Ikalawang Hari 7:1-20
7 Sinabi ngayon ni Eliseo: “Pakinggan ninyo ang sinabi ni Jehova. Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Bukas ng mga ganitong oras sa pintuang-daan* ng Samaria, magiging isang siklo* ang halaga ng isang seah* ng magandang klase ng harina, at isang siklo ang dalawang seah ng sebada.’”+
2 Ang ayudanteng* pinagkakatiwalaan ng hari ay nagsabi sa lingkod ng tunay na Diyos: “Kahit na buksan pa ni Jehova ang mga pintuan ng tubig sa langit, imposibleng mangyari iyan!”*+ Sumagot siya: “Makikita iyon ng sarili mong mga mata,+ pero hindi ka kakain ng mga iyon.”+
3 May apat na ketongin sa pasukan ng pintuang-daan ng lunsod,+ at sinabi nila sa isa’t isa: “Bakit nakaupo lang tayo rito at naghihintay na mamatay?
4 Kung papasok tayo sa lunsod habang may taggutom sa lunsod,+ mamamatay tayo roon. At kung uupo lang tayo rito, mamamatay rin tayo. Kaya pumunta na lang tayo sa kampo ng mga Siryano. Kung hindi nila tayo patayin, ligtas tayo, pero kung patayin nila tayo, ganoon talaga.”
5 Kaya umalis sila nang gumabi na at pumunta sa kampo ng mga Siryano. Pagdating nila sa hangganan ng kampo ng mga Siryano, nakita nilang walang katao-tao roon.
6 Bago nito, nagparinig si Jehova sa kampo ng mga Siryano ng ingay ng mga karwaheng pandigma at mga kabayo, ng ingay ng isang malaking hukbo.+ Kaya sinabi ng mga ito sa isa’t isa: “Binayaran ng hari ng Israel ang mga hari ng mga Hiteo at ang mga hari ng Ehipto para salakayin tayo!”
7 Tumakas agad ang mga ito nang gabing iyon at basta na lang iniwan ang kanilang mga tolda, kabayo, asno, at ang buong kampo para iligtas ang buhay* nila.
8 Pagdating ng mga ketongin sa hangganan ng kampo, pumasok sila sa isang tolda at kumain at uminom. Kumuha sila roon ng pilak, ginto, at mga damit at umalis at itinago ang mga iyon. Pagkatapos, bumalik sila at pumasok sa isa pang tolda at kumuha ng mga bagay roon at umalis at itinago ang mga iyon.
9 Bandang huli, sinabi nila sa isa’t isa: “Hindi tama ang ginagawa natin. Dapat nating sabihin sa iba ang magandang balitang ito! Kung hindi tayo kikilos agad at maghihintay pa tayo hanggang sa lumiwanag na, tiyak na paparusahan tayo. Tara na! Ibalita natin ito sa bahay ng hari.”
10 Kaya umalis sila at sinabi sa mga bantay ng pintuang-daan ng lunsod: “Pumasok kami sa kampo ng mga Siryano, pero walang katao-tao roon—napakatahimik. Ang naroon lang ay mga kabayo at mga asno na nakatali at mga tolda na basta na lang iniwan.”
11 Agad na isinigaw ng mga bantay ng pintuang-daan ang balita at ipinarating ito sa bahay ng hari.
12 Agad na bumangon ang hari nang gabing iyon at nagsabi sa mga lingkod niya: “Sasabihin ko sa inyo kung ano ang balak gawin sa atin ng mga Siryano. Alam nilang gutom tayo,+ kaya iniwan nila ang kampo para magtago sa parang. Iniisip nila, ‘Lalabas sila ng lunsod, at huhulihin natin sila nang buháy, at papasok tayo sa lunsod.’”+
13 Sinabi ng isa sa mga lingkod niya: “Pakisuyo, ipadala mo sa ilang lalaki ang lima sa natitirang mga kabayo sa lunsod. Tutal, ang kahihinatnan nila ay katulad din ng mangyayari sa lahat ng Israelitang nandito; magiging gaya lang din sila ng lahat ng Israelita na namatay na. Isugo natin sila para malaman natin kung ano talaga ang nangyari.”
14 Kaya kumuha sila ng dalawang karwahe na may mga kabayo, at isinugo sila ng hari sa kampo ng mga Siryano. Sinabi niya: “Pumunta kayo roon at tingnan ninyo.”
15 Sinundan nila ang mga ito hanggang sa Jordan. Nagkalat sa daan ang mga damit at kagamitang itinapon ng mga Siryano dahil sa pagkataranta noong tumatakas ang mga ito. Bumalik ang mga mensahero at iniulat ito sa hari.
16 At lumabas ang bayan at pinagkukuha ang mga pag-aari ng mga Siryano sa kampo. Kaya ang halaga ng isang seah ng magandang klase ng harina ay naging isang siklo, at ang halaga ng dalawang seah ng sebada ay naging isang siklo, gaya ng sinabi ni Jehova.+
17 Inatasan ng hari ang ayudanteng pinagkakatiwalaan niya na bantayan ang pintuang-daan, pero napagtatapakan siya ng mga tao sa pintuang-daan at namatay siya, gaya ng sinabi ng lingkod ng tunay na Diyos sa hari nang pumunta ang hari sa kaniya.
18 Nangyari ang eksaktong sinabi ng lingkod ng tunay na Diyos sa hari: “Magiging isang siklo ang halaga ng dalawang seah ng sebada, at isang siklo ang isang seah ng magandang klase ng harina sa ganitong oras bukas sa pintuang-daan ng Samaria.”+
19 Pero sinabi ng ayudante sa lingkod ng tunay na Diyos: “Kahit na buksan pa ni Jehova ang mga pintuan ng tubig sa langit, imposibleng mangyari iyan!”* At sinabi naman ni Eliseo: “Makikita iyon ng sarili mong mga mata, pero hindi ka kakain ng mga iyon.”
20 Ganiyan mismo ang nangyari sa kaniya, dahil napagtatapakan siya ng mga tao sa pintuang-daan hanggang sa mamatay siya.
Talababa
^ O “pamilihan.”
^ Lit., “ang salitang iyan.”
^ Opisyal ng militar.
^ Lit., “ang salitang iyan.”