Ezekiel 30:1-26
30 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova:
2 “Anak ng tao, humula ka at sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova:
“Tumangis kayo, ‘Dumarating na ang araw!’
3 Dahil ang araw ay malapit na, oo, malapit na ang araw ni Jehova.+
Magdidilim ang ulap sa araw na iyon,+ ang itinakdang panahon para sa mga bansa.+
4 May darating na espada laban sa Ehipto, at matataranta ang Etiopia kapag namatay at nabuwal ang mga tao sa Ehipto;Ninakaw ang yaman nito at giniba ang mga pundasyon.+
5 Ang Etiopia,+ Put,+ Lud, at ang lahat ng mula sa ibang bansa,At ang Kub, pati ang mga anak ng lupaing nasa ilalim ng tipan*—Mabubuwal sila sa pamamagitan ng espada.”’
6 Ito ang sinabi ni Jehova:
‘Ang mga sumusuporta sa Ehipto ay mabubuwal din,At babagsak ang ipinagmamalaki nitong kapangyarihan.’+
“‘Mula Migdol+ hanggang Seyene,+ mabubuwal sila sa pamamagitan ng espada,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.
7 ‘Sila ang magiging pinakatiwangwang sa lahat ng lupain, at ang mga lunsod nila ang magiging pinakawasak na mga lunsod.+
8 At malalaman nila na ako si Jehova kapag nagpaliyab ako ng apoy sa Ehipto at nadurog ang lahat ng kakampi nito.
9 Sa araw na iyon, magpapadala ako ng mga mensaherong sakay ng mga barko para manginig sa takot ang Etiopia na nagtitiwala sa sarili; matataranta sila sa araw ng kapahamakan ng Ehipto, dahil tiyak na darating ito.’
10 “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Lilipulin ko ang mga hukbo ng Ehipto sa pamamagitan ng kamay ni Haring Nabucodonosor* ng Babilonya.+
11 Siya at ang mga hukbo niya, ang pinakamalulupit mula sa mga bansa,+ ay papapasukin para wasakin ang lupain. Huhugutin nila ang mga espada nila laban sa Ehipto at pupunuin ng mga pinatay ang lupain.+
12 Gagawin kong tuyong lupa ang mga kanal ng Nilo+ at ipagbibili ko ang lupain sa masasamang tao. Gagawin kong tiwangwang ang lupain at wawasakin ang lahat ng naroon sa pamamagitan ng kamay ng mga banyaga.+ Ako mismong si Jehova ang nagsalita.’
13 “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Wawasakin ko rin ang karima-rimarim na mga idolo* at aalisin ang walang-silbing mga diyos ng Nop.*+ Hindi na magkakaroon ng prinsipe* mula sa Ehipto, at paghahariin ko ang takot sa Ehipto.+
14 Gagawin kong tiwangwang ang Patros+ at magpapaliyab ako ng apoy sa Zoan at lalapatan ko ng hatol ang No.*+
15 Ibubuhos ko ang galit ko sa Sin, ang tanggulan ng Ehipto, at uubusin ko ang populasyon ng No.
16 Magpapaliyab ako ng apoy sa Ehipto. Mababalot ng takot ang Sin, mapapasok ang No, at sasalakayin ang Nop* habang tirik ang araw!
17 Mamamatay sa espada ang mga kabataang lalaki ng On* at Pibeset, at mabibihag ang nasa mga lunsod.
18 Magdidilim sa Tehapnehes kapag binali ko roon ang mga pamatok ng Ehipto.+ Mawawala na ang ipinagmamalaki niyang kapangyarihan,+ matatakpan siya ng ulap, at mabibihag ang nasa mga bayan niya.+
19 Maglalapat ako ng hatol sa Ehipto, at malalaman nila na ako si Jehova.’”
20 At nang ika-11 taon, noong ikapitong araw ng unang buwan, dumating sa akin ang salita ni Jehova:
21 “Anak ng tao, binali ko ang bisig ng Paraon na hari ng Ehipto; hindi iyon tatalian para gumaling o bebendahan para lumakas muli at makahawak ng espada.”
22 “Kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Kikilos ako laban sa Paraon na hari ng Ehipto,+ at babaliin ko ang mga bisig niya, ang malakas at ang may bali,+ at mabibitawan niya ang espada.+
23 At pangangalatin ko ang mga Ehipsiyo sa mga bansa at lupain.+
24 Palalakasin ko ang mga bisig* ng hari ng Babilonya+ at ibibigay sa kaniya ang espada ko,+ at babaliin ko ang mga bisig ng Paraon, at uungol ito nang malakas sa harap niya gaya ng isang taong naghihingalo.
25 Palalakasin ko ang mga bisig ng hari ng Babilonya, pero ang mga bisig ng Paraon ay lalaylay; at malalaman nila na ako si Jehova kapag ibinigay ko sa hari ng Babilonya ang espada ko at iwinasiwas niya iyon laban sa Ehipto.+
26 At pangangalatin ko ang mga Ehipsiyo sa mga bansa at lupain,+ at malalaman nila na ako si Jehova.’”
Talababa
^ Malamang na tumutukoy sa mga Israelitang nakipag-alyansa sa Ehipto.
^ Lit., “Nabucodorosor,” isa pang ispeling.
^ O “pinuno.”
^ O “Memfis.”
^ Ang terminong Hebreo para dito ay puwedeng iugnay sa isang salita para sa “dumi ng hayop” at isang ekspresyon ng paghamak.
^ Thebes.
^ O “Memfis.”
^ Heliopolis.
^ O “ang kapangyarihan.”