Unang Samuel 3:1-21

3  Samantala, ang batang si Samuel ay naglilingkod+ kay Jehova sa patnubay ni Eli, pero nang mga panahong iyon, bihira ang mensahe mula kay Jehova; napakadalang ng mga pangitain.+ 2  Isang araw, si Eli ay nakahiga sa kuwarto niya. Malabo na ang mga mata niya; hindi na siya makakita.+ 3  Ang lampara ng Diyos+ ay may sindi pa, at si Samuel ay nakahiga sa templo*+ ni Jehova, na kinaroroonan ng Kaban ng Diyos. 4  Tinawag ni Jehova si Samuel. Sumagot siya: “Ano po iyon?” 5  Tumakbo siya kay Eli at nagsabi: “Tinawag po ninyo ako. Ano po iyon?” Pero sinabi ni Eli: “Hindi kita tinawag. Mahiga ka ulit.” Kaya umalis siya at nahiga. 6  Tinawag ulit siya ni Jehova: “Samuel!” Kaya bumangon si Samuel at pumunta kay Eli at sinabi sa kaniya: “Tinawag po ninyo ako. Ano po iyon?” Pero sinabi ni Eli: “Hindi kita tinawag, anak ko. Humiga ka ulit.” 7  (Hindi pa kilala ni Samuel si Jehova, at hindi pa siya nakatatanggap ng mensahe mula kay Jehova.)+ 8  Muli siyang tinawag ni Jehova, sa ikatlong pagkakataon: “Samuel!” Kaya bumangon siya at pumunta kay Eli at sinabi sa kaniya: “Tinawag po ninyo ako. Ano po iyon?” Saka lang naisip ni Eli na si Jehova ang tumatawag sa bata. 9  Kaya sinabi ni Eli kay Samuel: “Humiga ka, at kapag tinawag ka niya ulit, sabihin mo, ‘Magsalita po kayo, Jehova. Nakikinig po ang lingkod ninyo.’” At umalis si Samuel at nahiga sa puwesto niya. 10  Dumating si Jehova at tumayo roon, at tinawag niya ang bata gaya ng mga unang pagkakataon: “Samuel, Samuel!” Sumagot si Samuel: “Magsalita po kayo. Nakikinig po ang lingkod ninyo.” 11  Sinabi ni Jehova kay Samuel: “Makinig ka! May gagawin ako sa Israel na kapag narinig ng sinuman ay kikilabutan siya.*+ 12  Sa araw na iyon, gagawin ko kay Eli ang lahat ng sinabi ko tungkol sa sambahayan niya, mula sa pasimula hanggang sa wakas.+ 13  Sabihin mo sa kaniya na paparusahan ko ang sambahayan niya magpakailanman dahil sa pagkakamaling ito. Alam niyang+ isinusumpa ng mga anak niya ang Diyos,+ pero hindi niya sila sinasaway.+ 14  Kaya sumumpa ako sa sambahayan ni Eli na ang pagkakamali ng sambahayan niya ay hindi kailanman matutubos ng mga hain o handog.”+ 15  Humiga si Samuel hanggang kinaumagahan. Pagkatapos, binuksan niya ang mga pinto ng bahay ni Jehova. Natatakot si Samuel na sabihin kay Eli ang pangitain. 16  Pero tinawag ni Eli si Samuel: “Samuel, anak ko!” Sumagot ito: “Ano po iyon?” 17  Tinanong niya ito: “Ano ang sinabi niya sa iyo? Pakisuyo, huwag mong ilihim iyon sa akin. Bigyan ka nawa ng Diyos ng mabigat na parusa kapag may inilihim ka sa mga sinabi niya sa iyo.” 18  Kaya sinabi ni Samuel sa kaniya ang lahat, at wala siyang anumang inilihim sa kaniya. Sinabi ni Eli: “Si Jehova iyon. Gawin niya nawa ang anumang mabuti sa paningin niya.” 19  Si Samuel ay patuloy na lumaki, at si Jehova ay sumasakaniya,+ at hindi Niya hinayaang mabigo* ang isa man sa mga salita ni Samuel. 20  Nalaman ng buong Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba na si Samuel ay talagang propeta ni Jehova. 21  At si Jehova ay patuloy na nagpakita sa Shilo, dahil nagpakilala si Jehova kay Samuel sa Shilo sa pamamagitan ng mga mensahe ni Jehova.+

Talababa

Tabernakulo.
Lit., “mangingilabot ang dalawang tainga niya.”
Lit., “bumagsak sa lupa.”

Study Notes

Media