Mga Hukom 17:1-13
17 May isang lalaki sa mabundok na rehiyon ng Efraim+ na ang pangalan ay Mikas.
2 Sinabi niya sa kaniyang ina: “Narinig kong isinumpa mo ang nagnakaw ng iyong 1,100 pirasong pilak. Nasa akin ang pilak. Ako ang kumuha.” Kaya sinabi ng kaniyang ina: “Pagpalain nawa ni Jehova ang anak ko.”
3 Isinauli niya ang 1,100 pirasong pilak sa kaniyang ina, pero sinabi ng kaniyang ina: “Ihahandog* ko ang pilak kay Jehova para magamit ng anak ko sa pagpapagawa ng inukit na imahen at isang metal na estatuwa.+ Magiging sa iyo ang pilak.”
4 Pagkatapos niyang ibalik ang pilak sa kaniyang ina, kumuha ang kaniyang ina ng 200 pirasong pilak at ibinigay iyon sa panday-pilak. Gumawa ito ng isang inukit na imahen at isang metal na estatuwa; at inilagay ang mga iyon sa bahay ni Mikas.
5 Ang lalaking ito na si Mikas ay may isang bahay na may mga diyos; gumawa siya ng isang epod*+ at mga rebultong terapim*+ at inatasan niya ang* isa sa mga anak niya na maglingkod bilang saserdote para sa kaniya.+
6 Noong panahong iyon, walang hari sa Israel.+ Ginagawa ng bawat isa kung ano ang inaakala niyang tama.+
7 May isang kabataang lalaki sa Betlehem+ ng Juda at siya ay isang Levita.+ Nanirahan siya nang sandaling panahon sa pamilya ng Juda.
8 Umalis ang lalaki sa lunsod ng Betlehem ng Juda para humanap ng matitirhan. Sa paglalakbay niya, nakarating siya sa mabundok na rehiyon ng Efraim, sa bahay ni Mikas.+
9 Sinabi ni Mikas sa kaniya: “Tagasaan ka?” Sumagot ito: “Isa akong Levita mula sa Betlehem ng Juda, at naghahanap ako ng matitirhan.”
10 Kaya sinabi ni Mikas sa kaniya: “Dito ka na tumira at gagawin kitang tagapayo* ko at saserdote. Bibigyan kita ng 10 pirasong pilak taon-taon at ng mga damit at pagkain.” Kaya pumasok ang Levita sa bahay.
11 Sa gayon, pumayag ang Levita na manirahang kasama niya, at ang kabataang lalaki ay parang naging anak na niya.
12 At inatasan ni Mikas ang* Levita para maglingkod sa kaniya bilang saserdote,+ at tumira ito sa bahay ni Mikas.
13 Pagkatapos ay sinabi ni Mikas: “Ngayon, alam kong magiging mabuti sa akin si Jehova, dahil ang Levita ay naging saserdote ko.”
Talababa
^ O “Pababanalin.”
^ Lit., “pinuno niya ang kamay ng.”
^ O “mga diyos ng pamilya; mga idolo.”
^ Lit., “ama.”
^ Lit., “pinuno ni Mikas ang kamay ng.”