Ezekiel 7:1-27
7 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova:
2 “Anak ng tao, ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova sa lupain ng Israel: ‘Kawakasan! Dumating na ang kawakasan sa apat na sulok ng lupain.
3 Dumating na ang kawakasan mo, at ilalabas ko ang galit ko sa iyo, at hahatulan kita ayon sa iyong landasin at pagbabayarin sa lahat ng kasuklam-suklam na ginawa mo.
4 Hindi ako maaawa* sa iyo; hindi rin ako mahahabag,+ dahil ipararanas ko sa iyo ang resulta ng landasin mo, at pagdurusahan mo ang epekto ng kasuklam-suklam na mga ginawa mo.+ At malalaman ninyo na ako si Jehova.’+
5 “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Isang kapahamakan, isang walang-katulad na kapahamakan, ang dumarating.+
6 Dumarating ang kawakasan; darating ang kawakasan; bigla itong darating* sa iyo. Tingnan mo! Ito ay dumarating.
7 Ikaw na naninirahan sa lupain, darating sa iyo ang kapahamakan.* Dumating na ang panahon, malapit na ang araw.+ Kaguluhan at hindi hiyaw ng kagalakan ang maririnig sa mga bundok.
8 “‘Napakalapit ko nang ibuhos sa iyo ang poot ko,+ at talagang ilalabas ko ang galit ko sa iyo,+ at hahatulan kita ayon sa iyong landasin at pagbabayarin sa lahat ng kasuklam-suklam na ginawa mo.
9 Hindi ako maaawa;* hindi rin ako mahahabag.+ Ipararanas ko sa iyo ang resulta ng landasin mo, at pagdurusahan mo ang epekto ng kasuklam-suklam na mga ginawa mo. At malalaman ninyo na akong si Jehova ang nagpaparusa sa inyo.+
10 “‘Narito na ang araw! Dumarating na ito!+ Darating sa iyo ang kapahamakan;* ang tungkod ay namulaklak na at ang kapangahasan ay sumibol.
11 Ang karahasan ay naging tungkod na pamparusa sa kasamaan.+ Walang makaliligtas sa kanila. Walang matitirang kayamanan, tao, o katanyagan.
12 Darating ang panahon, darating ang araw. Huwag magsaya ang mga bumili, at huwag magdalamhati ang mga nagbenta, dahil nag-aalab ang galit ng Diyos sa kanilang lahat.+
13 Dahil ang ipinagbili ay hindi maibabalik sa nagbenta, kahit pa makaligtas siya, dahil ang pangitain ay para sa kanilang lahat. Walang makababalik, at dahil sa* kaniyang kasalanan, walang makapagliligtas ng buhay niya.
14 “‘Hinipan nila ang trumpeta,+ at handa na ang lahat, pero walang pumupunta sa digmaan, dahil nag-aalab ang galit ko sa kanilang lahat.+
15 Nasa labas ang espada,+ at nasa loob ang salot at taggutom. Ang sinumang nasa parang ay mamamatay sa espada, at taggutom at salot naman ang papatay sa mga nasa lunsod.+
16 Ang mga makaliligtas ay pupunta sa mga bundok, at gaya ng mga kalapati sa mga lambak, bawat isa ay daraing dahil sa kasalanan niya.+
17 Lalaylay ang mga kamay nila, at tutulo ang tubig sa mga tuhod nila.*+
18 Nagsuot sila ng telang-sako+ at nangatog nang husto.* Hihiyain ang lahat, at makakalbo ang lahat ng ulo.*+
19 “‘Itatapon nila sa lansangan ang kanilang pilak, at kamumuhian nila ang kanilang ginto. Hindi sila maililigtas ng kanilang pilak o ginto sa araw ng galit ni Jehova.+ Hindi sila masisiyahan, at hindi rin mabubusog ang tiyan nila, dahil ito* ay naging katitisuran na sanhi ng pagkakasala nila.
20 Ipinagmamalaki nila ang ganda ng kanilang mga palamuti, at ginamit nila ang mga ito* sa paggawa ng kanilang kasuklam-suklam na mga imahen, ng kanilang karima-rimarim na* mga idolo.+ Kaya naman gagawin ko itong nakamumuhing bagay para sa kanila.
21 Ibibigay ko iyon* sa mga banyaga at sa masasamang tao sa lupa bilang samsam, at lalapastanganin nila iyon.
22 “‘Tatalikuran ko sila,+ at lalapastanganin nila ang aking espesyal na lugar,* at papasukin iyon ng mga magnanakaw at lalapastanganin.+
23 “‘Gawin mo ang tanikala,*+ dahil ang lupain ay punô ng maling paghatol na nagdudulot ng kamatayan+ at ang lunsod ay punô ng karahasan.+
24 Dadalhin ko sa kanila ang pinakamasasamang tao sa mga bansa,+ at aangkinin ng mga ito ang mga bahay nila,+ at wawakasan ko ang pagmamapuri ng malalakas, at malalapastangan ang kanilang mga santuwaryo.+
25 Kapag napighati sila, maghahanap sila ng kapayapaan, pero hindi nila ito masusumpungan.+
26 Sunod-sunod na darating ang kapahamakan, at sunod-sunod ang mga ulat, at ang mga tao ay maghahanap ng pangitain mula sa propeta,+ pero walang makukuhang pakinabang sa kautusan* mula sa saserdote at sa payo mula sa matatandang lalaki.+
27 Magdadalamhati ang hari,+ at mawawalan ng pag-asa* ang pinuno, at manginginig sa takot ang kamay ng mga tao sa lupain. Pakikitunguhan ko sila ayon sa kanilang landasin, at hahatulan ko sila kung paano sila humatol sa iba. At malalaman nila na ako si Jehova.’”+
Talababa
^ Lit., “Hindi maaawa ang mata ko.”
^ O “babangon laban.”
^ O posibleng “putong.”
^ Lit., “Hindi maaawa ang mata ko.”
^ O posibleng “putong.”
^ O posibleng “at sa pamamagitan ng.”
^ Maiihi sa takot.
^ Magpapakalbo dahil sa pagdadalamhati.
^ Lit., “at natakpan ng pangangatog.”
^ Ang kanilang mga pilak at ginto.
^ Mga pag-aari nilang gawa sa ginto at pilak.
^ O “nakapandidiring.”
^ Ang kanilang ginto at pilak na ginamit sa paggawa ng mga idolo.
^ Malamang na tumutukoy sa pinakaloob na bahagi ng santuwaryo ni Jehova.
^ Tanikala ng pagkabihag.
^ O “tagubilin.”
^ Lit., “madaramtan ng pagkatiwangwang.”