Ezekiel 26:1-21
26 Nang ika-11 taon, noong unang araw ng buwan, dumating sa akin ang salita ni Jehova:
2 “Anak ng tao, sinabi ng Tiro tungkol sa Jerusalem,+ ‘Aha! Sira na ang pasukan ng mga bayan!+ Sa akin na pupunta ang lahat, at yayaman ako dahil nawasak na siya’;
3 kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Kikilos ako laban sa iyo, O Tiro, at pasasalakayin ko sa iyo ang maraming bansa, tulad ng paghampas ng mga alon sa dagat.
4 Wawasakin nila ang mga pader ng Tiro at gigibain ang mga tore niya,+ at kakayurin ko ang lupa para siya ay maging isang makintab na bato.
5 Siya ay magiging patuyuan ng lambat sa gitna ng dagat.’+
“‘Dahil ako mismo ang nagsalita,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘at siya ay magiging samsam ng mga bansa.
6 At ang mga pamayanan nito sa nayon ay pababagsakin gamit ang espada, at malalaman ng mga tao na ako si Jehova.’
7 “Dahil ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Pasasalakayin ko sa Tiro si Haring Nabucodonosor* ng Babilonya na mula sa hilaga;+ siya ay hari ng mga hari,+ na may mga kabayo,+ mga karwaheng pandigma,+ mga kabalyero, at isang malaking hukbo ng mga sundalo.*
8 Ang iyong mga pamayanan sa nayon ay wawasakin niya gamit ang espada, at magtatayo siya ng pader na pangubkob at gagawa ng rampa at makikipaglaban sa iyo nang may malaking kalasag.
9 Sisirain niya ang mga pader mo gamit ang panggiba* niya at ibabagsak ang mga tore mo gamit ang mga palakol* niya.
10 Mababalot ka ng alikabok dahil sa dami ng kabayo niya, at uuga ang mga pader mo dahil sa ingay ng mga kabalyero, gulong, at karwaheng pandigma kapag pumasok siya sa iyong mga pintuang-daan, gaya ng paglusob ng mga tao sa isang lunsod na sira ang mga pader.
11 Lulusubin ng mga kabayo ang lahat ng lansangan mo;+ papatayin niya ang iyong bayan gamit ang espada, at babagsak ang iyong matitibay na haligi.
12 Sasamsamin nila ang yaman mo, nanakawin ang mga paninda mo,+ pababagsakin ang mga pader mo, at gigibain ang magagandang bahay mo. At itatapon nila sa tubig ang iyong mga bato, kagamitang kahoy, at lupa.’
13 “‘Patitigilin ko ang ingay ng iyong mga awitin, at hindi na maririnig pa ang musika ng iyong mga alpa.+
14 Gagawin kitang isang makintab na bato, at magiging patuyuan ka ng lambat.+ Hindi ka na itatayong muli, dahil ako mismong si Jehova ang nagsalita,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.
15 “Ito ang sinabi sa Tiro ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘Kapag narinig ang ingay ng iyong pagbagsak at ang ungol ng mga naghihingalo,* kapag pinagpapatay ang mga naninirahan sa iyo, hindi ba mangingilabot ang mga isla?+
16 Ang mga prinsipe* sa karagatan ay bababa sa kanilang trono, at huhubarin nila ang kanilang mahahabang damit* at kasuotang may burda, at mangangatog sila.* Uupo sila sa lupa at tuloy-tuloy na mangangatog, at titingin sila sa iyo at matutulala.+
17 At aawit sila ng isang awit ng pagdadalamhati+ para sa iyo:
“Paano nangyaring nagiba ka,+ ikaw na tirahan ng mga mandaragat, ang kapuri-puring lunsod;Naging makapangyarihan ka sa dagat,+ ikaw at ang mga naninirahan sa iyo,*At kinatatakutan ka ng lahat ng tao sa lupa!
18 Ang mga isla ay mangangatog sa araw ng pagbagsak mo,Ang mga isla sa karagatan ay maliligalig kapag nawala ka na.”’+
19 “Dahil ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Kapag winasak kitang gaya ng mga lunsod na walang naninirahan, kapag itinabon ko sa iyo ang rumaragasang tubig at natakpan ka ng dumadaluyong na tubig,+
20 ibababa kita sa hukay* gaya ng ginagawa ko sa iba pa, kasama ng mga taong matagal nang patay; para wala nang manirahan sa iyo, dadalhin kita sa pinakamababang lugar, gaya ng mga lunsod na matagal nang wasak, kasama ng iba pang ibinaba sa hukay.+ Pagkatapos, luluwalhatiin* ko ang lupain ng mga buháy.
21 “‘Biglang darating ang kakila-kilabot na katapusan mo.+ Hahanapin ka nila, pero hindi ka na nila makikita kahit kailan,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”
Talababa
^ Lit., “Nabucodorosor,” isa pang ispeling.
^ Lit., “mga bayan.”
^ O “makinang pansalakay.”
^ O “espada.”
^ Lit., “pinatay.”
^ O “pinuno.”
^ O “kanilang mga damit na walang manggas.”
^ Lit., “at madaramtan sila ng panginginig.”
^ Lit., “siya at ang mga naninirahan sa kaniya.”
^ O “libingan.”
^ O “pagagandahin.”