Ikalawang Hari 20:1-21
20 Nang panahong iyon, nagkasakit si Hezekias at malapit nang mamatay.+ Dumating ang propetang si Isaias na anak ni Amoz at sinabi nito sa kaniya, “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Magbilin ka na sa sambahayan mo dahil mamamatay ka; hindi ka na gagaling.’”+
2 Humarap siya sa dingding at nanalangin kay Jehova:
3 “Nakikiusap ako sa iyo, O Jehova, alalahanin mong lumakad ako sa harap mo* nang may katapatan at buong puso, at ginawa ko ang mabuti sa paningin mo.”+ At umiyak nang husto si Hezekias.
4 Hindi pa nakakarating si Isaias sa gitna ng looban nang dumating sa kaniya ang mensaheng ito ni Jehova:+
5 “Bumalik ka at sabihin mo kay Hezekias, ang pinuno ng bayan ko, ‘Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng ninuno mong si David: “Narinig ko ang panalangin mo. Nakita ko ang mga luha mo.+ Pagagalingin kita.+ Sa ikatlong araw ay pupunta ka sa bahay ni Jehova.+
6 Daragdagan ko ng 15 taon ang buhay* mo, at ililigtas kita at ang lunsod na ito mula sa kamay ng hari ng Asirya,+ at ipagtatanggol ko ang lunsod na ito alang-alang sa pangalan ko at alang-alang sa lingkod kong si David.”’”+
7 Pagkatapos, sinabi ni Isaias: “Kumuha kayo ng kakaning gawa sa pinatuyong igos na pinipi.” Dinala nila ito at inilagay sa pigsa, at unti-unti siyang gumaling.+
8 Tinanong noon ni Hezekias si Isaias: “Ano ang tanda+ na pagagalingin ako ni Jehova at makakapunta ako sa bahay ni Jehova sa ikatlong araw?”
9 Sumagot si Isaias: “Ito ang tanda mula kay Jehova na magpapakitang gagawin ni Jehova ang sinabi niya: Gusto mo bang umabante ang anino nang 10 baytang sa hagdan* o umatras nang 10 baytang?”+
10 Sinabi ni Hezekias: “Aabante talaga ang anino nang 10 baytang, pero hindi ito aatras nang 10 baytang.”
11 Kaya tumawag ang propetang si Isaias kay Jehova, at ang anino na nakababa na sa hagdan ni Ahaz ay pinaatras Niya nang 10 baytang.+
12 Nang panahong iyon, ang hari ng Babilonya, si Berodac-baladan na anak ni Baladan, ay nagpadala ng mga liham at ng regalo kay Hezekias, dahil nabalitaan niyang nagkasakit si Hezekias.+
13 Tinanggap* sila ni Hezekias at ipinakita niya sa kanila ang kaniyang buong imbakan ng yaman+—ang pilak, ang ginto, ang langis ng balsamo at iba pang mamahaling langis, ang taguan niya ng mga sandata, at ang lahat ng nasa mga kabang-yaman niya. Walang bagay sa sarili niyang bahay* at sa kaniyang buong kaharian na hindi ipinakita sa kanila ni Hezekias.
14 Pagkatapos, pinuntahan ng propetang si Isaias si Haring Hezekias at tinanong ito: “Ano ang sinabi ng mga lalaking iyon, at saan sila nanggaling?” Sumagot si Hezekias: “Galing sila sa isang malayong lupain, sa Babilonya.”+
15 Nagtanong pa siya: “Ano ang nakita nila sa bahay* mo?” Sinabi ni Hezekias: “Nakita nila ang lahat ng nasa bahay* ko. Wala akong hindi ipinakita sa kanila sa mga kabang-yaman ko.”
16 Sinabi ngayon ni Isaias kay Hezekias: “Pakinggan mo ang sinabi ni Jehova,+
17 ‘Darating ang panahon na lahat ng nasa bahay* mo ngayon at lahat ng natipon ng mga ninuno mo ay dadalhin sa Babilonya.+ Walang matitira,’ ang sabi ni Jehova.
18 ‘At ang ilan sa magiging mga anak mo ay kukunin+ at magiging mga opisyal sa palasyo ng hari ng Babilonya.’”+
19 Kaya sinabi ni Hezekias kay Isaias: “Ang mensahe ni Jehova na sinabi mo ay makatuwiran.”+ Sinabi pa niya: “Mabuti at magkakaroon ng kapayapaan at kapanatagan* habang nabubuhay ako.”+
20 Ang iba pang nangyari kay Hezekias, ang kagitingan niya at ang paggawa niya ng tipunan ng tubig+ at ng daluyan ng tubig papunta sa lunsod,+ ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda.
21 Pagkatapos, si Hezekias ay namatay;*+ at ang anak niyang si Manases+ ang naging hari kapalit niya.+
Talababa
^ O “namuhay ako.”
^ Lit., “mga araw.”
^ Malamang na ginagamit ang mga baytang na ito sa hagdan bilang orasan, gaya ng sundial.
^ O “palasyo.”
^ O “Pinakinggan.”
^ O “palasyo.”
^ O “palasyo.”
^ O “palasyo.”
^ O “katotohanan.”
^ Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”