Liham sa mga Taga-Filipos 4:1-23

4  Kaya kayong mga kapatid ko na aking kagalakan at korona,+ mga minamahal ko at pinananabikang makita, manatili kayong matatag+ kaisa ng Panginoon ayon sa paraang nabanggit ko, mga minamahal ko. 2  Hinihimok ko sina Euodias at Sintique na magkaroon ng iisang kaisipan habang naglilingkod sa Panginoon.+ 3  Oo, hinihiling ko rin sa iyo, tapat na kamanggagawa, na patuloy na alalayan ang mga babaeng ito na nagpakahirap kasama ko para sa mabuting balita, kasama si Clemente at ang iba pang kamanggagawa ko, na ang mga pangalan ay nasa aklat ng buhay.+ 4  Laging magsaya dahil sa Panginoon. At sinasabi kong muli, Magsaya kayo!+ 5  Makita nawa ng lahat ang pagiging makatuwiran ninyo.+ Malapit lang ang Panginoon. 6  Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay;+ sa halip, ipaalám ninyo sa Diyos ang lahat ng pakiusap ninyo sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat;+ 7  at ang kapayapaan+ ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ang magbabantay sa inyong puso+ at isip* sa pamamagitan ni Kristo Jesus. 8  Bilang panghuli, mga kapatid, anumang bagay na totoo, seryosong pag-isipan, matuwid, malinis,+ kaibig-ibig, marangal,* mabuti, at kapuri-puri, patuloy na isaisip ang mga ito.+ 9  Gawin ninyo ang mga bagay na natutuhan ninyo at tinanggap at narinig at nakita sa akin,+ at sasainyo ang Diyos ng kapayapaan. 10  Bilang kaisa ng Panginoon, masayang-masaya ako dahil naipapakita ninyo ulit na may malasakit kayo sa akin.+ Alam kong nagmamalasakit kayo sa akin, pero wala kayong pagkakataong maipakita ito. 11  Hindi ko ito sinasabi dahil nangangailangan ako, dahil natutuhan ko nang maging kontento anuman ang kalagayan ko.+ 12  Alam ko kung paano mabuhay nang kapos+ at nang sagana. Natutuhan ko ang sekreto kung paano maging kontento anuman ang kalagayan, busog man o gutom, sagana man o kapos. 13  May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.+ 14  Gayunman, salamat at dinamayan ninyo ako sa mga paghihirap ko. 15  Ang totoo, alam ninyong mga taga-Filipos na noong maipaabot sa inyo ang mabuting balita at nang umalis ako sa Macedonia, walang ibang kongregasyon ang nagbigay ng tulong sa akin o tumanggap ng tulong mula sa akin maliban sa inyo;+ 16  dahil noong nasa Tesalonica ako, dalawang beses pa kayong nagpadala para sa mga pangangailangan ko. 17  Hindi regalo ang gusto ko, kundi ang madagdag sa inyong kayamanan ang mga pagpapalang bunga ng inyong mabubuting gawa. 18  Pero nasa akin na ang lahat ng kailangan ko, at higit pa nga. Wala nang kulang sa akin, ngayong ibinigay na sa akin ni Epafrodito+ ang ipinadala ninyo, isang mabangong amoy,+ isang kaayaayang hain, na talagang kalugod-lugod sa Diyos. 19  At sagana namang ilalaan sa inyo ng aking Diyos ang lahat ng pangangailangan ninyo+ ayon sa kaniyang maluwalhating kayamanan sa pamamagitan ni Kristo Jesus. 20  Luwalhatiin nawa ang ating Diyos at Ama magpakailanman. Amen. 21  Iparating ninyo ang pagbati ko sa lahat ng banal na kaisa ni Kristo Jesus. Kinukumusta rin kayo ng mga kapatid na kasama ko. 22  Binabati rin kayo ng lahat ng banal, lalo na ng mga mula sa sambahayan ni Cesar.+ 23  Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo habang nagpapakita kayo ng magagandang katangian.

Talababa

O “kakayahang mag-isip.”
O “nakapagpapatibay; may mabuting ulat.”

Study Notes

Panginoon: Sa kontekstong ito, ang titulong “Panginoon” (walang tiyak na pantukoy bago ang salitang Griego para sa “Panginoon”) ay puwedeng tumukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo. Pero maraming salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo at iba pang wika ang gumamit dito ng pangalan ng Diyos, kaya sumusuporta ito sa pagkaunawa na tumutukoy ang “Panginoon” kay Jehova.—Ihambing ang study note sa Fil 4:4.

magkaroon ng iisang kaisipan habang naglilingkod sa Panginoon: Punong-puno ng komendasyon at pampatibay-loob ang liham ni Pablo sa mga taga-Filipos. Pero sa tekstong ito, may itinutuwid si Pablo. Malamang na ang dalawang babaeng Kristiyano na binanggit niya dito ay nagkaroon ng seryosong di-pagkakasundo kaya naging banta ito sa kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon at nakarating pa kay Pablo, na nakabilanggo noon sa Roma. Hindi naman ipinapahiwatig ng payo ni Pablo na hindi masulong sa espirituwal ang mga kapatid na ito. (Tingnan ang study note sa Fil 4:3.) Alam ni Pablo mula sa sariling karanasan na puwedeng magkaroon ng di-pagkakaunawaan kahit ang may-gulang na mga Kristiyano. (Gaw 15:37-39) Sa halip na may kampihan, pareho niya silang hinimok na magkaroon ng iisang kaisipan at magkaisa dahil pareho nilang mahal ang Panginoon.—Tingnan ang study note sa Ju 17:21.

tapat na kamanggagawa: Salin ito ng ekspresyong Griego na literal na nangangahulugang “tunay na katuwang.” Kausap dito ni Pablo ang isang di-pinangalanang kapatid na lalaki sa kongregasyon sa Filipos, na pinakisuyuan niyang tumulong kina Euodias at Sintique na “magkaroon ng iisang kaisipan habang naglilingkod sa Panginoon” at ayusin ang kanilang di-pagkakasundo. (Tingnan ang study note sa Fil 4:2.) Kapansin-pansin na kahit na si Jesu-Kristo mismo ang nag-atas kay Pablo bilang apostol, itinuring niya ang sarili niya na kamanggagawa ng kapuwa niya mga Kristiyano at hindi panginoon. (Gaw 9:15; Ro 11:13) Sa halip na mag-astang panginoon, isinabuhay ni Pablo ang sinabi ni Kristo: “Lahat kayo ay magkakapatid.”—Mat 23:8; 1Pe 5:3; tingnan ang study note sa 2Co 1:24.

nagpakahirap kasama ko: Kahit na lumilitaw na nagkaroon ng di-pagkakasundo sina Euodias at Sintique at malamang na nalaman ito ng buong kongregasyon sa Filipos, kinomendahan pa rin sila ni Pablo sa pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita kasama niya. Inilarawan niya ang tulong sa kaniya ng mga babaeng ito gamit ang pandiwang Griego na ginamit din niya sa Fil 1:27, kung saan nangangahulugan din itong pagpapakahirap nang magkasama, o pagtutulungan.

na ang mga pangalan ay nasa aklat ng buhay: Ang makasagisag na aklat na ito ng buhay ay patunay na nasa perpektong alaala ng Diyos ang tapat na mga lingkod niya at na gagantimpalaan niya sila ng walang-hanggang buhay, sa langit man o sa lupa. (Apo 3:5; 20:15) Ipinapakita ng pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan na para hindi mabura sa aklat ng buhay ang pangalan ng mga lingkod ng Diyos at matanggap nila ang gantimpala, kailangan nilang manatiling tapat at masunurin. (Exo 32:32, 33; Aw 69:28, tlb.; Mal 3:16) Kakabanggit lang ni Pablo na nagkaroon ng di-pagkakaunawaan sina Euodias at Sintique, dalawang masisigasig na pinahirang babae sa kongregasyon sa Filipos. Pero para sa kaniya, ang mga pangalan ng mga kamanggagawa niyang ito ay nakasulat din sa aklat ng buhay. Hindi niya inisip na dahil lang sa maliliit na pagkakamali ay maiwawala na nila ang gantimpala nila; siguradong tatanggapin pa rin nila ang gantimpala kung mananatili silang tapat hanggang wakas. (Ihambing ang 2Ti 2:11, 12.) Ang pagsulat ng pangalan sa isang aklat ay pamilyar sa mga Kristiyano sa Filipos, dahil ang lunsod na ito ay kolonya ng Roma at nakasulat ang pangalan ng mga mamamayang Romano sa pampublikong rehistro ng lunsod na iyon.

Laging magsaya dahil sa Panginoon: Hinimok ulit ni Pablo ang mga taga-Filipos na “magsaya dahil sa Panginoon.” (Tingnan ang study note sa Fil 3:1.) Ang titulong “Panginoon” sa kontekstong ito ay puwedeng tumukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo, pero posibleng kinuha ni Pablo ang payo niya mula sa Hebreong Kasulatan, kaya masasabing tumutukoy ito kay Jehova.—Aw 32:11; 97:12.

pagiging makatuwiran: Malawak ang kahulugan ng salitang Griego na isinaling “pagiging makatuwiran,” at kasama dito ang pagiging mapagparaya, magalang, at mapagpasensiya. Hindi iginigiit ng mga makatuwiran ang sarili niyang karapatan o ang istriktong pagsunod sa batas. Sa halip, handa siyang makibagay kung kinakailangan. Sinisikap ng makatuwirang tao na maging makonsiderasyon at mabait. Ang katangiang ito ng isang Kristiyano ay dapat na makita ng lahat, kasama na ang mga hindi kabilang sa kongregasyon. Ganito ang salin ng isang Bibliya sa unang bahagi ng talata: “Makilala nawa kayong makatuwiran.” Sinisikap ng lahat ng Kristiyano na maging makatuwiran, pero partikular na itong dapat makita sa mga tagapangasiwa sa kongregasyon.—1Ti 3:3; Tit 3:2; San 3:17; tingnan ang study note sa 2Co 10:1.

Malapit lang ang Panginoon: Ang titulong “Panginoon” ay puwedeng tumukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo sa kontekstong ito. Pero posibleng kinuha ni Pablo ang pananalitang ito sa mga teksto sa Hebreong Kasulatan na tumutukoy kay Jehova, gaya ng Aw 145:18: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya.” (Tingnan din ang Aw 34:18.) Kapag lumapit ang isa sa Diyos, lalapit din ang Diyos sa kaniya; masasabing malapit siya sa mga lingkod niya dahil naririnig niya ang mga panalangin nila at pinoprotektahan niya sila. (Gaw 17:27; San 4:8) Kapag alam ng isa na malapit ang Diyos sa kaniya, tutulong ito para maging masaya siya at makatuwiran at hindi sobrang mag-alala, gaya ng idiniriin sa Fil 4:6. Masasabi ring malapit ang Diyos dahil malapit na niyang alisin ang lumang sanlibutan at palitan ito ng bagong sistema sa ilalim ng kaniyang Kaharian. (1Ju 2:17) May mga salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo at iba pang wika na gumamit dito ng pangalan ng Diyos.

Huwag: Ang pananalitang Griego na isinalin ditong “Huwag kayong mag-alala” ay puwede ring isaling “Huwag na kayong mag-alala” o “Huwag na kayong mabahala.”—Tingnan ang study note sa Luc 12:22.

Huwag kayong mag-alala: Ang pandiwang Griego para sa “mag-alala” (me·ri·mnaʹo) ay puwedeng tumukoy sa sobrang pagkabahala ng isang tao na nagiging dahilan para mahati ang isip niya, mawala siya sa pokus, at mawalan ng kagalakan. Maraming beses ding nagbigay ng ganiyang payo si Jesus. (Tingnan ang study note sa Mat 6:25; Luc 12:22.) Maraming dahilan si Pablo para mag-alala; isinulat niya ang liham na ito noong unang pagkabilanggo niya sa Roma. (Fil 1:7, 13, 14) Posibleng nabahala din siya nang kapusin siya sa pinansiyal (Fil 4:12) at inalala rin niya ang kalagayan ng mga kapananampalataya niya (2Co 11:28 at study note). Pinasigla ni Pablo ang mga kapatid na nakakaranas ng ganitong mga pagsubok na “ipaalám . . . sa Diyos ang lahat ng pakiusap” nila.—Tingnan din ang Aw 55:2, 22; 1Pe 5:7.

lahat: Puwedeng ipanalangin ng isang Kristiyano ang anumang bagay na makakaapekto sa kaugnayan niya sa Diyos o sa buhay niya bilang lingkod ng Diyos. Basta kaayon ito ng kalooban ng Diyos, puwedeng ipanalangin ng isang Kristiyano kay Jehova ang kahit anong bagay, gaya ng nararamdaman, kailangan, ikinakatakot, at ikinababahala niya.—Mat 6:9-13; Ju 14:13 (tingnan ang study note), 14; 16:23, 24;1Pe 5:7; 1Ju 5:14.

panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat: Ang salitang “panalangin” na ginamit dito ni Pablo ay isang malawak na termino na tumutukoy sa pakikipag-usap sa Diyos nang may matinding paggalang. Mas espesipiko ang kahulugan ng “pagsusumamo”; ito ay marubdob na pakiusap sa Diyos, na posibleng may kasama pang pagluha. (Heb 5:7) Ayon sa isang reperensiya, nangangahulugan itong “pagdaing dahil sa personal na pangangailangan.” Nang sabihin ni Pablo na samahan ito ng “pasasalamat,” ipinakita niya na laging angkop na magpasalamat sa Diyos. Gaano man kabigat ang problema ng isa, may dahilan pa rin siyang magpasalamat; alam na alam iyan ni Pablo dahil sa mga naranasan niya. (Gaw 16:22-25; Efe 5:19, 20) Binanggit din ni Pablo ang salitang pakiusap, na tumutukoy sa mga bagay na hinihiling ng isa sa panalangin. Kakapaliwanag lang ni Pablo na puwedeng isama ng isang Kristiyano ang halos lahat ng bagay sa mga pakiusap niya.—Tingnan ang study note sa lahat sa talatang ito.

kapayapaan ng Diyos: Tumutukoy ito sa kapayapaan ng isip at pagiging panatag ng isang Kristiyano dahil sa magandang kaugnayan niya sa Diyos na Jehova. Posible niya itong maranasan kahit sa harap ng matitinding pagsubok. “Ang kapayapaan ng Diyos” ay hindi nakukuha sa sariling pagsisikap o basta pagbubulay-bulay lang, kundi ibinibigay ito ng Diyos na Jehova, “ang Diyos ng kapayapaan.” (Fil 4:9; Bil 6:26; Aw 4:8; 29:11; Ro 15:33; tingnan ang study note sa Gal 5:22.) Magkakaroon lang ng “kapayapaan ng Diyos” ang isa kung may maganda siyang kaugnayan kay Jehova at ginagawa niya ang mabuti sa paningin ng Diyos. (Kaw 3:32) Tinitiyak ng Diyos sa mga lingkod niya na alam niya ang kalagayan at mga pangangailangan nila at na dinirinig niya ang mga panalangin nila. Kaya nagiging panatag ang puso at isip nila.—Aw 34:18; 94:14; 2Pe 2:9; tingnan ang study note sa magbabantay sa talatang ito.

nakahihigit sa lahat ng kaisipan: Ang kapayapaan ng Diyos ay hindi nakukuha sa pagpaplano o pag-iisip nang mabuti sa isang bagay. Puwede pa ngang mas mag-alala at mawalan ng pag-asa ang isa kapag marami siyang alam sa isang sitwasyon. (Ec 1:18) Pero ang kapayapaan ng Diyos ay “nakahihigit” sa anumang puwedeng maisip ng isang tao. Baka walang mahanap na solusyon ang isang lingkod ni Jehova sa mga problema niya. Totoo, puwedeng alisin ng Diyos sa mahirap na sitwasyon ang lingkod niya (Mar 10:27; 2Pe 2:9), pero kung minsan, kailangan niya lang talagang magtiis (San 5:11). Sa ganiyang sitwasyon, siguradong magbibigay si Jehova ng kapayapaan sa mga lubusang nagtitiwala sa kaniya. (Isa 26:3) Kung hindi kilala ng isang tao si Jehova, hindi niya lubusang maiintindihan ang kapayapaan ng isip at kapanatagan na nararanasan ng bayan ng Diyos sa harap ng mabibigat na problema, pagkakasakit, pag-uusig, o kahit kamatayan.

magbabantay: Ang pandiwang Griego na isinaling “magbabantay” ay terminong pangmilitar. Sa literal, tumutukoy ito sa grupo ng mga sundalong inatasang magbantay sa isang napapaderang lunsod. (2Co 11:32) Pero sa tekstong ito at iba pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ginamit ito sa makasagisag na paraan. (Gal 3:23; 1Pe 1:5) Maraming beteranong sundalo na nakatira sa Filipos. Mahimbing ang tulog ng mga taga-Filipos dahil alam nilang may mga sundalo na nagbabantay sa mga pintuang-daan ng lunsod. Sa katulad na paraan, binabantayan din ng “kapayapaan ng Diyos” ang puso at isip ng tapat na mga Kristiyano kaya nagkakaroon sila ng kapayapaan ng isip at panatag sila dahil alam nilang may matibay pa rin silang kaugnayan sa Diyos. Alam nilang nagmamalasakit sa kanila si Jehova at gusto niya silang magtagumpay. (Aw 4:8; 145:18; 1Co 10:13; 1Pe 5:10) Dahil diyan, hindi sila nadaraig ng sobrang pag-aalala o pagkasira ng loob.—Tingnan ang study note sa kapayapaan ng Diyos sa talatang ito.

inyong puso: Sa Bibliya, kapag ginagamit sa makasagisag na diwa ang terminong “puso,” karaniwan nang tumutukoy ito sa buong panloob na pagkatao. Pero kapag binabanggit kasama ng “isip,” nagiging mas espesipiko ang kahulugan nito at pangunahin na itong tumutukoy sa emosyon, kagustuhan, at damdamin ng isang tao.—Tingnan ang study note sa Mat 22:37.

inyong . . . isip: O “inyong . . . kakayahang mag-isip.” Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo ay tumutukoy sa talino ng isang tao. Isinalin itong “isip,” “kaisipan,” at “pag-iisip” sa 2Co 3:14; 4:4; 10:5; 11:3. Nang parehong banggitin ni Pablo ang “puso at isip,” idinidiin niya na ‘binabantayan,’ o iniingatan, ng “kapayapaan ng Diyos” ang buong pagkatao ng isang Kristiyano.

sa pamamagitan ni Kristo Jesus: Tatanggap lang ng kapayapaan ng Diyos ang mga Kristiyano kung nananampalataya sila kay Jesus at nauunawaan nila ang papel niya sa layunin ng Diyos. Dahil sa haing pantubos ni Jesus, napapatawad ang kasalanan ng mga tao, kaya puwede silang magkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova. At ang kaugnayang iyan ang pinagmumulan ng tunay na kapayapaan ng isip at puso. (Gaw 3:19; Gal 1:3-5; 1Ju 2:12) Napapanatag din ang mga Kristiyano kapag iniisip nilang aalisin ng Hari ng Kaharian ng Diyos na si Jesus ang lahat ng pinsalang ginawa ni Satanas at ng sistemang ito. (Isa 65:17; 1Ju 3:8; Apo 21:3, 4) Isa pa, ipinangako ni Jesus na hindi siya hihinto sa pagsuporta sa mga alagad niya hanggang sa mga huling araw ng sistemang ito. Nakakatulong din ito para magkaroon sila ng kapayapaan ng isip.—Mat 28:19, 20; Fil 1:18, 19.

matuwid: Tingnan sa Glosari, “Katuwiran.”

malinis: O “dalisay.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay tumutukoy sa pagiging malinis at banal, hindi lang sa paggawi (seksuwal na paraan o iba pa), kundi pati na rin sa pag-iisip at motibo.—Aw 24:3, 4; Efe 5:3; 1Ti 4:12; 5:2; San 3:17; 1Pe 3:2.

patuloy na isaisip: Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo ay nangangahulugang “isaalang-alang”; “bulay-bulayin”; “ipokus ang isip.” Ang anyo ng pandiwang ito ay nagpapahiwatig ng patuluyang pagkilos. Kaya ginamit ng ibang mga salin ang pananalitang “punuin ang inyong isip” o “huwag tumigil sa pag-iisip” ng nakakapagpatibay na mga bagay na binanggit ni Pablo. Nakakaapekto sa pagkilos at pamumuhay ng isang Kristiyano ang positibong mga kaisipan.—Fil 4:9.

Panginoon: Sa kontekstong ito, ang titulong “Panginoon” (walang tiyak na Griegong pantukoy) ay puwedeng tumukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo. Pero maraming salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo at Ingles ang gumamit dito ng pangalan ng Diyos, kaya sumusuporta ito sa pagkaunawa na tumutukoy ang “Panginoon” kay Jehova sa kontekstong ito.—Tingnan ang study note sa Fil 4:4.

kontento: Ang mga salitang Griego na isinaling “hindi . . . magkulang sa mga pangangailangan,” “kontento,” o “pagkakontento” (2Co 9:8; Fil 4:11; 1Ti 6:6) ay tumutukoy sa pagiging masaya sa kung ano ang mayroon ang isa o pagkakaroon ng sapat nang hindi na kailangang umasa sa iba. Dahil sa mga naranasan ni Pablo sa mga paglalakbay niya, natuto siyang makibagay sa iba’t ibang kalagayan. Masaya siya at kontento sa anumang atas na ibigay sa kaniya ni Jehova. (Fil 4:12, 13) Tinularan niya si Jesus, na hindi nagpayaman o nagtayo ng sariling bahay. (Mat 8:20) Kagaya ni Jesus, nagpokus siya sa paggawa ng kalooban ng Diyos at nagtiwala na ilalaan ni Jehova ang pangunahin niyang mga pangangailangan.—Heb 13:5.

Macedonia: Tingnan sa Glosari.

nagbigay . . . o tumanggap: Ang pananalitang Griego na isinaling “nagbigay . . . o tumanggap” ay karaniwan nang ginagamit sa pagnenegosyo para tumukoy sa “ipon at utang.” Maliwanag na ang tinutukoy ni Pablo dito ay ang pinansiyal na tulong na tinanggap niya mula sa mga Kristiyano sa Filipos. Nagbigay sila kay Pablo ng materyal na tulong dahil napahalagahan nila ang espirituwal na tulong niya sa kanila. (Ihambing ang 1Co 9:11.) Sa simula pa lang, nang magpakita si Lydia ng kahanga-hangang pagkamapagpatuloy kay Pablo at sa mga kasama niya, nagkaroon na ang mga taga-Filipos ng magandang reputasyon sa pagiging bukas-palad. (Gaw 16:14, 15) Nagpadala ang kongregasyon ng pinansiyal na tulong kay Pablo nang di-bababa sa apat na beses para makasuporta sa ministeryo niya. Ang huling nabanggit ni Pablo ay nang magpadala sila ng tulong sa pamamagitan ni Epafrodito habang nakabilanggo siya sa Roma, at isa ito sa mga dahilan kung bakit niya isinulat ang liham na ito. (2Co 11:9; Fil 4:14, 16, 18) Sa mga liham ni Pablo, pinuri niya ang iba’t ibang kongregasyong Kristiyano dahil sa kanilang pagkabukas-palad, at nakapagpasigla ito sa lahat ng iba pang alagad na maging bukas-palad din.—Ro 15:26; 2Co 8:1-6.

Diyos: Sa ilang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo at iba pang wika, ginamit dito ang pangalan ng Diyos.

Amen: Tingnan ang study note sa Ro 1:25.

sambahayan ni Cesar: Sa panahong ito (mga 61 C.E.), si Nero ang Cesar, o emperador, sa Roma. (Tingnan sa Glosari, “Cesar.”) Hindi lang tumutukoy sa mismong pamilya ng emperador ang sambahayan ni Cesar. Lumilitaw na bahagi rin ng sambahayang ito ang mga lingkod niya, na posibleng umaabot nang libo-libo. Kasama dito ang mga alipin, taong pinalaya, mga opisyal sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa Roma at sa mga lalawigan nito, pati na rin ang mga asawa’t anak nila. Ginamit din ng Judiong manunulat na si Philo ng Alejandria ang ekspresyong Griego na ito para tumukoy sa malaking grupo na iyon. (Flaccus, 35) Hindi binanggit ni Pablo kung paano niya nakilala ang mga Kristiyano sa sambahayan ni Cesar noong mga panahong nakabilanggo siya sa Roma; hindi rin niya sinabi kung siya ang tumulong sa kanila na makumberte. Hindi rin binanggit kung ano ang kaugnayan ng mga taga-Filipos sa sambahayan ni Cesar. Posibleng kamag-anak o kaibigan ng ilang Kristiyano sa Filipos ang ilang Kristiyano sa sambahayan ni Cesar. Posible ring miyembro ng sambahayang ito ang ilan sa mga tapat na binati ni Pablo sa dulo ng liham niya sa mga taga-Roma.—Ro 16:3-16.

habang nagpapakita kayo ng magagandang katangian: Tingnan ang study note sa Gal 6:18.

katangian: Nagdagdag ang ilang sinaunang manuskrito ng salitang “Amen” sa dulo ng liham na ito, pero kung pagbabatayan ang ibang manuskrito, matibay ang basehan ng saling ito at sinusuportahan ito ng maraming iskolar.

Media