Mga Hukom 1:1-36
1 Pagkamatay ni Josue,+ nagtanong ang mga Israelita kay Jehova:+ “Sino sa amin ang unang sasalakay at makikipaglaban sa mga Canaanita?”
2 Sumagot si Jehova: “Ang Juda ang sasalakay.+ Ibibigay* ko ang lupain sa kamay niya.”
3 Pagkatapos ay sinabi ng Juda sa Simeon na kapatid niya: “Sumama ka sa akin sa teritoryong ibinigay sa akin*+ para labanan ang mga Canaanita. At sasama rin ako sa iyo sa teritoryong ibinigay sa iyo.” Kaya sumama ang Simeon sa kaniya.
4 Nang sumalakay ang Juda, ibinigay ni Jehova ang mga Canaanita at ang mga Perizita sa kamay nila,+ at natalo nila ang 10,000 lalaki sa Bezek.
5 Nakita nila si Adoni-bezek sa Bezek, at nilabanan nila siya roon at tinalo ang mga Canaanita+ at ang mga Perizita.+
6 Nang tumakas si Adoni-bezek, hinabol nila siya at nahuli nila siya at pinutol nila ang mga hinlalaki ng kaniyang mga kamay at paa.
7 Pagkatapos ay sinabi ni Adoni-bezek: “May 70 hari na pinutulan ng mga hinlalaki sa kanilang mga kamay at paa at namumulot ng pagkain sa ilalim ng mesa ko. Pinagbayad ako ng Diyos sa ginawa ko.” Pagkatapos, dinala nila siya sa Jerusalem,+ at namatay siya roon.
8 Ang mga lalaki ng Juda ay nakipagdigma rin sa Jerusalem+ at sinakop nila iyon; pinabagsak nila ang mga tagaroon sa pamamagitan ng espada, at sinunog nila ang lunsod.
9 Pagkatapos, sinalakay ng mga lalaki ng Juda ang mga Canaanita na nakatira sa mabundok na rehiyon at sa Negeb at sa Sepela.+
10 Sinalakay ng Juda ang mga Canaanita na nakatira sa Hebron (ang pangalan ng Hebron dati ay Kiriat-arba), at pinabagsak nila sina Sesai, Ahiman, at Talmai.+
11 Mula roon ay sinalakay nila ang mga nakatira sa Debir.+ (Ang Debir ay dating tinatawag na Kiriat-seper.)+
12 Pagkatapos ay sinabi ni Caleb:+ “Ibibigay ko ang anak kong si Acsa para maging asawa ng lalaking makapagpapabagsak at makasasakop sa Kiriat-seper.”+
13 At nasakop iyon ni Otniel+ na anak ni Kenaz,+ na nakababatang kapatid ni Caleb. Kaya ibinigay niya rito ang anak niyang si Acsa para maging asawa nito.
14 Habang pauwi si Acsa, hinimok niya ang asawa niya na humingi ng bukid sa ama* niya. Pagkatapos, bumaba si Acsa sa kaniyang asno.* Tinanong siya ni Caleb: “Ano ang gusto mo?”
15 Sinabi ni Acsa: “Pakisuyo, bigyan ninyo ako ng pagpapala. Isang lupain sa timog* ang ibinigay ninyo sa akin, kaya ibigay rin ninyo sa akin ang Gulot-maim.”* Kaya ibinigay sa kaniya ni Caleb ang Mataas na Gulot at ang Mababang Gulot.
16 At ang mga inapo ng Kenita,+ na biyenan ni Moises,+ ay umalis sa lunsod ng mga puno ng palma+ kasama ang mga taga-Juda, at nagpunta sila sa ilang ng Juda, na nasa timog ng Arad.+ Nanirahan silang kasama ng mga tagaroon.+
17 Pero ang Juda, kasama ang Simeon na kapatid nito, ay sumalakay sa mga Canaanita na nakatira sa Zepat, at pinuksa nila ito.+ Kaya ang lunsod ay tinawag nilang Horma.*+
18 Pagkatapos, sinakop ng Juda ang Gaza+ at ang teritoryo nito, ang Askelon+ at ang teritoryo nito, at ang Ekron+ at ang teritoryo nito.
19 Tinutulungan ni Jehova ang Juda, at nakuha nila ang mabundok na rehiyon, pero hindi nila maitaboy ang mga nakatira sa kapatagan* dahil ang mga ito ay may mga karwaheng* pandigma na may mga patalim sa gulong.*+
20 Ibinigay nila ang Hebron kay Caleb, gaya ng ipinangako ni Moises,+ at itinaboy niya mula roon ang tatlong anak ni Anak.+
21 Pero hindi itinaboy ng mga Benjaminita ang mga Jebusita na nakatira sa Jerusalem, kaya hanggang ngayon ay nakatira pa rin ang mga Jebusita sa Jerusalem kasama ng mga Benjaminita.+
22 Samantala, ang sambahayan ni Jose+ ay sumalakay sa Bethel, at si Jehova ay sumasakanila.+
23 Ang sambahayan ni Jose ay nagmamanman sa Bethel (ang dating pangalan ng lunsod ay Luz),+
24 at nakita ng mga nagmamanman ang isang lalaki na palabas ng lunsod. Kaya sinabi nila sa kaniya: “Pakisuyo, ipakita mo sa amin ang daan papasók sa lunsod, at hindi ka namin sasaktan.”*
25 Kaya ipinakita sa kanila ng lalaki ang daan papasók sa lunsod, at pinabagsak nila ang lunsod sa pamamagitan ng espada, pero hinayaan nilang makaalis ang lalaki at ang buong pamilya niya.+
26 Ang lalaki ay nagpunta sa lupain ng mga Hiteo at nagtayo siya ng isang lunsod at tinawag niya itong Luz, na siyang pangalan nito hanggang ngayon.
27 Hindi sinakop ng Manases ang Bet-sean at ang katabing mga nayon nito,* ang Taanac+ at ang katabing mga nayon nito, ang mga nakatira sa Dor at ang katabing mga nayon nito, ang mga nakatira sa Ibleam at ang katabing mga nayon nito, at ang mga nakatira sa Megido at ang katabing mga nayon nito.+ Nagpumilit ang mga Canaanita na manatili sa lupaing ito.
28 Nang lumakas ang Israel, puwersahan nilang pinagtrabaho ang mga Canaanita,+ pero hindi nila itinaboy nang lubusan ang mga ito.+
29 Hindi rin itinaboy ng Efraim ang mga Canaanita na nakatira sa Gezer. Ang mga Canaanita ay patuloy na nanirahang kasama nila sa Gezer.+
30 Hindi itinaboy ng Zebulon ang mga nakatira sa Kitron at ang mga nakatira sa Nahalol.+ Ang mga Canaanita ay patuloy na nanirahang kasama nila, at puwersahan nilang pinagtrabaho ang mga ito.+
31 Hindi itinaboy ng Aser ang mga nakatira sa Aco at ang mga nakatira sa Sidon,+ sa Alab, sa Aczib,+ sa Helba, sa Apik,+ at sa Rehob.+
32 Kaya ang mga Aserita ay patuloy na nanirahang kasama ng mga Canaanita sa lupain, dahil hindi nila itinaboy ang mga ito.
33 Hindi itinaboy ng Neptali ang mga nakatira sa Bet-semes at ang mga nakatira sa Bet-anat,+ kundi patuloy silang nanirahang kasama ng mga Canaanita sa lupain.+ Puwersahan nilang pinagtrabaho ang mga nakatira sa Bet-semes at sa Bet-anat.
34 Nanatili ang mga Danita sa mabundok na rehiyon dahil hindi sila hinayaan ng mga Amorita na makababa sa kapatagan.*+
35 Ang mga Amorita ay nagpumilit na manatili sa Bundok Heres, Aijalon,+ at Saalbim.+ Pero nang lumakas ang* sambahayan ni Jose, puwersahan silang pinagtrabaho ng mga ito.
36 Ang teritoryo ng mga Amorita ay mula sa paakyat na daan ng Akrabim,+ mula sa Sela pataas.
Talababa
^ O “Ibinigay.”
^ Lit., “nakuha ko sa palabunutan.”
^ Si Caleb.
^ O posibleng “ipinalakpak niya ang mga kamay niya habang nakasakay sa asno.”
^ O “Negeb,” isang tuyot na lupain.
^ Posibleng nangangahulugang “Mga Bukal ng Tubig.”
^ Ibig sabihin, “Pagtatalaga sa Pagkapuksa.”
^ Lit., “karwaheng bakal.”
^ O “karong.”
^ O “mababang kapatagan.”
^ Lit., “at magpapakita kami sa iyo ng tapat na pag-ibig.”
^ O “ang mga nayong nakadepende rito.”
^ O “mababang kapatagan.”
^ Lit., “nang bumigat ang kamay ng.”