Jeremias 34:1-22

34  Ang salitang dumating kay Jeremias mula kay Jehova, nang si Haring Nabucodonosor* ng Babilonya at ang buong hukbo niya at ang lahat ng kaharian sa lupa na nasa ilalim ng pamumuno niya at ang lahat ng bayan ay nakikipaglaban sa Jerusalem at sa lahat ng lunsod nito:+ 2  “Ito ang sinabi ni Jehova, ang Diyos ng Israel, ‘Puntahan mo si Haring Zedekias+ ng Juda at sabihin mo sa kaniya: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Ibibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Babilonya, at susunugin niya ito.+ 3  At hindi ka makatatakas mula sa kamay niya, dahil huhulihin ka at ibibigay sa kaniya.+ At makikita mo ang hari ng Babilonya, at kakausapin ka niya nang harapan, at dadalhin ka sa Babilonya.’+ 4  Pero pakinggan mo ang salita ni Jehova, O Haring Zedekias ng Juda, ‘Ito ang sinabi ni Jehova tungkol sa iyo: “Hindi ka mamamatay sa espada. 5  Mamamatay kang payapa,+ at gagawa sila ng seremonya ng pagsusunog para sa iyo gaya ng ginawa nila sa mga ninuno mo, ang mga haring nauna sa iyo, at magdadalamhati sila at magsasabi, ‘O panginoon!’ dahil ‘ako ang nagsabi,’ ang sabi ni Jehova.”’”’” 6  Sinabi ng propetang si Jeremias ang lahat ng salitang ito kay Haring Zedekias ng Juda sa Jerusalem, 7  nang ang mga hukbo ng hari ng Babilonya ay nakikipaglaban sa Jerusalem at sa lahat ng natitirang lunsod ng Juda,+ laban sa Lakis+ at sa Azeka;+ dahil ang mga ito na lang ang napapaderang* lunsod na natitira sa mga lunsod ng Juda. 8  Ang salitang dumating kay Jeremias mula kay Jehova matapos makipagtipan si Haring Zedekias sa buong bayan na nasa Jerusalem para ihayag ang paglaya nila,+ 9  na dapat palayain ng bawat isa ang mga alipin niyang Hebreo, lalaki at babae, para wala nang Judio ang mang-alipin sa kapuwa niya Judio. 10  Kaya sumunod ang lahat ng matataas na opisyal at ang buong bayan. Nakipagtipan sila na palalayain ng bawat isa ang kaniyang mga aliping lalaki at babae at hindi na aalipinin pa ang mga ito. Sumunod sila at pinalaya ang mga ito. 11  Pero nang maglaon, pinabalik nila ang mga aliping lalaki at babae na pinalaya nila, at muli nilang inalipin ang mga ito. 12  Kaya ang salita ni Jehova ay dumating kay Jeremias mula kay Jehova: 13  “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Nakipagtipan ako sa mga ninuno ninyo+ noong araw na ilabas ko sila mula sa lupain ng Ehipto, kung saan sila inalipin,*+ at sinabi ko: 14  “Sa pagwawakas ng pitong taon, dapat palayain ng bawat isa sa inyo ang kapatid niyang Hebreo na ipinagbili sa inyo at naglingkod sa inyo nang anim na taon; dapat ninyo siyang palayain.”+ Pero hindi nakinig ang mga ninuno ninyo at hindi nila ako sinunod. 15  At nanumbalik kayo ngayon at gumawa ng matuwid sa paningin ko sa pamamagitan ng pagpapalaya sa kapuwa ninyo, at nakipagtipan kayo sa harap ko sa bahay na tinatawag sa pangalan ko. 16  Pero nagbago kayo at nilapastangan ninyo ang pangalan ko+ dahil ang mga alipin ninyong lalaki at babae na pinalaya ninyo ayon sa kagustuhan nila ay pinabalik ninyo at muli ninyong inalipin.’ 17  “Kaya ito ang sinabi ni Jehova: ‘Hindi ninyo ako sinunod; hindi pinalaya ng bawat isa sa inyo ang kaniyang kapatid at ang kaniyang kapuwa.+ Kaya bibigyan ko kayo ngayon ng kalayaan,’ ang sabi ni Jehova, ‘sa pamamagitan ng espada, salot,* at taggutom,+ at gagawin ko kayong nakapangingilabot sa paningin ng lahat ng kaharian sa lupa.+ 18  At ito ang mangyayari sa mga taong sumira sa tipan ko dahil hindi nila sinunod ang mga salita ng tipang ginawa nila sa harap ko nang hatiin nila ang guya* at dumaan sila sa pagitan nito,+ 19  ang matataas na opisyal ng Juda, matataas na opisyal ng Jerusalem, mga opisyal ng palasyo, mga saserdote, at ang lahat ng tao sa lupain na dumaan sa pagitan ng hinating guya: 20  Ibibigay ko sila sa mga kaaway nila at sa mga gustong pumatay sa kanila, at ang mga bangkay nila ay magiging pagkain ng mga ibon sa langit at ng mga hayop sa lupa.+ 21  At ibibigay ko si Haring Zedekias ng Juda at ang matataas na opisyal niya sa kamay ng mga kaaway nila at sa kamay ng mga gustong pumatay sa kanila at sa kamay ng mga hukbo ng hari ng Babilonya,+ na umaatras mula sa inyo.’+ 22  “‘Magbibigay ako ng utos,’ ang sabi ni Jehova, ‘at pababalikin ko sila sa lunsod na ito, at makikipaglaban sila rito at sasakupin ito at susunugin ito;+ at ang mga lunsod ng Juda ay gagawin kong tiwangwang, na walang nakatira.’”+

Talababa

Lit., “Nabucodorosor,” isa pang ispeling.
O “nakukutaang.”
Lit., “sa bahay ng mga alipin.”
O “sakit.”
O “batang baka.”

Study Notes

Media