Josue 6:1-27
6 Ang mga pintuang-daan ng Jerico ay nakasaradong mabuti dahil sa mga Israelita; walang lumalabas at walang pumapasok.+
2 Sinabi ni Jehova kay Josue: “Tingnan mo, ibinigay ko na sa iyo ang Jerico, ang hari nito, at ang malalakas nitong mandirigma.+
3 Lahat kayo na mga lalaking mandirigma ay magmamartsa nang isang beses sa palibot ng lunsod. Ganiyan ang gagawin ninyo sa loob ng anim na araw.
4 Pitong saserdote ang magdadala ng pitong tambuli na gawa sa sungay ng lalaking tupa at mauuna sila sa Kaban. Pero sa ikapitong araw, magmamartsa kayo nang pitong beses sa palibot ng lunsod at hihipan ng mga saserdote ang mga tambuli.+
5 Kapag hinipan ang tambuling gawa sa sungay ng lalaking tupa—pagkarinig ninyo sa tunog* ng tambuli—ang buong bayan ay sisigaw ng isang malakas na hiyaw para sa pakikipagdigma. Pagkatapos, ang pader ng lunsod ay guguho,+ at lulusob ang bayan, ang bawat isa, deretso sa lunsod.”
6 Kaya tinawag ni Josue, na anak ni Nun, ang mga saserdote at sinabi sa kanila: “Buhatin ninyo ang kaban ng tipan, at pitong saserdote ang magdadala ng pitong tambuli na gawa sa sungay ng lalaking tupa sa unahan ng Kaban ni Jehova.”+
7 Pagkatapos, sinabi niya sa bayan: “Magmartsa kayo sa palibot ng lunsod, at ang hukbong nasasandatahan+ ay mauuna sa Kaban ni Jehova.”
8 At gaya ng sinabi ni Josue sa bayan, ang pitong saserdote na nasa harap ni Jehova at may dalang pitong tambuli na gawa sa sungay ng lalaking tupa ay lumakad at hinipan nila ang mga tambuli, at ang kaban ng tipan ni Jehova ay kasunod nila.
9 At ang hukbong nasasandatahan ay nauuna sa mga saserdote na humihihip ng mga tambuli, at ang mga bantay sa likuran ay sumusunod sa Kaban habang patuloy na hinihipan ng mga saserdote ang mga tambuli.
10 Iniutos ngayon ni Josue sa bayan: “Huwag kayong sisigaw. Manatili kayong tahimik. Walang salitang lalabas sa bibig ninyo hanggang sa araw na sabihin ko sa inyo, ‘Sigaw!’ At sisigaw kayo.”
11 Ipinaikot niya sa lunsod ang Kaban ni Jehova nang isang beses. Pagkatapos, bumalik sila sa kampo at nagpalipas ng gabi roon.
12 Kinabukasan, maagang bumangon si Josue, at binuhat ng mga saserdote ang Kaban+ ni Jehova,
13 at pitong saserdote na may dalang pitong tambuli na gawa sa sungay ng lalaking tupa ang lumakad sa unahan ng Kaban ni Jehova, habang patuloy na humihihip sa mga tambuli. Ang hukbong nasasandatahan ay naglalakad sa unahan nila, at ang mga bantay sa likuran ay sumusunod sa Kaban ni Jehova, habang patuloy na hinihipan ng mga saserdote ang mga tambuli.
14 Nang ikalawang araw, nagmartsa sila nang isang beses sa palibot ng lunsod, at pagkatapos ay bumalik sila sa kampo. Ganiyan ang ginawa nila sa loob ng anim na araw.+
15 Nang ikapitong araw, bumangon na sila sa pagbubukang-liwayway pa lang. Nagmartsa sila sa palibot ng lunsod tulad ng una nilang ginawa, at ginawa nila ito nang pitong beses. Nang araw na iyon lang sila nagmartsa sa palibot ng lunsod nang pitong beses.+
16 At sa ikapitong beses ay hinipan ng mga saserdote ang mga tambuli, at sinabi ni Josue sa bayan: “Sigaw!+ Ibinigay na ni Jehova sa inyo ang lunsod!
17 Ang lunsod at ang lahat ng naroon ay dapat puksain at wasakin;+ lahat ng iyon ay kay Jehova. Si Rahab+ lang na babaeng bayaran ang ititirang buháy, siya at ang lahat ng kasama niya sa bahay, dahil itinago niya ang mga mensaherong ipinadala natin.+
18 Pero lumayo kayo sa mga dapat puksain at wasakin,+ dahil baka hangarin at kunin ninyo ang mga ito,+ at sa gayon ay gawing karapat-dapat sa pagkapuksa ang kampo ng Israel at magdala kayo rito ng kapahamakan.+
19 Pero ang lahat ng pilak at ginto at kagamitang tanso at bakal ay banal kay Jehova.+ Dapat ilagay ang mga iyon sa kabang-yaman ni Jehova.”+
20 At sumigaw ang bayan nang hipan ang mga tambuli.+ Pagkarinig ng bayan sa tunog ng tambuli at pagkasigaw ng malakas na hiyaw para sa pakikipagdigma, gumuho ang mga pader.+ Pagkatapos, lumusob ang bayan, ang bawat isa, deretso sa lunsod, at sinakop nila ito.
21 Pinuksa nila ang lahat ng nasa lunsod sa pamamagitan ng espada, ang mga lalaki at babae, mga bata at matanda, mga toro, tupa, at asno.+
22 Sinabi ni Josue sa dalawang lalaki na nag-espiya sa lupain: “Pumasok kayo sa bahay ng babaeng bayaran, at ilabas ninyo siya at ang lahat ng kasama niya sa bahay, gaya ng ipinangako ninyo sa kaniya.”+
23 Kaya pumasok ang mga espiya at inilabas si Rahab, kasama ang kaniyang ama, ina, at mga kapatid, at ang lahat ng kasama niya sa bahay. Inilabas nila ang buong pamilya niya,+ at dinala sila nang ligtas sa labas ng kampo ng Israel.
24 At sinunog nila ang lunsod at ang lahat ng bagay na naroon. Pero ang pilak, ginto, at mga kagamitang tanso at bakal ay dinala nila sa kabang-yaman ng bahay ni Jehova.+
25 Si Rahab lang na babaeng bayaran at ang sambahayan ng kaniyang ama at ang lahat ng kasama niya sa bahay ang iniligtas ni Josue.+ Naninirahan si Rahab sa Israel hanggang sa araw na ito,+ dahil itinago niya ang mga mensahero na ipinadala ni Josue para mag-espiya sa Jerico.+
26 Nang panahong iyon, binigkas ni Josue* ang sumpang ito: “Sumpain sa harap ni Jehova ang tao na muling magtatayo ng lunsod na ito ng Jerico. Mamamatay ang panganay niya kapag itinayo niya ang pundasyon nito, at mamamatay ang bunso niya kapag inilagay niya ang mga pintuang-daan nito.”+
27 Tinulungan ni Jehova si Josue,+ at nakilala siya sa buong lupa.+