan ng espiritu ng sanlibutan?

9 Ang espiritu ng sanlibutan ay nasa palibot lang natin, gaya ng hangin na nilalanghap natin. Kung hindi natin lalabanan ang espiritung ito, maaapektuhan tayo. (Basahin ang Kawikaan 4:23.) Puwede itong magsimula nang hindi natin nahahalata, halimbawa, kapag hinahayaan nating maimpluwensiyahan tayo ng kaisipan at saloobin ng mga hindi sumasamba kay Jehova. (Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33) Puwede rin tayong maapektuhan ng mga bagay na gaya ng pornograpya, apostasya, o sports na matindi ang kompetisyon.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 18.

10. Paano natin malalabanan ang espiritu ng sanlibutan?

10 Ano ang puwede nating gawin para hindi tayo makontrol ng espiritu ng sanlibutan? Kailangan nating manatiling malapít kay Jehova at hayaan nating gabayan tayo ng karunungan niya. Dapat tayong manalangin lagi para sa banal na espiritu at maging abala sa paglilingkod sa kaniya. Si Jehova ang pinakamakapangyarihang Persona sa uniberso. Nagtitiwala tayo na matutulungan niya tayong labanan ang espiritu ng sanlibutan.—1 Juan 4:4.

PANANAMIT NA NAGPAPARANGAL SA DIYOS

11. Paano makikita sa pananamit ng mga tao ang espiritu ng sanlibutan?

11 Maipapakita rin nating hindi tayo bahagi ng sanlibutan sa pananamit at pag-aayos natin. Sa ngayon, iba-iba ang istilo ng pananamit ng marami. Ginagawa nila ito para kumuha ng atensiyon, pumukaw ng imoral na kaisipan, magrebelde sa lipunan, o ipakitang marami silang pera. Wala namang pakialam ang iba kung ano ang hitsura nila. Baka burara o madungis silang tingnan. Ayaw nating maimpluwensiyahan ng ganitong kaisipan ang ating pananamit at pag-aayos.

Napaparangalan ko ba si Jehova sa pananamit ko?

12, 13. Anong mga prinsipyo ang tutulong sa atin na magdesisyon kung ano ang isusuot natin?

12 Bilang mga lingkod ni Jehova, gusto nating manamit nang maayos, malinis, kagalang-galang, at bagay sa okasyon. Nananamit tayo nang may “kahinhinan at matinong pag-iisip” para maipakita ang ating “debosyon sa Diyos.”—1 Timoteo 2:9, 10; Judas 21.

13 May epekto ang pananamit natin sa magiging tingin ng iba kay Jehova at sa mga lingkod niya. Gusto nating gawin “ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos.” (1 Corinto 10:31) Kung mapagpakumbaba tayo, igagalang natin ang damdamin at opinyon ng iba. Kaya kapag pumipili ng damit o nag-iisip kung anong ayos ang gusto natin, tandaan natin na may epekto ito sa iba.—1 Corinto 4:9; 2 Corinto 6:3, 4; 7:1.

14. Ano ang dapat nating isipin kapag pumipili ng isusuot sa mga gawaing Kristiyano?

14 Paano tayo manamit kapag nasa pulong o ministeryo? Masyado ba itong nakakaagaw ng atensiyon? Naaasiwa ba ang iba sa pananamit natin? Iniisip ba natin na hindi dapat pakialaman ng iba ang pananamit natin dahil desisyon natin iyon? (Filipos 4:5; 1 Pedro 5:6) Siyempre, gusto nating maging maganda sa paningin ng iba, pero ang talagang magpapaganda sa atin ay ang mga katangian natin bilang Kristiyano. Ito ang tinitingnan ni Jehova sa atin. Ipinapakita nito ang “panloob na pagkatao” natin, at “napakahalaga [nito] sa paningin ng Diyos.”—1 Pedro 3:3, 4.

15. Bakit hindi nagbigay si Jehova ng espesipikong batas tungkol sa pananamit at pag-aayos?

15 Hindi nagbigay si Jehova ng listahan ng mga batas tungkol sa dapat at hindi dapat isuot. Sa halip, nagbigay siya ng mga prinsipyo sa Bibliya, na makakatulong sa atin na gumawa ng tamang desisyon. (Hebreo 5:14) Gusto niyang ipakita natin sa mga desisyon natin, malaki man o maliit, na mahal natin siya at ang iba. (Basahin ang Marcos 12:30, 31.) Sa buong mundo, iba-iba ang istilo ng pananamit ng mga lingkod ni Jehova, depende sa kultura o sa gusto nila. Magandang tingnan at nakakaginhawa ang pagkakasari-saring ito.

BALANSENG PANANAW SA PERA

16. Bakit ibang-iba sa itinuro ni Jesus ang pananaw ng sanlibutan sa pera? Ano ang mga dapat nating itanong sa sarili?

16 Gusto ni Satanas na isipin ng tao na ang pera at materyal na mga bagay ang magpapasaya sa kanila, pero alam ng mga lingkod ni Jehova na hindi totoo iyan. Nagtitiwala tayo sa sinabi ni Jesus: “Kahit sagana ang isang tao, ang mga ari-arian niya ay hindi makapagbibigay sa kaniya ng buhay.” (Lucas 12:15) Hindi tayo magiging tunay na maligaya dahil sa pera. Hindi ito makapagbibigay ng tunay na mga kaibigan, kapayapaan ng isip, o buhay na walang hanggan. Siyempre, kailangan din naman natin ng materyal na mga bagay, at gusto nating maging masaya sa buhay. Pero itinuro ni Jesus na magiging masaya lang tayo kung maganda ang kaugnayan natin sa Diyos at kung pinakamahalaga sa buhay natin ang pagsamba sa Kaniya. (Mateo 5:3; 6:22, talababa) Tanungin ang sarili: ‘Naimpluwensiyahan na ba ako ng pananaw ng sanlibutan sa pera? Puro pera na lang ba ang iniisip o bukambibig ko?’—Lucas 6:45; 21:34-36; 2 Juan 6.

17. Ano ang magagandang epekto kung hindi mo tutularan ang pananaw ng sanlibutan sa pera?

17 Kung magpopokus tayo sa paglilingkod kay Jehova at hindi tutularan ang pananaw ng sanlibutan sa pera, magiging makabuluhan ang buhay natin. (Mateo 11:29, 30) Magiging kontento tayo at magiging payapa ang isip at puso natin. (Mateo 6:31, 32; Roma 15:13) Hindi tayo masyadong mag-aalala sa materyal na mga bagay. (Basahin ang 1 Timoteo 6:9, 10.) Magiging maligaya din tayo dahil sa pagbibigay. (Gawa 20:35) At magkakaroon tayo ng mas maraming panahon sa mga mahal natin sa buhay. Baka nga mas masarap pa ang tulog natin.—Eclesiastes 5:12.

“ANG KUMPLETONG KASUOTANG PANDIGMA”

18. Ano ang gustong gawin ni Satanas sa atin?

18 Sinisikap ni Satanas na sirain ang kaugnayan natin kay Jehova, kaya dapat nating gawin ang lahat para protektahan ito. May pakikipaglaban tayo “sa hukbo ng napakasasamang espiritu.” (Efeso 6:12) Ayaw ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo na maging masaya tayo o mabuhay magpakailanman. (1 Pedro 5:8) Nilalabanan tayo ng makapangyarihang mga kaaway na ito, pero tutulungan tayo ni Jehova na manalo!

19. Ano ang sinasabi ng Efeso 6:14-18 tungkol sa “kasuotang pandigma” ng isang Kristiyano?

19 Noon, kailangan ng mga sundalo ng kasuotang pandigma para protektahan ang sarili nila sa labanan. Tulad nila, dapat din nating isuot ang “kasuotang pandigma” na ibinigay sa atin ni Jehova. (Efeso 6:13) Poprotektahan tayo nito. Tungkol sa kasuotang ito, sinasabi sa Efeso 6:14-18: “Tumayo kayong matatag, na suot ang sinturon ng katotohanan at ang baluti ng katuwiran at suot sa inyong mga paa ang sandalyas ng mabuting balita ng kapayapaan, na handa ninyong ihayag. Kunin din ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya, na magagamit ninyo bilang panangga sa lahat ng nagliliyab na palaso ng isa na masama. Gayundin, tanggapin ninyo ang helmet ng kaligtasan at ang espada ng espiritu, ang salita ng Diyos. Kasabay nito, sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng panalangin at pagsusumamo ay patuloy kayong manalangin sa bawat pagkakataon kaayon ng espiritu.”

20. Ano ang dapat nating gawin para matulungan tayo ng ating “kasuotang pandigma”?

20 Kung malimutan ng sundalo ang isang bahagi ng kasuotang pandigma at mawalan ng proteksiyon ang isang bahagi ng katawan niya, doon siya titirahin ng kaaway. Para maprotektahan tayo ng ating “kasuotang pandigma,” hindi natin dapat kalimutan ang anumang bahagi nito. Kailangang suot natin ito lagi at tiyaking maayos ito. Magpapatuloy ang pakikipaglaban natin kay Satanas hanggang sa puksain ang sanlibutan niya at alisin siya at ang kaniyang mga demonyo sa lupa. (Apocalipsis 12:17; 20:1-3) Kaya kung nakikipaglaban tayo sa maling pagnanasa o kahinaan, hindi tayo dapat sumuko!—1 Corinto 9:27.

21. Paano tayo mananalo sa pakikipaglaban natin?

21 Hindi natin malalabanan ang Diyablo kung sa sariling kakayahan lang natin. Pero sa tulong ni Jehova, puwede tayong manalo! Para makapanatiling tapat, kailangan nating manalangin kay Jehova, pag-aralan ang Salita niya, at makipagsamahan sa mga kapatid. (Hebreo 10:24, 25) Tutulungan tayo nito na manatiling tapat sa Diyos at maging handang ipagtanggol ang pananampalataya natin.

MAGING HANDANG IPAGTANGGOL ANG PANANAMPALATAYA MO

22, 23. (a) Paano tayo magiging laging handa na ipagtanggol ang pananampalataya natin? (b) Ano ang pag-uusapan natin sa susunod na kabanata?

22 Kailangan nating maging laging handang ipagtanggol ang pananampalataya natin. (Juan 15:19) Sa ilang isyu, ibang-iba ang pananaw ng mga Saksi ni Jehova sa karamihan ng tao. Tanungin ang sarili: ‘Talaga bang naiintindihan ko kung bakit ganito ang paninindigan namin? Kumbinsido ba akong tama ang sinasabi ng Bibliya at ng tapat at matalinong alipin? Ipinagmamalaki ko bang Saksi ni Jehova ako? (Awit 34:2; Mateo 10:32, 33) Kaya ko bang ipaliwanag sa iba ang paniniwala ko?’—Mateo 24:45; Juan 17:17; basahin ang 1 Pedro 3:15.

23 Sa maraming sitwasyon, kitang-kita kung ano ang dapat nating gawin para manatiling hiwalay sa sanlibutan. Pero may mga pagkakataong hindi ito madaling malaman. Sinusubukan tayong biktimahin ni Satanas sa iba’t ibang paraan. Isa na rito ang libangan. Paano tayo magiging matalino sa pagpili ng libangan? Alamin natin iyan sa susunod na kabanata.