Unang Hari 17:1-24

17  At si Elias*+ na Tisbita, na nakatira sa Gilead,+ ay nagsabi kay Ahab: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova na Diyos ng Israel na pinaglilingkuran ko,* hindi magkakaroon ng hamog o ng ulan sa mga taóng ito malibang sabihin ko!”+ 2  Dumating sa kaniya ang mensaheng ito ni Jehova: 3  “Umalis ka rito, at pumunta ka sa gawing silangan at magtago sa Lambak* ng Kerit na nasa silangan ng Jordan. 4  Uminom ka mula sa sapa, at uutusan ko ang mga uwak na bigyan ka roon ng pagkain.”+ 5  Umalis siya agad at ginawa ang sinabi ni Jehova; pumunta siya sa Lambak* ng Kerit, sa silangan ng Jordan, at nanatili roon. 6  Dinadalhan siya ng mga uwak ng tinapay at karne sa umaga at ng tinapay at karne sa gabi, at umiinom siya mula sa sapa.+ 7  Pero makalipas ang ilang araw, natuyo ang sapa,+ dahil hindi umuulan sa lupain. 8  Pagkatapos, dumating sa kaniya ang mensaheng ito ni Jehova: 9  “Pumunta ka sa Zarepat, na sakop ng Sidon, at manatili ka roon. Uutusan ko ang isang biyuda roon na paglaanan ka ng pagkain.”+ 10  Kaya pumunta siya sa Zarepat. Pagdating niya sa pasukan ng lunsod, nakita niya ang isang biyuda na namumulot ng mga piraso ng kahoy. Sinabi niya rito: “Pakisuyo, bigyan mo ako ng kaunting tubig na maiinom.”+ 11  Nang kukunin na ito ng biyuda, sinabi ni Elias: “Pakisuyo, dalhan mo rin ako ng isang piraso ng tinapay.” 12  Sinabi ng babae: “Tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova na iyong Diyos, wala akong tinapay. Mayroon lang akong sandakot na harina sa malaking banga at kaunting langis sa maliit na banga.+ Namumulot ako ngayon ng ilang piraso ng kahoy, at uuwi ako sa bahay at maghahanda ng makakain naming mag-ina. Pagkatapos naming kumain, mamamatay na kami.” 13  Sinabi sa kaniya ni Elias: “Huwag kang matakot. Umuwi ka at gawin mo ang sinabi mo. Pero igawa mo muna ako ng maliit na tinapay mula sa natitirang harina, at dalhin mo iyon sa akin. Pagkatapos, makapaghahanda ka na ng makakain ninyong mag-ina. 14  Dahil ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel: ‘Ang malaking banga ng harina ay hindi mauubusan ng laman, at ang maliit na banga ng langis ay hindi matutuyuan hanggang sa araw na magpaulan si Jehova sa lupain.’”+ 15  Kaya umalis ang babae at ginawa ang sinabi ni Elias, at ang babae, ang pamilya niya, at si Elias ay hindi nawalan ng pagkain sa loob ng maraming araw.+ 16  Ang malaking banga ng harina ay hindi naubusan ng laman, at ang maliit na banga ng langis ay hindi natuyuan, gaya ng sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Elias. 17  Makalipas ang ilang panahon, nagkasakit ang anak ng biyuda,* at lumubha ang sakit nito at namatay.+ 18  Kaya sinabi niya kay Elias: “Ano ba ang nagawa ko sa iyo,* O lingkod ng tunay na Diyos? Pumunta ka ba rito para ipaalaala sa akin ang kasalanan ko at patayin ang anak ko?”+ 19  Sinabi ni Elias sa babae: “Ibigay mo sa akin ang anak mo.” Kinuha niya ang bata mula sa bisig nito at dinala ang bata sa silid sa bubungan kung saan siya tumutuloy, at inihiga niya ito sa higaan niya.+ 20  Nanalangin siya kay Jehova: “O Jehova na aking Diyos,+ magdadala ka rin ba ng kapahamakan sa biyuda na nagpatulóy sa akin? Hahayaan mo bang mamatay ang anak niya?” 21  Dumapa siya sa bata nang tatlong ulit, at nanalangin siya kay Jehova: “O Jehova na aking Diyos, pakisuyo, buhayin mong muli ang batang ito.” 22  Nakinig si Jehova sa hiling ni Elias,+ at nabuhay ang bata.+ 23  Kinuha ni Elias ang bata at ibinaba ito mula sa silid sa bubungan ng bahay at ibinigay ito sa kaniyang ina; at sinabi ni Elias: “Tingnan mo, buháy ang anak mo.”+ 24  Kaya sinabi ng babae kay Elias: “Alam ko na ngayon na talagang lingkod ka ng Diyos+ at na totoo ang mensahe ni Jehova na sinasabi mo.”

Talababa

Ibig sabihin, “Ang Diyos Ko ay si Jehova.”
Lit., “na sa harap niya ay nakatayo ako.”
O “Wadi.”
O “Wadi.”
O “may-bahay.”
O “Ano ang kinalaman ko sa iyo, . . .?”

Study Notes

Media