Jeremias 33:1-26

33  Ang salita ni Jehova ay dumating kay Jeremias sa ikalawang pagkakataon, noong nakakulong pa siya sa Looban ng Bantay:+ 2  “Ito ang sinabi ni Jehova na Maylikha ng lupa, si Jehova na gumawa nito at naglagay sa puwesto nito nang matibay; Jehova ang pangalan niya, 3  ‘Tumawag ka sa akin, at sasagot ako sa iyo at sasabihin ko sa iyo ang mga bagay na dakila at napakalalim at hindi mo pa alam.’”+ 4  “Dahil ito ang sinabi ni Jehova, ang Diyos ng Israel, tungkol sa mga bahay sa lunsod na ito at sa mga bahay ng mga hari ng Juda na nagiba dahil sa mga rampang pangubkob at sa espada,+ 5  at tungkol sa mga dumarating para makipaglaban sa mga Caldeo, na pinupuno ang mga lugar na ito ng mga bangkay ng mga pinabagsak ko dahil sa aking galit at poot, ang mga gumagawa ng masama na naging dahilan kaya itinago ko ang mukha ko mula sa lunsod na ito: 6  ‘Ibabalik ko ang kaniyang lakas at kalusugan,+ at pagagalingin ko sila at bibigyan sila ng saganang kapayapaan at katotohanan.+ 7  At isasauli ko ang mga nabihag mula sa Juda at mula sa Israel,+ at papatibayin ko sila gaya ng ginawa ko noong una.+ 8  At lilinisin ko sila mula sa lahat ng kasalanan nila sa akin,+ at patatawarin ko ang lahat ng kanilang pagkakamali at kasalanan sa akin.+ 9  At siya ay magiging aking karangalan, kagalakan, kapurihan, at kagandahan sa harap ng lahat ng bansa sa lupa na makaririnig sa lahat ng mabubuting bagay na gagawin ko sa kanila.+ At matatakot ang mga bansa at manginginig+ dahil sa lahat ng kabutihan at kapayapaan na ibibigay ko sa kaniya.’”+ 10  “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Sa lugar na ito na sasabihin ninyong tiwangwang, na walang tao o alagang hayop, sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem na tiwangwang at walang tao o naninirahan o alagang hayop, ay muling maririnig 11  ang ingay ng kagalakan at ng pagsasaya,+ ang tinig ng lalaking ikakasal at ng babaeng ikakasal, ang tinig ng mga nagsasabi: “Magpasalamat kayo kay Jehova ng mga hukbo, dahil si Jehova ay mabuti;+ ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan!”’+ “‘Magdadala sila ng handog ng pasasalamat sa bahay ni Jehova,+ dahil ibabalik ko ang mga nabihag sa lupain, gaya noong una,’ ang sabi ni Jehova.” 12  “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo: ‘Sa tiwangwang na lugar na ito, na walang tao o alagang hayop, at sa lahat ng lunsod nito, ay muling magkakaroon ng mga pastulan na mapagpapahingahan ng kawan ng mga pastol.’+ 13  “‘Sa mga lunsod ng mabundok na rehiyon, sa mga lunsod ng mababang lupain, sa mga lunsod sa timog, sa lupain ng Benjamin, sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem,+ at sa mga lunsod ng Juda,+ muling dadaan ang mga kawan sa ilalim ng mga kamay ng bumibilang sa kanila,’ ang sabi ni Jehova.” 14  “‘Darating ang panahon,’ ang sabi ni Jehova, ‘na tutuparin ko ang magandang pangako na sinabi ko tungkol sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda.+ 15  Sa mga araw na iyon at sa panahong iyon ay pasisibulin ko para kay David ang isang matuwid na sibol,*+ at maglalapat siya ng katarungan at katuwiran sa lupain.+ 16  Sa mga araw na iyon, ang Juda ay maliligtas+ at ang Jerusalem ay maninirahan nang panatag.+ At ito ang itatawag sa kaniya: Si Jehova ang Ating Katuwiran.’”+ 17  “Dahil ito ang sinabi ni Jehova: ‘Sa angkan ni David manggagaling ang lahat ng uupo sa trono ng sambahayan ng Israel.+ 18  At laging may saserdoteng Levita na tatayo sa harap ko para maghandog ng buong handog na sinusunog, magsunog ng handog na mga butil, at maghandog ng mga hain.’” 19  At ang salita ni Jehova ay muling dumating kay Jeremias: 20  “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Kung masisira ninyo ang tipan ko sa araw at ang tipan ko sa gabi, para hadlangan ang pagdating ng araw at gabi sa takdang panahon nito,+ 21  saka lang masisira ang tipan ko sa lingkod kong si David+ at hindi siya magkakaroon ng anak na lalaki na mamamahala bilang hari sa trono niya,+ at ganoon din may kinalaman sa tipan ko sa mga saserdoteng Levita, na mga lingkod ko.+ 22  Kung paanong hindi mabibilang ang hukbo ng langit at ang buhangin sa dagat, gayon ko pararamihin ang mga supling* ng lingkod kong si David at ang mga Levita na naglilingkod sa akin.’” 23  At ang salita ni Jehova ay muling dumating kay Jeremias: 24  “Hindi mo ba narinig ang sinasabi ng bayang ito, ‘Itatakwil ni Jehova ang dalawang pamilya na pinili niya’? At hindi nila iginagalang ang bayan ko, at hindi na nila sila itinuturing na isang bansa. 25  “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Kung paanong gumawa ako ng tipan ko may kinalaman sa araw at sa gabi,+ ng mga batas ng langit at lupa,+ 26  hindi ko rin itatakwil ang mga supling* ni Jacob at ng lingkod kong si David, kaya hindi ko aalisin ang mga supling* niya bilang mga tagapamahala sa mga inapo* nina Abraham, Isaac, at Jacob. Dahil titipunin ko ang mga nabihag sa kanila+ at maaawa ako sa kanila.’”+

Talababa

O “tagapagmana.”
Lit., “ang binhi.”
Lit., “ang binhi.”
Lit., “ang binhi.”
Lit., “sa binhi.”

Study Notes

Media