Ikalawang Cronica 10:1-19
10 Pumunta si Rehoboam sa Sikem+ dahil nagtipon doon ang buong Israel para gawin siyang hari.+
2 Nang mabalitaan iyon ni Jeroboam+ na anak ni Nebat (nasa Ehipto pa rin siya dahil tumakas siya kay Haring Solomon),+ bumalik agad si Jeroboam mula sa Ehipto.
3 Pagkatapos, ipinatawag nila siya, at pumunta si Jeroboam at ang buong Israel kay Rehoboam at nagsabi:
4 “Mabigat ang pasan* na ibinigay sa amin ng iyong ama.+ Pero kung pagagaanin mo ang mahirap na paglilingkod na ipinagawa ng iyong ama at ang mabigat* na pasan na ibinigay niya sa amin, maglilingkod kami sa iyo.”
5 Sinabi niya sa kanila: “Bumalik kayo pagkatapos ng tatlong araw.” Kaya umalis ang bayan.+
6 Pagkatapos, sumangguni si Haring Rehoboam sa matatandang lalaki na naglingkod sa ama niyang si Solomon noong nabubuhay pa ito. Tinanong niya sila: “Sa tingin ninyo, ano ang dapat kong isagot sa bayang ito?”
7 Sumagot sila: “Kung magiging mabait ka sa bayang ito at gagawin mo ang gusto nila at sasagot ka sa kanila sa mabait na paraan, habambuhay silang maglilingkod sa iyo.”
8 Pero binale-wala niya ang payo ng matatandang lalaki, at sumangguni siya sa mga nakababatang lalaki na lumaking kasama niya at naglilingkod ngayon sa kaniya.+
9 Tinanong niya ang mga ito: “Sa tingin ninyo, ano ang isasagot natin sa bayang ito na nagsabi sa akin, ‘Pagaanin mo ang pasan na ibinigay sa amin ng iyong ama’?”
10 Sumagot ang mga nakababatang lalaki na lumaking kasama niya: “Sinabi sa iyo ng bayan, ‘Mabigat ang pasan na ibinigay ng iyong ama sa amin, pero dapat mo itong pagaanin.’ Ito naman ang sabihin mo sa kanila, ‘Ang hinliliit ko ay magiging mas malapad pa sa balakang ng aking ama.*
11 Nagbigay sa inyo ang ama ko ng mabigat na pasan, pero pabibigatin ko pa iyon. Pinarusahan kayo ng ama ko gamit ang latigo, pero paparusahan ko kayo gamit ang latigong may mga panusok.’”
12 Si Jeroboam at ang buong bayan ay pumunta kay Rehoboam sa ikatlong araw dahil sinabi ng hari: “Bumalik kayo sa akin sa ikatlong araw.”+
13 Pero mabagsik ang sagot sa kanila ng hari. Binale-wala ni Haring Rehoboam ang payo ng matatandang lalaki.
14 Sinunod niya ang payo ng mga nakababatang lalaki at sinabi sa mga tao: “Pabibigatin ko ang pasan ninyo, at lalo ko pang pabibigatin. Pinarusahan kayo ng ama ko gamit ang latigo, pero paparusahan ko kayo gamit ang latigong may mga panusok.”
15 Hindi nakinig ang hari sa bayan, dahil ang tunay na Diyos ang nagmaniobra nito,+ para matupad ang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Ahias+ na Shilonita kay Jeroboam na anak ni Nebat.
16 Dahil ayaw pakinggan ng hari ang bayan, sinabi ng buong Israel sa hari: “Wala naman pala kaming kaugnayan kay David. Wala kaming mana sa anak ni Jesse. Bumalik kayo sa inyong mga diyos, O Israel! David, bahala ka na sa sambahayan mo.”+ At bumalik ang lahat ng Israelita sa kani-kanilang bahay.*+
17 Pero si Rehoboam ay patuloy na naghari sa mga Israelita na nakatira sa mga lunsod ng Juda.+
18 Pagkatapos, isinugo ni Haring Rehoboam si Hadoram,+ na namamahala sa mga tinawag para sa puwersahang pagtatrabaho, pero pinagbabato ito ng mga Israelita hanggang sa mamatay. Nakasampa si Haring Rehoboam sa karwahe niya at nakatakas papunta sa Jerusalem.+
19 At hanggang ngayon, naghihimagsik ang mga Israelita laban sa sambahayan ni David.
Talababa
^ O “pamatok.”
^ O “nagpapahirap.”
^ O “Magiging mas mahigpit ako kaysa sa aking ama.”
^ Lit., “tolda.”