Esther 5:1-14

5  Pagdating ng ikatlong araw,+ isinuot ni Esther ang damit niyang panreyna at tumayo siya sa looban ng palasyo, na katapat ng bahay ng hari. Nakaupo noon ang hari sa kaniyang trono sa palasyo, na nakaharap sa pasukan. 2  Nang makita ng hari si Reyna Esther na nakatayo sa looban, natuwa ang hari, at iniunat niya ang kaniyang kamay hawak ang gintong setro.+ Kaya lumapit si Esther at hinawakan ang dulo ng setro. 3  Tinanong siya ng hari: “Ano ang sadya mo, Reyna Esther? Ano ang gusto mo? Kahit kalahati ng kaharian ko, ibibigay ko sa iyo!” 4  Sumagot si Esther: “May inihanda po akong salusalo para sa inyo. Kung papayag po ang hari, magpunta sana kayo ngayon sa handaan kasama si Haman.”+ 5  Kaya sinabi ng hari sa mga tagapaglingkod niya: “Sabihin ninyo kay Haman na pumunta agad dito, gaya ng hiniling ni Esther.” Kaya ang hari at si Haman ay pumunta sa salusalong inihanda ni Esther. 6  Noong umiinom na sila ng alak, sinabi ng hari kay Esther: “Ano ang hiling mo? Ibibigay ko iyon sa iyo! Ano ang gusto mo? Kahit kalahati ng kaharian ko, ibibigay ko sa iyo!”+ 7  Sumagot si Esther: “Ang pakiusap ko po at kahilingan ay, 8  Kung kinalulugdan ako ng hari at nanaisin ng hari na ibigay ang pakiusap ko at kahilingan, pumunta sana kayo ni Haman sa handaang idaraos ko bukas para sa inyo; at bukas ko po sasabihin ang kahilingan ko.” 9  Nang araw na iyon, lumabas si Haman na masayang-masaya. Pero nang makita niya si Mardokeo sa pintuang-daan ng palasyo at mapansing hindi ito tumayo at hindi ito natatakot sa kaniya, galit na galit si Haman kay Mardokeo.+ 10  Pero nagpigil si Haman at umuwi sa bahay niya. Pagkatapos, ipinatawag niya ang kaniyang mga kaibigan at ang asawa niyang si Zeres.+ 11  Ipinagyabang ni Haman na malaki ang kayamanan niya, na marami siyang anak,+ at na binigyan siya ng hari ng mas mataas na posisyon at mas malaking awtoridad kaysa sa lahat ng matataas na opisyal at mga lingkod ng hari.+ 12  Sinabi pa ni Haman: “Hindi lang iyan, ako lang ang inimbita ni Reyna Esther para samahan ang hari sa salusalong inihanda niya.+ Imbitado rin ako bukas para makasama siya at ang hari.+ 13  Pero bale-wala ang lahat ng ito hangga’t nakikita ko ang Judiong si Mardokeo na nakaupo sa pintuang-daan ng palasyo.” 14  Kaya sinabi sa kaniya ng asawa niyang si Zeres at ng lahat ng kaibigan niya: “Magpagawa ka ng isang tulos na 50 siko* ang taas. At bukas ng umaga, sabihin mo sa hari na ibitin doon si Mardokeo.+ Saka ka sumama sa hari sa handaan at magpakasaya ka.” Nagustuhan ni Haman ang mungkahing ito, kaya ipinagawa niya ang tulos.

Talababa

Mga 22.3 m (73 ft). Tingnan ang Ap. B14.

Study Notes

Media