Mga Hukom 15:1-20

15  Nang maglaon, sa panahon ng pag-aani ng trigo, dinalaw ni Samson ang asawa niya at may dala siyang isang batang kambing. Sinabi niya: “Gusto ko sanang puntahan ang asawa ko sa kuwarto.” Pero hindi siya pinapasok ng ama nito. 2  Sinabi ng ama nito: “Naisip kong galit ka sa kaniya.+ Kaya ibinigay ko siya sa abay mong lalaki.+ Hindi ba mas maganda ang nakababata niyang kapatid? Pakisuyo, siya na lang ang kunin mo.” 3  Pero sinabi ni Samson sa kanila: “Ngayon, hindi ako masisisi ng mga Filisteo kapag ginawan ko sila ng masama.” 4  Kaya si Samson ay umalis at humuli ng 300 asong-gubat.* Kumuha siya ng mga sulo, pinagdugtong ang buntot ng bawat pares ng asong-gubat, at naglagay ng isang sulo sa pagitan ng bawat pares ng buntot. 5  Pagkatapos ay sinindihan niya ang mga sulo at pinakawalan ang mga asong-gubat sa mga bukid ng mga Filisteo na may nakatanim na mga halamang butil. Sinilaban niya ang lahat ng naroroon, mula sa mga nakabungkos hanggang sa mga hindi pa nagagapas, pati na ang mga ubasan at ang mga taniman ng olibo. 6  Nagtanong ang mga Filisteo: “Sino ang gumawa nito?” Sinabi sa kanila: “Si Samson, ang manugang ng Timnita, dahil kinuha nito ang asawa ni Samson at ibinigay sa abay niyang lalaki.”+ Kaya pinuntahan ng mga Filisteo ang babae at ang ama nito at sinunog sila.+ 7  Pagkatapos ay sinabi ni Samson sa kanila: “Dahil sa ginawa ninyo, hindi ako titigil hangga’t hindi ako nakagaganti sa inyo.”+ 8  At isa-isa niya silang pinabagsak at marami siyang napatay. Pagkatapos, umalis siya at nanirahan sa isang kuweba* sa malaking batong Etam. 9  Nang maglaon, nagkampo ang mga Filisteo sa Juda, na lumilibot at sumasalakay sa Lehi.+ 10  Pagkatapos ay sinabi ng mga lalaki ng Juda: “Bakit ninyo kami sinasalakay?” Sumagot sila: “Nagpunta kami para hulihin* si Samson at gawin sa kaniya ang ginawa niya sa amin.” 11  Kaya 3,000 lalaki ng Juda ang pumunta sa kuweba* sa malaking batong Etam at nagsabi kay Samson: “Hindi mo ba alam na ang mga Filisteo ang namamahala sa atin?+ Bakit mo ito ginawa sa amin?” Sinabi niya sa kanila: “Kung ano ang ginawa nila sa akin, iyon ang ginawa ko sa kanila.” 12  Pero sinabi nila sa kaniya: “Nandito kami para hulihin* ka at isuko sa mga Filisteo.” Sinabi naman ni Samson sa kanila: “Mangako kayo na hindi ninyo ako sasaktan.” 13  Sinabi nila sa kaniya: “Hindi. Tatalian ka lang namin at isusuko sa kanila, pero hindi ka namin papatayin.” Kaya tinalian nila siya ng dalawang bagong lubid at inilabas siya mula sa kuweba. 14  Nang makarating siya sa Lehi at makita ng mga Filisteo, naghiyawan sila sa saya. Pagkatapos, pinalakas siya ng espiritu ni Jehova,+ at ang mga lubid sa mga bisig niya ay naging gaya ng mga sinulid na lino na nasunog sa apoy, at nahulog ang mga ito mula sa mga kamay niya.+ 15  At nakakita siya ng sariwang panga ng lalaking asno; kinuha niya iyon at 1,000 lalaki ang pinabagsak niya gamit iyon.+ 16  Pagkatapos ay sinabi ni Samson: “Sa pamamagitan ng panga ng isang asno—isang bunton, dalawang bunton! Sa pamamagitan ng panga ng isang asno ay 1,000 lalaki ang pinabagsak ko.”+ 17  Pagkatapos niyang magsalita, inihagis niya ang panga at tinawag niyang Ramat-lehi*+ ang lugar na iyon. 18  Pagkatapos, nauhaw siya nang husto, at tumawag siya kay Jehova at nagsabi: “Ikaw ang nagligtas sa iyong lingkod mula sa napakaraming kaaway. Pero ngayon ba ay mamamatay ako sa uhaw at mahuhulog sa kamay ng mga di-tuli?” 19  Kaya biniyak ng Diyos ang isang uka sa lupa na nasa Lehi, at lumabas ang tubig doon.+ Nang uminom siya, bumalik ang lakas niya at sumigla siya ulit. Kaya tinawag niyang En-hakore* ang bukal, at iyon ay nasa Lehi pa rin hanggang ngayon. 20  At naghukom siya sa Israel sa loob ng 20 taon noong panahon ng mga Filisteo.+

Talababa

Sa Ingles, fox.
O “awang.”
O “itali.”
O “awang.”
O “itali.”
Ibig sabihin, “Burol ng Panga.”
Ibig sabihin, “Bukal ng Isa na Tumatawag.”

Study Notes

Media