Unang Liham sa mga Taga-Tesalonica 1:1-10

1  Akong si Pablo, kasama sina Silvano+ at Timoteo,+ ay sumusulat sa kongregasyon ng mga taga-Tesalonica+ na kaisa ng Diyos na Ama at ng Panginoong Jesu-Kristo:+ Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan. 2  Lagi naming pinasasalamatan ang Diyos kapag binabanggit namin kayong lahat sa panalangin,+ 3  dahil lagi naming naaalaala sa harap ng ating Diyos at Ama ang mga bagay na ginawa ninyo dahil sa inyong pananampalataya at pag-ibig at kung paano kayo nagtiis* dahil sa inyong pag-asa+ sa ating Panginoong Jesu-Kristo. 4  Dahil mga kapatid na minamahal ng Diyos, alam naming pinili niya kayo, 5  dahil nang ipangaral namin sa inyo ang mabuting balita, hindi lang kami basta nagsalita; ibinahagi namin iyon nang may puwersa, sa tulong ng banal na espiritu, at may kombiksiyon.+ At kayo mismo ang nakakita kung naging anong uri kami ng tao alang-alang sa inyo. 6  At tinularan ninyo kami+ at ang Panginoon,+ dahil tinanggap ninyo ang salita ng Diyos nang may kagalakan na mula sa banal na espiritu kahit nagdurusa kayo,+ 7  kaya naging halimbawa kayo sa lahat ng mananampalataya sa Macedonia at Acaya. 8  Ang totoo, hindi lang ang salita ni Jehova ang lumaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo; lumaganap din sa lahat ng lugar ang tungkol sa pananampalataya ninyo sa Diyos,+ kaya wala na kaming kailangan pang sabihin. 9  Dahil sila mismo ang paulit-ulit na nagsasabi kung paano namin kayo unang nakilala at kung paanong tinalikuran ninyo ang inyong mga idolo+ para magpaalipin sa buháy at tunay na Diyos 10  at para maghintay sa kaniyang Anak mula sa langit,+ si Jesus, na binuhay niyang muli* at siyang nagliligtas sa atin mula sa dumarating na poot ng Diyos.+

Talababa

O “nagbata.”
Lit., “na ibinangon niya mula sa mga patay.”

Study Notes

Unang Liham sa mga Taga-Corinto: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga liham. Ipinapakita ng papirong codex na tinatawag na P46 na gumagamit noon ang mga eskriba ng pamagat para tukuyin ang mga aklat ng Bibliya. Ang codex na ito ang pinakamatandang natagpuang koleksiyon ng mga liham ni Pablo, na pinaniniwalaang mula pa noong mga 200 C.E. Mababasa rito ang siyam sa mga liham niya. Sa simula ng unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, makikita sa codex na ito ang pamagat na Pros Ko·rinʹthi·ous A (“Para sa mga Taga-Corinto 1”). (Tingnan sa Media Gallery, “Unang Liham ni Pablo sa mga Taga-Corinto.”) May ganito ring pamagat ang iba pang sinaunang manuskrito, gaya ng Codex Vaticanus at Codex Sinaiticus ng ikaapat na siglo C.E. Sa mga manuskritong ito, lumitaw ang pamagat sa simula at sa katapusan ng liham.

Unang Liham sa mga Taga-Tesalonica: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga aklat.—Tingnan ang study note sa 1Co Pamagat.

Silvano: Malamang na ito ang anyong Latin ng pangalang Griego na Silas.—Tingnan ang study note sa 2Co 1:19.

kongregasyon ng mga taga-Tesalonica: Ang Tesalonica ang pangunahing daungan noon ng Macedonia, at isa itong mayamang lunsod nang makarating dito sina Pablo at Silas noong mga 50 C.E. (Tingnan sa Glosari, “Tesalonica.”) Dahil sa pagdalaw na ito at pangangaral nila sa Tesalonica, nabuo ang isang kongregasyon na nanatiling matatag sa harap ng matinding pag-uusig. (Gaw 17:1-10, 13, 14; tingnan ang study note sa 1Te 1:6.) Malamang na dinalaw muli ni Pablo ang lunsod na ito noong dumaan siya sa Macedonia.—Gaw 20:1-3; 1Ti 1:3.

ang mga bagay na ginawa ninyo dahil sa inyong pananampalataya at pag-ibig at kung paano kayo nagtiis dahil sa inyong pag-asa: Sinabi ni Pablo na nakikita sa mga ginagawa ng mga Kristiyano sa Tesalonica ang pananampalataya, pag-ibig, at pag-asa. Sa Griego, nasa anyong pangngalan ang mga salitang isinaling “pananampalataya,” “pag-ibig,” at “pag-asa.” Ang mga katangiang ito ang nag-udyok sa mga Kristiyano sa Tesalonica na maging masigasig sa paglilingkod sa Diyos. Ang ganitong sigasig sa paglilingkod ay paulit-ulit na iniuugnay ng Bibliya sa pananampalataya, pag-ibig, at pag-asa.—1Co 13:13; Gal 5:5, 6; Col 1:4, 5; 1Te 5:8; Heb 6:10-12; 10:22-24; 1Pe 1:21, 22.

dahil sa inyong pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Kristo: Makakayanan ng isang Kristiyano kahit ang pinakamatitinding pagsubok kung aasa siya kay Jesu-Kristo. Kasama sa mga inaasahan niya ang pagdating ni Kristo bilang Hari ng Kaharian ng Diyos at ang katuparan ng mga pangako ng Diyos. (Gaw 3:21) Kapag nangyari na iyan, makakalimutan na ng isang Kristiyano ang lahat ng paghihirap niya, gaanuman iyon katindi. Tutulong sa isang Kristiyano ang pag-asa para hindi siya sumuko at manatiling matibay ang pananampalataya niya kay Jehova. (Ro 5:4, 5; 8:18-25; 2Co 4:16-18; Apo 2:10) Sa liham ding ito, ikinumpara ni Pablo ang pag-asa sa isang helmet.—Tingnan ang study note sa 1Te 5:8.

may kombiksiyon: O “may matibay na pananalig.” Nakita ng mga Kristiyano sa Tesalonica na talagang pinaniniwalaan ni Pablo at ng kaniyang mga kasama ang ipinangangaral nila. Kitang-kita ang kombiksiyon nila sa paraan ng pagsasalita nila at pamumuhay.

kahit nagdurusa kayo: Tumutukoy ito sa pag-uusig na naranasan ng kongregasyon sa Tesalonica di-nagtagal matapos ibahagi sa kanila nina Pablo at Silas ang mabuting balita. Nagalit ang panatikong mga Judio sa paglaganap ng mabuting balita kaya sinulsulan nila ang mga tao na sugurin ang bahay kung saan nakatuloy si Pablo. Dahil hindi nila nakita si Pablo, kinaladkad nila ang may-ari ng bahay na si Jason at ang ilang kapatid papunta sa mga tagapamahala ng lunsod at inakusahan ang mga ito ng sedisyon. Kinagabihan, kinumbinsi ng mga kapatid sina Pablo at Silas na umalis ng lunsod at magpunta sa Berea. (Gaw 17:1-10) Kitang-kita ang pagkilos ng banal na espiritu sa mga Kristiyano sa Tesalonica dahil nakapanatili silang masaya sa kabila ng ganitong pag-uusig.

Acaya: Tingnan sa Glosari; tingnan din ang study note sa Gaw 18:12.

salita ni Jehova: O “mensahe ni Jehova.” Madalas lumitaw ang ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, at karaniwan na itong tumutukoy sa hula mula kay Jehova. (Ang ilang halimbawa ay makikita sa Isa 1:10; Jer 1:4, 11; Eze 3:16; 6:1; 7:1; Jon 1:1.) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, tumutukoy ang terminong ito sa mabuting balita ng mga Kristiyano na mula sa Diyos na Jehova at nakapokus sa mahalagang papel ni Jesu-Kristo sa katuparan ng layunin ng Diyos. Madalas itong gamitin sa aklat ng Gawa para tukuyin ang paglaganap ng Kristiyanismo.—Gaw 8:25; 12:24; 13:44, 48, 49; 15:35, 36; 16:32; 19:20; para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 1Te 1:8.

lumaganap: Ang salitang ito ay salin ng salitang Griego na e·xe·kheʹo·mai na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Inilalarawan nito ang tunog na umaalingawngaw sa lahat ng direksiyon. Masaya si Pablo dahil ang “salita ni Jehova” ay lumaganap sa mga Romanong lalawigan ng Macedonia at Acaya at sa iba pang lugar. Nang purihin ni Pablo ang mga Kristiyano sa Tesalonica dahil sa pagpapalaganap nila ng mabuting balita, ipinakita niyang pananagutan ng lahat ng Kristiyano na mangaral, hindi lang ng mga apostol.

tinalikuran: Ang ginamit dito ni Pablo na pandiwa ay literal na nangangahulugang “bumalik; tumalikod,” pero dito at sa iba pang konteksto, nangangahulugan itong pagtalikod sa maling landasin para makapanumbalik sa Diyos. (Tingnan ang study note sa Gaw 3:19.) Tama ang desisyon ng mga Kristiyanong ito na talikuran ang pagsamba sa mga idolo at magpaalipin sa “buháy at tunay na Diyos.”

inyong mga idolo: Laganap ang idolatriya sa Tesalonica. Punong-puno ang lunsod na ito ng mga templo para sa mga diyos na gaya nina Dionysus, Zeus, Artemis, at Apolos. May mga templo din para sa ilang bathala ng Ehipto at sa mga miyembro ng kulto ni Cabirus, isang diyos ng mga taga-Tesalonica. Isa pa, posibleng ituring ng ilan na rebelyon sa Roma ang pagtangging sambahin ang emperador. Karaniwan sa ilang templo noon ang mahahalay na gawain at seksuwal na imoralidad, kaya nagbabala si Pablo sa mga taga-Tesalonica na mag-ingat sa mga gawaing ito.—1Te 4:3-8.

magpaalipin: O “maglingkod.” Ang pandiwang Griego na isinaling “magpaalipin” ay tumutukoy sa paglilingkod ng isang alipin, partikular na sa isang indibidwal na may-ari sa kaniya. Dito, ginamit ang termino sa makasagisag na diwa para tumukoy sa paglilingkod sa Diyos nang may buong debosyon. (Gaw 4:29; Ro 6:22; 12:11) Alam ni Pablo na kung ang isa ay ‘magpapaalipin sa buháy at tunay na Diyos,’ magiging maligaya siya, di-gaya ng mga nagpapaalipin sa mga walang-buhay na idolo, mga tao, o sa kasalanan.—Ro 6:6; 1Co 7:23; tingnan ang study note sa Mat 6:24; Ro 1:1.

dumarating na poot ng Diyos: Tinutukoy dito ni Pablo ang sukdulang paghahayag ng Diyos ng kaniyang matuwid na galit laban sa di-matuwid na sanlibutang ito at sa mga tumatangging magpasakop sa kaniyang soberanya.—Ihambing ang 2Te 1:6-9.

Media