Ikalawang Liham kay Timoteo 1:1-18
Talababa
Study Notes
Ikalawang Liham kay Timoteo: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga aklat ng Bibliya. Halimbawa, ang kilaláng manuskritong Codex Sinaiticus na mula noong ikaapat na siglo C.E. ay may pamagat na “Kay Timoteo” sa dulo ng liham. May iba pang sinaunang manuskrito na ang pamagat ay “Ikalawang Liham kay Timoteo.”
apostol: Tingnan ang study note sa Ro 1:1.
isang anak na minamahal: Napakalapít nina Pablo at Timoteo sa isa’t isa. Sa katunayan, naging ama ni Timoteo sa espirituwal si Pablo. (1Co 4:17; Fil 2:22) Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo, tinawag niya itong “tunay na anak” at “anak ko.” (1Ti 1:2, 18) Nang isulat ni Pablo ang ikalawang liham niya kay Timoteo, 14 na taon na silang naglilingkod nang magkasama o higit pa. Dahil nararamdaman na noon ni Pablo na malapit na siyang mamatay, posibleng naisip niyang ito na ang huling liham niya kay Timoteo. (2Ti 4:6-8) Gusto ni Pablo na malaman ng kabataang si Timoteo kung gaano niya ito kamahal, kaya tinawag niya itong “isang anak na minamahal.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:2, 18.
Sumaiyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan, awa, at kapayapaan: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.
Nagpapasalamat ako sa Diyos: Sinimulan ni Pablo ang maraming liham niya sa pagpapasalamat. (Ro 1:8; 1Co 1:4; Efe 1:15, 16; Fil 1:3-5; Col 1:3, 4; 1Te 1:2, 3; 2Te 1:3; Flm 4) Ngayong nakabilanggo na siya sa Roma, nararamdaman niyang malapit na siyang mamatay. (2Ti 4:6-8) Dumanas siya ng matinding pag-uusig, at iniwan siya ng ilan sa mga kaibigan niya. (2Ti 4:10-12, 14-17) Pero kahit na ganoon, sinimulan niya ang liham na ito sa pasasalamat, sa halip na sa paghihinagpis. Sinabi niya sa talatang ito ang isa sa mga bagay na ipinagpapasalamat niya—ang kaibigan niyang si Timoteo, na ipinapanalangin niya “araw at gabi.” Partikular na ipinagpapasalamat ni Pablo ang di-matatawarang pananampalataya ng kabataang ito na sinabi niyang “walang halong pagkukunwari.”—2Ti 1:5.
Diyos na pinaglilingkuran ko: O “Diyos na pinag-uukulan ko ng sagradong paglilingkod; Diyos na sinasamba ko.” Kinikilala dito ni Pablo na may pribilehiyo siyang paglingkuran ang Diyos, gaya ng tapat na mga ninuno niyang Judio, na may napakagandang rekord sa Hebreong Kasulatan. Dito, ang ‘paglilingkod’ ay puwedeng tumukoy sa pagsamba sa Diyos sa ilalim ng Judiong sistema, gayundin sa kongregasyong Kristiyano. Halimbawa, nang isalin ng Septuagint ang utos ni Moises sa bayan na paglingkuran ang Diyos (Deu 6:13), ginamit nito ang pandiwang Griego na ginamit ni Pablo sa talatang ito. Sa Mat 4:10, sumipi si Jesus sa Deuteronomio nang sabihin niya sa Diyablo: “Si Jehova . . . lang ang dapat mong paglingkuran.” (Tingnan ang study note sa Mat 4:10; tingnan din ang Exo 3:12; Deu 10:12, 20; Jos 22:5; LXX) Sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, ipinakita niya na mahalagang bahagi ng sagradong paglilingkod ang pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Anak ng Diyos.—Tingnan ang study note sa Ro 1:9.
may malinis na konsensiya: Kahit nakabilanggo at nakatanikala si Pablo bilang kriminal (2Ti 1:16), masasabi niyang napaglingkuran niya ang Diyos na Jehova nang tapat at may malinis na motibo. (Tingnan ang study note sa 2Ti 1:12.) Bago nito, sumulat siya sa mga kapananampalataya niya sa Corinto: “Wala kaming ginawan ng mali, pinasamâ, o dinaya.”—2Co 7:2; tingnan ang study note sa Ro 2:15; 1Ti 1:5.
Kapag naaalaala ko ang mga luha mo: Hindi nahiya si Pablo na sabihing lumuha si Timoteo—pati na rin siya. (2Co 2:4; Fil 3:18) Posibleng nakita ni Pablo na lumuha si Timoteo noong mga panahong magkasama silang tumutulong sa mga kapananampalataya nilang may mabigat na problema o nakaranas ng trahedya. Posibleng lumuha rin si Timoteo dahil sa mga pagdurusa ni Pablo. (Ro 12:15; 2Ti 3:10, 11) At puwede ring nakita ni Pablo si Timoteo na umiyak nang maghiwalay sila. (Ihambing ang Gaw 20:37, 38.) Ipinapakita lang ng pagluha ni Timoteo na siya ay mabait, mapagmalasakit, at may empatiya.
pananampalataya mong walang halong pagkukunwari: Tingnan ang study note sa 1Ti 1:5.
iyong lolang si Loida: Malamang na nanay ni Eunice ang lola ni Timoteo na si Loida, at lumilitaw na nakatira ang pamilya nila sa lunsod ng Listra. (Gaw 16:1-3) Ang salitang Griego na mamʹme na ginamit dito ay isang magiliw na tawag ng isang bata sa lola niya; ang mas pormal na tawag para sa lola ay teʹthe. Ipinapakita ng salitang ginamit ni Pablo na malapít si Timoteo sa lola niya. Posibleng tinulungan ni Loida si Eunice sa pagtuturo kay Timoteo ng Hebreong Kasulatan.—Tingnan ang study note sa 2Ti 3:15.
inang si Eunice: Malamang na naging Kristiyano sina Eunice at Loida nang unang dumalaw si Pablo sa Listra noong mga 47-48 C.E. (Gaw 14:6) Sinabi ni Pablo na pareho ang mga ito na may ‘pananampalatayang walang halong pagkukunwari.’ Siguradong kinailangang magpakita ni Eunice ng ganiyang pananampalataya nang sumama si Timoteo kay Pablo sa mga paglalakbay nito bilang misyonero; alam niya na noong huling dumalaw si Pablo sa lunsod nila, pinagbabato ito at muntik nang mamatay. (Gaw 14:19) Ang halimbawa nina Eunice at Loida, pati na ang matiyagang pagtuturo nila, ay siguradong nakatulong para magkaroon si Timoteo ng ‘pananampalatayang walang halong pagkukunwari’ at sumulong nang husto. (Gaw 16:2; Fil 2:19-22; 1Ti 4:14) Talagang kahanga-hanga ang halimbawa nila dahil lumilitaw na ang Griegong ama ni Timoteo ay hindi Kristiyano na gaya ng kaniyang ina.—Tingnan ang study note sa Gaw 16:1, 3.
paningasin mong tulad ng apoy: Ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para himukin si Timoteo na patuloy na ibigay ang buong makakaya niya sa paggamit ng regalong natanggap niya. Ang anyo ng pandiwang Griego na isinalin ditong “paningasin [na] tulad ng apoy” ay nagpapahiwatig ng patuluyang pagkilos; sinabi ng isang iskolar na nangangahulugan itong “patuloy na paglagablabin ang apoy.” Karaniwan noon na panatilihing nagbabaga ang mga uling para hindi mamatay ang apoy. Hindi sinasabi dito ni Pablo na ang espirituwal na “regalo ng Diyos” kay Timoteo ay gaya ng namatay na apoy na kailangan ulit pagningasin. Sa halip, gaya ito ng apoy sa nagbabagang mga uling na kailangan lang na lalong pagningasin.
regalo ng Diyos: Dito at sa nauna niyang liham, parehong may binanggit si Pablo na isang regalong natanggap ni Timoteo. (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:14.) Pero may pagkakaiba sa dalawang ulat na ito. Dito, sinabi ni Pablo na siya ang nagpatong ng kamay kay Timoteo. Wala siyang binanggit na lupon ng matatanda; wala rin siyang binanggit na hula, di-gaya ng ginawa niya sa nauna niyang liham. Kaya hindi tiyak kung iisang pangyayari lang ang tinutukoy niya. Iisang pangyayari man ito o hindi, lumilitaw na ang regalong tinutukoy dito ni Pablo ay isang kaloob ng espiritu—isang espesyal na kakayahan na tumutulong kay Timoteo para magampanan ang atas niya.
ipatong ko sa iyo ang mga kamay ko: Tingnan ang study note sa Gaw 6:6.
hindi duwag na puso ang ibinigay sa atin ng espiritu ng Diyos: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego para sa “espiritu” (pneuʹma) ay puwedeng tumukoy sa banal na espiritu ng Diyos o sa nangingibabaw na saloobin ng isa. (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Posibleng pareho itong nasa isip ni Pablo nang isulat niya ito. Kaya malamang na ito ang pinakadiwa ng gusto niyang sabihin: “Ang banal na espiritu na ibinibigay sa atin ng Diyos ay hindi nagbibigay sa atin ng espiritu ng pagiging duwag, kundi ng kapangyarihan, pag-ibig, at matinong pag-iisip.”
duwag: Ang salitang Griego na isinalin ditong “duwag” ay tumutukoy sa di-tamang pagkatakot, sa takot na itaguyod ang tama. Dahil sa ganiyang pagkatakot, panghihinaan ng loob ang isang Kristiyano at baka iwan pa nga niya ang tunay na pagsamba.
kapangyarihan: Ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para tiyakin kay Timoteo na hindi kailangang umasa ng mga Kristiyano sa sarili nilang lakas ng loob para madaig ang takot. Sa halip, bibigyan sila ng Diyos ng kapangyarihang kailangan nila para magawa ang ministeryo nila at mapagtagumpayan ang anumang nakakatakot na problema o hamon.—2Co 4:7-10; 12:9, 10; Fil 4:13.
pag-ibig: Ang matinding pag-ibig kay Jehova ang panlaban sa takot. (1Ju 4:18) Pag-ibig ang nag-uudyok sa mga tagasunod ni Kristo na unahin ang kapakanan ng iba kaysa sa sarili nila. Dahil dito, handa pa nga nilang isapanganib ang buhay nila para sa iba.—Tingnan ang study note sa Ju 13:34; Ro 16:4.
matinong pag-iisip: Maraming beses na binanggit ni Pablo ang tungkol sa pagkakaroon ng matinong pag-iisip. (Ro 12:3; 1Ti 2:9, 15; 3:2 at study note) Sinasabi dito ni Pablo na makakatulong ito sa mga Kristiyano na manatiling balanse kahit mapaharap sila sa mga panganib na puwedeng maging dahilan para makagawa sila ng padalos-dalos na mga desisyon. Makakatulong din ang katinuan ng pag-iisip para maalala ng isang Kristiyano na ang kaugnayan niya kay Jehova ang pinakamahalaga sa lahat. Ang tatlong ito—kapangyarihan, pag-ibig, at matinong pag-iisip—ay galing sa Diyos at hindi sa sarili. Kaya dito, tinitiyak ni Pablo kay Timoteo na magagamit niyang mabuti ang regalong ibinigay sa kaniya at makakayanan niya ang anumang matinding hamon na mapaharap sa kaniya.—2Ti 1:6, 8.
huwag mong ikahiya: Ipinapahiwatig ng salitang Griego na isinalin ditong “ikahiya” na dahil sa takot na mapahiya, mawawalan ng lakas ng loob ang isang tao na manindigan. Sa kulturang Griego at Romano noon, karaniwan lang sa isang tao na masyadong mabahala sa sasabihin ng iba at sa kahihiyan o karangalan na matatanggap niya. Hindi hinayaan ni Pablo na maimpluwensiyahan siya ng ganiyang kaisipan; hindi niya kailanman ikinahiya ang pagsamba niya kay Jehova. (Tingnan ang 2Ti 1:12 at study note.) Hindi naman sinasabi dito ni Pablo na ikinakahiya ni Timoteo ang pagsamba nito; gusto lang niya na huwag kailanman ikahiya ng kabataang ito ang paglilingkod nito.—Ihambing ang Mar 8:38.
pagpapatotoo tungkol sa ating Panginoon: Kasama dito ang pagsasabi sa iba ng tungkol sa pagpatay kay Jesus sa pahirapang tulos, na isang kahiya-hiyang kamatayan. (Tingnan ang study note sa 1Co 1:23.) Pero ‘hindi ikinahiya ni Pablo ang mabuting balita’ tungkol sa Kristo, kasama na ang tungkol sa nakakahiyang kamatayan ni Jesus.—Ro 1:16.
ako na isang bilanggo alang-alang sa kaniya: Lumilitaw na para sa ilan, nakakahiya ang pagkabilanggo ni Pablo. Nakakahiya para sa halos lahat ng tao noon na maigapos, maparusahan, o mabilanggo ng mga awtoridad. Pero sa halip na mahiya, gusto ni Pablo na mapatibay si Timoteo at ang iba pang Kristiyano sa pananatili niyang tapat sa ilalim ng pagsubok. (Fil 1:14) Alam ni Pablo na makakaranas din sila ng ganoong mga pagsubok.—2Ti 3:12.
bilanggo alang-alang sa kaniya: Lit., “bilanggo niya.” Itinuturing ni Pablo ang sarili niya na bilanggo alang-alang sa Panginoong Jesu-Kristo, ibig sabihin, bilanggo dahil sa pagiging tagasunod ni Kristo at paghahayag ng mabuting balita. Gumamit din ang apostol ng katulad na mga ekspresyon sa ilang liham na isinulat niya noong una siyang mabilanggo sa Roma. (Efe 3:1 at study note; 4:1; Flm 1, 9) Isinulat ni Pablo ang ikalawang liham niya kay Timoteo sa huling pagkabilanggo niya sa Roma, na posibleng noong mga 65 C.E.—2Ti 4:6-8.
Napakatagal na panahon na ang nakalilipas: May kaugnayan sa hula sa Gen 3:15 ang pasiya ni Jehova na pumili ng ilang tagasunod ni Jesus para mamahalang kasama ng Anak Niya sa Kaharian sa langit. (Gal 3:16, 29) Inihayag agad ni Jehova ang layunin niya matapos magkasala ni Adan, na nangyari libo-libong taon bago isinulat ni Pablo ang liham niya kay Timoteo. Kaya nasabi ni Pablo na “napakatagal na panahon na ang nakalilipas” mula nang ipakita ang walang-kapantay na kabaitang ito. Sa ibang Bibliya, isinalin itong “mula pa ng mga panahong walang hanggan,” na nagpapahiwatig na bago pa umiral ang mga tao, itinakda na ng Diyos ang mga pangyayaring binanggit ni Pablo. Pero ayon sa isang diksyunaryo, ang ekspresyong Griego para sa “napakatagal na” sa kontekstong ito ay “tumutukoy sa isang espesipikong yugto ng panahon na napakatagal nang lumipas.” (Ihambing ang Ro 16:25; ihambing ang study note sa Ro 8:28.) Matagal nang sinabi ng Diyos kung ano ang mangyayari sa hinaharap, at siguradong matutupad ang mga layunin niya.—Isa 46:10; Efe 1:4.
nang ibigay niya ito sa atin dahil kay Kristo Jesus: Tinutukoy dito ni Pablo ang isang partikular na ekspresyon ng “walang-kapantay na kabaitan” ni Jehova sa ilang tao—ang pagtawag sa kanila para maging banal at mamahalang kasama ni Kristo sa langit. Patiunang nagpasiya si Jehova na mag-ampon ng ilan sa mga tagasunod ni Jesus. Naging posible ang walang-kapantay na kabaitang ito dahil sa pantubos ni Kristo Jesus.—Ro 8:15-17; 2Ti 2:10; tingnan ang study note sa Efe 1:5.
pagkakahayag sa ating Tagapagligtas, si Kristo Jesus: Ipinapaliwanag dito ni Pablo na ang “walang-kapantay na kabaitan” ng Diyos, na binanggit sa talata 9, ay “malinaw na . . . nakikita dahil sa pagkakahayag [kay] Kristo Jesus.” Sa kontekstong ito, inihayag ni Jehova si Jesus nang isugo niya sa lupa ang Anak niyang ito para maging tao. Binanggit din ang paghahayag na ito sa Ju 1:14, na nagsasabing “ang Salita ay naging tao at namuhay kasama” ng mga tao. Gayundin, binanggit sa 1Ti 3:16 (tingnan ang study note) na si Jesus ay “naging tao.” Tumutukoy ito sa buhay at ministeryo ni Jesus sa lupa, na lumilitaw na nagsimula nang bautismuhan siya sa Ilog Jordan. Sa buong ministeryo ni Jesus, malinaw niyang itinuro sa mga tao kung paano sila maliligtas mula sa kasalanan at magkakaroon ng buhay na walang hanggan.—Mat 1:21; Luc 2:11; 3:6.
si Kristo Jesus, na . . . nagsiwalat kung paano magkakaroon ng buhay at katawang di-nasisira: Mababasa sa Hebreong Kasulatan ang tungkol sa pagkabuhay-muli at pag-asang mabuhay nang walang hanggan. (Job 14:14, 15; Aw 37:29; Isa 26:19; Dan 12:2, 13) Pero marami pang kinailangang isiwalat at linawin tungkol sa mga iyon. Tinatawag si Jesus na “tunay na liwanag na nagbibigay ng liwanag.” (Ju 1:9) Kaya tama lang na siya ang ‘magsiwalat’ ng impormasyon tungkol sa pag-asang ito. Tinawag niya ang sarili niya na “buhay,” at ipinangako niya na sinumang manampalataya sa kaniyang salita ay magkakaroon ng “buhay na walang hanggan.” (Ju 5:24; 6:40; 14:6) ‘Isiniwalat din ni Jesus kung paano magkakaroon ng buhay’ nang ipaliwanag niya na ang buhay na ibibigay niya bilang pantubos ang mag-aalis sa kamatayan. (Mat 20:28; Ju 3:16; 5:28, 29; 11:25, 26) Isiniwalat din ni Jesus na may ilang tao na mabubuhay sa langit at mamamahalang kasama niya. (Luc 12:32; Ju 14:2, 3) Kapag natanggap na nila ang gantimpala nila sa langit, magkakaroon sila ng “katawang hindi nabubulok.”—1Co 15:42 at study note; 1Pe 1:3, 4.
inatasan ako bilang mángangarál: Tingnan ang study note sa 1Ti 2:7.
apostol: Tingnan ang study note sa 1Ti 2:7.
guro: Tingnan ang study note sa 1Ti 2:7.
hindi ako nahihiya: Alam ni Pablo na nagdurusa siya dahil sa pagganap ng atas niya bilang mángangarál, apostol, at guro. (2Ti 1:11) Gusto ng mga tagausig niya na mahiya siya at mapunô ng takot para tumahimik siya. Pero gaya ni Jesus, na ‘nagtiis sa pahirapang tulos at binale-wala ang kahihiyan,’ hindi ikinahiya ni Pablo ang pag-uusig at pagbibilanggo sa kaniya dahil sa paggawa niya ng kalooban ni Jehova. (Heb 12:2) Gusto niya na ganiyan din ang maramdaman ni Timoteo at ng iba pang Kristiyano.—Tingnan ang study note sa 2Ti 1:8; tingnan din ang study note sa Mat 16:24.
Dahil kilala ko kung sino ang pinaniniwalaan ko: Sinasabi dito ni Pablo ang pangunahing dahilan kung bakit hindi siya nahihiya. Nakilala niya ang Diyos na Jehova, at naging kaibigan niya Siya. (Tingnan ang study note sa Gal 4:9.) Para kay Pablo, isang karangalan na tumanggap ng anumang atas mula sa kaniyang maibiging Ama.
ang ipinagkatiwala ko sa kaniya: Lit., “ang idineposito ko.” Malamang na sinasabi dito ni Pablo na ipinagkatiwala niya sa Diyos ang buhay niya. Malapit nang mamatay noon si Pablo, pero nagtitiwala siyang aalalahanin ni Jehova ang rekord niya ng katapatan hanggang sa “araw na iyon” kung kailan bubuhayin Niya siyang muli. (Ro 8:38, 39) Ang ekspresyong Griego para sa “deposito” ay isang termino sa batas na tumutukoy sa isang bagay na ipinatago sa iba para ingatan. (Isang kaugnay na pandiwa nito ang ginamit sa Gaw 14:23 at 20:32 para sa mga taong ‘ipinagkatiwala sa Diyos na Jehova.’) Sa ilang Bibliya, isinalin ang 2Ti 1:12 na para bang si Pablo ang dapat magbantay sa isang bagay na ipinagkatiwala sa kaniya. (Ihambing ang 1Ti 6:20 at 2Ti 1:14, kung saan pinayuhan ni Pablo si Timoteo na “bantayan” ang ipinagkatiwala sa kaniya.) Pero makikita sa konteksto na sa Diyos ipinagkatiwala ang bagay na binabanggit sa talatang ito at ang Diyos ang nagbabantay dito.
pamantayan: Ang salitang Griego para sa “pamantayan” ay puwede ring isaling “parisan.” Puwede itong tumukoy sa sketch ng isang pintor para mabuo ang kaniyang painting. Makakatulong ang “pamantayan ng kapaki-pakinabang na mga salita” para maintindihan ng isang Kristiyano kung ano ang inaasahan sa kaniya ng Diyos na Jehova at makita ang mga prinsipyo sa likod ng mga turong Kristiyano. Puwedeng ikumpara ni Timoteo sa ‘pamantayang’ ito ang mga bagong ideya na naririnig niya para hindi siya mailigaw ng huwad na mga guro.—Gal 1:7; 2Ti 2:16-18.
kapaki-pakinabang na mga salita: Ang ekspresyong Griego para sa “kapaki-pakinabang na mga salita” ay isinaling “kapaki-pakinabang na mga tagubilin” sa 1Ti 6:3. Ipinaliwanag doon ni Pablo na ang tagubiling iyon ay “mula sa ating Panginoong Jesu-Kristo.” Kaya ang pariralang ito ay tumutukoy sa tunay na mga turong Kristiyano. (Tingnan ang study note sa 1Ti 6:3.) Kaayon ng lahat ng iba pang turo ng Bibliya ang mga itinuro at ginawa ni Jesus, kaya ang ekspresyong “kapaki-pakinabang [lit., “nakapagpapalusog”] na mga salita” ay puwede ring tumukoy sa lahat ng turo ng Bibliya.
banal na espiritu na nasa atin: Lit., “banal na espiritu na naninirahan sa atin.” Na kina Pablo at Timoteo—at sa lahat ng pinahirang Kristiyano—ang banal na espiritu ng Diyos. Ibig sabihin, kumikilos ito sa kanila sa espesyal na paraan. (Ro 8:11; Efe 3:20) Tutulungan sila ng espiritu na bantayan ang “kayamanang . . . ipinagkatiwala” sa kanila—ang ministeryo at mga turong Kristiyano. Makakatulong din ang banal na espiritu sa lahat ng Kristiyano para magampanan nila ang kanilang ministeryo at magkaroon ng “mga katangian na bunga ng espiritu.”—Gal 5:22, 23; Gaw 1:8.
bantayan mo ang kayamanang ito na ipinagkatiwala sa iyo: Kasama sa kayamanang binabanggit dito ni Pablo ang binanggit niya sa naunang talata na “kapaki-pakinabang na mga salita,” o ang katotohanan na nasa Kasulatan. Katulad nito ang payo niya kay Timoteo sa nauna niyang liham: “Bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo.” (1Ti 6:20 at study note) Sinabi ni Pablo na mababantayan ni Timoteo ang ipinagkatiwala sa kaniya kung ituturo niya nang may katumpakan sa loob at labas ng kongregasyon ang mensaheng ipinangangaral ng mga Kristiyano. Sa ganitong paraan, hindi ito mapipilipit ng huwad na mga guro at mga apostata. (2Ti 4:2, 5) Magagawa lang ito ni Timoteo kung aasa siya sa banal na espiritu ni Jehova at sa Kaniyang Salita.—2Ti 3:14-17.
lalawigan ng Asia: O “probinsiya ng Asia.”—Tingnan sa Glosari, “Asia.”
Kaawaan nawa ng Panginoon: Dito, ipinapanalangin ni Pablo na kaawaan ni Jehova ang “sambahayan ni Onesiforo.” Naging napakabait at mahabagin ni Onesiforo kay Pablo dahil nang magpunta siya sa Roma, ginawa niya ang lahat para makita kung saan nakabilanggo si Pablo at matulungan ito. (2Ti 1:17; tingnan ang study note sa hindi niya ako ikinahiya kahit nakatanikala ako sa talatang ito.) Kaya ang panalangin ni Pablo ay kaayon ng sinabi ni Jesus sa Sermon sa Bundok: “Maligaya ang mga maawain, dahil pagpapakitaan sila ng awa.” (Mat 5:7 at study note) Sa Hebreong Kasulatan at Kristiyanong Griegong Kasulatan, inilarawan si Jehova na Diyos na “maawain” at may “saganang awa.”—Exo 34:6; Efe 2:4; ihambing ang 2Ti 1:18.
Onesiforo: Kahanga-hanga ang tapat na Kristiyanong ito dahil nanatili siyang tapat kay Pablo at nagsakripisyo siya para masuportahan ito. Pinuri ni Pablo si Onesiforo sa “lahat ng ginawa” nito para sa kaniya sa Efeso. Malamang na kilala rin siya ni Timoteo. Ipinapahiwatig ng pariralang “noong nasa Roma [si Onesiforo]” na naglakbay siya papunta doon, pero hindi sinasabi sa ulat kung ginawa niya iyon para makita si Pablo o may iba siyang dahilan. (2Ti 1:17, 18) Dito, hinihiling ni Pablo sa Diyos na pagpalain ang sambahayan ni Onesiforo; sa dulo ng liham ng apostol, nagpakumusta siya sa pamilyang ito.—2Ti 4:19.
hindi niya ako ikinahiya kahit nakatanikala ako: Ibang-iba si Onesiforo sa dalawang lalaking binanggit ni Pablo sa naunang talata. Iniwan siya ng mga ito at ng iba pa na nasa lalawigan ng Asia noong panahong nangangailangan siya. (2Ti 1:15, 17, 18) Posibleng nanganib na mabilanggo o mapatay pa nga ang mga dumadalaw kay Pablo noong ikalawa at huling pagkabilanggo niya. Pero hindi nagpadaig si Onesiforo sa takot o hiya. Sa halip, paulit-ulit niyang dinalaw si Pablo, kaya nasabi ng apostol na lagi siyang pinapatibay nito. Ang ekspresyong “nakatanikala” ay puwedeng tumukoy sa pagkabilanggo ni Pablo. Pero posible ring nakatanikala talaga si Pablo kaya mas kinailangan niya ang tulong ni Onesiforo.
talagang hinanap niya ako: Noong ikalawang pagkabilanggo ni Pablo, ginawa ni Onesiforo ang lahat para mahanap siya sa Roma. Mga isang milyon ang populasyon ng lunsod na iyon; walang pangalan ang mga kalsada, at wala ring numero ang mga bahay. Pero nakita ni Onesiforo kung saan nakabilanggo si Pablo habang naghihintay na litisin. Siguradong napakasaya ni Pablo sa ginawang iyon ni Onesiforo.
Kaawaan nawa siya ng Panginoong Jehova: O “Ang Panginoon nawa ay magkaloob sa kaniya ng awa mula kay Jehova.” Lumilitaw na ang “Panginoon” sa talata 16 at talata 18 ay parehong tumutukoy sa Diyos na Jehova. (2Ti 1:16 at study note) Sa orihinal na wika, kakaiba ang istilong ginamit ni Pablo dito sa talata 18. Sinabi niya na ang Panginoon (si Jehova) ay may ginagawa (nagkakaloob ng awa) mula sa sarili niya (mula kay Jehova). Pero ginamit din sa Hebreong Kasulatan at sa Griegong Septuagint ang ganitong istilo. Halimbawa, ganito ang literal na salin ng tekstong Hebreo sa Gen 19:24: “Nagpaulan si Jehova ng asupre at apoy mula kay Jehova,” na ang ibig sabihin lang ay nagpaulan si Jehova ng asupre at apoy. (Tingnan din ang Os 1:6, 7; Zac 10:12.) Sa paggamit ng istilong ito sa 2Ti 1:18, posibleng idiniriin ni Pablo na hinahayaan ni Jehova na tumanggap ng awa ang isang tao at sa Kaniya rin nanggagaling ang awang iyon.—Para sa paliwanag kung bakit ginamit dito ang pangalan ng Diyos, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 2Ti 1:18.
Alam na alam mo rin: O posibleng “Mas alam mo kaysa sa akin.” Sinasabi dito ni Pablo na alam na alam ni Timoteo ang maraming bagay na ginawa ni Onesiforo sa paglilingkod nito sa Efeso. Ang ekspresyon sa orihinal na wika ay puwede pa ngang mangahulugan na mas alam pa ni Timoteo kaysa kay Pablo ang mabubuting bagay na ginawa ni Onesiforo sa Efeso.