Ikalawang Hari 1:1-18

1  Pagkamatay ni Ahab, naghimagsik ang Moab+ laban sa Israel. 2  Nahulog noon si Ahazias mula sa silid niya sa bubungan sa Samaria, sa isang butas na may sala-sala. Kaya nagsugo siya ng mga mensahero at nagsabi sa kanila: “Sumangguni kayo kay Baal-zebub na diyos ng Ekron+ at alamin ninyo kung gagaling pa ako.”+ 3  Pero sinabi ng anghel ni Jehova kay Elias*+ na Tisbita: “Salubungin mo ang mga mensahero ng hari ng Samaria at sabihin mo sa kanila, ‘Wala bang Diyos sa Israel kaya sasangguni kayo kay Baal-zebub na diyos ng Ekron?+ 4  Kaya ito ang sinabi ni Jehova: “Hindi ka na babangon sa kamang hinihigaan mo, dahil mamamatay ka.”’” At umalis na si Elias. 5  Pagbalik sa kaniya ng mga mensahero, tinanong niya sila agad: “Bakit kayo bumalik?” 6  Sumagot sila sa kaniya: “May isang lalaki na sumalubong sa amin, at sinabi niya, ‘Bumalik kayo sa hari na nagsugo sa inyo, at sabihin ninyo sa kaniya: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Wala bang Diyos sa Israel kaya nagsugo ka ng sasangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron? Dahil diyan, hindi ka na babangon sa kamang hinihigaan mo, dahil mamamatay ka.’”’”+ 7  Tinanong niya sila: “Ano ang hitsura ng lalaki na sumalubong sa inyo at nagsabi ng mga bagay na ito?” 8  Kaya sinabi nila sa kaniya: “Ang lalaki ay may damit na gawa sa balahibo ng hayop+ at sinturong gawa sa katad.”*+ Agad niyang sinabi: “Si Elias iyon na Tisbita.” 9  At nagsugo ang hari sa kaniya ng isang pinuno ng 50 kasama ang 50 tauhan nito. Nang pumunta ito sa kaniya, nakaupo si Elias sa tuktok ng bundok. Sinabi nito sa kaniya: “Lingkod ng tunay na Diyos,+ sinabi ng hari, ‘Bumaba ka.’” 10  Pero sumagot si Elias sa pinuno ng 50: “Kung lingkod ako ng Diyos, bumaba nawa ang apoy mula sa langit+ at lamunin ka at ang 50 tauhan mo.” At ang apoy ay bumaba mula sa langit at nilamon ang pinuno at ang 50 tauhan nito. 11  Kaya nagsugo ulit ang hari ng isa pang pinuno ng 50 kasama ang 50 tauhan nito. Nagpunta ito sa kaniya at nagsabi: “Lingkod ng tunay na Diyos, ito ang sinabi ng hari, ‘Bumaba ka agad diyan.’” 12  Pero sinabi ni Elias sa kanila: “Kung lingkod ako ng tunay na Diyos, bumaba nawa ang apoy mula sa langit at lamunin ka at ang 50 tauhan mo.” At ang apoy ng Diyos ay bumaba mula sa langit at nilamon ang pinuno at ang 50 tauhan nito. 13  At nagsugo ulit ang hari, sa ikatlong pagkakataon, ng pinuno ng 50 kasama ang 50 tauhan nito. Pero ang ikatlong pinuno ng 50 ay umakyat sa bundok at lumuhod sa harap ni Elias at nakiusap dito at nagsabi: “Lingkod ng tunay na Diyos, pakisuyo, maging mahalaga nawa sa paningin mo ang buhay ko at ang buhay ng 50 lingkod mong ito. 14  Bumaba ang apoy mula sa langit at nilamon ang dalawang naunang pinuno ng 50 at ang tig-50 tauhan nila, pero ngayon ay maging mahalaga nawa sa paningin mo ang buhay ko.” 15  Kaya sinabi ng anghel ni Jehova kay Elias: “Bumaba kang kasama niya. Huwag kang matakot sa kaniya.” Kaya tumayo si Elias at bumabang kasama niya papunta sa hari. 16  Sinabi ni Elias sa hari: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Bakit ka nagsugo ng mga mensahero para sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron?+ Wala bang Diyos sa Israel?+ Bakit hindi ka sumangguni sa kaniya? Dahil diyan, hindi ka na babangon sa kamang hinihigaan mo, dahil mamamatay ka.’” 17  Kaya namatay siya, gaya ng sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Elias; at dahil wala siyang anak na lalaki, si Jehoram*+ ang naging hari kapalit niya, nang ikalawang taon ni Jehoram+ na anak ni Jehosapat na hari ng Juda. 18  Ang iba pang nangyari kay Ahazias,+ ang mga ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel.

Talababa

Ibig sabihin, “Ang Diyos Ko ay si Jehova.”
Sa Ingles, leather.
Kapatid ni Ahazias.

Study Notes

Media