KABANATA 11
Naghintay Siya at Naging Mapagbantay
1, 2. Anong mahirap na atas ang napaharap kay Elias, at ano ang pagkakaiba nila ni Ahab?
NAIS ni Elias na makipag-usap nang sarilinan sa kaniyang Ama sa langit. Pero katatapos pa lang masaksihan ng pulutong ang pagpapababa ng tunay na propetang ito ng apoy mula sa langit, at tiyak na marami sa kanila ang gustong magpalakas kay Elias upang makakuha ng pabor. Bago makaahon si Elias sa taluktok ng Bundok Carmel upang manalangin sa Diyos na Jehova nang sarilinan, napaharap siya sa isang mahirap na atas. Kailangan niyang kausapin si Haring Ahab.
2 Magkaibang-magkaiba ang dalawang lalaking ito. Si Ahab, na nagagayakan ng maharlikang kasuutan, ay isang sakim at walang-paninindigang apostata. Si Elias naman ay nadaramtan ng opisyal na kasuutan ng isang propeta—isang simpleng damit na maaaring gawa sa balat ng hayop o hinabing balahibo ng kamelyo o kambing. Isa siyang lalaking may pambihirang lakas ng loob, katapatan, at pananampalataya. Dapit-hapon na, at marami nang naisiwalat hinggil sa pagkatao ng dalawang lalaking ito.
3, 4. (a) Bakit hindi naging maganda ang araw na iyon para kay Ahab at sa iba pang mananamba ni Baal? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
3 Hindi naging maganda ang araw na iyon para kay Ahab at sa iba pang mananamba ni Baal. Dumanas ng matinding dagok ang paganong relihiyon na itinataguyod ni Ahab at ng kaniyang asawang si Reyna Jezebel sa sampung-tribong kaharian ng Israel. Nabunyag na huwad si Baal. Kahit kaunting ningas ng apoy ay hindi nagawa ng walang-buhay na diyos na ito, sa kabila ng desperadong pamamanhik, pagsasayaw, at ritwal na pagpapatulo ng dugo ng kaniyang mga propeta. Hindi nailigtas ni Baal ang 450 lalaking iyon sa kamatayan, na nararapat lang sa kanila. Ngunit hindi diyan natapos ang pagkatalo ng huwad na diyos na ito dahil isang ganap na kabiguan ang naghihintay sa kaniya. Sa loob ng mahigit tatlong taon, nagmakaawa ang mga propeta ni Baal sa kanilang diyos na tapusin ang tagtuyot na sumasalot sa lupain, pero walang nagawa si Baal. Hindi na magtatagal, ipakikita ni Jehova na siya ang tunay na Diyos—tatapusin niya ang tagtuyot.—1 Hari 16:30–17:1; 18:1-40.
4 Subalit kailan kikilos si Jehova? Ano ang gagawin ni Elias habang hinihintay ang pagkilos ni Jehova? At ano ang matututuhan natin sa tapat na lalaking ito? Upang malaman ang sagot, suriin natin ang ulat.—Basahin angIsang Mabuting Halimbawa sa Pananalangin
5. Ano ang ipinagawa ni Elias kay Ahab, at natuto ba ng leksiyon si Ahab dahil sa mga nangyari nang araw na iyon?
5 Nilapitan ni Elias si Ahab at sinabi: “Umahon ka, kumain ka at uminom; sapagkat may hugong ng ingay ng ulan.” Natuto ba ng leksiyon ang ubod-samang haring ito dahil sa mga nangyari nang araw na iyon? Walang espesipikong sinasabi ang ulat ni may mababasa man na si Ahab ay nagsisi o nakiusap sa propeta na tulungan siyang lumapit kay Jehova upang mapatawad. Sa halip, si Ahab ay basta “umahon upang kumain at uminom.” (1 Hari 18:41, 42) Ano naman ang ginawa ni Elias?
6, 7. Ano ang ipinanalangin ni Elias, at bakit?
6 “Kung tungkol kay Elias, umahon siya sa taluktok ng Carmel at nagsimulang yumukyok sa lupa at inilagay ang kaniyang mukha sa pagitan ng kaniyang mga tuhod.” Pagkaalis ni Ahab para kumain, may pagkakataon si Elias upang manalangin sa kaniyang Ama sa langit. Pansinin ang kaniyang kapakumbabaan—nakaluhod at Santiago 5:18 na nanalangin si Elias para matapos na ang tagtuyot. Malamang na iyan ang ipinanalangin niya kay Jehova noong nasa taluktok siya ng Carmel.
nakasubsob si Elias, anupat halos dumikit na ang mukha niya sa kaniyang tuhod. Ano ang ginagawa ni Elias? Hindi na natin kailangang hulaan. Sinasabi ng Bibliya sa7 Bago nito, sinabi ni Jehova: “Ako ay determinadong magbigay ng ulan sa ibabaw ng lupa.” (1 Hari 18:1) Kaya nanalangin si Elias na sana’y matupad ang inihayag na kalooban ni Jehova, gaya ng itinuro ni Jesus, makalipas ang mga isang libong taon, na ipanalangin ng kaniyang mga alagad.—Mat. 6:9, 10.
8. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Elias tungkol sa pananalangin?
8 Marami tayong matututuhan sa halimbawa ni Elias tungkol sa pananalangin. Pangunahin kay Elias ang katuparan ng kalooban ng Diyos. Kapag nananalangin tayo, mahalagang tandaan: “Anumang bagay ang hingin natin ayon sa . . . kalooban [ng Diyos], tayo ay pinakikinggan niya.” (1 Juan 5:14) Kung gayon, upang pakinggan ng Diyos ang ating mga panalangin, kailangan nating alamin ang kaniyang kalooban—kaya talagang dapat nating pag-aralan ang Bibliya araw-araw. Tiyak na gusto rin ni Elias na matapos na ang tagtuyot dahil sa nakikita niyang pagdurusa ng mga kababayan niya. Malamang na nag-uumapaw sa pasasalamat ang puso niya sa himalang ginawa ni Jehova nang araw na iyon. Dapat ding makita sa ating mga panalangin ang taos-pusong pasasalamat at pagkabahala sa kapakanan ng iba.—Basahin ang 2 Corinto 1:11; Filipos 4:6.
May Tiwala at Mapagbantay
9. Ano ang ipinagawa ni Elias sa kaniyang tagapaglingkod, at anong dalawang katangian ang tatalakayin natin?
9 Nakatitiyak si Elias na kikilos si Jehova upang tapusin ang tagtuyot, pero hindi niya tiyak kung kailan ito gagawin ni Jehova. Kaya ano muna ang ginawa ng propeta? Pansinin ang sinasabi ng ulat: “Sinabi niya sa kaniyang tagapaglingkod: ‘Umahon ka, pakisuyo. Tumingin ka sa direksiyon ng dagat.’ Kaya umahon siya at tumingin at pagkatapos ay nagsabi: ‘Wala akong nakikita.’ At siya ay nagsabi, ‘Bumalik ka,’ nang pitong ulit.” (1 Hari 18:43) Dalawang aral ang matututuhan natin sa halimbawa ni Elias. Una, pansinin ang pagtitiwala ng propeta. Ikalawa, pag-isipan ang kaniyang pagiging mapagbantay.
Sabik si Elias na makakita ng palatandaan na malapit nang kumilos si Jehova
10, 11. (a) Paano ipinakita ni Elias na nagtitiwala siya sa pangako ni Jehova? (b) Bakit makapagtitiwala rin tayo na gaya ni Elias?
10 Dahil nagtitiwala si Elias sa pangako ni Jehova, sabik siyang
makakita ng palatandaan na malapit nang kumilos si Jehova. Pinaakyat niya ang kaniyang tagapaglingkod sa isang mataas na dako para tingnan kung may nagbabadyang ulan. Nang bumalik ang tagapaglingkod, matamlay niyang sinabi: “Wala akong nakikita.” Maaliwalas ang kalangitan. Pero may napansin ka bang nakapagtataka? Tandaan, kasasabi pa lang ni Elias kay Haring Ahab: “May hugong ng ingay ng ulan.” Bakit kaya sinabi iyon ng propeta gayong wala namang makapal na ulap?11 Alam ni Elias ang pangako ni Jehova. Bilang propeta at kinatawan ni Jehova, sigurado siyang tutuparin ng kaniyang Diyos ang Kaniyang salita. Sa laki ng tiwala ni Elias, para bang naririnig na niya ang malakas na buhos ng ulan. Ipinaaalaala nito ang paglalarawan ng Bibliya kay Moises: “Nagpatuloy siyang matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.” Totoong-totoo rin ba sa iyo ang Diyos? Nagbibigay siya ng sapat na dahilan para magkaroon tayo ng gayong pananampalataya sa kaniya at sa kaniyang mga pangako.—Heb. 11:1, 27.
12. Paano naging mapagbantay si Elias, at ano ang reaksiyon niya sa balitang may isang maliit na ulap?
12 Pansinin naman ngayon kung paano naging mapagbantay si Elias. Pinaakyat niya sa mataas na dako ang kaniyang tagapaglingkod, hindi lang isa o dalawang beses, kundi pitong beses! Maguguniguni natin ang pagod ng tagapaglingkod sa pagpapabalik-balik, pero sabik pa rin si Elias na makakita ng tanda at hindi siya nawalan ng pag-asa. Sa wakas, pagkatapos ng ikapitong pag-akyat ng tagapaglingkod, sinabi niya: “Narito! May isang maliit na ulap na tulad ng palad ng isang tao na umaahon mula sa dagat.” Naiisip mo ba ang hitsura ng tagapaglingkod habang nakaunat ang bisig at tila sinusukat ng kaniyang palad ang maliit na ulap na pumapaitaas mula sa Malaking Dagat? Baka bale-wala lang ito sa tagapaglingkod. Pero para kay Elias, mahalaga ang ulap na iyon. Inutusan niya agad ang kaniyang tagapaglingkod: “Umahon ka, sabihin mo kay Ahab, ‘Magsingkaw ka! At lumusong ka upang hindi ka mapigilan ng ulan!’”—1 Hari 18:44.
13, 14. (a) Paano natin matutularan ang pagiging mapagbantay ni Elias? (b) Bakit kailangan tayong kumilos nang apurahan?
13 Muli, nagpakita si Elias ng isang napakahusay na halimbawa para sa atin. Tayo rin ay nabubuhay sa isang panahon kung kailan malapit nang kumilos ang Diyos para tuparin ang kaniyang inihayag na layunin. Hinintay ni Elias ang katapusan ng tagtuyot; hinihintay naman ng mga lingkod ng Diyos sa ngayon ang katapusan ng napakasamang sistema ng mga bagay ng sanlibutan. (1 Juan 2:17) Gaya ni Elias, kailangan nating manatiling mapagbantay hanggang sa kumilos ang Diyos na Jehova. Pinayuhan ni Jesus, na Anak ng Diyos, ang mga tagasunod niya: “Patuloy kayong magbantay, kung gayon, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.” (Mat. 24:42) Nangangahulugan ba ito na ang mga tagasunod ni Jesus ay mangangapa sa dilim hinggil sa kung kailan sasapit ang wakas? Hindi, sapagkat marami siyang sinabi tungkol sa magiging kalagayan ng daigdig bago dumating ang wakas. Nakikita nating lahat na natutupad ang detalyadong tandang iyan ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Basahin ang Mateo 24:3-7.
Sapat na ang isang maliit na ulap para makumbinsi si Elias na malapit nang kumilos si Jehova. Ang tanda ng mga huling araw ay nagbibigay ng matitibay na dahilan para kumilos nang apurahan
14 Ang bawat bahagi ng tandang iyan ay nagbibigay ng matibay at nakakukumbinsing ebidensiya. Sapat na ba iyon para maging apurahan tayo sa paglilingkod kay Jehova? Sapat na ang isang maliit na ulap para makumbinsi si Elias na malapit nang kumilos si Jehova. Nabigo ba ang tapat na propeta sa kaniyang inaasahan?
Nagdudulot si Jehova ng Kaginhawahan at mga Pagpapala
15, 16. Anong mga pangyayari ang napakabilis na naganap, at ano ang maaaring iniisip ni Elias na gagawin ni Ahab?
15 Sinasabi sa atin ng ulat: “Nang pagkakataong iyon, ang langit ay nagdilim dahil sa mga ulap at hangin at isang malakas na ulan ang nagsimulang dumating. At si Ahab ay patuloy na sumakay at yumaon patungo sa Jezreel.” (1 Hari 18:45) Napakabilis ng mga pangyayari. Habang inihahatid ng tagapaglingkod ni Elias ang mensahe ng propeta kay Ahab, dumami ang ulap at nagdilim ang langit. Humihip ang malakas na hangin. Sa wakas, pagkalipas ng tatlo at kalahating taon, nakatikim ng ulan ang lupain ng Israel. Napatid ang uhaw ng tigang na lupa. Nang lumakas pa ang ulan, umapaw ang ilog ng Kison, at siguradong nahugasan ang dugo ng pinatay na mga propeta ni Baal. Pagkakataon na ngayon ng masuwaying mga Israelita na alisin sa lupain ang karima-rimarim na pagsamba kay Baal.
16 Tiyak na iyan ang gustong mangyari ni Elias! Marahil iniisip niya kung paano tutugon si Ahab sa kamangha-manghang mga pangyayaring iyon. Magsisisi ba si Ahab at tatalikod mula sa napakaruming pagsamba kay Baal? Ang mga nangyari nang araw na iyon ay matibay sanang dahilan para magbago siya. Siyempre pa, hindi natin alam kung ano ang nasa isip ni Ahab noon. Sinasabi lang ng ulat na ang hari ay “patuloy na sumakay at yumaon patungo sa Jezreel.” Natuto ba siya ng leksiyon? Handa na ba siyang magbago? Ipinahihiwatig ng sumunod na mga pangyayari na ang sagot ay hindi. Subalit hindi pa tapos ang araw para kina Ahab at Elias.
17, 18. (a) Ano ang nangyari kay Elias sa daan papuntang Jezreel? (b) Ano ang kamangha-mangha sa pagtakbo ni Elias mula Carmel hanggang Jezreel? (Tingnan din ang talababa.)
17 Sinimulang tahakin ng propeta ni Jehova ang daang binagtas ni Ahab. Mahaba ang paglalakbay, at ang daan ay maputik at madilim. Pero nakapagtataka ang sumunod na nangyari.
18 “Ang mismong kamay ni Jehova ay suma kay Elias, anupat binigkisan niya ang kaniyang mga balakang at tumakbo nang una pa kay Ahab hanggang sa Jezreel.” (1 Hari 18:46) Maliwanag, inaalalayan ng “mismong kamay ni Jehova” si Elias sa kahima-himalang paraan. Tatlumpung kilometro ang layo ng Jezreel, at matanda na si Elias. * Gunigunihin ang propeta na nagbibigkis ng mahabang kasuutan sa kaniyang balakang upang malaya siyang makagalaw, at tumatakbo sa maputik na daanang iyon—napakabilis anupat naabutan niya at nalampasan pa nga ang karo ng hari!
19. (a) Anong mga hula ang ipinaaalaala sa atin ng bigay-Diyos na lakas at sigla ni Elias? (b) Habang tumatakbo si Elias papuntang Jezreel, sa ano siya nakatitiyak?
19 Isa ngang pagpapala iyan para kay Elias! Ang madama ang gayong lakas at sigla—marahil higit pa sa taglay niya noong kaniyang kabataan—ay talagang kapana-panabik na karanasan. Ipinaaalaala nito sa atin ang mga hulang tumitiyak ng sakdal na kalusugan at kalakasan para sa mga tapat sa darating na Paraiso sa lupa. (Basahin ang Isaias 35:6; Luc. 23:43) Habang tumatakbo si Elias sa maputik na daang iyon, nakatitiyak siyang nasa kaniya ang pagsang-ayon ng kaniyang Ama, ang tanging tunay na Diyos, si Jehova!
20. Paano natin matatamo ang mga pagpapala ni Jehova?
20 Gustung-gusto ni Jehova na pagpalain tayo. Sikapin nating matamo ang kaniyang mga pagpapala; sulit ang lahat ng ating pagsisikap. Gaya ni Elias, kailangan nating maging mapagbantay, anupat maingat na isinasaalang-alang ang matibay na ebidensiyang nagpapakita na malapit nang kumilos si Jehova sa mapanganib na panahong ito ng kawakasan. Gaya ni Elias, marami tayong dahilan upang lubos na magtiwala sa mga pangako ni Jehova, ang “Diyos ng katotohanan.”—Awit 31:5.
^ par. 18 Di-nagtagal pagkatapos nito, inatasan ni Jehova si Elias upang sanayin si Eliseo, na nakilala nang maglaon bilang ang isa na “nagbuhos ng tubig sa mga kamay ni Elias.” (2 Hari 3:11) Si Eliseo ay naging tagapaglingkod ni Elias at maliwanag na naglaan ng praktikal na tulong sa nakatatandang lalaki.