Unang Samuel 12:1-25
12 Bandang huli, sinabi ni Samuel sa buong Israel: “Ginawa ko na ang* lahat ng hiniling ninyo sa akin, at nag-atas ako ng isang hari na mamamahala sa inyo.+
2 Ngayon ay narito na ang haring mangunguna sa inyo!*+ Matanda na ako at maputi na ang buhok, at kasama ninyo ngayon ang aking mga anak,+ at nanguna ako sa inyo mula pa sa aking pagkabata hanggang sa araw na ito.+
3 Nandito ako sa harap ninyo. Kung may reklamo kayo sa akin, sabihin ninyo ito sa harap ni Jehova at ng pinili* niya:+ May kinuhanan ba ako sa inyo ng toro o asno?+ May dinaya ba ako o inapi? Tumanggap ba ako ng suhol sa kaninuman para ipikit ko ang mga mata ko sa kamalian?+ Kung oo, ibabalik ko sa inyo ang mga iyon.”+
4 Sumagot sila: “Hindi mo kami dinaya o inapi, at hindi ka rin tumanggap ng anuman mula sa kamay ng sinuman.”
5 Kaya sinabi niya sa kanila: “Sa araw na ito, saksi ko si Jehova at ang pinili* niya na wala kayong nakitang anumang maipaparatang sa akin.”* Sinabi nila: “Siya ay saksi.”
6 Kaya sinabi ni Samuel sa bayan: “Saksi si Jehova, na siyang nag-atas kay Moises at kay Aaron at naglabas sa inyong mga ninuno mula sa lupain ng Ehipto.+
7 Ngayon ay lumapit kayo, at hahatulan ko kayo sa harap ni Jehova ayon sa lahat ng kabutihang ginawa ni Jehova sa inyo at sa mga ninuno ninyo.
8 “Nang pumasok si Jacob sa Ehipto+ at humingi ng tulong kay Jehova ang inyong mga ninuno,+ isinugo ni Jehova sina Moises+ at Aaron para akayin ang inyong mga ninuno palabas ng Ehipto at patirahin sa lugar na ito.+
9 Pero kinalimutan nila si Jehova na kanilang Diyos, at ibinigay* niya sila+ sa kamay ni Sisera+ na pinuno ng hukbo ng Hazor at sa kamay ng mga Filisteo+ at sa kamay ng hari ng Moab,+ at nakipaglaban sila sa mga ito.
10 At humingi sila ng tulong kay Jehova+ at nagsabi, ‘Nagkasala kami+ dahil iniwan namin si Jehova para maglingkod sa mga Baal+ at sa mga imahen ni Astoret;+ ngayon ay iligtas mo kami mula sa kamay ng mga kaaway namin para makapaglingkod kami sa iyo.’
11 Kaya isinugo ni Jehova si Jerubaal+ at si Bedan at si Jepte+ at si Samuel+ at iniligtas kayo mula sa kamay ng mga kaaway sa palibot ninyo, para makapamuhay kayo nang payapa.+
12 Nang makita ninyong sasalakayin kayo ni Nahas+ na hari ng mga Ammonita, paulit-ulit ninyong sinasabi sa akin, ‘Basta! Gusto naming magkaroon ng isang hari!’+ samantalang si Jehova na inyong Diyos ang inyong Hari.+
13 Ngayon ay narito na ang hari na pinili ninyo, ang hiniling ninyo. Si Jehova ay nag-atas ng hari para mamahala sa inyo.+
14 Kung matatakot kayo kay Jehova+ at maglilingkod sa kaniya+ at makikinig sa tinig niya+ at hindi kayo maghihimagsik laban sa utos ni Jehova, at kayo at ang hari na namamahala sa inyo ay susunod kay Jehova na inyong Diyos, mabuti.
15 Pero kung hindi kayo makikinig sa tinig ni Jehova at maghihimagsik kayo laban sa utos ni Jehova, kayo at ang inyong mga ama ay paparusahan ni Jehova.+
16 Humanda kayo ngayon at tingnan ang kamangha-manghang bagay na gagawin ni Jehova sa harap ninyo.
17 Hindi ba pag-aani ng trigo ngayon? Hihilingin ko kay Jehova na magpakulog siya at magpaulan; at malalaman ninyo at maiintindihan kung gaano kasama sa paningin ni Jehova ang paghingi ninyo ng hari.”+
18 Pagkatapos, tumawag si Samuel kay Jehova, at si Jehova ay nagpakulog at nagpaulan nang araw na iyon, kaya ang buong bayan ay takot na takot kay Jehova at kay Samuel.
19 At sinabi ng buong bayan kay Samuel: “Ipanalangin mo ang iyong mga lingkod kay Jehova na iyong Diyos,+ dahil ayaw naming mamatay. Dinagdagan pa namin ang mga kasalanan namin nang humingi kami ng isang hari.”
20 Kaya sinabi ni Samuel sa bayan: “Huwag kayong matakot. Ginawa nga ninyo ang lahat ng kasamaang ito. Pero ngayon, huwag na ninyong susuwayin si Jehova,+ at maglingkod kayo kay Jehova nang inyong buong puso.+
21 Huwag kayong lilihis para sumunod sa walang-kabuluhang* mga bagay,+ na walang pakinabang+ at hindi makapagliligtas, dahil ang mga iyon ay walang kabuluhan.*
22 Pinili kayo ni Jehova para maging bayan niya.+ Hindi pababayaan ni Jehova ang bayan niya+ alang-alang sa kaniyang dakilang pangalan.+
23 Ako naman, hindi ko magagawang tumigil sa pananalangin para sa inyo dahil magkakasala ako kay Jehova, at patuloy kong ituturo sa inyo kung ano ang mabuti at tama.
24 Matakot lang kayo kay Jehova,+ at maglingkod sa kaniya nang tapat* at nang inyong buong puso. Hindi ba napakarami niyang ginawang dakilang bagay para sa inyo?+
25 Pero kung magmamatigas kayo sa paggawa ng masama, malilipol kayo,+ pati ang inyong hari.”+
Talababa
^ Lit., “Nakinig ako sa tinig ninyo tungkol sa.”
^ Lit., “lumalakad sa unahan ninyo.”
^ Lit., “pinahiran.”
^ Lit., “pinahiran.”
^ Lit., “wala kayong nakitang anuman sa kamay ko.”
^ Lit., “ipinagbili.”
^ O “di-totoong.”
^ O “hindi totoo.”
^ O “sa katotohanan.”