Unang Cronica 28:1-21

28  Tinipon ni David sa Jerusalem ang lahat ng matataas na opisyal ng Israel: ang matataas na opisyal ng mga tribo, ang mga pinuno ng mga pangkat+ na naglilingkod sa hari, ang mga pinuno ng libo-libo at ang mga pinuno ng daan-daan,+ ang mga namamahala sa lahat ng pag-aari at hayupan ng hari+ at ng mga anak niya,+ kasama na ang mga opisyal ng palasyo at ang bawat lalaking malakas at may kakayahan.+ 2  Pagkatapos, tumayo si Haring David at nagsabi: “Pakinggan ninyo ako, mga kapatid at kababayan ko. Gustong-gusto kong magtayo ng bahay para maging permanenteng lugar para sa kaban ng tipan ni Jehova at maging tuntungan ng ating Diyos,+ at naghanda ako para sa pagtatayo nito.+ 3  Pero sinabi sa akin ng tunay na Diyos, ‘Hindi ka magtatayo ng bahay para sa pangalan ko+ dahil isa kang mandirigma, at nagpadanak ka ng dugo.’+ 4  Pero pinili ako ni Jehova na Diyos ng Israel mula sa buong sambahayan ng aking ama para maging hari sa Israel magpakailanman,+ dahil pinili niya ang Juda bilang lider+ at mula sa sambahayan ng Juda, ang sambahayan ng aking ama,+ at mula sa mga anak ng aking ama, ako ang kinalugdan niyang gawing hari sa buong Israel.+ 5  At sa lahat ng anak ko—dahil binigyan ako ni Jehova ng maraming anak+—pinili niya ang anak kong si Solomon+ para umupo sa trono ng paghahari ni Jehova sa Israel.+ 6  “Sinabi niya sa akin, ‘Ang anak mong si Solomon ang magtatayo ng aking bahay at ng aking mga looban, dahil pinili ko siya bilang anak ko, at ako ang magiging ama niya.+ 7  Gagawin kong matibay ang paghahari niya magpakailanman+ kung buong puso niyang susundin ang mga utos ko at hudisyal na pasiya,+ gaya ng ginagawa niya ngayon.’ 8  Kaya sinasabi ko sa harap ng buong Israel, na kongregasyon ni Jehova, at sa harap ng ating Diyos: Sundin ninyong mabuti at saliksikin ang lahat ng utos ni Jehova na inyong Diyos, para manatili kayo sa magandang lupain+ at maibigay ninyo ito bilang permanenteng mana sa mga anak ninyo. 9  “At ikaw, anak kong Solomon, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at maglingkod ka sa kaniya nang buong puso+ at may kagalakan,* dahil sinusuri ni Jehova ang lahat ng puso,+ at nalalaman niya ang takbo ng pag-iisip ng bawat isa.+ Kung hahanapin mo siya, hahayaan niyang makita mo siya,+ pero kung iiwan mo siya, itatakwil ka niya magpakailanman.+ 10  Tandaan mo, pinili ka ni Jehova para magtayo ng bahay bilang santuwaryo. Lakasan mo ang loob mo at simulan mo ang gawain.” 11  Pagkatapos, ibinigay ni David sa anak niyang si Solomon ang plano+ ng beranda+ at ng mga silid, ng mga imbakan, ng mga silid sa bubungan, ng mga silid sa loob, at ng bahay ng katubusan.*+ 12  Ibinigay niya rito ang plano ng lahat ng bagay na isiniwalat sa kaniya sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos para sa mga looban*+ ng bahay ni Jehova, para sa lahat ng silid-kainan sa palibot nito, para sa mga kabang-yaman ng bahay ng tunay na Diyos, at para sa mga kabang-yaman ng mga bagay na pinabanal.*+ 13  Ibinigay rin niya ang mga tagubilin may kinalaman sa mga pangkat ng mga saserdote+ at ng mga Levita, sa lahat ng atas sa paglilingkod sa bahay ni Jehova, at sa lahat ng kagamitan sa paglilingkod sa bahay ni Jehova; 14  pati sa timbang ng ginto, sa ginto para sa lahat ng kagamitan na gagamitin sa iba’t ibang paglilingkod, sa timbang ng lahat ng kagamitang pilak, at sa lahat ng kagamitan para sa iba’t ibang paglilingkod; 15  pati sa timbang ng mga gintong kandelero+ at sa mga gintong ilawan ng mga ito, sa timbang ng iba’t ibang kandelero at ng mga ilawan ng mga ito, at sa timbang ng mga pilak na kandelero, para sa bawat kandelero at sa mga ilawan nito ayon sa gamit ng mga ito; 16  at sa timbang ng ginto para sa mga mesa ng magkakapatong na tinapay,*+ para sa bawat mesa, at sa pilak para sa mga mesang pilak, 17  at sa mga tinidor, sa mga mangkok, sa mga pitsel na purong ginto, at sa timbang ng maliliit na mangkok na ginto,+ para sa bawat maliit na mangkok, at sa timbang ng maliliit na mangkok na pilak, para sa bawat maliit na mangkok. 18  Ibinigay rin niya ang timbang ng dinalisay na ginto para sa altar ng insenso+ at para sa sumisimbolo sa karwahe,+ ang mga kerubing+ ginto, na nakabuka ang mga pakpak at nakalukob sa kaban ng tipan ni Jehova. 19  Sinabi ni David: “Pinatnubayan ako ni Jehova,* at binigyan niya ako ng kaunawaan para maisulat ang lahat ng detalye ng plano.”+ 20  Pagkatapos, sinabi ni David sa anak niyang si Solomon: “Lakasan mo ang loob mo at magpakatatag ka at simulan mo ang gawain. Huwag kang matakot o masindak, dahil sumasaiyo ang Diyos na Jehova, na aking Diyos.+ Hindi ka niya pababayaan o iiwan.+ Siya ay sasaiyo hanggang sa matapos ang lahat ng gawain sa bahay ni Jehova. 21  Handa na ang mga pangkat ng mga saserdote+ at ng mga Levita+ para sa lahat ng paglilingkod sa bahay ng tunay na Diyos. Kasama mo ang mga dalubhasang manggagawa na handa sa bawat uri ng paglilingkod,+ pati ang matataas na opisyal+ at ang buong bayan na susunod sa lahat ng tagubilin mo.”

Talababa

O “at bukal sa loob.”
Lit., “bahay ng panakip na pampalubag-loob.”
O “bakuran.”
O “inialay.”
Tinapay na pantanghal.
O “Sumaakin ang kamay ni Jehova.”

Study Notes

Media