Mga Gawa ng mga Apostol 8:1-40

8  Pabor si Saul sa pagpatay kay Esteban.+ Nang araw na iyon, nagsimula ang matinding pag-uusig sa kongregasyon na nasa Jerusalem; ang lahat maliban sa mga apostol ay nangalat sa Judea at Samaria.+ 2  Pero si Esteban ay kinuha ng makadiyos na mga lalaki para ilibing, at nagdalamhati sila nang husto. 3  At pinasimulan ni Saul na pagmalupitan ang kongregasyon. Isa-isa niyang pinapasok ang mga bahay, kinakaladkad palabas ang mga lalaki at babae, at ipinakukulong sila.+ 4  Pero inihayag ng nangalat na mga alagad ang mabuting balita ng salita ng Diyos sa buong lupain.+ 5  At si Felipe+ ay pumunta sa lunsod ng Samaria+ at ipinangaral niya sa mga tagaroon ang Kristo. 6  Ang lahat ng naroon ay talagang nagbigay-pansin sa mga sinasabi ni Felipe habang nakikinig sila at nakikita ang mga tanda na ginagawa niya. 7  Maraming sinapian ng masamang* espiritu ang pinagaling; sumisigaw ang mga espiritu at lumalabas sa mga ito.+ Marami rin ang napagaling na paralisado at pilay. 8  Kaya talagang nagsaya ang lunsod na iyon. 9  Nasa lunsod na iyon ang lalaking si Simon. Dati na siyang nagsasagawa ng mahika at pinahahanga niya ang mga taga-Samaria at sinasabing makapangyarihan siya. 10  At silang lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila, ay nagbibigay-pansin sa kaniya at nagsasabi: “Ang taong ito ang Kapangyarihan ng Diyos, ang Malakas na Kapangyarihan.” 11  Dahil matagal na niyang napahahanga ang mga tao sa kaniyang mahika, nagbibigay-pansin sila sa kaniya. 12  Pero nang maniwala sila kay Felipe, na naghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos+ at tungkol sa pangalan ni Jesu-Kristo, ang mga lalaki at babae ay nagpabautismo.+ 13  Naging mananampalataya rin si Simon, at pagkabautismo, nanatili siyang kasama ni Felipe; at namangha siya sa nakikita niyang mga tanda at makapangyarihang mga gawa. 14  Nang marinig ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Diyos,+ isinugo nila sina Pedro at Juan. 15  Pumunta roon ang mga ito at nanalangin para tumanggap ng banal na espiritu ang mga tagaroon,+ 16  dahil wala pang nakatanggap sa kanila ng banal na espiritu; nabautismuhan lang sila sa pangalan ng Panginoong Jesus.+ 17  Kaya ipinatong nina Pedro at Juan ang mga kamay nila sa mga ito,+ at nakatanggap ng banal na espiritu ang mga ito. 18  Nang makita ni Simon na nakatatanggap ng espiritu ang mga tao dahil sa pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol, inalok niya sila ng pera 19  at sinabi: “Bigyan din ninyo ako ng ganitong awtoridad para makatanggap din ng banal na espiritu ang sinumang patungan ko ng kamay.” 20  Pero sinabi ni Pedro: “Malipol ka nawang kasama ng pilak mo, dahil iniisip mong mabibili mo ng pera ang walang-bayad na regalo ng Diyos.+ 21  Hindi ka magkakaroon ng bahagi sa bagay na ito, dahil hindi tapat ang puso mo sa paningin ng Diyos. 22  Kaya pagsisihan mo ang kasamaan mong ito, at magsumamo ka kay Jehova na patawarin ka kung maaari, dahil sa masamang hangarin ng puso mo, 23  dahil nakikita kong isa kang mapait na lason at alipin ng kasamaan.” 24  Sinabi ni Simon: “Magsumamo kayo kay Jehova para sa akin nang hindi mangyari sa akin ang mga sinabi ninyo.” 25  Nang makapagpatotoo sila nang lubusan at maihayag ang salita ni Jehova, naglakbay sila pabalik sa Jerusalem at inihayag ang mabuting balita sa maraming nayon ng mga Samaritano.+ 26  Pero sinabi ng anghel+ ni Jehova kay Felipe: “Pumunta ka sa timog, sa daan na mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” (Ito ay isang daan sa disyerto.) 27  Kaya pumunta roon si Felipe, at nakita niya ang isang Etiope, isang mataas na opisyal at naglilingkod kay Candace na reyna ng mga Etiope, at siya ang namamahala sa lahat ng kayamanan nito. Pumunta siya sa Jerusalem para sumamba,+ 28  pero pauwi na siya. At habang nakaupo sa karwahe* niya, binabasa niya nang malakas ang isinulat ni propeta Isaias. 29  Kaya sinabi ng espiritu kay Felipe: “Habulin mo ang karwaheng iyon.” 30  Tumakbo si Felipe, at sinabayan niya ang karwahe. Narinig niyang binabasa ng Etiope ang isinulat ni propeta Isaias, at sinabi niya: “Naiintindihan mo ba ang lahat ng binabasa mo?” 31  Sumagot ang Etiope: “Ang totoo, hindi ko ito maiintindihan kung walang magtuturo sa akin.” Kaya pinasakay niya si Felipe at pinaupo sa tabi niya. 32  Ito ang bahagi ng Kasulatan na binabasa niya: “Gaya ng isang tupa, dinala siya sa katayan,+ at gaya ng isang kordero* na tahimik sa harap ng manggugupit nito, hindi niya ibinuka ang bibig niya.+ 33  Noong ipinapahiya siya, ipinagkait sa kaniya ang katarungan.+ Sino ang maglalahad ng mga detalye ng pinagmulan niya? Dahil ang buhay niya ay inalis sa lupa.”*+ 34  Sinabi ng mataas na opisyal kay Felipe: “Pakiusap, sabihin mo kung sino ang tinutukoy rito ng propeta? Sarili ba niya o ibang tao?” 35  Kaya gamit ang bahaging iyon ng Kasulatan, pinasimulan ni Felipe na ihayag sa kaniya ang mabuting balita tungkol kay Jesus. 36  At habang nagpapatuloy sila sa paglalakbay, nakarating sila sa isang lugar na may tubig, at sinabi ng mataas na opisyal: “Tingnan mo, may tubig dito; ano ang nakahahadlang sa akin na magpabautismo?” 37  —— 38  Kaya pinahinto niya ang karwahe, at lumusong sa tubig ang mataas na opisyal at si Felipe at binautismuhan siya nito. 39  Pagkaahon sa tubig, si Felipe ay agad na inakay palayo ng espiritu ni Jehova, at hindi na siya nakita pa ng mataas na opisyal, pero masaya itong nagpatuloy sa paglalakbay. 40  Si Felipe ay nagpunta sa Asdod, at nilibot niya ang teritoryo at patuloy na inihayag ang mabuting balita sa lahat ng lunsod hanggang sa makarating siya sa Cesarea.+

Talababa

Lit., “maruming.”
O “karo.”
O “batang tupa.”
O “Dahil pinatay siya.”

Study Notes

Felipe: Ayon sa Gaw 8:1, “ang lahat maliban sa mga apostol ay nangalat sa Judea at Samaria.” Kaya ang Felipe na binabanggit dito ay hindi si apostol Felipe. (Mat 10:3; Gaw 1:13) Lumilitaw na ito ang Felipe na kasama sa “pitong lalaki . . . na may mabuting reputasyon” na inatasang organisahin ang araw-araw na pamamahagi ng pagkain sa mga Kristiyanong biyuda na nagsasalita ng Griego at mga Kristiyanong biyuda na nagsasalita ng Hebreo sa Jerusalem. (Gaw 6:1-6) Pagkatapos ng mga pangyayaring nakaulat sa Gawa kabanata 8, isang beses na lang binanggit si Felipe, sa Gaw 21:8, kung saan tinawag siyang “Felipe na ebanghelisador.”—Tingnan ang study note sa Gaw 21:8.

sa lunsod: O “sa isang lunsod,” ayon sa ilang manuskrito. Lumilitaw na tumutukoy ito sa pangunahing lunsod ng Romanong distrito ng Samaria. Ang pangalang Samaria ay tumutukoy noong una sa kabiserang lunsod ng 10-tribong kaharian ng Israel at sa buong teritoryo ng kahariang iyon. Ang Samaria ang kabisera ng kahariang iyon hanggang noong wasakin ito ng mga Asiryano noong 740 B.C.E. Pero nanatili ang lunsod na ito hanggang noong panahon ng mga Romano, at noong panahon ni Jesus, Samaria ang pangalan ng Romanong distrito na nasa pagitan ng Galilea sa hilaga at Judea sa timog. (Tingnan sa Glosari, “Samaria.”) Itinayong muli ni Herodes na Dakila ang lunsod ng Samaria at pinangalanan itong Sebaste bilang parangal sa Romanong emperador na si Augusto. (Sebaste ang pambabaeng anyo sa Griego ng pangalang Latin na Augusto.) Ang pangalang ibinigay dito ni Herodes ay makikita pa rin sa pangalang Arabe nito na Sabastiya.—Tingnan ang Ap. B10.

tinanggap ng Samaria ang salita ng Diyos: Pagkatapos mangaral ni Jesus sa isang Samaritana, “marami sa mga Samaritano” ang nanampalataya sa kaniya. (Ju 4:27-42) Posibleng malaki ang naitulong nito kaya tinanggap ng maraming Samaritano ang mensaheng ipinangaral ni Felipe.—Gaw 8:1, 5-8, 14-17.

Simon . . . inalok niya sila ng pera: Galing sa ulat na ito ng Bibliya ang terminong “simoniya,” na tumutukoy sa pagbili o pagbebenta ng posisyon, partikular nang may kaugnayan sa relihiyon. Ipinapakita ng sagot ni Pedro kay Simon, na nakaulat sa Gaw 8:20-24, na dapat mag-ingat ang mga Kristiyano sa masamang gawaing ito. Hindi sila dapat manuhol ng pera o ng anumang bagay para lang makakuha ng “awtoridad.”—Gaw 8:19; 1Pe 5:1-3.

magsumamo ka kay Jehova: Ang pandiwang Griego para sa “magsumamo” ay ginagamit ng Septuagint sa mga ulat na may kaugnayan sa mga panalangin, kahilingan, at pakiusap kay Jehova. At sa mga talatang iyon, pangalan ng Diyos ang madalas gamitin sa mga tekstong Hebreo. (Gen 25:21; Exo 32:11; Bil 21:7; Deu 3:23; 1Ha 8:59; 13:6) Ang mga dahilan kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang pangalan ni Jehova sa mismong teksto, kahit na “Panginoon” (sa Griego, tou Ky·riʹou) ang mababasa sa mga natitirang manuskritong Griego, ay ipinaliwanag sa Ap. C1 at introduksiyon sa C3; Gaw 8:22.—Para sa impormasyon tungkol sa salitang Griego para sa “magsumamo,” tingnan ang study note sa Gaw 4:31.

mapait na lason: Lit., “mapait na apdo.” Ang salitang Griego na kho·leʹ ay literal na tumutukoy sa likidong nanggagaling sa atay at naiimbak sa apdo. Ito ay isang napakapait na likido na manilaw-nilaw o maberde na ginagamit ng katawan bilang panunaw. Iniuugnay ito sa mga bagay na mapait o nakakalason, at ganiyan ang pagkakagamit nito sa talatang ito.—Ihambing ang study note sa Mat 27:34.

Magsumamo kayo kay Jehova para sa akin: Tingnan ang study note sa Gaw 8:22 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 8:24.

salita ni Jehova: Ang ekspresyong ito ay ginagamit din sa Hebreong Kasulatan; kombinasyon ito ng terminong Hebreo para sa “salita” at ng pangalan ng Diyos. Lumitaw ito sa mga 200 talata. (Ang ilang halimbawa ay makikita sa 2Sa 12:9; 2Ha 24:2; Isa 1:10; 2:3; 28:14; Jer 1:4; 2:4; Eze 1:3; 6:1; Os 1:1.) Sa lumang kopya ng Septuagint, makikita sa Zac 9:1 ang salitang Griego na loʹgos na sinusundan ng pangalan ng Diyos sa sinaunang letrang Hebreo (). Ang pergaminong balumbon na ito, na natagpuan sa Nahal Hever, Israel, sa Disyerto ng Judea malapit sa Dagat na Patay, ay mula pa noong 50 B.C.E. hanggang 50 C.E. Ang mga dahilan kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “salita ni Jehova” sa mismong teksto, kahit na “salita ng Panginoon” ang mababasa sa Gaw 8:25 sa maraming manuskritong Griego, ay ipinaliwanag sa introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 8:25.

anghel ni Jehova: Tingnan ang study note sa Gaw 5:19 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 8:26.

Etiope: Mga nagmula sa rehiyon ng isang sinaunang bansa sa timog ng Ehipto na tinatawag noong Etiopia. Ang salitang Griego para sa “Etiopia” (Ai·thi·o·piʹa, na nangangahulugang “Rehiyon ng mga Sunóg na Mukha”) ang ipinangalan ng mga sinaunang Griego sa rehiyon ng Aprika sa timog ng Ehipto. Halos katumbas ito ng Hebreong Cus, na sumasaklaw ngayon sa pinakatimog ng Ehipto at sa Sudan. Sa Septuagint, ginamit ng mga tagapagsalin ang terminong Griego na “Etiopia” para ipanumbas sa Hebreong “Cus” sa halos lahat ng talatang pinaglitawan nito. Isang halimbawa ay ang Isa 11:11, kung saan binanggit ang “Cus” (“Etiopia” sa LXX) bilang isa sa mga lupaing tinirhan ng mga nangalat na Judio pagkatapos sakupin ng Babilonya ang Juda. Kaya posibleng nakasama ng opisyal na Etiope ang mga Judio sa lugar niya o sa Ehipto, kung saan marami ring Judio.

mataas na opisyal: Lit., “bating.” Ang salitang Griego na eu·nouʹkhos ay literal na tumutukoy sa isang lalaki na walang kakayahang magkaanak. Ang mga lalaking kinapon ay kadalasan nang binibigyan ng atas noon sa mga palasyo sa Gitnang Silangan at hilagang Aprika, partikular na bilang mga bantay o tagapag-alaga ng reyna at mga pangalawahing asawa. Pero ang terminong “bating” ay hindi naman laging tumutukoy sa mga lalaking kinapon. Mas madalas nang tumutukoy ito sa mga lalaking binigyan ng atas sa palasyo. Gaya ng terminong Griego, ang salitang Hebreo para sa “bating” (sa·risʹ) ay puwedeng tumukoy sa isang opisyal sa palasyo. Halimbawa, si Potipar, na isang lalaking may asawa, ay tinawag na “opisyal [lit., “bating”] sa palasyo ng Paraon.” (Gen 39:1) Sa ulat na ito, ang lalaking Etiope na nangangasiwa sa kabang-yaman ng palasyo ay tinawag na “bating,” at lumilitaw na tumutukoy ito sa kaniyang pagiging opisyal sa palasyo. Maliwanag na isa siyang tuling proselita—isang di-Judio na naging mananamba ni Jehova—dahil pumunta siya sa Jerusalem para sumamba. (Tingnan sa Glosari, “Proselita.”) Sa Kautusang Mosaiko, hindi puwedeng maging bahagi ng kongregasyon ng Israel ang mga lalaking kinapon (Deu 23:1), kaya imposibleng isa siyang literal na bating. Maliwanag, ang proselitang Etiope ay hindi maituturing na isang Gentil, kaya si Cornelio pa rin ang unang di-tuling Gentil na naging Kristiyano.—Gaw 10:1, 44-48; para sa paliwanag sa makasagisag na gamit ng terminong “bating,” tingnan ang study note sa Mat 19:12.

Candace: Hindi ito personal na pangalan, kundi isang titulo, gaya ng Paraon at Cesar. Ginagamit ng mga manunulat noon, gaya nina Strabo, Pliny na Nakatatanda, at Eusebius, ang titulong ito para sa mga reyna ng Etiopia. Isinulat ni Pliny na Nakatatanda (mga 23-79 C.E.) na “sa bayang iyon [Meroë, kabisera ng sinaunang Etiope] ay may ilang gusali. Sinasabi nilang pinamamahalaan ito ng isang babae, Candace, isang pangalang maraming taon nang ipinapasa sa mga reyna.”—Natural History, VI, XXXV, 186.

Naiintindihan: Ang salitang Griego na gi·noʹsko ay pangunahin nang nangangahulugang “makilala,” pero puwede rin itong isaling “naiintindihan; alam.”

pinagmulan niya: Lit., “henerasyon niya.” Sa pagsiping ito sa Isa 53:8, ang terminong “pinagmulan” ay lumilitaw na tumutukoy sa “pinagmulang lahi,” o “talaangkanan.” Noong nililitis si Jesus sa harap ng Sanedrin, binale-wala ng mga miyembro nito ang pinagmulan niya, kaya hindi nila nakita ang mga palatandaan na siya ang ipinangakong Mesiyas.

magpabautismo: O “magpalubog.” Ang salitang Griego na ba·ptiʹzo ay nangangahulugang “ilublob; ilubog.” Makikita sa konteksto na ang pagbabautismo ay lubusang paglulubog. Kung pagbubuhos o pagwiwisik lang ng tubig ang kailangan, hindi na sana pinahinto ng mataas na opisyal ang karwahe sa isang lugar na may tubig, dahil malamang na may dala na siyang tubig kasi naglalakbay siya sa disyerto. Hindi sinabi sa ulat kung iyon ay isang ilog, batis, o maliit na lawa, pero binanggit dito na “lumusong sa tubig ang mataas na opisyal at si Felipe.” (Gaw 8:38) Ipinapakita ng iba pang ulat sa Bibliya na ang pagbabautismo ay lubusang paglulubog sa tubig. Halimbawa, binautismuhan si Jesus sa isang ilog, sa Jordan. Sa isang pagkakataon, pinili ni Juan Bautista na magbautismo sa isang lugar sa Lambak ng Jordan malapit sa Salim “dahil may malaking katubigan doon.” (Ju 3:23) Kapansin-pansin din na ang salitang Griego na ba·ptiʹzo ang ginamit ng Septuagint sa 2Ha 5:14 nang sabihin nitong “lumublob [si Naaman] sa Jordan nang pitong beses.” Gayundin, inihahalintulad ng Kasulatan ang bautismo sa paglilibing, na nagpapakitang ang taong binabautismuhan ay lubusang inilulubog.—Ro 6:4-6; Col 2:12.

Sa ilang mas bagong manuskritong Griego at sinaunang salin sa iba’t ibang wika, makikita ang pananalitang ito: “Sinabi sa kaniya ni Felipe: ‘Kung naniniwala ka nang buong puso mo, walang makakahadlang.’ Sumagot siya: ‘Naniniwala ako na si Jesu-Kristo ang Anak ng Diyos.’” Pero hindi ito lumitaw sa pinakaluma at pinakamaaasahang mga manuskrito, kaya malamang na hindi talaga ito bahagi ng Gawa.—Tingnan ang Ap. A3.

espiritu ni Jehova: Tingnan ang study note sa Gaw 5:9 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 8:39.

Asdod: Pangalang Hebreo ng lugar na kilalá sa pangalang Griego na Azotus noong unang siglo C.E.—Jos 11:22; 15:46; tingnan ang Ap. B6 at B10.

Media