Daniel 2:1-49

2  Nang ikalawang taon ng paghahari ni Nabucodonosor, ilang beses siyang nanaginip at nabagabag siya nang husto+ kaya hindi siya makatulog. 2  Kaya ipinatawag ng hari ang mga mahikong saserdote, salamangkero, mangkukulam,* at mga Caldeo* para sabihin sa hari kung ano ang napanaginipan niya. Dumating sila at tumayo sa harap ng hari.+ 3  Sinabi ng hari sa kanila: “Nanaginip ako, at hindi ako mapakali dahil gusto kong malaman kung ano ang napanaginipan ko.” 4  Sumagot sa hari ang mga Caldeo sa wikang Aramaiko:*+ “O hari, mabuhay ka nawa magpakailanman. Sabihin mo ang panaginip sa iyong mga lingkod, at ipaaalam namin ang ibig sabihin nito.” 5  Sumagot ang hari sa mga Caldeo: “Sinasabi ko sa inyo: Kung hindi ninyo maipaaalam sa akin ang napanaginipan ko, pati ang ibig sabihin nito, pagpuputol-putulin ang katawan ninyo at gagawing pampublikong palikuran* ang mga bahay ninyo. 6  Pero kung masasabi ninyo ang napanaginipan ko at ang ibig sabihin nito, tatanggap kayo ng regalo at gantimpala at malaking karangalan.+ Kaya sabihin ninyo sa akin ang napanaginipan ko at ang ibig sabihin nito.” 7  Sumagot ulit sila: “Sabihin ng hari sa kaniyang mga lingkod ang napanaginipan niya, at ipaaalam namin ang ibig sabihin nito.” 8  Sumagot ang hari: “Alam na alam kong pinahahaba lang ninyo ang oras, dahil alam na ninyo ang mangyayari sa inyo. 9  Kapag hindi ninyo naipaalám sa akin ang napanaginipan ko, iisa lang ang parusa para sa inyong lahat. Pero napagkaisahan ninyong magsinungaling sa akin at linlangin ako hanggang sa magbago ang sitwasyon. Kaya sabihin ninyo sa akin ang napanaginipan ko, at malalaman ko na kaya ninyong ipaliwanag ang ibig sabihin nito.” 10  Sumagot ang mga Caldeo sa hari: “Walang sinuman sa lupa ang makagagawa ng hinihiling ng hari, dahil wala pang hari o gobernador ang humiling ng ganito sa sinumang mahikong saserdote, salamangkero, o Caldeo. 11  Napakahirap ng hinihiling ng hari, at walang makapagsasabi nito sa hari maliban sa mga diyos, na hindi naninirahang kasama ng mga mortal.”* 12  Kaya nagalit nang husto ang hari at ipinag-utos niyang patayin ang lahat ng matatalinong tao sa Babilonya.+ 13  Nang lumabas ang utos at papatayin na ang matatalinong tao, hinanap din si Daniel at ang mga kasamahan niya para patayin. 14  Nang panahong iyon, buong ingat at magalang na nakipag-usap si Daniel kay Ariok na pinuno ng mga tagapagbantay ng hari, ang papatay sa matatalinong tao sa Babilonya. 15  Tinanong niya si Ariok na opisyal ng hari: “Bakit may ganito kalupit na utos ang hari?” At sinabi ni Ariok kay Daniel ang dahilan.+ 16  Kaya pumunta sa hari si Daniel at humiling na bigyan siya ng panahon para ipaliwanag sa hari ang ibig sabihin ng panaginip. 17  Pagkatapos, umuwi si Daniel sa bahay niya at sinabi ang tungkol dito sa mga kasamahan niyang sina Hananias, Misael, at Azarias. 18  Pinakisuyuan niya silang manalangin para maawa ang Diyos ng langit at ipaalám sa kanila ang lihim na ito, para hindi mamatay si Daniel at ang mga kasamahan niya kasama ng iba pang matatalinong tao sa Babilonya. 19  Pagkatapos, sa isang pangitain sa gabi, isiniwalat kay Daniel ang lihim.+ Kaya pinuri ni Daniel ang Diyos ng langit. 20  Sinabi ni Daniel: “Purihin nawa ang pangalan ng Diyos magpakailanman,*Dahil nasa kaniya ang karunungan at kalakasan.+ 21  Binabago niya ang oras at mga panahon.+Nag-aalis siya at nagtatalaga ng mga hari+At nagbibigay ng karunungan sa marurunong at ng kaalaman sa mga may unawa.+ 22  Isinisiwalat niya ang malalalim na bagay at ang mga nakatago,+Alam niya kung ano ang nasa dilim,+At napapalibutan siya ng liwanag.+ 23  O Diyos ng aking mga ninuno, nagpapasalamat ako sa iyo at pinupuri kita,Dahil binigyan mo ako ng karunungan at kapangyarihan. At ipinaalám mo sa akin ngayon ang hinihiling namin;Ipinaalám mo sa amin ang ikinababahala ng hari.”+ 24  At pumunta si Daniel kay Ariok, na inatasan ng hari para patayin ang matatalinong tao sa Babilonya.+ Sinabi niya rito: “Huwag mong patayin ang sinuman sa matatalinong tao sa Babilonya. Dalhin mo ako sa harap ng hari, at sasabihin ko sa hari ang ibig sabihin ng panaginip niya.” 25  Agad na dinala ni Ariok si Daniel sa harap ng hari, at sinabi niya: “Natagpuan namin ang isang lalaking tapon mula sa Juda+ na makapagsasabi ng ibig sabihin ng panaginip ng hari.” 26  Sinabi ng hari kay Daniel, na may pangalan ding Beltesasar:+ “Talaga bang masasabi mo sa akin kung ano ang napanaginipan ko at ang ibig sabihin nito?”+ 27  Sumagot si Daniel sa hari: “Walang sinuman sa matatalino, salamangkero, mahikong saserdote, at astrologo ang makapagsasabi ng lihim na gustong malaman ng hari.+ 28  Pero may isang Diyos sa langit na Tagapagsiwalat ng mga lihim,+ at ipinaaalam niya kay Haring Nabucodonosor kung ano ang mangyayari sa huling bahagi ng mga araw. Ito ang panaginip mo at ang mga pangitaing nakita mo habang nakahiga: 29  “O hari, habang nasa higaan ka, napanaginipan mo ang* mangyayari sa hinaharap, at ipinaalám sa iyo ng Tagapagsiwalat ng mga lihim kung ano ang mangyayari. 30  Isiniwalat sa akin ang lihim na ito, hindi dahil sa mas matalino ako kaysa sa sinumang nabubuhay, kundi para maipaalám sa hari ang ibig sabihin ng panaginip niya at malaman ng hari ang laman ng isip niya.+ 31  “Ikaw, O hari, ay nakakita ng isang pagkalaki-laking imahen.* Ang imaheng iyon, na malaki at napakaningning, ay nakatayo sa harap mo, at nakakatakot ang hitsura nito. 32  Ang ulo ng imahen ay purong ginto,+ ang dibdib at mga braso nito ay pilak,+ ang tiyan at mga hita nito ay tanso,+ 33  ang mga binti nito ay bakal,+ at ang mga paa nito ay pinaghalong bakal at putik.*+ 34  Habang nakatingin ka rito, isang bato ang natibag, pero hindi sa pamamagitan ng kamay, at tumama ito sa mga paa ng imahen na gawa sa bakal at putik at nadurog ang mga iyon.+ 35  Nang pagkakataong iyon, sama-samang nadurog ang bakal, putik, tanso, pilak, at ginto at naging gaya ng ipa sa giikan kapag tag-araw, at tinangay ito ng hangin kaya wala nang natirang bakas nito. Pero ang bato na tumama sa imahen ay naging isang malaking bundok, at napuno nito ang buong lupa. 36  “Iyon ang panaginip, at sasabihin namin ngayon sa hari ang ibig sabihin nito. 37  Ikaw, O hari, ang hari ng mga hari, sa iyo ibinigay ng Diyos ng langit ang kaharian,+ kapangyarihan, lakas, at karangalan, 38  pati ang mga tao, saanman sila naninirahan, gayundin ang mga hayop sa parang at mga ibon sa langit, at ikaw ang ginawa niyang tagapamahala nilang lahat.+ Ikaw ang ulong ginto.+ 39  “Pero kasunod mo ay may babangong kaharian+ na nakabababa sa iyo; at susundan ito ng isa pang kaharian, ang ikatlo, ang tanso, na mamamahala sa buong lupa.+ 40  “Ang ikaapat na kaharian naman ay magiging malakas gaya ng bakal.+ Kung paanong kayang durugin at pulbusin ng bakal ang lahat ng iba pang bagay, oo, gaya ng bakal na nangwawasak, dudurugin nito at wawasakin ang lahat ng iyon.+ 41  “At kung paanong ang mga paa at ang mga daliri nito na nakita mo ay may bahaging putik* at may bahaging bakal, ang kaharian ay mahahati, pero magkakaroon din ito ng tigas ng bakal, dahil gaya ng nakita mo, may bakal ito na nakahalo sa malambot na putik. 42  At kung paanong ang mga daliri sa paa ay may bahaging bakal at may bahaging putik, ang kaharian ay may bahaging malakas at may bahaging mahina. 43  Kung paanong ang bakal ay nakahalo sa malambot na putik, gaya ng nakita mo, ang mga ito* ay mahahalo sa sangkatauhan;* pero hindi magkakadikit ang mga iyon, kung paanong ang bakal ay hindi dumidikit sa putik. 44  “Sa panahon ng mga haring iyon, ang Diyos ng langit ay magtatatag ng isang kaharian+ na hindi mawawasak kailanman.+ At ang kahariang ito ay hindi ibibigay sa ibang bayan.+ Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng kahariang iyon,+ at ito lang ang mananatili magpakailanman,+ 45  kung paanong nakita mo na isang bato mula sa bundok ang natibag, hindi sa pamamagitan ng kamay, at na dinurog nito ang bakal, tanso, putik, pilak, at ginto.+ Ipinaalám ng Dakilang Diyos sa hari kung ano ang mangyayari sa hinaharap.+ Ang panaginip ay magkakatotoo, at mapananaligan ang ibig sabihin nito.” 46  Kaya sumubsob sa lupa si Haring Nabucodonosor at nagbigay-galang kay Daniel, at ipinag-utos niyang bigyan ito ng regalo at handugan ng insenso. 47  Sinabi ng hari kay Daniel: “Totoo ngang ang inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos at Panginoon ng mga hari at Tagapagsiwalat ng mga lihim, dahil naisiwalat mo ang lihim na ito.”+ 48  At itinaas ng hari ang posisyon ni Daniel at binigyan ito ng maraming magagandang regalo, at ginawa niya itong tagapamahala ng lahat ng nasasakupang distrito ng Babilonya+ at punong prepekto ng lahat ng matatalinong tao sa Babilonya. 49  At sa kahilingan ni Daniel, inatasan ng hari sina Sadrac, Mesac, at Abednego+ na mangasiwa sa nasasakupang distrito ng Babilonya, at si Daniel naman ay naglingkod sa palasyo ng hari.

Talababa

O “manggagaway.” Tingnan sa Glosari, “Panggagaway.”
Isang grupong eksperto sa panghuhula at astrolohiya.
Ang Dan 2:4b hanggang 7:28 ay unang isinulat sa wikang Aramaiko.
O posibleng “gagawing tambakan ng basura o dumi.”
Lit., “kasama ng laman.”
O “mula sa panahong walang pasimula hanggang sa panahong walang wakas.”
O “nabaling ang kaisipan mo sa.”
O “estatuwa.”
O “nilutong (hinulmang) luwad.”
O “putik ng magpapalayok.”
O “mga bahagi ng kahariang iyon.”
O “supling ng sangkatauhan,” o karaniwang mga tao.

Study Notes

Media