Ayon kay Juan 14:1-31
Talababa
Study Notes
tirahan: Ang salitang Griego na mo·neʹ ay dito lang lumitaw at sa Ju 14:23, kung saan isinalin itong ‘maninirahan.’ Kung minsan, ang terminong ito ay ginagamit ng sekular na mga literatura para tumukoy sa tuluyan ng mga manlalakbay, pero karamihan ng iskolar ay naniniwalang sa kontekstong ito, nangangako si Jesus ng permanenteng tirahan sa bahay ng Ama niya sa langit, kung saan siya pupunta. Para makapaghanda si Jesus ng lugar para sa mga alagad niya, kailangan niyang umakyat sa langit at iharap sa Diyos ang halaga ng dugo niya. (Heb 9:12, 24-28) Nang gawin niya ito, naging posible na para sa mga tao na umakyat din sa langit.—Fil 3:20, 21.
maghanda ng lugar para sa inyo: Para magawa ito, kailangang bigyang-bisa ni Jesus ang bagong tipan sa pamamagitan ng pag-akyat sa langit at paghaharap sa Diyos ng halaga ng dugo niya. Kailangan ding tumanggap ni Kristo ng kapangyarihan bilang hari, at pagkatapos nito, magsisimula na ang pagbuhay-muli sa mga pinahiran niyang tagasunod tungo sa langit.—1Te 4:14-17; Heb 9:12, 24-28; 1Pe 1:19; Apo 11:15.
Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay: Si Jesus ang daan dahil siya lang ang paraan para makalapit tayo sa Diyos sa panalangin. Siya rin “ang daan” para maipagkasundo ang mga tao sa Diyos. (Ju 16:23; Ro 5:8) Si Jesus ang katotohanan dahil nagsalita siya at namuhay ayon sa katotohanan. Napakarami niya ring tinupad na hula na nagpapakita kung gaano kalaki ang papel niya sa katuparan ng layunin ng Diyos. (Ju 1:14; Apo 19:10) Ang mga hulang ito ay “naging ‘oo’ [o natupad] sa pamamagitan niya.” (2Co 1:20) Si Jesus ang buhay dahil sa pamamagitan ng pantubos, naging posible na magkaroon ang mga tao ng “tunay na buhay,” ang “buhay na walang hanggan.” (1Ti 6:12, 19; Efe 1:7; 1Ju 1:7) Siya rin “ang buhay” para sa milyon-milyong namatay na bubuhaying muli at may pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso.—Ju 5:28, 29.
ipakita mo sa amin ang Ama: Lumilitaw na gusto ni Felipe na ipakita ni Jesus sa mga alagad niya ang presensiya ng Diyos, gaya ng nakita noon nina Moises, Elias, at Isaias sa mga pangitain nila.—Exo 24:10; 1Ha 19:9-13; Isa 6:1-5.
Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama: Sa Ju 14:8, lumilitaw na gusto ni Felipe na ipakita ni Jesus sa mga alagad niya ang presensiya ng Diyos, gaya ng nakita noon nina Moises, Elias, at Isaias sa mga pangitain nila. (Exo 24:10; 1Ha 19:9-13; Isa 6:1-5) Sa mga pangitaing iyon, hindi ang mismong Diyos ang nakita nila, kundi mga paglalarawan lang ng kaluwalhatian niya. (Exo 33:17-23; Ju 1:18) Makikita sa sagot ni Jesus na ang nakita ni Felipe ay mas mabuti pa kaysa sa isang pangitain tungkol sa Diyos. Dahil lubusang natularan ni Jesus ang mga katangian ng kaniyang Ama, nang makita ng mga alagad si Jesus, parang nakita na rin nila ang Diyos. (Mat 11:27) Masasabing ‘nakita nila ang Ama’ dahil nalaman nila ang personalidad, kalooban, at layunin ng Diyos sa pamamagitan ng mga sinabi at ginawa ni Jesus. Kaya kapag inilalarawan ng Bibliya si Jesus—ang pagmamahal niya sa mga kaibigan, ang awa na nagpakilos sa kaniya na magpagaling, ang empatiya na naramdaman niya kaya siya naluha, at ang kaniyang husay sa pagtuturo—makikita ng mga mambabasa na iyan din mismo ang sasabihin at gagawin ng kaniyang Ama, si Jehova.—Mat 7:28, 29; Mar 1:40-42; Ju 11:32-36.
mula sa sarili ko: Bilang Punong Kinatawan ng Diyos, si Jesus ay laging nakikinig kay Jehova at ang lahat ng sinasabi niya ay mula kay Jehova.
ang mga gagawin niya ay makahihigit sa mga ito: Hindi sinasabi ni Jesus na mas kamangha-mangha ang mga himalang gagawin ng mga alagad niya kumpara sa mga ginawa niya. Naging mapagpakumbaba lang siya at kinilala niya na mas malaki ang magagawa ng mga tagasunod niya pagdating sa pangangaral at pagtuturo. Mas malawak ang teritoryong masasaklaw nila, mas maraming tao ang makakausap nila, at mas mahabang panahon ang magagamit nila sa pangangaral. Malinaw na makikita sa sinabi ni Jesus na inaasahan niyang itutuloy ng mga tagasunod niya ang gawain niya.
anuman ang hingin ninyo sa pangalan ko: Sinasabi dito ni Jesus ang isang bagong paraan ng pananalangin. Dati, hindi hinihiling ni Jehova sa bayan niya na manalangin sa pangalan ninuman. Halimbawa, kahit na si Moises ang tagapamagitan noon ng bansang Israel at ng Diyos, hindi sinabi ni Jehova sa mga Israelita na manalangin sila sa pangalan ni Moises. Pero sa huling gabi ni Jesus kasama ang mga alagad niya, apat na beses niyang sinabing ‘humingi sa pangalan ko’ para ituro ang bagong paraang ito ng pananalangin. (Ju 14:13, 14; 15:16; 16:23, 24) Dahil binili ni Jesus ang sangkatauhan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang perpektong buhay bilang pantubos, makakarating lang sa mga tao ang mga pagpapala ng Diyos sa pamamagitan niya. (Ro 5:12, 18, 19; 1Co 6:20; Gal 3:13) Dahil sa ginawa ni Jesus, siya ang nag-iisang legal na Tagapamagitan ng Diyos at ng mga tao (1Ti 2:5, 6), at sa pamamagitan lang niya makakalaya ang isang tao sa sumpa ng kasalanan at kamatayan (Gaw 4:12). Kaya makakalapit lang tayo sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus. (Heb 4:14-16) Ang mga nananalangin sa pangalan ni Jesus ay kumikilala sa napakahalagang papel niyang ito.
hihingi kayo: Ang saling ito ay sinusuportahan ng ilang sinaunang manuskrito at kaayon ng pananalita sa Ju 15:16 at 16:23. Sa ibang sinaunang manuskrito, ang mababasa ay “hihingi kayo sa akin.”
ibang katulong: Ipinapahiwatig ng pananalitang ito na may “katulong” na ang mga alagad—si Jesus. Sa katunayan, sa 1Ju 2:1, ginamit din ang terminong Griegong ito (pa·raʹkle·tos) para sa “katulong,” na tumutukoy kay Jesus. Pero dito, ipinapangako ni Jesus na tutulungan din sila ng espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos kapag wala na siya sa lupa.
katulong: O “tagaaliw; tagapagpatibay; tagasuporta.” Ang salitang isinaling “katulong” (pa·raʹkle·tos) ay ginagamit sa Bibliya para tumukoy sa banal na espiritu (Ju 14:16, 26; 15:26; 16:7) at kay Jesus (1Ju 2:1). Puwede itong literal na isaling “isa na pinapalapit” para tumulong. Puwersa lang ang banal na espiritu at hindi isang persona. Kaya nang tukuyin ito ni Jesus bilang katulong na ‘nagtuturo,’ ‘nagpapatotoo,’ ‘nagbibigay ng nakakukumbinsing katibayan,’ ‘gumagabay,’ ‘nagsasalita,’ at ‘nakakarinig,’ (Ju 14:26; 15:26; 16:7-15), gumamit siya ng tayutay na tinatawag na personipikasyon, kung saan tinutukoy na parang may buhay ang isang bagay na walang buhay. Karaniwan sa Kasulatan ang paggamit ng personipikasyon. Halimbawa, ginamit ito para sa karunungan, kamatayan, kasalanan, at walang-kapantay na kabaitan. (Mat 11:19; Luc 7:35; Ro 5:14, 17, 21; 6:12; 7:8-11) Maliwanag na hindi persona ang mga bagay na iyan. Gayundin, madalas banggitin ang espiritu ng Diyos kasama ng walang-buhay na mga bagay at puwersa, na isa pang patunay na hindi ito persona. (Mat 3:11; Gaw 6:3, 5; 13:52; 2Co 6:4-8; Efe 5:18) Sinasabi ng ilan na dahil panlalaki ang Griegong panghalip na ginagamit para sa “katulong,” patunay iyon na ang banal na espiritu ay isang persona. (Ju 14:26) Pero sa Griegong gramatika, kailangan talagang gumamit ng panghalip na panlalaki kapag inilalarawan ang ginagawa ng “katulong,” dahil ang salitang ito ay nasa kasariang panlalaki. (Ju 16:7, 8, 13, 14) Sa kabilang banda, walang kasarian ang salitang Griego para sa “espiritu” (pneuʹma), kaya wala ring kasarian ang mga panghalip na ginagamit para dito.—Tingnan ang study note sa Ju 14:17.
ang espiritu . . . sumasainyo: Sa talatang ito, dalawang beses lumitaw ang Griegong panghalip na au·toʹ, na walang kasarian at tumutukoy sa salitang Griego para sa espiritu (pneuʹma), na wala ring kasarian.—Tingnan ang study note sa Ju 14:16.
espiritu: O “aktibong puwersa.” Ang terminong Griego na pneuʹma ay walang kasarian, kaya wala ring kasarian ang mga panghalip na ginagamit para dito. Marami itong kahulugan. Pero ang lahat ng tinutukoy ng salitang ito ay di-nakikita at nagpapatunay na may kumikilos na puwersa. (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Sa kontekstong ito, ang “espiritu” ay tumutukoy sa banal na espiritu ng Diyos, na tinawag ditong espiritu ng katotohanan. Ginamit din ang ekspresyong ito sa Ju 15:26 at 16:13, kung saan ipinaliwanag ni Jesus na “gagabayan” ng “katulong” na ito (Ju 16:7), o ng “espiritu ng katotohanan,” ang mga alagad niya “para lubusan [nilang] maunawaan ang katotohanan.”
nagdadalamhati: O “ulila.” Sa San 1:27, literal ang kahulugan ng salitang Griego para sa “ulila,” or·pha·nosʹ, at tumutukoy ito sa isa na wala nang mga magulang. Pero dito, tumutukoy ito sa isa na wala nang kaibigan, tagapangalaga, o panginoon na susuporta at poprotekta sa kaniya. Nangako si Jesus sa mga alagad niya na hindi niya sila iiwan; tutulungan niya pa rin sila at poprotektahan.
Hudas, hindi si Hudas Iscariote: Tumutukoy sa apostol na si Hudas, na tinatawag ding Tadeo.—Tingnan ang study note sa Mat 10:3.
maninirahang: Tingnan ang study note sa Ju 14:2.
katulong: O “tagaaliw; tagapagpatibay; tagasuporta.”—Tingnan ang study note sa Ju 14:16.
dahil ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin: Sa maraming pagkakataon, kinilala ni Jesus ang kadakilaan, awtoridad, at nakakahigit na posisyon ng kaniyang Ama. (Mat 4:9, 10; 20:23; Luc 22:41, 42; Ju 5:19; 8:42; 13:16) Kahit noong nasa langit na si Jesus, malinaw na ipinakita ng mga apostol na magkaiba ang Ama at si Jesus at na nakakahigit ang Ama sa kaniyang Anak. (1Co 11:3; 15:20, 24-28; 1Pe 1:3; 1Ju 2:1; 4:9, 10) Ang salitang Griego para sa “mas dakila” (meiʹzon) ay mula sa salitang meʹgas (dakila), at ginamit ito sa maraming konteksto kung saan ang isang tao o bagay ay sinasabing nakakahigit sa iba.—Mat 18:1; 23:17; Mar 9:34; 12:31; Luc 22:24; Ju 13:16; 1Co 13:13.
ang tagapamahala ng mundo: May katulad itong ekspresyon sa Ju 12:31 at 16:11, at tumutukoy ito kay Satanas na Diyablo. Sa kontekstong ito, ang terminong “mundo” (sa Griego, koʹsmos) ay tumutukoy sa lipunan ng tao na malayo sa Diyos at hindi kumikilos kaayon ng kalooban niya. Hindi Diyos ang dahilan kung bakit masama ang mundong ito. Ang totoo, ito ay “nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.” (1Ju 5:19) Si Satanas at ang kaniyang “hukbo ng napakasasamang espiritu sa makalangit na dako” ang di-nakikitang “mga tagapamahala [isang anyo ng salitang Griego na ko·smo·kraʹtor] ng madilim na sanlibutang ito.”—Efe 6:11, 12.
wala siyang kontrol sa akin: O “wala siyang kapangyarihan sa akin.” Perpekto si Jesus at wala siyang maling pagnanasa na puwedeng masamantala ni Satanas para maitalikod siya sa Diyos. Ang ekspresyong Griego na isinaling “wala siyang kontrol sa akin” ay posibleng mula sa idyomang Hebreo na ginagamit sa mga legal na usapin at nangangahulugang “wala siyang habol sa akin.” Pero nakapasok ang Diyablo kay Hudas at nakontrol niya ito.—Ju 13:27.