Josue 5:1-15
5 Nang marinig ng lahat ng hari ng mga Amorita+ sa kanluran* ng Jordan at ng lahat ng hari ng mga Canaanita,+ na malapit sa dagat, na tinuyo ni Jehova ang tubig ng Jordan sa harap ng mga Israelita hanggang sa makatawid ang mga ito, natakot sila*+ at pinanghinaan ng loob* dahil sa mga Israelita.+
2 Nang panahong iyon, sinabi ni Jehova kay Josue: “Gumawa ka ng mga kutsilyong bato at tuliin+ mo ang mga lalaki ng Israel, sa ikalawang pagkakataon.”
3 Kaya gumawa si Josue ng mga kutsilyong bato at tinuli niya ang mga lalaki ng Israel sa Gibeat-haaralot.*+
4 Ito ang dahilan kung bakit sila tinuli ni Josue: Ang lahat ng lalaking Israelita na umalis sa Ehipto, ang lahat ng lalaking mandirigma,* ay namatay na sa ilang habang naglalakbay sila matapos umalis sa Ehipto.+
5 Ang buong bayan na umalis sa Ehipto ay natuli, pero ang lahat ng ipinanganak sa ilang habang naglalakbay sila matapos umalis sa Ehipto ay hindi natuli.
6 Ang mga Israelita ay lumakad nang 40 taon+ sa ilang hanggang sa maubos ang buong bansa—ang mga lalaking mandirigma na umalis sa Ehipto na hindi nakinig sa tinig ni Jehova.+ Sumumpa sa kanila si Jehova na hindi niya sila papahintulutang makita ang lupaing+ ipinangako ni Jehova sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa kaniyang bayan,*+ isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.+
7 Kaya ipinalit niya sa kanila ang mga anak nila.+ Ang mga ito ang tinuli ni Josue; hindi sila tuli dahil hindi sila tinuli sa panahon ng paglalakbay.
8 Matapos matuli ang buong bansa, hindi sila umalis sa kampo hanggang sa gumaling sila.
9 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Josue: “Inalis ko* sa iyo ngayon ang panghahamak ng Ehipto.” Kaya ang pangalan ng lugar na iyon ay tinawag na Gilgal*+ hanggang sa araw na ito.
10 Ang mga Israelita ay patuloy na nagkampo sa Gilgal, at ipinagdiwang nila ang Paskuwa noong gabi ng ika-14 na araw ng buwan,+ sa mga tigang na kapatagan ng Jerico.
11 Kinabukasan, pagkaraan ng Paskuwa, kumain sila ng ani ng lupain, mga tinapay na walang pampaalsa+ at binusang butil.
12 Nang makakain na sila ng ani ng lupain, hindi na nagkaroon ng manna nang sumunod na araw; wala nang manna para sa mga Israelita,+ pero nagsimula silang kumain ng ani ng lupain ng Canaan nang taóng iyon.+
13 Minsan, nang si Josue ay malapit sa Jerico, bigla siyang nakakita ng isang lalaking+ nakatayo sa harap niya na may hawak na espada.+ Nilapitan ito ni Josue at tinanong: “Kakampi ka ba namin o kalaban?”
14 Sumagot ito: “Hindi, kundi dumating ako bilang pinuno* ng hukbo ni Jehova.”+ Kaya sumubsob si Josue sa lupa tanda ng matinding paggalang at sinabi niya rito: “Ano ang sasabihin ng panginoon ko sa lingkod niya?”
15 Sinabi naman kay Josue ng pinuno ng hukbo ni Jehova: “Hubarin mo ang iyong mga sandalyas, dahil banal ang lugar na kinatatayuan mo.” Ginawa agad iyon ni Josue.+
Talababa
^ Lit., “sa panig na papunta sa dagat.”
^ Lit., “natunaw ang puso nila.”
^ Lit., “at nawalan na ng espiritu.”
^ Ibig sabihin, “Burol ng mga Dulong-Balat.”
^ O “lalaking nasa edad na para magsundalo.”
^ Lit., “sa atin.”
^ Lit., “Iginulong ko palayo.”
^ Ibig sabihin, “Iginulong; Iginulong Palayo.”
^ O “prinsipe.”