Ikalawang Samuel 13:1-39

13  Ang anak ni David na si Absalom ay may isang magandang kapatid na babae na ang pangalan ay Tamar,+ at nagkagusto sa kaniya si Amnon+ na anak ni David. 2  Sa sobrang lungkot ay nagkasakit na si Amnon dahil sa kapatid niyang si Tamar, dahil dalaga ito at parang imposibleng mangyari ang gusto niya. 3  May kaibigan si Amnon na ang pangalan ay Jehonadab,+ na anak ng kapatid ni David na si Simeah;+ at napakatalino ni Jehonadab. 4  Kaya sinabi nito sa kaniya: “Bakit laging napakalungkot ng anak ng hari? Sabihin mo sa akin.” Sinabi ni Amnon sa kaniya: “Gusto ko si Tamar na kapatid na babae+ ng kapatid kong si Absalom.” 5  Sinabi ni Jehonadab sa kaniya: “Humiga ka sa higaan mo at magkunwari kang may sakit. Kapag dinalaw ka ng iyong ama, sabihin mo sa kaniya, ‘Pakisuyo, papuntahin mo sa akin si Tamar na kapatid ko para bigyan ako ng pagkain. Kung maghahanda siya sa harap ko ng pagkain para sa maysakit,* at siya ang magpapakain sa akin, kakain ako.’” 6  Kaya humiga si Amnon at nagkunwaring may sakit, at dinalaw siya ng hari. Sinabi ni Amnon sa hari: “Pakisuyo, papuntahin mo rito si Tamar na kapatid ko para magluto sa harap ko ng dalawang tinapay na hugis-puso at pakainin ako.” 7  Kaya nagpadala ng ganitong mensahe si David para kay Tamar sa bahay nito: “Pakisuyo, pumunta ka sa bahay ng kapatid mong si Amnon at maghanda ka ng pagkain* para sa kaniya.” 8  Kaya pumunta si Tamar sa bahay ng kapatid niyang si Amnon at nadatnan niya itong nakahiga. Kumuha siya ng harina at minasa ito para gawing mga tinapay at niluto sa harap ni Amnon. 9  Pagkatapos, kinuha niya ang tinapay at inihain ito kay Amnon. Pero ayaw nitong kumain. Sinabi ni Amnon: “Lumabas kayong lahat!” Kaya lumabas silang lahat. 10  Sinabi ngayon ni Amnon kay Tamar: “Dalhin mo sa kuwarto ang pagkain* at pakainin mo ako.” Kaya kinuha ni Tamar ang mga tinapay na hugis-puso na ginawa niya at dinala ang mga ito sa kapatid niyang si Amnon sa kuwarto. 11  Nang dalhin niya ang mga ito para kainin ni Amnon, sinunggaban siya nito at sinabi: “Halika, sumiping ka sa akin, kapatid ko.” 12  Pero sinabi niya rito: “Huwag, kapatid ko! Huwag mo akong ilagay sa kahihiyan; hindi ginagawa ang ganiyan sa Israel.+ Huwag mong gawin ang kahiya-hiyang bagay na ito.+ 13  Ano pang mukha ang maihaharap ko? At ikaw, ituturing kang isa sa kasuklam-suklam na mga lalaki sa Israel. Pakisuyo, kausapin mo ang hari, dahil hindi niya ako ipagkakait sa iyo.” 14  Pero ayaw siya nitong pakinggan, at dinaan siya nito sa dahas at pinagsamantalahan. 15  Pagkatapos nito, nakadama si Amnon ng labis na pagkamuhi sa kaniya—pagkamuhi na mas matindi pa kaysa sa pagkagusto na nadama nito sa kaniya. Sinabi sa kaniya ni Amnon: “Bumangon ka; layas!” 16  Sumagot siya: “Huwag, kapatid ko, dahil ang pagpapalayas mo sa akin ngayon ay mas masama kaysa sa nagawa mo na sa akin!” Pero ayaw nitong makinig sa kaniya. 17  Tinawag niya ang kaniyang tagapaglingkod at sinabi rito: “Pakisuyo, alisin mo ang babaeng ito sa harap ko, at ikandado mo ang pinto.” 18  (Si Tamar ay nakasuot ng espesyal na* damit, na isinusuot ng mga anak na dalaga ng hari.) Kaya inilabas siya ng tagapaglingkod, at ikinandado nito ang pinto. 19  Pagkatapos, naglagay ng abo sa ulo si Tamar,+ at pinunit niya ang magandang damit na suot niya. Nasa ulo niya ang mga kamay niya habang naglalakad at umiiyak. 20  Kaya tinanong siya ng kapatid niyang si Absalom:+ “Hindi ba si Amnon na kapatid mo ang kasama mo? At ngayon, kapatid ko, tumahimik ka. Kapatid mo siya.+ Huwag mo nang isipin ang nangyari.” Pagkatapos, tumira si Tamar sa bahay ng kapatid niyang si Absalom at hindi nakisalamuha sa iba. 21  Nang malaman ni Haring David ang lahat ng ito, galit na galit siya.+ Pero ayaw niyang saktan ang damdamin ng anak niyang si Amnon. Mahal niya ito dahil ito ang panganay niya. 22  Walang sinabi si Absalom kay Amnon, masama man o mabuti; napopoot si Absalom+ kay Amnon dahil nilapastangan nito ang kapatid niyang si Tamar.+ 23  Makalipas ang dalawang taon, nang ang mga manggugupit ng tupa ni Absalom ay nasa Baal-hazor, na malapit sa Efraim,+ inimbitahan ni Absalom ang lahat ng anak ng hari.+ 24  Pumunta si Absalom sa hari at nagsabi: “Nagpapagupit ng tupa ang iyong lingkod. Sumama sana sa akin ang hari at ang mga lingkod niya.” 25  Pero sinabi ng hari kay Absalom: “Huwag, anak ko. Kung sasama kaming lahat, magiging pabigat kami sa iyo.” Kahit pinilit nito ang hari, hindi siya pumayag na sumama. Pero pinagpala niya ito. 26  Pagkatapos, sinabi ni Absalom: “Kung hindi kayo puwede, si Amnon na lang sana ang pasamahin ninyo sa amin.”+ Sinabi sa kaniya ng hari: “Bakit kailangan niyang sumama sa iyo?” 27  Pero pinilit niya ito, kaya pinasama nito si Amnon at ang lahat ng anak ng hari. 28  Pagkatapos, inutusan ni Absalom ang mga tagapaglingkod niya: “Magbantay kayo. Kapag masaya na si Amnon dahil sa alak, sasabihin ko sa inyo, ‘Pabagsakin ninyo si Amnon!’ Papatayin ninyo siya. Huwag kayong matakot, dahil ako ang nag-utos sa inyo. Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob.” 29  Ginawa ng mga tagapaglingkod ni Absalom kay Amnon ang iniutos ni Absalom; at ang lahat ng iba pang anak ng hari ay tumayo at sumakay sa kani-kaniyang mula* at tumakas. 30  Habang nasa daan sila, nakarating kay David ang ganitong balita: “Pinabagsak ni Absalom ang lahat ng anak ng hari, at walang isa man sa kanila ang nakaligtas.” 31  Tumayo ang hari at pinunit ang damit niya at humiga sa sahig, at ang lahat ng lingkod niya ay nakatayo malapit sa kaniya na punít ang mga damit. 32  Pero si Jehonadab+ na anak ni Simeah,+ na kapatid ni David, ay nagsabi: “Huwag isipin ng panginoon ko na lahat ng anak na lalaki ng hari ay pinatay nila, dahil si Amnon lang ang namatay.+ Iniutos ito ni Absalom, na nagbalak gawin ito+ mula nang araw na lapastanganin ni Amnon ang kapatid niyang+ si Tamar.+ 33  Huwag sanang paniwalaan ng panginoon kong hari ang balitang namatay ang lahat ng anak ng hari; si Amnon lang ang namatay.” 34  Samantala, tumakas si Absalom.+ Nang maglaon, nakita ng bantay ang maraming taong paparating mula sa daan sa tabi ng bundok. 35  At sinabi ni Jehonadab+ sa hari: “Tingnan ninyo! Nakabalik na ang mga anak ng hari. Tama ang sinabi ng inyong lingkod.” 36  Matapos siyang magsalita, dumating ang mga anak ng hari, na umiiyak nang malakas; ang hari at ang lahat ng lingkod niya ay humagulgol din. 37  Si Absalom naman ay tumakas at pumunta kay Talmai+ na anak ni Amihud at hari ng Gesur. Nagdalamhati si David nang maraming araw para sa anak niya. 38  Matapos tumakas si Absalom at magpunta sa Gesur,+ nanatili siya roon nang tatlong taon. 39  Nang maglaon, gustong-gusto ni Haring David na puntahan si Absalom, dahil natanggap na niya ang pagkamatay ni Amnon.

Talababa

O “ng tinapay ng kaaliwan.”
O “tinapay ng kaaliwan.”
O “tinapay ng kaaliwan.”
O “ng may-palamuting.”
Anak ng kabayo at asno.

Study Notes

Media