Ikalawang Hari 15:1-38

15  Nang ika-27 taon ni Haring Jeroboam* ng Israel, si Azarias*+ na anak ni Haring Amazias+ ng Juda ay naging hari.+ 2  Siya ay 16 na taóng gulang nang maging hari, at 52 taon siyang namahala sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Jecolias ng Jerusalem. 3  Patuloy niyang ginawa ang tama sa paningin ni Jehova, gaya ng ginawa ng ama niyang si Amazias.+ 4  Pero hindi naalis ang matataas na lugar,+ at naghahandog pa rin ang bayan at gumagawa ng haing usok sa matataas na lugar.+ 5  Binigyan ni Jehova ng sakit ang hari, at nanatili siyang ketongin+ hanggang sa araw na mamatay siya; tumira siya sa hiwalay na bahay+ habang ang anak niyang si Jotam+ ang nangangasiwa sa bahay* at humahatol sa bayan.+ 6  Ang iba pang nangyari kay Azarias,+ ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda. 7  Pagkatapos, si Azarias ay namatay,*+ at inilibing nila siyang kasama ng mga ninuno niya sa Lunsod ni David; at ang anak niyang si Jotam ang naging hari kapalit niya. 8  Nang ika-38 taon ni Haring Azarias+ ng Juda, si Zacarias+ na anak ni Jeroboam ay naging hari sa Israel sa Samaria, at namahala siya nang anim na buwan. 9  Ginawa niya ang masama sa paningin ni Jehova, gaya ng ginawa ng mga ninuno niya. Hindi siya lumihis sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.+ 10  Pagkatapos, nakipagsabuwatan laban sa kaniya si Salum na anak ni Jabes at pinabagsak siya+ sa Ibleam.+ Matapos siyang patayin, naging hari si Salum kapalit niya. 11  Ang iba pang nangyari kay Zacarias ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 12  Kaya natupad ang sinabi ni Jehova kay Jehu: “Apat na henerasyon ng mga anak mo+ ang uupo sa trono ng Israel.”+ At iyon nga ang nangyari. 13  Si Salum na anak ni Jabes ay naging hari nang ika-39 na taon ni Haring Uzias+ ng Juda, at namahala siya sa Samaria nang isang buong buwan. 14  Pagkatapos, si Menahem na anak ni Gadi ay pumunta sa Samaria mula sa Tirza+ at pinabagsak si Salum+ na anak ni Jabes sa Samaria. Matapos siyang patayin, naging hari si Menahem kapalit niya. 15  Ang iba pang nangyari kay Salum at ang pakikipagsabuwatan niya ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 16  Noon pumunta si Menahem sa Tipsa mula sa Tirza at winasak ito at ang teritoryo nito at pinatay ang lahat ng naroon, dahil ayaw siyang pagbuksan ng mga tagaroon. Pinabagsak niya ito at nilaslas ang tiyan ng mga babae roon na nagdadalang-tao. 17  Nang ika-39 na taon ni Haring Azarias ng Juda, si Menahem na anak ni Gadi ay naging hari sa Israel, at namahala siya nang 10 taon sa Samaria. 18  Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova. Sa buong panahon niya, hindi siya lumihis sa lahat ng kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.+ 19  Pumunta sa lupain si Haring Pul+ ng Asirya, at binigyan ni Menahem si Pul ng 1,000 talento* ng pilak kapalit ng suporta nito para mapatatag ang paghahari niya.+ 20  Para matipon ang halagang ito, humingi si Menahem ng pilak mula sa mga prominente at mayayamang lalaki sa Israel.+ Nagbayad siya sa hari ng Asirya ng 50 siklong* pilak para sa bawat lalaki. At ang hari ng Asirya ay umalis na sa lupain. 21  Ang iba pang nangyari kay Menahem,+ ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 22  Pagkatapos, si Menahem ay namatay;* at ang anak niyang si Pekahias ang naging hari kapalit niya. 23  Nang ika-50 taon ni Haring Azarias ng Juda, si Pekahias na anak ni Menahem ay naging hari sa Israel sa Samaria, at namahala siya nang dalawang taon. 24  Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova. Hindi siya lumihis sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.+ 25  At ang ayudante* niyang si Peka+ na anak ni Remalias ay nakipagsabuwatan laban sa kaniya at pinatay siya sa Samaria sa matibay na tore ng bahay* ng hari kasama nina Argob at Arie. May kasama itong 50 lalaki mula sa Gilead; at matapos siyang patayin, naging hari ito kapalit niya. 26  Ang iba pang nangyari kay Pekahias, ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 27  Nang ika-52 taon ni Haring Azarias ng Juda, si Peka+ na anak ni Remalias ay naging hari sa Israel sa Samaria, at namahala siya nang 20 taon. 28  Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova, at hindi siya lumihis sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.+ 29  Noong panahon ni Haring Peka ng Israel, sinalakay at sinakop ni Haring Tiglat-pileser+ ng Asirya ang Ijon, Abel-bet-maaca,+ Janoa, Kedes,+ Hazor, Gilead,+ at Galilea, ang buong lupain ng Neptali,+ at ipinatapon niya sa Asirya ang mga nakatira dito.+ 30  Pagkatapos, si Hosea+ na anak ni Elah ay nakipagsabuwatan laban kay Peka na anak ni Remalias, at pinatay niya ito; at naging hari siya kapalit nito noong ika-20 taon ni Jotam+ na anak ni Uzias. 31  Ang iba pang nangyari kay Peka, ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 32  Nang ikalawang taon ni Peka na anak ni Remalias na hari ng Israel, si Jotam+ na anak ni Haring Uzias+ ng Juda ay naging hari. 33  Siya ay 25 taóng gulang nang maging hari, at 16 na taon siyang namahala sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Jerusa na anak ni Zadok.+ 34  Patuloy niyang ginawa ang tama sa paningin ni Jehova, gaya ng ginawa ng ama niyang si Uzias.+ 35  Pero hindi naalis ang matataas na lugar, at naghahandog pa rin ang bayan at gumagawa ng haing usok sa matataas na lugar.+ Siya ang nagtayo ng mataas na pintuang-daan ng bahay ni Jehova.+ 36  Ang iba pang nangyari kay Jotam, ang mga ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda. 37  Nang panahong iyon, sinimulang isugo ni Jehova si Rezin na hari ng Sirya at si Peka+ na anak ni Remalias laban sa Juda.+ 38  Pagkatapos, si Jotam ay namatay* at inilibing na kasama ng mga ninuno niya sa Lunsod ni David na kaniyang ninuno. At ang anak niyang si Ahaz ang naging hari kapalit niya.

Talababa

Ibig sabihin, “Tumulong si Jehova.” Tinatawag siyang Uzias sa 2Ha 15:13; 2Cr 26:1-23; Isa 6:1; at Zac 14:5.
Si Jeroboam II.
O “palasyo.”
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Ang isang talento ay 34.2 kg. Tingnan ang Ap. B14.
Ang isang siklo ay 11.4 g. Tingnan ang Ap. B14.
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Opisyal ng militar.
O “palasyo.”
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”

Study Notes

Media