Genesis 47:1-31

47  Kaya umalis si Jose at nag-ulat sa Paraon:+ “Dumating mula sa lupain ng Canaan ang aking ama at mga kapatid at ang kanilang mga kawan, mga bakahan, at ang lahat ng sa kanila, at sila ay nasa lupain ng Gosen.”+ 2  Isinama niya ang lima sa mga kapatid niya at iniharap sa Paraon.+ 3  Sinabi ng Paraon sa mga kapatid niya: “Ano ang hanapbuhay ninyo?” Sumagot sila sa Paraon: “Ang iyong mga lingkod ay mga pastol ng tupa, kami at ang mga ninuno namin.”+ 4  Pagkatapos, sinabi nila sa Paraon: “Pumunta kami rito para manirahan bilang mga dayuhan sa lupain+ dahil wala nang pastulan para sa kawan ng iyong mga lingkod; matindi ang taggutom sa lupain ng Canaan.+ Kaya pakisuyo, payagan mong manirahan ang iyong mga lingkod sa lupain ng Gosen.”+ 5  Dahil dito, sinabi ng Paraon kay Jose: “Pinuntahan ka rito ng iyong ama at mga kapatid. 6  Ang lupain ng Ehipto ay nasa iyong mga kamay. Patirahin mo ang iyong ama at mga kapatid sa pinakamainam na bahagi ng lupain.+ Patirahin mo sila sa lupain ng Gosen, at kung may alam kang mga lalaking may kakayahan sa kanila, ipagkatiwala mo sa mga ito ang aking hayupan.” 7  Pagkatapos, isinama ni Jose ang ama niyang si Jacob at iniharap sa Paraon, at pinagpala ni Jacob ang Paraon. 8  Tinanong ng Paraon si Jacob: “Ilang taon ka na?” 9  Sinabi ni Jacob sa Paraon: “Ako ay 130 taóng gulang, at sa buong buhay ko ay nagpagala-gala ako.* Napakahirap ng mga taon ng buhay ko,+ at hindi ito kasinghaba ng mga taon ng buhay ng mga ninuno ko na ginugol nila sa pagpapagala-gala.”*+ 10  Pagkatapos, pinagpala ni Jacob ang Paraon at umalis sa harap nito. 11  Kaya pinatira ni Jose ang kaniyang ama at mga kapatid sa lupain ng Ehipto, at binigyan niya sila ng pag-aari dito, sa pinakamainam na bahagi ng lupain, sa lupain ng Rameses,+ gaya ng iniutos ng Paraon. 12  At patuloy na binigyan ni Jose ng pagkain* ang kaniyang ama, mga kapatid, at ang buong sambahayan ng ama niya, ayon sa dami ng kanilang anak. 13  At walang pagkain* sa buong lupain, dahil napakatindi ng taggutom, at ang mga tao sa lupain ng Ehipto at Canaan ay nanghina dahil sa taggutom.+ 14  Kinokolekta ni Jose ang lahat ng pera sa lupain ng Ehipto at Canaan na ibinibigay ng mga tao kapalit ng butil na binibili nila,+ at patuloy na dinadala ni Jose ang pera sa bahay ng Paraon. 15  Nang maglaon, naubos na ang pera sa lupain ng Ehipto at Canaan, kaya nagpuntahan kay Jose ang lahat ng Ehipsiyo. Sinabi nila: “Bigyan mo kami ng pagkain! Bakit kailangan kaming mamatay sa harap mo dahil sa wala na kaming pera?” 16  Sinabi ni Jose: “Kung ubos na ang pera ninyo, dalhin ninyo ang inyong mga alagang hayop, at bibigyan ko kayo ng pagkain kapalit ng mga iyon.” 17  Kaya dinala nila kay Jose ang kanilang mga alagang hayop, at binibigyan sila ni Jose ng pagkain kapalit ng dinadala nilang mga kabayo, tupa, kambing, baka, at mga asno, at sa loob ng taóng iyon, patuloy niya silang binigyan ng pagkain kapalit ng lahat ng kanilang alagang hayop. 18  Nang sumunod na taon, pumunta ulit sila sa kaniya at nagsabi: “Gusto naming malaman ng aming panginoon na naibigay na namin ang pera at mga alagang hayop namin. Wala na kaming maibibigay sa aming panginoon maliban sa aming sarili at mga lupain. 19  Bakit kailangan kaming mamatay sa harap mo, kami at ang lupain namin? Bilhin mo kami at ang aming lupain kapalit ng pagkain, at kami ay magiging mga alipin ng Paraon at ang lupain namin ay magiging pag-aari niya. Bigyan mo kami ng binhi para mabuhay kami at hindi mamatay at para hindi matiwangwang ang lupain namin.” 20  Kaya binili ni Jose ang lahat ng lupain ng mga Ehipsiyo para sa Paraon dahil ipinagbili ng bawat Ehipsiyo ang kaniyang bukid, dahil napakatindi ng taggutom; at ang lupain ay naging pag-aari ng Paraon. 21  Pagkatapos, ang mga tao sa buong teritoryo ng Ehipto ay inilipat niya sa mga lunsod.+ 22  Ang lupain lang ng mga saserdote ang hindi niya binili,+ dahil ang mga saserdote ay tumatanggap ng rasyon ng pagkain mula sa Paraon. Kaya hindi nila ipinagbili ang lupain nila. 23  Pagkatapos, sinabi ni Jose sa mga tao: “Ngayon ay binili ko na kayo at ang lupain ninyo para sa Paraon. Heto ang binhi para sa inyo, at itanim ninyo ito sa lupain. 24  Kapag nagbunga na ito, ibigay ninyo sa Paraon ang ikalimang bahagi,*+ pero sa inyo ang apat na bahagi* para may binhi kayong maitanim sa bukid at para maging pagkain ninyo at ng inyong sambahayan at mga anak.” 25  Kaya sinabi nila: “Iniligtas mo ang buhay namin.+ Malugod sana sa amin ang aming panginoon, at magiging mga alipin kami ng Paraon.”+ 26  At ginawa itong batas ni Jose, na may bisa pa rin sa buong lupain ng Ehipto hanggang ngayon, na ang ikalimang bahagi ng ani ay dapat ibigay sa Paraon. Ang lupain lang ng mga saserdote ang hindi naging pag-aari ng Paraon.+ 27  Patuloy na tumira si Israel at ang sambahayan niya sa Gosen,+ sa lupain ng Ehipto, at nagkaroon sila roon ng mga pag-aari, naging palaanakin, at dumami nang husto.+ 28  At si Jacob ay nabuhay sa lupain ng Ehipto nang 17 taon, kaya nabuhay si Jacob nang 147 taon.+ 29  Nang malapit nang mamatay si Israel,+ tinawag niya ang anak niyang si Jose at sinabi: “Kung naging kalugod-lugod ako sa iyong paningin, pakisuyong ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng hita ko at magpakita ka ng tapat na pag-ibig at katapatan sa akin. Pakisuyo, huwag mo akong ilibing sa Ehipto.+ 30  Kapag namatay ako,* ilabas mo ako sa Ehipto at ilibing sa libingan ng mga ninuno ko.”+ Kaya sinabi niya: “Gagawin ko po ang sinabi ninyo.” 31  Pagkatapos, sinabi niya: “Sumumpa ka sa akin.” Kaya sumumpa siya sa kaniya.+ At sa ulunan ng higaan niya, yumukod si Israel sa Diyos.+

Talababa

O “nanirahan ako bilang dayuhan.”
O “paninirahan bilang mga dayuhan.”
Lit., “tinapay.”
Lit., “tinapay.”
20 porsiyento.
80 porsiyento.
Lit., “Kapag humiga akong kasama ng mga ama ko.”

Study Notes

Media