Ezekiel 22:1-31
22 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova:
2 “Ikaw, anak ng tao, handa ka na bang ihayag ang hatol* sa lunsod na ito na mamamatay-tao+ at sabihin sa kaniya ang lahat ng kaniyang kasuklam-suklam na bagay?+
3 Sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Malapit nang dumating ang oras mo,+ O lunsod na pumapatay+ at gumagawa ng karima-rimarim na mga idolo* para maging marumi;+
4 nagkasala ka dahil sa pagpatay mo,+ at pinarumi ka ng karima-rimarim na mga idolo.+ Pinabilis mo ang katapusan ng iyong mga araw, at dumating na ang katapusan ng iyong mga taon. Kaya gagawin kitang tampulan ng pandurusta ng mga bansa at pangungutya ng lahat ng lupain.+
5 Kukutyain ka ng malalapit at malalayong lupain,+ ikaw na masama ang pangalan at punô ng kaguluhan.
6 Ginagamit ng bawat pinuno ng Israel na nasa loob mo ang awtoridad niya para pumatay.+
7 Sa loob mo, hinahamak nila ang kanilang ama at ina.+ Dinaraya nila ang dayuhang naninirahan sa lupain at inaapi ang mga batang walang ama* at biyuda.”’”+
8 “‘Namumuhi ka sa aking mga banal na lugar, at nilalapastangan mo ang aking mga sabbath.+
9 Nasa loob ng iyong lunsod ang mga maninirang-puri na gustong pumatay.+ Sa loob ng iyong lunsod ay kumakain sila ng mga hain sa mga bundok at nagsasagawa ng mahalay na gawain.+
10 Sa loob ng iyong lunsod, nilalapastangan nila ang higaan ng kanilang ama*+ at pinagsasamantalahan ang babaeng marumi dahil sa kaniyang regla.+
11 Sa loob ng iyong lunsod, kasuklam-suklam ang ginagawa ng isang lalaki sa asawa ng kapuwa niya,+ dinurungisan ng isa ang kaniyang manugang na babae dahil sa mahalay na paggawi,+ at pinagsasamantalahan ng isa pa ang kaniyang kapatid na babae, ang anak ng sarili niyang ama.+
12 Sa loob ng iyong lunsod, tumatanggap sila ng suhol para pumatay.+ Nagpapatong ka ng tubo+ at pinagkakakitaan ang mga may utang, at kinikikilan mo ang kapuwa mo.+ Oo, talagang kinalimutan mo na ako,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.
13 “‘At napapapalakpak ako sa pagkasuklam dahil sa pandaraya mo para lang makinabang at dahil sa mga pagpatay mo.
14 Malakas pa rin kaya ang loob mo* at mananatili ka pa ring matibay kapag nagsimula na akong kumilos laban sa iyo?+ Ako mismong si Jehova ang nagsalita, at kikilos ako.
15 Pangangalatin kita sa mga bansa at lupain,+ at tutuldukan ko ang karumihan mo.+
16 At mapapahiya ka sa harap ng mga bansa, at malalaman mong ako si Jehova.’”+
17 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova:
18 “Anak ng tao, ang sambahayan ng Israel ay naging gaya ng dumi para sa akin at walang pakinabang. Lahat sila ay parang tanso, lata, bakal, at tingga sa isang hurno. Naging dumi sila sa pilak.+
19 “Kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Dahil lahat kayo ay naging dumi na walang pakinabang,+ titipunin ko kayo sa loob ng Jerusalem.
20 Kung paanong tinitipon sa isang hurno ang pilak, tanso, bakal, tingga, at lata para bugahan at tunawin sa apoy, gayon ko kayo titipunin sa aking galit at poot, at bubugahan ko kayo at tutunawin.+
21 Titipunin ko kayo at bubugahan ng apoy ng poot ko,+ at tutunawin ko kayo sa loob niya.+
22 Kung paanong natutunaw ang pilak sa hurno, ganoon din kayo matutunaw sa loob niya; at malalaman ninyo na ako mismong si Jehova ang nagbuhos ng poot ko sa inyo.’”
23 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova:
24 “Anak ng tao, sabihin mo sa kaniya, ‘Ikaw ay lupaing hindi lilinisin o makararanas ng ulan sa araw ng poot.
25 Ang mga propeta sa loob niya ay nagsasabuwatan,+ gaya ng leong umuungal at nanlalapa ng biktima.+ Lumalamon sila ng tao. Nang-aagaw sila ng kayamanan at mahahalagang bagay. Marami silang ginawang biyuda sa loob niya.
26 Ang mga saserdote niya ay lumalabag sa aking kautusan,+ at patuloy nilang nilalapastangan ang aking mga banal na lugar.+ Walang pagkakaiba sa kanila ang banal at karaniwan,+ at hindi nila ipinaaalam kung ano ang marumi at malinis,+ at ayaw nilang sundin ang batas ko sa mga sabbath, at nalalapastangan ako sa gitna nila.
27 Ang mga pinuno sa gitna niya ay parang mga lobo* na nanlalapa ng biktima; nananakit sila at pumapatay ng tao* para sa di-tapat na pakinabang.+
28 Pero pininturahan ng puti ng mga propeta niya ang mga ginagawa nila. Di-totoo ang mga pangitain nila at humuhula sila ng kasinungalingan,+ at sinasabi nila: “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova,” pero hindi naman talaga nagsalita si Jehova.
29 Ang mga tao sa lupain ay nandaraya at nagnanakaw,+ inaapi nila ang mga nangangailangan at mahihirap, at dinaraya nila ang dayuhang naninirahan sa lupain at pinagkakaitan ng katarungan.’
30 “‘Humahanap ako ng isang lalaki mula sa kanila na magkukumpuni ng batong pader o tatayo sa sirang bahagi nito para protektahan ang lupain para hindi ko ito wasakin,+ pero wala akong nakita.
31 Kaya ibubuhos ko sa kanila ang galit ko at lilipulin sila sa pamamagitan ng apoy ng aking poot. Ibabalik ko sa kanila ang bunga ng landasin nila,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”
Talababa
^ Lit., “hahatol ka ba, hahatol ka ba.”
^ Ang terminong Hebreo para dito ay puwedeng iugnay sa isang salita para sa “dumi ng hayop” at isang ekspresyon ng paghamak.
^ O “mga ulila.”
^ Lit., “inihahantad nila ang kahubaran ng kanilang ama.”
^ Lit., “Matatag pa rin ba ang puso mo.”
^ O “mababangis na aso.”