Unang Liham ni Pedro 4:1-19
4 Dahil si Kristo ay nagdusa sa laman,+ magkaroon kayo ng ganoon ding kaisipan;* dahil ang taong nagdusa sa laman ay huminto na sa paggawa ng kasalanan,+
2 para magamit niya ang natitira niyang panahon bilang tao,* hindi na para sa mga pagnanasa ng tao,+ kundi para sa kalooban ng Diyos.+
3 Dahil sapat na ang panahong nagdaan na ginagawa ninyo ang kalooban ng mga bansa+—ang paggawi nang may kapangahasan,* pagkakaroon ng di-makontrol na pagnanasa, labis na pag-inom ng alak, magulong pagsasaya, pagpapaligsahan sa pag-inom, at kasuklam-suklam na mga idolatriya.+
4 Nagtataka sila dahil hindi na kayo sumasama sa kanila sa gayong lusak ng pagpapakasasa, kaya nagsasalita sila ng masasama tungkol sa inyo.+
5 Pero ang mga taong ito ay mananagot sa isa na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay.+
6 Sa katunayan, ito ang dahilan kung bakit inihayag din sa mga patay ang mabuting balita,+ para kahit nahatulan na sila sa laman sa paningin ng tao, mabuhay sila kaayon ng espiritu sa paningin ng Diyos.
7 Pero ang wakas ng lahat ng bagay ay malapit na. Kaya magkaroon kayo ng matinong pag-iisip+ at maging laging handang manalangin.*+
8 Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa,+ dahil ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.+
9 Maging mapagpatuloy kayo sa isa’t isa nang walang bulong-bulungan.+
10 Ang kaloob na tinanggap ng bawat isa sa inyo ay gamitin ninyo sa paglilingkod sa isa’t isa bilang mabubuting katiwala ng walang-kapantay* na kabaitan ng Diyos na ipinapakita sa iba’t ibang paraan.+
11 Kung ang sinuman ay nagsasalita, magsalita siya na gaya ng naghahayag ng mensahe mula sa Diyos; kung ang sinuman ay naglilingkod, maglingkod siya na umaasa sa lakas na ibinibigay ng Diyos;+ para sa lahat ng bagay ay maluwalhati ang Diyos+ sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan ay sa kaniya magpakailanman. Amen.
12 Mga minamahal, huwag kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na nararanasan ninyo,+ na para bang may kakaibang nangyayari sa inyo.
13 Sa halip, patuloy kayong magsaya+ dahil nararanasan din ninyo ang mga pagdurusang naranasan ng Kristo,+ para sa panahon ng pagsisiwalat ng kaluwalhatian niya ay makapagsaya rin kayo at mag-umapaw sa kagalakan.+
14 Kung iniinsulto kayo dahil sa pangalan ni Kristo, maligaya kayo,+ dahil ang espiritu ng kaluwalhatian, ang espiritu ng Diyos, ay nasa inyo.
15 Pero huwag sanang magdusa ang sinuman sa inyo dahil sa pagiging mamamatay-tao o magnanakaw o sa paggawa ng masama o pakikialam sa buhay ng ibang tao.+
16 Pero kung ang sinuman ay nagdurusa bilang isang Kristiyano, huwag siyang mahiya,+ kundi patuloy niyang luwalhatiin ang Diyos habang tinataglay ang pangalang ito.
17 Dahil ito ang takdang panahon para ang paghatol ay simulan sa bahay ng Diyos.+ Ngayon, kung ito ay nagsimula muna sa atin,+ ano kaya ang mangyayari sa mga hindi masunurin sa mabuting balita ng Diyos?+
18 “At kung ang taong matuwid ay kailangang magsikap nang husto para iligtas siya ng Diyos, ano na lang ang mangyayari sa taong di-makadiyos at sa makasalanan?”+
19 Kaya nga kung ang isang tao ay nagdurusa kaayon ng kalooban ng Diyos, patuloy niyang ipagkatiwala ang sarili niya sa isang tapat na Maylalang habang gumagawa siya ng mabuti.+
Talababa
^ O “pasiya; determinasyon.”
^ Lit., “laman.”
^ O “maging alisto sa pananalangin.”
^ O “di-sana-nararapat.”