Jeremias 40:1-16
40 Ang salita ni Jehova na dumating kay Jeremias matapos siyang palayain mula sa Rama+ ni Nebuzaradan+ na pinuno ng mga bantay. Kinuha siya nito nang nakaposas, at kasama siya sa mga bihag mula sa Jerusalem at sa Juda na ipatatapon sa Babilonya.
2 At kinuha si Jeremias ng pinuno ng mga bantay at sinabi nito sa kaniya: “Si Jehova na Diyos mo ang humula ng kapahamakang ito laban sa lugar na ito,
3 at pinasapit ito ni Jehova gaya ng sinabi niya, dahil nagkasala kayo kay Jehova at hindi kayo nakinig sa tinig niya. Iyan ang dahilan kung bakit nangyari ito sa inyo.+
4 Aalisin ko na ang mga posas sa mga kamay mo. Kung gusto mong sumama sa akin sa Babilonya, sumama ka, at hindi kita pababayaan. Pero kung ayaw mong sumama sa akin sa Babilonya, huwag kang sumama. Tingnan mo! Nasa harap mo ang buong lupain. Pumunta ka kung saan mo gusto.”+
5 Hindi pa nakaaalis si Jeremias nang sabihin ni Nebuzaradan: “Bumalik ka kay Gedalias+ na anak ni Ahikam+ na anak ni Sapan,+ na inatasan ng hari ng Babilonya sa mga lunsod ng Juda, at tumira kang kasama niya at ng bayan; o pumunta ka kung saan mo gusto.”
Pagkatapos, binigyan siya ng pinuno ng mga bantay ng pagkain at regalo at hinayaan na siyang umalis.
6 Kaya pumunta si Jeremias sa Mizpa,+ kay Gedalias na anak ni Ahikam, at tumira siyang kasama nito at ng mga taong naiwan sa lupain.
7 Nang maglaon, narinig ng lahat ng pinuno ng hukbo na nasa parang at ng mga tauhan nila na si Gedalias na anak ni Ahikam ay inatasan ng hari ng Babilonya na mangasiwa sa lupain at sa mga lalaki, mga babae, at mga bata mula sa mahihirap na tao sa lupain na hindi ipinatapon sa Babilonya.+
8 Kaya pumunta sila kay Gedalias sa Mizpa.+ Ang mga iyon ay si Ismael+ na anak ni Netanias, sina Johanan+ at Jonatan, na mga anak ni Karea, si Seraias na anak ni Tanhumet, ang mga anak ni Epai na Netopatita, at si Jezanias+ na anak ng Maacateo, kasama ang mga tauhan nila.
9 Sumumpa sa kanila at sa mga tauhan nila si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Sapan: “Huwag kayong matakot na maglingkod sa mga Caldeo. Tumira kayo sa lupain at maglingkod sa hari ng Babilonya, at mapapabuti kayo.+
10 Ako naman, titira ako sa Mizpa para maging kinatawan ninyo sa* mga Caldeo na pumupunta rito. Pero magtipon kayo ng alak, mga prutas na pantag-araw, at ng langis, at ilagay ninyo iyon sa mga sisidlan ninyo at tumira kayo sa mga lunsod na nasakop ninyo.”+
11 At nabalitaan din ng lahat ng Judio na nasa Moab, Ammon, at Edom, pati ng mga nasa iba pang lupain, na hinayaan ng hari ng Babilonya na may matira sa Juda at na inatasan niyang mangasiwa sa mga ito si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Sapan.
12 Kaya bumalik ang lahat ng Judio mula sa lahat ng lugar kung saan sila pinangalat, at pumunta sila sa lupain ng Juda, kay Gedalias sa Mizpa. Pagkatapos ay nagtipon sila ng napakaraming alak at prutas na pantag-araw.
13 Pumunta kay Gedalias sa Mizpa si Johanan na anak ni Karea at ang lahat ng pinuno ng mga hukbo na nasa parang.
14 Sinabi nila sa kaniya: “Hindi mo ba alam na inutusan ni Baalis, na hari ng mga Ammonita,+ si Ismael na anak ni Netanias para patayin ka?”+ Pero hindi naniwala sa kanila si Gedalias na anak ni Ahikam.
15 Pagkatapos ay palihim na sinabi ni Johanan na anak ni Karea kay Gedalias sa Mizpa: “Hayaan mong patayin ko si Ismael na anak ni Netanias, at walang makaaalam. Bakit ka niya papatayin, at bakit kailangang mangalat ang lahat ng taga-Juda na sumama sa iyo at malipol ang mga natira sa Juda?”
16 Pero sinabi ni Gedalias+ na anak ni Ahikam kay Johanan na anak ni Karea: “Huwag mong gawin iyan, dahil hindi totoo ang sinasabi mo tungkol kay Ismael.”
Talababa
^ Lit., “para tumayo sa harap ng.”