Genesis 15:1-21
15 Pagkatapos nito, ang salita ni Jehova ay dumating kay Abram sa isang pangitain, na nagsasabi: “Huwag kang matakot,+ Abram. Ako ay kalasag para sa iyo.+ Napakalaki ng magiging gantimpala mo.”+
2 Sumagot si Abram: “Kataas-taasang* Panginoong Jehova, ano ang ibibigay mo sa akin, gayong wala akong anak at ang magmamana ng aking bahay ay isang taga-Damasco, si Eliezer?”+
3 Sinabi pa ni Abram: “Hindi mo ako binigyan ng supling,*+ at isang miyembro* ng aking sambahayan ang magiging tagapagmana ko.”
4 Pero ito ang sagot sa kaniya ni Jehova: “Hindi ang taong iyon ang magiging tagapagmana mo, kundi ang sarili mong anak.”*+
5 Dinala Niya siya ngayon sa labas at sinabi: “Pakisuyo, tumingin ka sa langit at bilangin mo ang mga bituin, kung mabibilang mo nga iyon.” Pagkatapos, sinabi Niya: “Magiging ganiyan karami ang mga supling* mo.”+
6 At nanampalataya siya kay Jehova,+ at dahil dito, itinuring Niya siyang matuwid.*+
7 At sinabi pa Niya: “Ako si Jehova, na naglabas sa iyo mula sa Ur ng mga Caldeo para ibigay sa iyo ang lupaing ito.”+
8 Sumagot siya: “Kataas-taasang Panginoong Jehova, paano ko malalaman na magiging akin iyon?”
9 Sinabi naman Niya: “Kumuha ka ng isang tatlong-taóng-gulang na dumalagang baka, isang tatlong-taóng-gulang na babaeng kambing, isang tatlong-taóng-gulang na lalaking tupa, isang batubato, at isang inakáy ng kalapati.”
10 Kaya kinuha niya ang lahat ng ito, hinati ang mga ito sa dalawang bahagi, at inihanay nang magkatapat ang mga bahagi, pero hindi niya hinati-hati ang mga ibon.
11 At ang mga ibong maninila* ay bumababa sa pinatay na mga hayop, pero itinataboy ni Abram ang mga ito.
12 Nang papalubog na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram. Nilukuban siya ng isang nakakatakot at matinding kadiliman.
13 At sinabi Niya kay Abram: “Siguradong ang mga supling* mo ay magiging mga dayuhan sa ibang bansa, at aalipinin sila ng mga tagaroon at pahihirapan nang 400 taon.+
14 Pero hahatulan ko ang bansa na mang-aalipin sa kanila,+ at pagkatapos ay lalaya sila dala ang maraming pag-aari.+
15 Kung tungkol sa iyo, mamamatay kang payapa matapos masiyahan sa mahabang buhay; at ililibing kang kasama ng iyong mga ninuno.+
16 Pero babalik dito ang iyong mga supling+ sa ikaapat na henerasyon, dahil hindi pa umaabot sa sukdulan ang kasalanan ng mga Amorita.”+
17 Noong lumubog na ang araw at napakadilim na, lumitaw ang isang umuusok na hurno, at isang nag-aapoy na sulo ang dumaan sa pagitan ng mga piraso ng hayop.
18 Nang araw na iyon, nakipagtipan si Jehova kay Abram:+ “Ibibigay ko sa mga supling* mo ang lupaing ito,+ mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa malaking ilog, ang Ilog Eufrates:+
19 ang lupain ng mga Kenita,+ Kenizita, Kadmonita,
20 Hiteo,+ Perizita,+ Repaim,+
21 Amorita, Canaanita, Girgasita, at Jebusita.”+
Talababa
^ O “Soberanong.”
^ Lit., “binhi.”
^ Lit., “anak.”
^ Lit., “ang isa na lalabas mula sa iyong mga panloob na bahagi.”
^ Lit., “ang binhi.”
^ O “ibinilang Niya itong katuwiran sa kaniya.”
^ Mga ibon na kumakain ng laman, gaya ng buwitre.
^ Lit., “ang binhi.”
^ Lit., “sa binhi.”