Ezekiel 32:1-32
32 At nang ika-12 taon, noong unang araw ng ika-12 buwan, dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova:
2 “Anak ng tao, umawit ka ng isang awit ng pagdadalamhati tungkol sa Paraon na hari ng Ehipto, at sabihin mo sa kaniya,‘Gaya ka ng isang malakas na leon ng mga bansa,Pero pinatahimik ka.
Gaya ka ng isang malaking hayop sa katubigan,+ na nagwawala sa iyong mga ilog;Nagputik ang tubig dahil sa mga paa mo at dumumi ang mga ilog.’*
3 Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova:
‘Ihahagis ko sa iyo ang lambat ko gamit ang isang kalipunan ng maraming bansa,At iaahon ka nila gamit ang lambat ko.
4 Iiwan kita sa lupa;Ihahagis kita sa parang.
Padadapuin ko sa iyo ang lahat ng ibon sa langit,At mabubusog sa iyong laman ang maiilap na hayop sa buong lupa.+
5 Ihahagis ko ang iyong laman sa mga bundok,At pupunuin ko ang mga lambak ng natira sa iyong katawan.+
6 Ang lupain, pati ang mga bundok, ay babasain ko ng dugo na umaagos sa iyo,At mapupuno nito* ang mga batis.’
7 ‘At kapag napuksa ka na, tatakpan ko ang langit at pagdidilimin ang mga bituin nito.
Tatakpan ko ng mga ulap ang araw,At hindi magliliwanag ang buwan.+
8 Pagdidilimin ko ang lahat ng nagniningning na tanglaw sa langit dahil sa iyo,At babalutin ko ng kadiliman ang lupain mo,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.
9 ‘Mababagabag ang maraming bayan kapag ang mga nabihag sa iyo ay dinala ko sa ibang mga bansa,Sa mga lupaing hindi mo pa alam.+
10 Masisindak ang maraming bayan,At mangangatog sa takot ang mga hari nila dahil sa iyo kapag iwinasiwas ko ang espada ko sa harap nila.
Matatakot sila para sa buhay nila at patuloy na manginginigSa araw ng pagbagsak mo.’
11 Dahil ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova:
‘Sasalakayin ka ng espada ng hari ng Babilonya.+
12 Pababagsakin ko ang iyong mga hukbo gamit ang espada ng malalakas na mandirigma,Ang pinakamalulupit sa mga bansa, lahat sila.+
Ibabagsak nila ang ipinagmamalaki ng Ehipto, at malilipol ang lahat ng hukbo niya.+
13 Pupuksain ko ang lahat ng alagang hayop niya na nasa tabi ng kaniyang saganang tubig,+At hindi na iyon magpuputik dahil sa paa ng tao o alagang hayop.’+
14 ‘Sa panahong iyon, palilinawin ko ang tubig,At ang mga ilog ay paaagusin kong gaya ng langis,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.
15 ‘Kapag winasak ko ang Ehipto, isang lupaing sagana pero naging tiwangwang,+Kapag pinabagsak ko ang lahat ng nakatira dito,Malalaman nila na ako si Jehova.+
16 Ito ay isang awit ng pagdadalamhati, at tiyak na aawitin ito ng mga tao;Aawitin ito ng mga anak na babae ng mga bansa.
Aawitin nila ito para sa Ehipto at sa lahat ng hukbo nito,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”
17 At nang ika-12 taon, noong ika-15 araw ng buwan, dumating sa akin ang salita ni Jehova:
18 “Anak ng tao, humagulgol ka para sa mga hukbo ng Ehipto at ibaba mo siya sa kailaliman ng lupa, siya at ang mga anak na babae ng makapangyarihang mga bansa, kasama ng mga bumababa sa hukay.*
19 “‘Ikaw ba ang pinakamaganda? Bumaba ka, at humigang kasama ng mga di-tuli!’
20 “‘Babagsak silang kasama ng mga pinatay sa espada.+ Mamamatay siya sa espada; kaladkarin siyang palayo kasama ang lahat ng hukbo niya.
21 “‘Mula sa kailaliman ng Libingan,* makikipag-usap sa kaniya at sa mga katulong niya ang malalakas na mandirigma. Tiyak na bababa sila at hihigang gaya ng di-tuli, na pinatay sa espada.
22 Naroon ang Asirya at ang buong hukbo niya. Nasa palibot niya ang mga libingan nila, silang lahat na pinatay sa espada.+
23 Ang mga libingan niya ay nasa kailaliman ng hukay,* at nasa palibot ng libingan niya ang hukbo niya, silang lahat na pinatay sa espada, dahil naghasik sila ng takot sa lupain ng mga buháy.
24 “‘Naroon ang Elam+ kasama ang lahat ng hukbo niya na nasa palibot ng libingan niya, silang lahat na pinatay sa espada. Bumaba silang di-tuli sa kailaliman ng lupa, ang mga naghasik ng takot sa lupain ng mga buháy. Mapapahiya sila ngayon kasama ng mga bumababa sa hukay.*
25 Gumawa sila ng higaan niya sa gitna ng mga pinatay, ng lahat ng hukbo niya na nasa palibot ng mga libingan niya. Silang lahat ay di-tuli, pinatay sa espada, dahil naghasik sila ng takot sa lupain ng mga buháy; at mapapahiya sila kasama ng mga bumababa sa hukay.* Isinama siya sa mga pinatay.
26 “‘Naroon ang Mesec at Tubal+ at ang lahat ng hukbo nila.* Nasa palibot niya ang mga libingan nila.* Silang lahat ay di-tuli, sinaksak ng espada, dahil naghasik sila ng takot sa lupain ng mga buháy.
27 Hindi ba hihiga silang kasama ng malalakas at mga di-tuling mandirigma na namatay, na bumaba sa Libingan* kasama ang mga sandata nila? At ilalagay nila ang kanilang mga espada sa ilalim ng ulo nila* at ang kanilang mga kasalanan sa mga buto nila, dahil tinakot ng malalakas na mandirigmang ito ang lupain ng mga buháy.
28 Pero ikaw, dudurugin kang kasama ng mga di-tuli, at hihiga kang kasama ng mga pinatay sa espada.
29 “‘Naroon ang Edom,+ ang mga hari niya at lahat ng pinuno niya, na humigang kasama ng mga pinatay sa espada kahit makapangyarihan sila; sila rin ay hihigang kasama ng mga di-tuli+ at ng mga bumababa sa hukay.*
30 “‘Naroon ang lahat ng prinsipe* ng hilaga kasama ang lahat ng Sidonio,+ na bumabang punô ng kahihiyan kasama ng mga pinatay, kahit kinatatakutan sila dahil malalakas sila. Hihiga silang di-tuli kasama ng mga pinatay sa espada at mapapahiya kasama ng mga bumababa sa hukay.*
31 “‘At makikita ng Paraon ang lahat ng ito, kaya maaaliw na siya sa sinapit ng mga hukbo niya;+ ang Paraon at ang buong hukbo niya ay papatayin sa espada,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.
32 “‘Dahil naghasik siya ng takot sa lupain ng mga buháy, ang Paraon at ang lahat ng hukbo niya ay hihigang kasama ng mga di-tuli, ng mga pinatay sa espada,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”
Talababa
^ Lit., “ang mga ilog nila.”
^ Lit., “mo.”
^ O “libingan.”
^ O “libingan.”
^ O “libingan.”
^ O “libingan.”
^ Lit., “niya.”
^ Lit., “niya.”
^ Malamang na tumutukoy sa mga mandirigmang inilibing na kasama ang kanilang mga sandata at binigyan ng parangal bilang sundalo.
^ O “libingan.”
^ O “pinuno.”
^ O “libingan.”