Liham sa mga Taga-Galacia 5:1-26

5  Pinalaya tayo ni Kristo para matamo ang kalayaang iyon. Kaya maging matatag kayo,+ at huwag ninyong hayaang mapasailalim kayong muli sa pamatok ng pagkaalipin.+ 2  Tingnan ninyo, akong si Pablo ay nagsasabi sa inyo na kung magiging tuli kayo, hindi kayo makikinabang sa ginawa ni Kristo.+ 3  At sinasabi kong muli sa bawat isang magpapatuli na may pananagutan siyang sundin ang buong Kautusan.+ 4  Hiwalay kayo kay Kristo, kayong mga nagsisikap na maipahayag na matuwid sa pamamagitan ng kautusan;+ hindi na kayo sakop ng walang-kapantay na kabaitan niya. 5  Pero tayo ay sabik na naghihintay na maging ganap na matuwid sa harap ng Diyos, na posible lang sa pamamagitan ng banal na espiritu at ng ating pananampalataya. 6  Dahil para sa mga kaisa ni Kristo Jesus, walang halaga ang pagiging tuli o di-tuli;+ ang mahalaga ay ang pananampalatayang naipapakita sa pamamagitan ng pag-ibig. 7  Mahusay na ang takbo ninyo noon.+ Sino ang humadlang sa inyo sa patuloy na pagsunod sa katotohanan? 8  Ang pangangatuwiran ng mga humahadlang sa inyo ay hindi mula sa Isa na tumatawag sa inyo. 9  Ang kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa.+ 10  Nagtitiwala ako na kayong mga kaisa ng Panginoon+ ay sasang-ayon sa akin; pero ang nanggugulo sa inyo,+ kung sinuman siya, ay tatanggap ng hatol na karapat-dapat sa kaniya. 11  Mga kapatid, kung ipinangangaral ko pa rin ang pagtutuli, bakit pa ako pinag-uusig? Kung totoo iyon, hindi na makakatisod ang pahirapang tulos.+ 12  Magpakapon na lang sana ang mga lalaking nanggugulo sa inyo. 13  Mga kapatid, pinili kayo para maging malaya; pero huwag sana ninyong gamitin ang kalayaang ito para sundin ang makalamang mga pagnanasa,+ kundi maudyukan sana kayo ng pag-ibig na magpaalipin sa isa’t isa.+ 14  Dahil ang buong Kautusan ay mabubuod sa isang utos: “Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”+ 15  Pero kung patuloy kayong nagkakagatan at nagsasakmalan,+ mag-ingat kayo dahil baka malipol ninyo ang isa’t isa.+ 16  Kundi sinasabi ko, patuloy na lumakad ayon sa espiritu+ at hindi ninyo kailanman maisasagawa ang inyong makalamang mga pagnanasa.+ 17  Dahil ang makalamang mga pagnanasa ay laban sa espiritu, at ang espiritu ay laban sa laman; magkalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo ginagawa ang mga bagay na gusto ninyong gawin.+ 18  Bukod diyan, kung inaakay kayo ng espiritu, wala kayo sa ilalim ng kautusan. 19  Madaling makita ang mga gawa ng laman. Ang mga ito ay seksuwal na imoralidad,+ karumihan, paggawi nang may kapangahasan,+ 20  idolatriya, espiritismo,+ alitan, pag-aaway,+ selos,+ pagsiklab ng galit, pagtatalo, pagkakabaha-bahagi, sekta,+ 21  inggit, paglalasingan,+ walang-patumanggang pagsasaya, at mga bagay na tulad ng mga ito.+ Gaya ng nasabi ko na sa inyo noon, binababalaan ko ulit kayo na ang nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos.+ 22  Pero ang mga katangian na bunga+ ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan,+ kapayapaan,+ pagtitiis, kabaitan, kabutihan,+ pananampalataya, 23  kahinahunan, at pagpipigil sa sarili.+ Walang kautusan laban sa ganitong mga bagay. 24  Bukod diyan, ang laman kasama ang makalamang mga pagnanasa at damdamin ay ipinako sa tulos ng mga tagasunod ni Kristo Jesus.+ 25  Kung nabubuhay tayo ayon sa espiritu, patuloy rin tayong lumakad* ayon sa espiritu.+ 26  Huwag tayong maging mapagmataas,+ huwag tayong makipagkompetensiya sa isa’t isa,+ at huwag nating kainggitan ang isa’t isa.

Talababa

O “lumakad nang maayos.”

Study Notes

Pinalaya tayo ni Kristo para matamo ang kalayaang iyon: Maraming beses na ginamit ni Pablo sa liham na ito ang mga salitang Griego para sa “kalayaan” at “malaya” para idiin “ang kalayaang taglay natin bilang mga kaisa ni Kristo Jesus.” (Gal 2:4) Pinagkumpara ni Pablo ang kalayaang ito at ang pagkaaliping inilarawan niya sa naunang kabanata. Ang ekspresyon sa itaas ay puwede ring isaling “Binigyan tayo ni Kristo ng kalayaang gaya ng sa kaniya [sa babae],” na nagdiriin na ang ganoong kalayaan ay posible lang sa mga anak ng “Jerusalem sa itaas,” ang malayang babae.—Gal 4:26.

pamatok ng pagkaalipin: Matuwid at banal ang Kautusan na ibinigay sa bansang Israel. (Ro 7:12) Kaya imposible para sa di-perpektong mga tao na masunod ito nang lubusan. Ang sinumang babalik sa pagsunod sa Kautusan matapos maging Kristiyano ay ‘mapapasailalim muli sa pamatok ng pagkaalipin’ dahil hahatulan siya ng Kautusan bilang makasalanan at alipin ng kasalanan. Ang haing pantubos ni Kristo ay nagpalaya sa kanila mula sa “pamatok” na iyan.—Gaw 15:10; Gal 5:1-6; tingnan sa Glosari, “Pamatok.”

Mahusay na ang takbo ninyo noon: Dito, ikinumpara ni Pablo sa pagsali sa takbuhan ang pagsisikap ng mga taga-Galacia na mamuhay bilang Kristiyano. Maraming beses niyang ginamit ang ganitong ilustrasyon sa mga liham niya. (Ihambing ang Gal 2:2; tingnan ang study note sa 1Co 9:24.) Sa Bibliya, madalas na ikinukumpara sa paglakad at pagtakbo ang isang paraan ng pamumuhay.—Gen 5:22; 6:9; 2Co 5:7; Efe 4:17; 5:2.

lebadura: O “pampaalsa.”—Tingnan sa Glosari, “Lebadura; Pampaalsa” at study note sa 1Co 5:6.

nagpapaalsa: O “kumakalat; nakakaapekto.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito, zy·moʹo (paalsahin), ay kaugnay ng pangngalan para sa “lebadura,” zyʹme, na ginamit din sa talatang ito. Sa 1Co 5:6, ginamit din ni Pablo ang ganitong metapora (“ang kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa”), na lumilitaw na isang kasabihan noon. Ipinapakita dito ni Pablo na kung paanong napapaalsa ng kaunting lebadura ang isang buong masa, kaya ring impluwensiyahan ng huwad na mga guro (dito, tumutukoy sa mga nagtataguyod ng pagtutuli) at ng mga turo nila ang buong kongregasyon.

makakatisod: Tingnan ang study note sa Mat 13:57; 18:7.

makakatisod ang pahirapang tulos: Napawalang-bisa ang Kautusan nang mamatay si Jesus sa pahirapang tulos. Ipinapangaral ni Pablo at ng iba pang Kristiyano na ang pananampalataya sa hain ni Kristo ang tanging paraan para maligtas. (Col 2:13, 14; tingnan ang study note sa Gal 5:1.) Nakakatisod ang mensaheng iyon sa mga Judio na nagsasabing kailangan ang pagtutuli at pagsunod sa Kautusang Mosaiko para makuha ang pagsang-ayon ng Diyos.—Tingnan ang study note sa 1Co 1:23.

pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.”—Tingnan ang study note sa 1Co 1:17.

Magpakapon: O “Maging bating.” Lit., “Magpaputol.” Ang mabigat at sarkastiko pa ngang pananalita dito ni Pablo ay hindi dapat intindihin nang literal. Gumamit dito si Pablo ng eksaherasyon nang sabihin niyang magpakapon na lang ang mga nagtataguyod ng pagtutuli. (Tingnan sa Glosari, “Bating.”) Kapag ginawa nila ito, hindi na sila magiging kuwalipikadong sumunod sa mismong Kautusan na itinataguyod nila. (Deu 23:1) Sinasabi rin ng ilang komentarista na posibleng naaalala dito ni Pablo ang pagkakapon na ginagawa ng mga paganong mananamba, kaya para bang sinasabi niya na ang mga nagtataguyod ng pagtutuli ay kasinlala ng mga paganong iyon.

pinili kayo para maging malaya: Nagbababala dito si Pablo na kung magpapadala ang mga Kristiyano sa makalaman, o makasalanan, nilang mga pagnanasa, maaabuso nila ang kalayaang taglay nila bilang mga kaisa ni Kristo. (Gal 2:4; 4:24-31) Ang kalayaang ito ay ginagamit ng mga nagpapahalaga dito para magpaalipin sa isa’t isa, o mapagpakumbabang maglingkod, dahil sa pag-ibig.—Tingnan ang study note sa Gal 5:1, 14.

para sundin ang makalamang mga pagnanasa: Lit., “bilang pagkakataon ng laman.” Ang terminong Griego para sa “laman” (sarx) ay maraming beses na ginamit sa sumunod na mga talata. (Gal 5:16-19) Dito, tumutukoy ito sa pagiging makasalanan ng mga tao.—Tingnan ang study note sa Gal 5:19.

maudyukan sana kayo ng pag-ibig na magpaalipin sa isa’t isa: Pinapayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na huwag maging makasarili, kundi magpaalipin sa mga kapananampalataya nila dahil sa pag-ibig. Ipinapakita ng paggamit niya ng pandiwang “magpaalipin” na dapat na maging mapagpakumbaba sila at pakitunguhan ang iba nang may dignidad at paggalang, gaya ng ginagawa ng isang alipin sa kaniyang panginoon. Ang ekspresyong “magpaalipin sa isa’t isa” ay puwede ring isaling “paglingkuran ang isa’t isa nang mapagpakumbaba.”

mabubuod: Ang ekspresyong Griego na ito ay may dalawang posibleng kahulugan: Puwede itong mangahulugang “natutupad” ang Kautusang Mosaiko sa utos na ito. Pero puwede rin itong mangahulugang “mabubuod” ang Kautusan sa utos na ito. Anuman ang kahulugan nito, matutupad ng isang tao ang buong Kautusan sa pamamagitan ng pagpapakita ng pag-ibig, dahil sa pag-ibig nakasalig ang Kautusan. Sa talatang ito, sinipi ni Pablo ang utos na makikita sa Lev 19:18. Sinipi niya rin ang tekstong iyon sa Ro 13:9, kung saan sinabi niya na ang lahat ng nasa Kautusan ay “mabubuod” sa utos na mahalin ang kapuwa gaya ng sarili. Kaya dito sa Gal 5:14, gaya ng ginawa sa ibang Bibliya, isinalin itong “mabubuod.”

patuloy na lumakad ayon sa espiritu: Sa kontekstong ito, ang taong lumalakad ayon sa espiritu ay humihingi ng patnubay ng espiritu ng Diyos at hinahayaan niyang gabayan nito ang mga iniisip at ginagawa niya. Kahit na magkaroon siya ng makasalanang mga pagnanasa, inaalis niya iyon agad at hindi iyon iniisip-isip. Kaya naiiwasan niyang mamihasa sa kasalanan. (Ro 8:4-6; San 1:14, 15) Pinagkumpara ni Pablo ang ganitong paggawi at ang paggawing sunod-sunuran sa makalamang pagnanasa.

espiritu . . . laman: Sa kabanatang ito, madalas ipakita ni Pablo na magkalaban ang “laman” at “espiritu.” Dito, ang “laman” ay tumutukoy sa pagiging makasalanan ng mga tao at ang “espiritu” naman ay tumutukoy sa banal na espiritu ng Diyos, pero puwede rin itong tumukoy sa puwersang nagpapakilos sa isang taong nagpapagabay sa banal na espiritu. (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Ang espiritu ng Diyos ang nagpapakilos sa mga lingkod niya na maging matuwid, pero patuloy na nilalabanan ng makasalanang laman ang impluwensiya ng espiritu. Sa Gal 5:19-23, pinagkumpara ang mga gawa ng makasalanang laman at ang bunga ng banal na espiritu.—Ihambing ang Ro 7:18-20.

mga gawa ng laman: Sa naunang mga talata, inilarawan ni Pablo ang walang-tigil na paglalabanan ng “laman” at ng “espiritu.” (Gal 5:13, 17) Sa kasunod na mga talata (19-21), binanggit ni Pablo ang 15 “gawa ng laman,” o mga gawaing udyok ng pagiging makasalanan ng tao. (Tingnan ang study note sa Mat 26:41; Gal 5:13, 17.) Ang ‘mga gawang’ ito ay resulta ng iniisip at ginagawa ng isang tao kapag naiimpluwensiyahan siya ng makasalanang laman. (Ro 1:24, 28; 7:21-25) Sa dulo, binanggit ni Pablo ang ekspresyong “mga bagay na tulad ng mga ito” para ipakitang mayroon pang ibang mga gawa ng laman bukod sa mga nabanggit niya.—Tingnan ang study note sa Gal 5:21.

seksuwal na imoralidad: Sa Bibliya, ang salitang Griego na por·neiʹa ay sumasaklaw sa lahat ng seksuwal na gawain na labag sa pamantayan ng Diyos. Ayon sa isang diksyunaryo, ang por·neiʹa ay tumutukoy sa “prostitusyon, karumihan, pakikiapid” at sumasaklaw sa “lahat ng uri ng bawal na pagtatalik.” Bukod sa prostitusyon, pangangalunya, at pagtatalik ng mga walang asawa, kasama rin dito ang homoseksuwal na mga gawain at pakikipagtalik sa hayop, na hinahatulan ng Kasulatan. (Lev 18:6, 22, 23; 20:15, 16; 1Co 6:9; tingnan sa Glosari.) Ipinakita ni Jesus na napakasama ng seksuwal na imoralidad, dahil inihanay niya ito sa pagpatay, pagnanakaw, at pamumusong.—Mat 15:19, 20; Mar 7:21-23.

karumihan: O “kasalaulaan; kahalayan.” Sa unang tatlong “gawa ng laman” na binanggit sa talatang ito, ang “karumihan” (sa Griego, a·ka·thar·siʹa) ang may pinakamalawak na kahulugan. Ang salitang ito ay lumitaw nang 10 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa literal, tumutukoy ito sa pisikal na karumihan. (Mat 23:27) Sa makasagisag na diwa nito, puwede itong tumukoy sa anumang uri ng karumihan—seksuwal na gawain, pananalita, pagkilos, o pagsamba, gaya ng pagsamba sa diyos-diyusan. (Ro 1:24; 6:19; 2Co 6:17; 12:21; Efe 4:19; 5:3; Col 3:5; 1Te 2:3; 4:7) Kaya ang “karumihan” ay puwedeng tumukoy sa iba’t ibang uri ng kasalanan, at may iba’t iba itong antas. (Tingnan ang study note sa Efe 4:19.) Idiniriin nito ang pagiging kasuklam-suklam ng isang kalagayan o maling gawain.—Tingnan sa Glosari, “Marumi.”

paggawi nang may kapangahasan: O “paggawi nang walang kahihiyan; kalapastanganan.” Sa Bibliya, ang salitang Griego na a·selʹgei·a ay tumutukoy sa mabigat na paglabag sa mga batas ng Diyos dahil sa pagiging pangahas, bastos, at lapastangan. Lumitaw ang terminong ito nang 10 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Mar 7:22; Ro 13:13; 2Co 12:21; Gal 5:19; Efe 4:19; 1Pe 4:3; 2Pe 2:2, 7, 18; Jud 4) Ayon sa isang diksyunaryo, tumutukoy ito sa “kabastusan, kahalayan, kalaswaan; ibig sabihin, paglampas sa pamantayan ng tamang saloobin at paggawi.” Ginamit ng Judiong istoryador na si Josephus ang terminong Griego na ito nang iulat niya ang pagtatayo ng paganong reyna na si Jezebel ng dambana para kay Baal sa Jerusalem. Kitang-kita sa ginawa niya na napakalapastangan niya at wala siyang delikadesa.—Jewish Antiquities, Aklat 8, kab. 13, par. 1 (Loeb 8.318); tingnan sa Glosari.

espiritismo: O “pangkukulam; okultismo; paggamit ng droga.” Ang pangngalang Griego na isinalin ditong “espiritismo” ay phar·ma·kiʹa, na pangunahin nang nangangahulugang “paggamit ng droga.” Ang terminong Griego na ito ay posibleng naiugnay sa espiritismo, mahika, o okultismo dahil gumagamit ng droga ang mga espiritista noon kapag nakikipag-ugnayan sa mga demonyo para humingi ng kapangyarihan sa mga ito. Ginagamit ng Septuagint ang salitang Griego na phar·ma·kiʹa bilang panumbas sa mga salitang Hebreo para sa “mahika,” “lihim na mahika,” at “pangkukulam.” (Exo 7:11, 22; 8:7, 18; Isa 47:9, 12) Maliwanag na ginamit ni Pablo ang salitang ito para tumukoy sa okultismo, dahil binanggit niya ito kasunod ng idolatriya. (Tingnan sa Glosari, “Idolo; Idolatriya.”) Ang kaugnay nitong pangngalan na phar·ma·kosʹ ay isinaling “mga nagsasagawa ng espiritismo” sa Apo 21:8.—Apo 22:15; tingnan sa Glosari.

selos: Ang salitang Griego na zeʹlos ay nagpapahiwatig ng matinding damdamin na puwedeng positibo o negatibo. Kasama ito sa binanggit ni Pablo na “mga gawa ng laman.” Sa kontekstong ito, ang salitang ito ay nagpapahiwatig ng negatibong damdamin ng isang tao para sa iniisip niyang karibal o nakakalamang sa kaniya. Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay tumanggap ng matinding payo laban sa ganitong uri ng selos.—1Co 3:3; 2Co 12:20; San 3:14, 16; tingnan ang study note sa 1Co 13:4.

pagsiklab ng galit: Ginamit dito ni Pablo ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na isinaling “galit.” Hindi lang ito tumutukoy sa mismong pagsiklab ng di-makontrol na galit, kundi pati sa galit na kinikimkim at bigla na lang sumasabog. Kasama ang galit sa kasuklam-suklam na mga gawa ng laman, gaya ng seksuwal na imoralidad, paggawi nang may kapangahasan, idolatriya, espiritismo, at paglalasing.

sekta: Tingnan ang study note sa Gaw 24:5.

walang-patumanggang pagsasaya: Tingnan ang study note sa Ro 13:13.

at mga bagay na tulad ng mga ito: Ipinapakita ng ekspresyong ito na hindi binanggit ni Pablo ang lahat ng puwedeng maituring na “gawa ng laman,” o gawaing udyok ng pagiging makasalanan ng tao. (Tingnan ang study note sa Gal 5:19.) Gumamit si Pablo ng isang kahawig na ekspresyon sa dulo ng 1Ti 1:10. Kailangang gamitin ng mga Kristiyano sa Galacia ang kanilang “kakayahang umunawa” para matukoy ang masasamang gawaing katulad ng mga nabanggit. (Heb 5:14) Halimbawa, hindi espesipikong binanggit ang paninirang-puri sa makasalanang mga gawa ng laman, pero kadalasan nang kasama ito ng “alitan, pag-aaway, selos, pagsiklab ng galit, [at] pagtatalo” na binanggit sa Gal 5:20. Ang mga nagsasagawa ng “mga gawa ng laman” o ng “mga bagay na tulad ng mga ito” na hindi nagsisisi ay hindi tatanggap ng mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos.

mga katangian na bunga ng espiritu: Madalas lumitaw sa Kasulatan ang terminong pang-agrikultura na kar·posʹ, o “bunga.” Ginamit ito dito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa mga katangiang naibibigay ng banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos, sa mga tao. (Gal 5:16) Kung paanong namumunga ang isang puno kapag inaalagaan itong mabuti, nagkakaroon din ang isang tao ng “mga katangian na bunga ng espiritu” kapag hinahayaan niyang gabayan ng espiritu ang pag-iisip at paggawi niya. (Ihambing ang Aw 1:1-3.) Makikita sa mga katangiang iyon ang personalidad ng Diyos na Jehova, ang Pinagmumulan ng banal na espiritu. (Col 3:9, 10) Hindi sinaklaw ng listahang ito ang lahat ng katangiang naibibigay ng banal na espiritu sa mga Kristiyano bilang bunga nito. (Tingnan ang study note sa Gal 5:23.) Ang lahat ng katangiang iyon ang bumubuo sa bagong personalidad. (Efe 4:24) Ginamit ni Pablo dito ang anyong pang-isahan ng salitang Griego na kar·posʹ, “bunga.” Sinasabi ng mga komentarista sa Bibliya na posibleng anyong pang-isahan ang ginamit dito para ipakita na ang magagandang katangiang nabanggit ay para bang bumubuo ng isang bunga; mahalagang magkaroon ng lahat ng katangiang ito, dahil magkakaugnay ang mga ito.

pag-ibig: Malinaw na maiintindihan ang kahulugan ng Kristiyanong pag-ibig (sa Griego, a·gaʹpe) kung ilalarawan ang mga ginagawa nito, gaya ng ginawa ni Pablo sa 1Co 13:4-8. (Tingnan ang study note sa 1Co 13:4.) Ginamit din ni Juan ang terminong a·gaʹpe sa 1Ju 4:8-10, kung saan inilarawan niya ang “pag-ibig ng Diyos.” Sinabi pa nga ni Juan na “ang Diyos ay pag-ibig,” ibig sabihin, si Jehova ang personipikasyon ng pag-ibig. (Tingnan ang study note sa Ju 3:16.) Sinabi ni Jesus na ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang dalawang pinakamahalagang utos.—Mat 22:37-39; tingnan ang study note sa Mat 22:37.

kagalakan: Ang positibong nararamdaman ng isa kapag may inaasahan siya o natanggap na magandang bagay; ang pagkadama ng tunay na kaligayahan. Ang salitang Griego na isinaling “kagalakan” ay tumutukoy sa isang masidhing damdamin na nasa puso. Si Jehova, ang “maligayang Diyos,” ang Pinagmumulan ng kagalakan, at gusto niyang maging masaya ang bayan niya. (1Ti 1:11) Sa tulong ng espiritu ng Diyos, makakapanatiling maligaya ang isang Kristiyano sa kabila ng pagsubok, malungkot na mga karanasan, o pag-uusig.—Col 1:11; Heb 12:2; San 1:2-4.

kapayapaan: Malawak ang kahulugan ng salitang Griego para sa “kapayapaan.” Sa kontekstong ito, ang “kapayapaan” ay ang kapanatagan ng isip at puso na nagmumula sa pagkakaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova, “ang Diyos ng kapayapaan.” (Fil 4:9; 1Te 5:23; Heb 13:20; tingnan ang study note sa 1Co 14:33.) Madalas banggitin nang magkasama ang banal na espiritu ng Diyos at ang “kapayapaan.” (Gaw 9:31; Ro 8:6; 15:13) Sa tulong ng espiritu, ang mga may mapayapang kaugnayan sa Diyos ay may magandang kaugnayan din sa iba at nakakapagtaguyod ng pagtutulungan at pagkakaisa.—Mat 5:9; 2Co 13:11; San 3:18.

pagtitiis: O “mahabang pagtitiis.” Ang salitang Griego dito ay puwedeng literal na isaling “mahabang espiritu” (Kingdom Interlinear) at nagpapahiwatig ng pagiging kalmado habang nagtitiis at pagiging hindi magagalitin. Ang Diyos na Jehova ang pinakamagandang halimbawa ng pagtitiis. (Ro 2:4; 9:22; 1Ti 1:16; 1Pe 3:20; 2Pe 3:9, 15) Sinabi ni Pablo na ang pagtitiis ay isang mahalagang katangian ng Kristiyanong pag-ibig.—1Co 13:4; tingnan ang Ap. A2.

kabaitan: Pagiging mapagmalasakit sa iba at pagtulong at pagbibigay ng pabor sa kanila nang bukal sa loob. Mabait ang Diyos na Jehova kahit sa mga walang utang na loob at masasama. (Luc 6:35; Ro 2:4; 11:22; Tit 3:4, 5) Isang anyo ng salitang Griego para sa “kabaitan” ang ginamit para ilarawan ang pamatok ni Jesus na “madaling dalhin.” (Mat 11:30; tlb.) Ang mga Kristiyano na nasa ilalim ng pamatok na iyan ay pinapayuhan na maging mabait.—Efe 4:32; Col 3:12.

kabutihan: Katangian o kalagayan ng pagiging mabuti; kaugnay nito ang mataas na moralidad. Sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego para sa “kabutihan” ay tumutukoy sa isang “magandang katangian na naipapakita partikular na sa pamamagitan ng pagmamalasakit sa iba.” Kaya ang isang Kristiyano ay hindi lang dapat na maging mabuti, kundi dapat din siyang gumawa ng mabuti. Kahit na di-perpekto ang isang Kristiyano, puwede pa rin siyang maging mabuti kung susunod siya sa mga utos ni Jehova at tutularan niya ang kabutihan at pagkabukas-palad ng Diyos. (Gaw 9:36, 39; 16:14, 15; Ro 7:18; Efe 5:1) Si Jehova ay mabuti sa sukdulang diwa. (Aw 25:8; Zac 9:17; Mar 10:18 at study note) Napakabukas-palad at makonsiderasyon niyang Diyos.—Gaw 14:17.

pananampalataya: Ang terminong “pananampalataya” ay salin para sa salitang Griego na piʹstis, na pangunahin nang tumutukoy sa pagtitiwala at matibay na pananalig. Sa patnubay ng espiritu, binigyang-kahulugan ni Pablo ang “pananampalataya” sa Heb 11:1. Gaya ng pag-ibig, mas maiintindihan ang kahulugan ng pananampalataya kung ilalarawan ang mga ginagawa nito. (San 2:18, 22; tingnan ang study note sa Ju 3:16.) Ipinapakita ng Kasulatan na dapat na patuloy na tumibay ang pananampalataya ng isang Kristiyano, kaya naman sinabi ng mga alagad ni Jesus: “Palakasin mo ang pananampalataya namin.” (Luc 17:5) Pinuri ni Pablo ang mga Kristiyano sa Tesalonica. Sinabi niya: “Patuloy na lumalakas ang inyong pananampalataya.” (2Te 1:3; tingnan din ang 2Co 10:15.) Sa aklat ng Galacia, mahigit 20 beses binanggit ang “pananampalataya,” at pinakamadalas itong tumutukoy sa pagtitiwala sa Diyos o kay Kristo, gaya sa talatang ito. (Gal 3:6, 11) Sa 2Te 3:2, sinabi ni Pablo: “Hindi lahat ng tao ay may pananampalataya.” Para magkaroon ang isa ng matibay na pananampalataya, kailangan niya ang banal na espiritu ni Jehova.

kahinahunan: Pagiging kalmado at payapa ng isang Kristiyano na naipapakita niya sa kaugnayan niya sa Diyos at sa pakikitungo niya sa kaniyang kapuwa. (Gal 6:1; Efe 4:1-3; Col 3:12) Dahil ang kahinahunan ay katangian na bunga ng espiritu ng Diyos, ang isang Kristiyano ay hindi magkakaroon nito sa sarili lang niyang pagsisikap. Kailangan niyang lumapit sa Diyos, manalangin para sa espiritu Niya, at magpagabay dito. Ang isang taong mahinahon ay hindi duwag o mahina. Ang salitang Griego para sa “kahinahunan” (pra·yʹtes) ay tumutukoy sa pagiging malakas pero banayad. Ang kaugnay nitong salitang Griego (pra·ysʹ) ay isinaling “mahinahon.” (Mat 21:5; 1Pe 3:4) Inilarawan ni Jesus ang sarili niya na mahinahon (Mat 11:29); pero siguradong hindi siya mahina.—Tingnan ang Mat 5:5 at study note.

pagpipigil sa sarili: Apat na beses lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang Griego dito para sa “pagpipigil sa sarili.” (Gaw 24:25; 2Pe 1:6) Ang katangiang ito ay nangangahulugang “pagpipigil na magpadala sa damdamin, pabigla-biglang desisyon, o kagustuhan.” Isang kaugnay na pandiwang Griego ang ginamit sa 1Co 9:25 (tingnan ang study note), kung saan sinabi ni Pablo tungkol sa mga atleta na kasali sa mga palaro: “Ang lahat ng kasali sa isang paligsahan ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay.” Ginamit din ng Septuagint ang pandiwang Griego na ito sa Gen 43:31 nang sabihin nito na ‘kinontrol ni Jose ang damdamin’ niya. Ang pandiwang Hebreo sa Gen 43:31 ay ginamit din sa Isa 42:14, kung saan mababasa na sinabi ni Jehova: “Nagpigil [ako] sa sarili.” Sa halip na parusahan agad ang mga nagkasala, pinalipas muna ni Jehova ang panahon para magkaroon sila ng pagkakataong magbago at makuha ang pagsang-ayon niya.—Jer 18:7-10; 2Pe 3:9.

Walang kautusan laban sa ganitong mga bagay: Walang kautusan na makakahadlang sa paglinang ng mga Kristiyano sa mga katangiang ito na bunga ng espiritu ng Diyos. Ang lahat ng katangiang ito ay kaayon ng kautusan ng pag-ibig sa Kautusang Mosaiko (Lev 19:18; Deu 6:5) at sa “kautusan ng Kristo” (Gal 6:2; Ju 13:34). Ang ekspresyong “ganitong mga bagay” ay nagpapakita na ang mga katangian na bunga ng espiritu ni Jehova ay hindi lang limitado sa siyam na katangiang binanggit dito. Bukod sa mga ito, may iba pang katangiang bumubuo sa Kristiyanong personalidad, at ang lahat ng ito ay nalilinang sa tulong ng banal na espiritu.—Efe 4:24, 32; 5:9; Col 3:12-15; San 3:17, 18.

ipinako sa tulos: Ginamit sa mga Ebanghelyo ang pandiwang Griego na stau·roʹo para sa pagpatay kay Jesu-Kristo. Dito, ginamit ni Pablo ang terminong ito sa makasagisag na diwa. (Ihambing ang study note sa Ro 6:6.) Tumutukoy ito sa matinding pagsisikap at determinasyon na kailangan ng mga tagasunod ni Kristo para mapatay ang laman, o ang makasalanang tendensiya ng tao. Kapag natalo at nakontrol ng isang Kristiyano “ang makalamang mga pagnanasa at damdamin” niya, para bang napatay niya ang mga pagnanasang iyon at hindi na siya makokontrol ng mga iyon. (Gal 5:16) Ang sinabi dito ni Pablo ay kaugnay ng binanggit niya sa naunang mga talata, na nagdiriin na dapat na maging determinado ang mga kaisa ni Kristo na umiwas sa “mga gawa ng laman” na binanggit sa Gal 5:19-21.

Huwag tayong maging mapagmataas: Matapos pagkumparahin ni Pablo ang “mga gawa ng laman” at “mga katangian na bunga ng espiritu” (Gal 5:19-23), idinagdag niya ang payong mababasa sa talatang ito. Ang salitang Griego na isinaling “mapagmataas” (ke·noʹdo·xos) ay literal na nangangahulugang “walang-kuwentang kaluwalhatian.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang salitang ito. Ayon sa isang diksyunaryo, nangangahulugan itong “masyadong mataas ang tingin sa sarili, hangang-hanga sa sarili, mayabang.” Nagpapahiwatig ito ng matinding kagustuhan ng isa na mapuri kahit wala namang dahilan para purihin siya. Ang kaugnay nitong salitang Griego ay isinaling “pagmamataas” sa Fil 2:3.

huwag tayong makipagkompetensiya sa isa’t isa: O “huwag nating hamunin ang iba na makipagpaligsahan.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “tawagin ang isa para lumapit ito, kadalasan nang para hamunin siya o makipaglaban sa kaniya.” Sa isa pang diksyunaryo, nangangahulugan itong “paghamon sa isa na makipaglaban o makipagpaligsahan.”

Media