Jeremias 43:1-13
43 Matapos sabihin ni Jeremias sa buong bayan ang lahat ng salitang ito mula kay Jehova na Diyos nila, ang bawat salita na iniutos sa kaniya ng kanilang Diyos na si Jehova na sabihin sa kanila,
2 si Azarias na anak ni Hosaias, si Johanan+ na anak ni Karea, at ang lahat ng pangahas na lalaki ay nagsabi kay Jeremias: “Hindi totoo ang sinasabi mo! Hindi ka isinugo ni Jehova na aming Diyos para sabihin, ‘Huwag kayong pumunta sa Ehipto para tumira doon.’
3 Sinusulsulan ka lang ni Baruc+ na anak ni Nerias na sabihin iyan sa amin para bumagsak kami sa mga Caldeo, para patayin kami o ipatapon sa Babilonya.”+
4 Kaya si Johanan na anak ni Karea at ang lahat ng pinuno ng mga hukbo at ang buong bayan ay hindi sumunod sa sinabi ni Jehova na manatili sila sa lupain ng Juda.
5 Sa halip, isinama ni Johanan na anak ni Karea at ng lahat ng pinuno ng mga hukbo ang lahat ng natira sa Juda na bumalik sa lupain ng Juda galing sa lahat ng bansa kung saan sila pinangalat.+
6 Isinama nila ang mga lalaki, babae, bata, ang mga anak na babae ng hari, at ang lahat ng iniwan ni Nebuzaradan,+ na pinuno ng mga bantay, kay Gedalias+ na anak ni Ahikam+ na anak ni Sapan,+ pati ang propetang si Jeremias at si Baruc na anak ni Nerias.
7 At pumunta sila sa lupain ng Ehipto, dahil hindi sila sumunod sa sinabi ni Jehova, at nakarating sila hanggang sa Tapanhes.+
8 At ang salita ni Jehova ay dumating kay Jeremias sa Tapanhes:
9 “Magdala ka ng malalaking bato, at itago mo ang mga iyon sa hagdan-hagdang laryo* na nasa pasukan ng bahay ng Paraon sa Tapanhes, at takpan mo iyon ng argamasa,* habang nakatingin ang mga lalaking Judio.
10 Pagkatapos, sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel: “Ipapatawag ko si Nabucodonosor* na hari ng Babilonya, na lingkod ko,+ at ilalagay ko ang trono niya sa ibabaw ng mga batong ito na itinago ko, at ilalatag niya ang kaniyang maringal na tolda sa ibabaw ng mga iyon.+
11 At darating siya at sasalakayin ang lupain ng Ehipto.+ Ang sinumang nararapat sa nakamamatay na salot ay ibibigay sa nakamamatay na salot, at ang sinumang nararapat sa pagkabihag ay bibihagin, at ang sinumang nararapat sa espada ay ibibigay sa espada.+
12 At susunugin ko ang mga bahay* ng mga diyos ng Ehipto,+ at tutupukin niya ang mga ito at dadalhin niya silang bihag. Ibabalot niya ang lupain ng Ehipto sa kaniyang sarili kung paanong ibinabalot ng pastol ang kasuotan sa sarili niya, at payapa siyang aalis doon.*
13 At pagdudurog-durugin niya ang mga haligi* ng Bet-semes* sa lupain ng Ehipto, at susunugin niya ang mga bahay* ng mga diyos ng Ehipto.”’”
Talababa
^ Inilalagay sa pagitan ng mga laryo o mga bato para magdikit ang mga ito o ginagamit na pampalitada.
^ Bloke na ginagamit sa pagtatayo; gawa sa pinatigas na putik.
^ Lit., “Nabucodorosor,” isa pang ispeling.
^ O “templo.”
^ O “at aalis siya roon nang walang pinsala.”
^ O “obelisko.”
^ O “Bahay (Templo) ng Araw,” ang Heliopolis.
^ O “templo.”