Unang Liham ni Juan 2:1-29
2 Mahal kong mga anak, sumulat ako sa inyo tungkol sa mga bagay na ito para hindi kayo magkasala. Pero kung magkasala ang sinuman, may katulong* tayo na kasama ng Ama, ang matuwid na si Jesu-Kristo.+
2 At siya ay pampalubag-loob na handog*+ para sa mga kasalanan natin,+ pero hindi lang para sa atin kundi para din sa buong sangkatauhan.*+
3 At masasabi nating kilala natin siya kung patuloy nating sinusunod ang mga utos niya.
4 Ang nagsasabing “Kilala ko siya” pero hindi sumusunod sa mga utos niya ay sinungaling at ang katotohanan ay wala sa taong iyon.
5 Pero kung ang isang tao ay sumusunod sa kaniyang salita, ang pag-ibig niya sa Diyos ay talagang ganap na.+ Sa ganitong paraan natin malalaman na kaisa natin siya.+
6 Ang sinumang nagsasabi na nananatili siyang kaisa niya ay may pananagutan na patuloy na lumakad kung paanong lumakad ang isang iyon.+
7 Mga minamahal, sumusulat ako sa inyo, hindi ng isang bagong utos, kundi ng isang lumang utos na ibinigay na sa inyo mula pa sa pasimula.+ Ang lumang utos na ito ay ang salita na narinig na ninyo.
8 Pero sumusulat ako sa inyo ng isang bagong utos, na totoo sa kaniyang kalagayan at sa inyo, dahil ang kadiliman ay lumilipas at ang tunay na liwanag ay sumisikat na.+
9 Ang nagsasabing nasa liwanag siya pero napopoot+ sa kapatid niya ay nasa kadiliman pa rin.+
10 Ang sinumang umiibig sa kapatid niya ay nananatili sa liwanag,+ at walang anumang makakatisod sa kaniya.*
11 Pero ang sinumang napopoot sa kapatid niya ay nasa kadiliman at lumalakad sa kadiliman,+ at hindi niya alam kung saan siya papunta,+ dahil binulag ng kadiliman ang mga mata niya.
12 Sumulat ako sa inyo, mahal na mga anak, dahil pinatawad na ang mga kasalanan ninyo alang-alang sa pangalan niya.+
13 Sumulat ako sa inyo, mga ama, dahil nakilala ninyo siya na umiiral na mula pa sa pasimula. Sumulat ako sa inyo, mga kabataang lalaki, dahil nadaig ninyo ang isa na masama.+ Sumulat ako sa inyo, mga anak, dahil nakilala ninyo ang Ama.+
14 Sumulat ako sa inyo, mga ama, dahil nakilala ninyo siya na umiiral na mula pa sa pasimula. Sumulat ako sa inyo, mga kabataang lalaki, dahil malalakas kayo+ at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo+ at nadaig ninyo ang isa na masama.+
15 Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay na nasa sanlibutan.+ Kung iniibig ng sinuman ang sanlibutan, wala siyang pag-ibig sa Ama;+
16 dahil ang lahat ng bagay sa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman+ at pagnanasa ng mga mata+ at pagyayabang ng mga pag-aari*—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.
17 Isa pa, ang sanlibutan ay lumilipas, pati ang pagnanasa nito,+ pero ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.+
18 Mga anak, ito na ang huling oras, at gaya ng narinig ninyo, ang antikristo ay darating,+ at marami na ngang lumitaw na antikristo maging sa ngayon,+ at dahil dito, alam nating ito na ang huling oras.
19 Lumabas sila mula sa atin, pero hindi natin sila kauri;*+ dahil kung kauri natin sila, nanatili sana silang kasama natin. Pero lumabas sila para mahayag na hindi lahat ay kauri natin.+
20 At kayo ay inatasan* ng isa na banal,+ at lahat kayo ay may kaalaman.
21 Sumulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan,+ kundi dahil alam ninyo ito, at dahil walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan.+
22 Sino ang sinungaling kundi ang nagkakaila na si Jesus ang Kristo?+ Ito ang antikristo,+ ang nagkakaila sa Ama at sa Anak.
23 Kung ikinakaila ng isa ang Anak, wala rin sa kaniya ang Ama.+ Pero kung kinikilala ng isa ang Anak,+ nasa kaniya rin ang Ama.+
24 At kayo, dapat manatili sa inyo ang mga narinig ninyo mula pa sa pasimula.+ Kung nananatili sa inyo ang narinig ninyo mula pa sa pasimula, kayo rin ay mananatiling kaisa ng Anak at kaisa ng Ama.
25 At ito ang ipinangako niya sa atin—buhay na walang hanggan.+
26 Sumulat ako sa inyo tungkol sa mga bagay na ito dahil may mga gustong magligaw sa inyo.
27 At kung tungkol naman sa inyo, inatasan* niya kayo+ at nananatili kayong gayon, at hindi ninyo kailangan ng magtuturo sa inyo; kundi ang pag-aatas* niya ang nagtuturo sa inyo ng lahat ng bagay,+ at ito ay totoo at hindi kasinungalingan. Gaya ng itinuro nito sa inyo, manatili kayong kaisa niya.+
28 Kaya ngayon, mahal na mga anak, manatili kayong kaisa niya, para kapag nahayag na siya ay magkaroon tayo ng kalayaan sa pagsasalita+ at hindi mapahiya sa panahon ng presensiya* niya.
29 Kung alam ninyo na matuwid siya, alam din ninyo na ang bawat isa na namumuhay nang matuwid ay anak niya.+
Talababa
^ O “tagapagtanggol.”
^ O “ay handog na pambayad-sala.”
^ O “sanlibutan.”
^ O posibleng “at hindi niya tinitisod ang iba.”
^ O “ng kabuhayan.”
^ O “hindi sila kabilang sa atin.”
^ Lit., “pinahiran.”
^ Lit., “pagpapahid.”
^ O “pagkanaririto.”