Unang Liham sa mga Taga-Corinto 5:1-13
Talababa
Study Notes
seksuwal na imoralidad: Ang salitang Griego na por·neiʹa ay sumasaklaw sa lahat ng seksuwal na gawain na labag sa sinasabi ng Bibliya. Kasama rito ang pangangalunya, prostitusyon, seksuwal na gawain sa pagitan ng mga hindi mag-asawa, pakikipagtalik sa kasekso, at pakikipagtalik sa hayop.—Tingnan sa Glosari.
ibigay ang gayong tao kay Satanas: Isa itong utos na alisin, o itiwalag, ang isang tao sa kongregasyon. (1Co 5:13; 1Ti 1:20) At ang taong iyon ay magiging bahagi ng mundo, kung saan si Satanas ang diyos at tagapamahala. (1Ju 5:19) Ang pagtitiwalag ay mag-aalis sa makalamang impluwensiya na nakakasamâ sa kongregasyon. Dahil diyan, maiingatan ang “espirituwalidad ng kongregasyon.”—2Ti 4:22.
lebadura: O “pampaalsa.” Substansiyang inilalagay sa masa bilang pampaalsa; partikular na tumutukoy sa bahagi ng pinaalsang masa na itinabi mula sa naunang ginawa. (Exo 12:20) Ang terminong ito ay madalas gamitin sa Bibliya bilang sagisag ng kasalanan at kasamaan.—Tingnan ang study note sa Mat 16:6.
nagpapaalsa: O “kumakalat; nakakaapekto.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito, zy·moʹo (“paalsahin”), ay kaugnay ng pangngalan para sa “lebadura,” zyʹme, na ginamit din sa talatang ito. Sa Gal 5:9, ginamit din ni Pablo ang ganitong metapora, na lumilitaw na isang kasabihan noon.
Alisin ninyo ang lumang masa na may lebadura: Nang sabihin ito ni Pablo, nasa isip niya ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na ipinagdiriwang ng mga Judio pagkatapos na pagkatapos ng Paskuwa. Tuwing Paskuwa, inaalis ng mga Israelita ang lahat ng lebadura sa bahay nila. Sa katulad na paraan, kailangan ding kumilos ng mga Kristiyanong elder para alisin sa kongregasyon ang “lumang masa na may lebadura.” (1Co 5:8) Kung paanong kayang paalsahin ng kaunting lebadura ang isang limpak ng masa, kaya ring impluwensiyahan ng isang masamang tao ang buong kongregasyon at gawin itong marumi sa paningin ni Jehova.
wala na kayong lebadura: Ang lebadura ay madalas na sumasagisag sa kasalanan at kasamaan, kaya ikinumpara ni Pablo ang malinis at walang-batik na pamumuhay ng mga Kristiyano sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa.—1Co 5:8; tingnan ang study note sa Alisin ninyo ang lumang masa na may lebadura sa talatang ito at Glosari, “Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa.”
si Kristo na ating korderong pampaskuwa ay inihandog na: Tuwing Nisan 14, masayang ipinagdiriwang ng Israel ang Paskuwa. Taon-taon sa araw na iyon, pinagsasaluhan ng magkakapamilya ang isang walang-dungis na kordero. Hindi ipinagdiriwang ng mga Kristiyano ang Paskuwa. Pero ipinapaalala ng hapunang ito ang mahalagang papel ng dugo ng kordero sa pagliligtas sa mga panganay ng Israel noong Nisan 14, 1513 B.C.E. Nang panahong iyon, pinatay ng anghel ng Diyos ang lahat ng panganay ng mga Ehipsiyo, pero hindi ang mga panganay ng masunuring mga Israelita. (Exo 12:1-14) Sinasabi dito ni Pablo na ang korderong pampaskuwa ay kumakatawan kay Jesus. Namatay si Jesus noong Nisan 14, 33 C.E. Gaya ng dugo ng korderong pampaskuwa, ililigtas din ng dugo ni Jesus ang marami.—Ju 3:16, 36.
Sa liham ko sa inyo: Maliwanag na tinutukoy dito ni Pablo ang isang nauna niyang liham sa mga taga-Corinto, na hindi na nakarating sa atin. Lumilitaw na hindi na ito ipinasama ng Diyos sa Kasulatan, posibleng dahil para lang ito sa mga tumanggap ng sulat noon.—Tingnan ang study note sa 1Co 1:2.
tigilan ang pakikisama: Tingnan ang study note sa 1Co 5:11.
mga imoral: Salin ito ng pangngalang Griego na porʹnos, na kaugnay ng pangngalang por·neiʹa (seksuwal na imoralidad, 1Co 5:1) at ng pandiwang por·neuʹo (mamihasa sa seksuwal na imoralidad, 1Co 6:18). (Tingnan sa Glosari, “Seksuwal na imoralidad.”) Kilalá noon ang Corinto sa pagkakaroon ng mababang moralidad at sa pagsamba sa diyosang si Aphrodite. Itinataguyod ng pagsambang iyon ang kahalayan at imoralidad. (Ihambing ang study note sa 1Co 7:2.) Sinabi ni Pablo na ang ilang Kristiyano noon sa Corinto ay dating imoral pero nagbago at naging mabubuting kasama.—1Co 6:11.
mga imoral: Tingnan ang study note sa 1Co 5:9.
tigilan ang pakikisama: Ang salitang Griego na sy·na·na·miʹgny·mai, na isinaling “pakikisama,” ay nangangahulugang “makihalubilo.” (Ito rin ang pandiwang Griego na ginamit sa 2Te 3:14.) Kaya ang “pakikisama” sa iba ay nagpapahiwatig ng pakikipagkaibigan o ng pagiging malapít sa kanila at pagkakaroon ng mga saloobin at pananaw na gaya ng sa kanila. Kailangan ng mga Kristiyano sa Corinto na “tigilan ang pakikisama,” o pakikihalubilo, sa isang nagkasala na di-nagsisisi. Dapat nilang “alisin . . . ang masama sa gitna [nila].”—1Co 5:13.
imoral: Tingnan ang study note sa 1Co 5:9.
manlalait: O “nagsasalita nang may pang-aabuso.” Ang isang manlalait ay laging nang-iinsulto ng iba dahil gusto niyang saktan sila. Ang taong ayaw tumigil sa panlalait ay hindi karapat-dapat na maging bahagi ng kongregasyon.—1Co 5:11-13; 6:9, 10.
huwag man lang kumaing kasama ng gayong tao: Nililinaw dito ni Pablo kung ano ang ibig sabihin ng “tigilan ang pakikisama” sa sinuman sa kongregasyon na patuloy na gumagawa ng kasalanan at di-nagsisisi. Sa Bibliya, ang pagkain nang magkasama ay kadalasan nang tanda ng pakikipagkaibigan, at pagkakataon ito para mas lumalim ang samahan. Malinaw itong naiintindihan ng mga Judiong Kristiyano dahil ang mga Judio noon ay hindi nakikihalubilo o kumakaing kasama ng mga “tao ng ibang bansa.”—Mat 18:17; Gaw 10:28; 11:2, 3.
Alisin ninyo ang masama sa gitna ninyo: Sa simula ng kabanatang ito, sinabi ni Pablo na dapat alisin, o itiwalag, ang isang taong imoral sa kongregasyon. (1Co 5:1, 2; tingnan ang study note sa 1Co 5:1, 5.) Para ipakita ang basehan ng sinabi ni Pablo, sinipi niya ang utos ni Jehova sa Israel: “Alisin ang kasamaan sa gitna ninyo.” (Deu 17:7) Lumilitaw na sumipi siya mula sa Septuagint, kung saan ang mababasa ay “ang masama” sa halip na “ang kasamaan.” May mga katulad na utos ding mababasa sa Deu 19:19; 22:21, 24; 24:7.