Awit ni Solomon 2:1-17
2 “Isa akong hamak na safron+ sa baybaying kapatagan,+ isang liryo sa mabababang kapatagan.”+
2 “Tulad ng isang liryo sa gitna ng matitinik na panirang-damo, gayon ang kaibigan kong babae sa gitna ng mga anak na babae.”+
3 “Tulad ng puno ng mansanas+ sa gitna ng mga punungkahoy sa kagubatan, gayon ang mahal ko sa gitna ng mga anak na lalaki.+ Ang kaniyang lilim ay marubdob kong ninanasa, at doon ako umuupo, at ang kaniyang bunga ay matamis sa aking ngalangala.
4 Dinala niya ako sa bahay ng alak,+ at ang kaniyang watawat+ sa ibabaw ko ay pag-ibig.+
5 Paginhawahin ninyo ako sa mga kakaning pasas,+ palakasin ninyo ako sa mga mansanas; sapagkat ako ay may sakit sa pag-ibig.+
6 Ang kaniyang kaliwang kamay ay nasa ilalim ng aking ulo; at ang kaniyang kanang kamay—nakayakap ito sa akin.+
7 Pinanumpa+ ko kayo, O mga anak na babae ng Jerusalem, sa harap ng mga babaing gasela+ o sa harap ng mga babaing usa+ sa parang, na hindi ninyo tatangkaing gisingin o pukawin sa akin ang pag-ibig hanggang sa naisin nito.+
8 “Ang tinig ng mahal ko!+ Narito! Ang isang ito ay dumarating,+ umaakyat sa mga bundok, lumulukso sa mga burol.
9 Ang mahal ko ay kahalintulad ng isang gasela+ o ng batang lalaking usa. Narito! Ang isang ito ay nakatayo sa likuran ng aming pader, nagmamasid mula sa mga bintana, tumatanaw mula sa pagitan ng mga sala-sala.+
10 Ang mahal ko ay sumagot at nagsabi sa akin, ‘Bumangon ka, ikaw na kaibigan kong babae, ang maganda ko,+ at tayo na.+
11 Sapagkat, narito! ang tag-ulan+ ay nakaraan na, ang ulan ay tumigil na, yumaon na ito.
12 Ang mga bulaklak ay lumitaw na sa lupain,+ ang mismong panahon ng pagtatabas sa punong ubas+ ay dumating na, at ang tinig ng batu-bato+ ay naririnig na sa ating lupain.
13 Kung tungkol sa puno ng igos,+ iyon ay nagkulay-hinog na dahil sa mga unang igos+ nito; at ang mga punong ubas ay namumulaklak, nagbibigay na sila ng kanilang bango. Bumangon ka, halika, O kaibigan kong babae,+ ang maganda ko, at tayo na.
14 O kalapati+ ko na nasa mga puwang ng malaking bato, sa kubling dako ng matarik na daan, ipakita mo sa akin ang iyong anyo,+ iparinig mo sa akin ang iyong tinig, sapagkat ang iyong tinig ay kalugud-lugod at ang iyong anyo ay kahali-halina.’ ”+
15 “Hulihin ninyo ang mga sorra+ para sa amin, ang maliliit na sorra na naninira ng mga ubasan, sapagkat ang aming mga ubasan ay namumulaklak.”+
16 “Ang mahal ko ay akin at ako ay kaniya.+ Siya ay nagpapastol+ sa gitna ng mga liryo.+
17 Hanggang sa humihip ang araw at tumakas ang mga anino, bumalik ka, O mahal ko; maging gaya ka ng gasela+ o ng batang lalaking usa sa ibabaw ng mga bundok ng paghihiwalay.