Jeremias 32:1-44
32 Ang salita na dumating kay Jeremias mula kay Jehova nang ika-10 taon ni Haring Zedekias ng Juda, noong ika-18 taon ni Nabucodonosor.*+
2 Kinukubkob noon ng mga hukbo ng hari ng Babilonya ang Jerusalem, at ang propetang si Jeremias ay nakakulong sa Looban ng Bantay+ na nasa bahay* ng hari ng Juda.
3 Ikinulong siya ni Haring Zedekias ng Juda+ at sinabi nito, “Bakit ka nanghuhula nang ganito? Sinasabi mo, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Ibibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Babilonya, at bibihagin niya ito,+
4 at si Haring Zedekias ng Juda ay hindi makatatakas sa mga Caldeo, dahil ibibigay siya sa kamay ng hari ng Babilonya, at makikipag-usap siya rito nang harapan.”’+
5 ‘Dadalhin niya si Zedekias sa Babilonya, at mananatili siya roon hanggang sa ibaling ko sa kaniya ang pansin ko,’ ang sabi ni Jehova. ‘Kahit patuloy kayong makipaglaban sa mga Caldeo, hindi kayo mananalo.’”+
6 Sinabi ni Jeremias: “Dumating sa akin ang salita ni Jehova,
7 ‘Pupunta sa iyo si Hanamel, anak ni Salum na tiyuhin* mo, at sasabihin niya: “Bilhin mo ang bukid ko na nasa Anatot,+ dahil ikaw ang unang may karapatan na tumubos nito.”’”+
8 Pinuntahan ako ni Hanamel na anak ng tiyuhin ko sa Looban ng Bantay, gaya ng sinabi ni Jehova, at sinabi niya sa akin: “Pakisuyo, bilhin mo ang bukid ko na nasa Anatot, na nasa lupain ng Benjamin, dahil ikaw ang may karapatang tumubos at magmay-ari nito. Bilhin mo iyon.” Sa gayon, nalaman kong iyon ay galing kay Jehova.
9 Kaya binili ko ang bukid na nasa Anatot mula kay Hanamel na anak ng tiyuhin ko. Tinimbang ko ang pera+ at ibinigay ito sa kaniya, 7 siklo* at 10 pirasong pilak.
10 Pagkatapos, itinala ko iyon sa isang kasulatan,+ nilagyan iyon ng tatak, kumuha ako ng mga saksi,+ at tinimbang ko ang pera.
11 Kinuha ko ang kasulatan ng pagkakabili, ang may tatak ayon sa tuntunin at legal na mga kahilingan, pati ang walang tatak,
12 at ibinigay ko ang kasulatan ng pagkakabili kay Baruc+ na anak ni Nerias+ na anak ni Maseias sa harap ni Hanamel na anak ng tiyuhin ko, ng mga saksi na pumirma sa kasulatan ng pagkakabili, at ng lahat ng Judio na nakaupo sa Looban ng Bantay.+
13 Inutusan ko ngayon si Baruc sa harap nila:
14 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, ‘Kunin mo ang mga kasulatang ito, ang kasulatang ito ng pagkakabili, ang may tatak at ang isa pang kasulatan na walang tatak, at ilagay mo ang mga iyon sa isang sisidlang luwad, para maingatan iyon nang mahabang panahon.’
15 Dahil ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, ‘Ang mga bahay, mga bukid, at mga ubasan ay muling mabibili sa lupaing ito.’”+
16 At nanalangin ako kay Jehova matapos kong ibigay ang kasulatan ng pagkakabili kay Baruc na anak ni Nerias:
17 “O Kataas-taasang Panginoong Jehova, ikaw ang gumawa ng langit at lupa sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan mo+ at ng unat mong bisig. Walang imposible sa iyo.
18 Nagpapakita ka ng tapat na pag-ibig sa libo-libo pero pinagbabayad mo ang mga anak sa pagkakamali ng kanilang mga ama.+ Ikaw ang tunay na Diyos, ang dakila at makapangyarihan, na ang pangalan ay Jehova ng mga hukbo.
19 Dakila ang layunin mo at makapangyarihan ang mga gawa mo,+ ikaw na nagmamasid sa lahat ng landasin ng mga tao,+ para ibigay sa bawat isa ang ayon sa kaniyang landasin at mga ginagawa.+
20 Gumawa ka ng mga tanda at himala sa lupain ng Ehipto, na naaalaala pa rin hanggang sa ngayon. Sa gayon ay nakagawa ka ng pangalan para sa iyong sarili sa Israel at sa sangkatauhan,+ gaya ngayon.
21 At inilabas mo ang bayan mong Israel mula sa lupain ng Ehipto, sa pamamagitan ng mga tanda, ng mga himala, ng makapangyarihang kamay, ng unat na bisig, at ng nakakatakot na mga gawa.+
22 “Nang maglaon, ibinigay mo sa kanila ang lupaing ito na ipinangako mo sa mga ninuno nila,+ isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.+
23 At pumasok sila sa lupain at kinuha iyon, pero hindi sila nakinig sa tinig mo o sumunod sa kautusan mo. Hindi nila sinunod ang anumang iniutos mo sa kanila, kaya pinasapit mo sa kanila ang lahat ng kapahamakang ito.+
24 May mga lalaking dumating sa lunsod na may mga rampang pangubkob para sakupin ito.+ At dahil sa espada,+ taggutom, at salot,*+ ang lunsod ay tiyak na babagsak sa kamay ng mga Caldeo na nakikipaglaban dito; nagkatotoo ang lahat ng sinabi mo, gaya ng nakikita mo ngayon.
25 Pero sinabi mo sa akin, O Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘Bilhin mo ang bukid at kumuha ka ng mga saksi,’ kahit ibibigay ang lunsod sa kamay ng mga Caldeo.”
26 At dumating kay Jeremias ang salita ni Jehova:
27 “Narito ako, si Jehova, ang Diyos ng buong sangkatauhan.* May imposible ba sa akin?
28 Kaya ito ang sinabi ni Jehova, ‘Ibibigay ko ang lunsod na ito sa mga Caldeo at sa kamay ni Haring Nabucodonosor* ng Babilonya, at bibihagin niya ito.+
29 At ang mga Caldeo na nakikipaglaban sa lunsod na ito ay papasok at susunugin ang lunsod na ito+ pati ang mga bahay kung saan sa mga bubong nito ay naghahandog ang mga tao kay Baal at nagbubuhos ng mga handog na inumin para sa ibang diyos para galitin ako.’+
30 “‘Dahil ang bayan ng Israel at ng Juda ay walang ginawa kundi ang masama sa paningin ko, mula pa noong kabataan nila;+ patuloy akong ginagalit ng bayan ng Israel sa mga ginagawa nila,’ ang sabi ni Jehova.
31 ‘Dahil ang lunsod na ito, mula nang araw na itayo nila ito hanggang ngayon, ay wala nang ginawa kundi galitin ako,+ kung kaya dapat itong alisin sa harap ko,+
32 dahil sa lahat ng kasamaang ginagawa ng bayan ng Israel at ng Juda para galitin ako—sila, ang kanilang mga hari,+ matataas na opisyal,+ mga saserdote, mga propeta,+ at ang mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem.
33 Patuloy nilang inihaharap sa akin ang likod nila at hindi ang mukha;+ kahit tinuturuan ko sila nang paulit-ulit,* walang isa man sa kanila ang nakikinig para tumanggap ng disiplina.+
34 At inilagay nila ang kasuklam-suklam na mga idolo nila sa bahay na tinatawag sa pangalan ko, para dungisan ito.+
35 Bukod diyan, itinayo nila ang matataas na lugar ni Baal sa Lambak ng Anak ni Hinom,*+ para sunugin ang mga anak nilang lalaki at babae para kay Molec,+ isang bagay na hindi ko iniutos sa kanila,+ at hindi man lang sumagi sa isip ko* na ipagawa ang gayong kasuklam-suklam na bagay para magkasala ang Juda.’
36 “Kaya ito ang sinabi ni Jehova, ang Diyos ng Israel, tungkol sa lunsod na ito na sinasabi ninyong ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonya sa pamamagitan ng espada, taggutom, at salot,
37 ‘Titipunin ko sila mula sa lahat ng lupain kung saan ko sila pinangalat dahil sa aking galit at matinding poot,+ at ibabalik ko sila sa lugar na ito at patitirahin nang panatag.+
38 At sila ay magiging bayan ko, at ako ang magiging Diyos nila.+
39 At bibigyan ko sila ng isang puso+ at isang landasin para lagi silang matakot sa akin, para sa ikabubuti nila at ng mga anak nila.+
40 At makikipagtipan ako sa kanila ng isang walang-hanggang tipan,+ na hindi ako titigil sa paggawa ng mabuti sa kanila;+ at ilalagay ko sa puso nila ang pagkatakot sa akin, para hindi sila tumalikod sa akin.+
41 Magiging masaya ako sa paggawa ng mabuti sa kanila,+ at itatatag ko sila sa lupaing ito,+ nang aking buong puso at lakas.’”
42 “Dahil ito ang sinabi ni Jehova, ‘Kung paanong pinasapit ko sa bayang ito ang lahat ng kapahamakang ito, pasasapitin ko rin sa kanila ang lahat ng kabutihan* na ipinapangako ko sa kanila.+
43 At muling mabibili ang mga bukid sa lupaing ito,+ kahit sinasabi ninyo: “Isa itong tiwangwang na lupain na walang tao at hayop, at ibinigay na ito sa mga Caldeo.”’
44 “‘Bibilhin ang mga bukid, itatala at lalagyan ng tatak ang mga kasulatan ng pagkakabili, at ang mga saksi ay tatawagin sa lupain ng Benjamin,+ sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, sa mga lunsod ng Juda,+ sa mga lunsod ng mabundok na rehiyon, sa mga lunsod ng mababang lupain,+ at sa mga lunsod sa timog, dahil ang mga nabihag sa kanila ay ibabalik ko,’+ ang sabi ni Jehova.”
Talababa
^ Lit., “Nabucodorosor,” isa pang ispeling.
^ O “palasyo.”
^ Tiyuhin sa ama.
^ O “sakit.”
^ Lit., “ng lahat ng laman.”
^ Lit., “Nabucodorosor,” isa pang ispeling.
^ Lit., “na bumabangon nang maaga at nagtuturo.”
^ O “hindi man lang pumasok sa puso ko.”
^ O “mabubuting bagay.”