Ayon kay Juan 17:1-26
Talababa
Study Notes
lahat ng tao: O “lahat ng laman.” Ang ekspresyong ito ay mababasa rin sa Luc 3:6, na sinipi mula sa Isa 40:5, kung saan ginamit ang isang terminong Hebreo na kasingkahulugan nito.—Ihambing ang study note sa Ju 1:14.
makilala ka: O “kumuha ng kaalaman tungkol sa iyo; patuloy na kilalanin ka.” Ang pandiwang Griego na gi·noʹsko ay pangunahin nang nangangahulugang “makilala,” at dito, ang pandiwa ay nasa panahunang pangkasalukuyan na nagpapahiwatig ng patuluyang pagkilos. Puwede itong tumukoy sa proseso ng “pagkuha ng kaalaman, pagkilala, o higit na pagkilala sa isang indibidwal.” Puwede rin itong mangahulugan ng tuloy-tuloy na pagsisikap na mas makilala ang isang indibidwal na kilala mo na. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa personal na kaugnayan sa Diyos na lalong lumalalim dahil sa patuloy na pagkilala sa Diyos at kay Kristo at pagkakaroon ng mas matibay na tiwala sa kanila. Maliwanag, nangangahulugan itong hindi sapat na alam mo ang pangalan ng isang indibidwal o ang ilang impormasyon tungkol sa kaniya. Kailangan mong malaman ang gusto at ayaw niya at kung ano ang mga prinsipyo at pamantayan niya.—1Ju 2:3; 4:8.
sanlibutan: Ang salitang Griego dito na koʹsmos ay lumilitaw na tumutukoy sa mga tao.—Ihambing ang study note sa Ju 17:24.
Ipinakilala ko ang pangalan mo: O “Inihayag ko ang pangalan mo.” Alam na ng mga tagasunod ni Jesus ang pangalan ng Diyos at ginagamit na nila ito. Nakita at nabasa nila ito sa mga balumbon ng Hebreong Kasulatan na nasa mga sinagoga. Nakita at nabasa rin nila ito sa Septuagint—Griegong salin ng Hebreong Kasulatan, na ginagamit noon sa pagtuturo. (Tingnan ang Ap. A5 at C.) Sa Bibliya, ang terminong “pangalan” ay tumutukoy rin kung minsan sa mismong indibidwal, sa reputasyon niya, at sa lahat ng sinasabi niya tungkol sa kaniyang sarili. (Tingnan ang study note sa Mat 6:9; ihambing ang Apo 3:4, tlb.) Ipinakilala ni Jesus ang pangalan ng Diyos, hindi lang sa pamamagitan ng paggamit nito, kundi sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga tao kung sino talaga ang Diyos—ang mga layunin, gawain, at katangian Niya. Dahil si Jesus ang “nasa tabi ng Ama,” siya lang ang lubusang makakapagpakilala kung sino talaga ang Ama. (Ju 1:18; Mat 11:27) Kaya mas malalim ang kahulugan ng “pangalan” ng Diyos para sa mga tagasunod noon ni Jesus.
sanlibutan: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na koʹsmos ay tumutukoy sa mga tao na hiwalay sa Diyos at sa mga tunay na tagasunod ni Kristo, ang kaniyang kongregasyon.—Tingnan ang study note sa Ju 15:19.
tinupad: O “sinunod.” Gaya ng pagkakagamit sa kontekstong ito, ang salitang Griego na te·reʹo ay nangangahulugan ding “patuloy na sumunod; magbigay-pansin.”
sanlibutan: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na koʹsmos ay tumutukoy sa mga tao na hindi lingkod ng Diyos, ang di-matuwid na lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos.—Ihambing ang study note sa Ju 15:19.
Amang Banal: Sa Bibliya, dito lang lumitaw ang ekspresyong ito at ginamit ito sa pakikipag-usap kay Jehova. Hindi ito kailanman ginamit para sa isang tao.—Ihambing ang Mat 23:9.
iyong sariling pangalan, na ibinigay mo sa akin: Ang pangalang Jesus ay katumbas ng pangalang Hebreo na Jesua (o Jehosua), na nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.” Kaya kaayon ng pangalan ni Jesus, dalawang beses niyang idiniin sa kabanatang ito na ipinakilala niya ang pangalan ni Jehova. (Ju 17:6, 26) Sa Bibliya, ang terminong “pangalan” ay puwede ring tumukoy sa mismong indibidwal, sa reputasyon niya, sa mga katangian niya, at sa lahat ng sinasabi niya tungkol sa kaniyang sarili. (Tingnan ang study note sa Mat 6:9; Ju 17:6.) Kaya bukod sa nakapaloob ang pangalan ng Diyos sa pangalan ni Jesus, lumilitaw na may iba pang kahulugan ang pagbibigay ni Jehova ng pangalan niya kay Jesus. Halimbawa, lubusang natularan ni Jesus ang mga katangian ng kaniyang Ama. (Ju 14:9) Isa pa, dumating si Jesus sa pangalan ng kaniyang Ama at gumawa siya ng mga himala sa pangalan ding iyon.—Ju 5:43; 10:25.
maging isa: O “magkaisa.” Ipinanalangin ni Jesus na “maging isa” ang mga tunay na tagasunod niya sa paggawang magkakasama para sa iisang layunin, kung paanong siya at ang Ama ay “iisa” ng kaisipan at nagtutulungan. Makikita sa panalanging ito ni Jesus ang sinabi niya sa Ju 10:30. Doon, sinabi niya na siya at ang Ama ay “iisa” pagdating sa pakikitungo sa mga alagad niya, sa “mga tupa” na ibinigay sa kaniya ng Ama. (Ju 10:25-30; 17:2, 9) Ang salitang Griego na isinalin ditong “isa” ay hindi panlalaki (tumutukoy sa “isang persona”), kundi walang kasarian (tumutukoy sa “isang bagay”).—Tingnan ang study note sa Ju 10:30.
anak ng pagkapuksa: Sa kontekstong ito, tumutukoy ang ekspresyong ito kay Hudas Iscariote, na naging karapat-dapat sa pagkapuksa magpakailanman at wala nang pag-asang mabuhay muli dahil sa pagtatraidor niya sa Anak ng Diyos. Ginamit din ang ekspresyong ito sa 2Te 2:3 para tumukoy sa “napakasamang tao.” Sa orihinal na wika, ang terminong “anak ng” ay ginagamit kung minsan para tumukoy sa isa na tumatahak sa isang partikular na landasin o kilalá sa isang partikular na katangian. Ang ilang halimbawa ay “anak ng Kataas-taasan,” “anak ng liwanag at anak ng araw,” “anak ng Kaharian,” “anak ng masama,” “anak ng Diyablo,” at “anak ng pagsuway.” (Luc 6:35; 1Te 5:5; Mat 13:38; Gaw 13:10; Efe 2:2, tlb.) Gayundin, ang ekspresyong “anak ng” ay puwedeng tumukoy sa kahihinatnan ng isa o sa hatol na tatanggapin niya dahil sa pagtahak sa isang partikular na landasin o pagpapakita ng isang partikular na katangian. Sa 2Sa 12:5, ang ekspresyong isinaling “dapat mamatay” ay “anak ng kamatayan” sa literal. Sa Mat 23:15, ang literal na ekspresyong “anak ng Gehenna” ay tumutukoy sa isa na karapat-dapat sa pagkapuksa magpakailanman, at lumilitaw na ito ang ibig sabihin ni Jesus nang tawagin niya si Hudas Iscariote na “anak ng pagkapuksa.”—Tingnan ang study note sa Mat 23:15 at Glosari, “Gehenna.”
sanlibutan: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na koʹsmos ay tumutukoy sa mga tao na hindi lingkod ng Diyos, ang di-matuwid na lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos. Si Juan lang ang manunulat ng Ebanghelyo na sumipi kay Jesus nang sabihin niyang ang mga tagasunod niya ay hindi . . . bahagi ng sanlibutan. Dalawang beses pang sinabi ni Jesus ang ekspresyong iyan noong huling gabi niya kasama ang kaniyang tapat na mga apostol.—Ju 15:19; 17:16.
Pabanalin: O “Ibukod,” para sa sagradong paglilingkod sa Diyos. Kapag sinusunod ng mga alagad ni Jesus ang katotohanan na nasa Salita ng Diyos, sila ay napapabanal, o nadadalisay. (1Pe 1:22) Kaya nagiging litaw na litaw ang kaibahan nila; “hindi sila bahagi ng sanlibutan,” na hindi namumuhay ayon sa katotohanan mula sa Diyos.—Ju 17:16.
ang iyong salita ay katotohanan: Mababasa sa Salita ni Jehova ang katotohanan, at isinisiwalat nito ang mga katangian, layunin, at utos niya, pati na ang totoong kalagayan ng mga tao. Kaayon ng panalangin ni Jesus, makikita sa Salita ng Diyos ang kailangang gawin ng isang tao para mapabanal siya, o maibukod, ni Jehova sa paglilingkod sa Kaniya at para manatili siyang banal.
pinananatili kong banal ang sarili ko: O “ibinubukod ko ang sarili ko.” Banal si Jesus nang isilang siya bilang tao (Luc 1:35), at napanatili niya ang kabanalang iyon sa buong buhay niya sa lupa (Gaw 4:27; Heb 7:26). Dahil walang kapintasan ang naging pamumuhay niya, pati na ang kaniyang haing pantubos, naging posible para sa mga tagasunod niya na maging banal—nakabukod para sa paglilingkod sa Diyos. Kaya masasabi ni Jesus sa panalangin niya sa kaniyang Ama na pinananatili niyang banal ang sarili niya alang-alang sa kanila. Ang mga tagasunod ni Jesus ay nagiging banal sa pamamagitan ng katotohanan kapag sinusunod nilang mabuti ang halimbawa niya at namumuhay sila ayon sa mga katotohanang itinuro niya at sa mga katotohanang nasa Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Ju 17:17; 2Ti 2:20, 21; Heb 12:14) Pero hindi sila nagiging banal sa sarili nilang pagsisikap, kundi sa pamamagitan lang ni Jesu-Kristo.—Ro 3:23-26; Heb 10:10.
maging isa: O “magkaisa.” Ipinanalangin ni Jesus na “maging isa” sana ang tunay na mga tagasunod niya, o magkaisa sila sa pagsasakatuparan ng iisang layunin, kung paanong siya at ang kaniyang Ama ay “iisa,” o nagkakaisa sa kaisipan at nagtutulungan. (Ju 17:22) Sa 1Co 3:6-9, inilarawan ni Pablo ang pagkakaisang ito ng mga ministrong Kristiyano habang gumagawa silang magkakasama bilang mga kamanggagawa ng Diyos.—Tingnan ang 1Co 3:8 at study note sa Ju 10:30; 17:11.
lubusan silang magkaisa: O “mapasakdal ang kanilang pagkakaisa.” Sa talatang ito, ang lubos na pagkakaisa ay iniugnay ni Jesus sa pag-ibig ng Ama. Kaayon ito ng sinasabi sa Col 3:14: ‘Lubusang pinagkakaisa ng pag-ibig ang mga tao.’ Kapag sinabing ‘lubusang nagkakaisa,’ hindi ibig sabihin na wala nang pagkakaiba-iba ang personalidad ng mga indibidwal—ang kanilang kakayahan, kaugalian, at konsensiya. Nangangahulugan lang ito na ang mga tagasunod ni Jesus ay nagkakaisa sa pagkilos, paniniwala, at turo.—Ro 15:5, 6; 1Co 1:10; Efe 4:3; Fil 1:27.
maitatag ang sanlibutan: Ang salitang Griego para sa “maitatag” ay isinaling “nagdalang-tao” sa Heb 11:11. Ang ekspresyon dito na “maitatag ang sanlibutan” ay lumilitaw na tumutukoy sa pagsilang sa mga anak nina Adan at Eva. Iniugnay ni Jesus ang ‘pagkakatatag ng sanlibutan’ kay Abel, dahil lumilitaw na siya ang unang tao na puwedeng tubusin at ang unang taong napasulat ang pangalan sa “balumbon ng buhay mula nang itatag ang sanlibutan.” (Luc 11:50, 51; Apo 17:8) Pinapatunayan din ng panalanging ito ni Jesus sa kaniyang Ama, na noon pa man—bago pa magkaanak sina Adan at Eva—iniibig na ng Diyos ang kaniyang kaisa-isang Anak.
Ipinakilala ko . . . ang pangalan mo: Sa pagtatapos ng panalangin ni Jesus, inulit niya ang diwa ng sinabi niya sa Ju 17:6. (Tingnan ang study note sa Ju 17:6.) Sa Ju 17:26, ibang pandiwang Griego ang ginamit, gno·riʹzo (“ipakilala”). Pero kapareho ito ng kahulugan ng pandiwang ginamit sa Ju 17:6 (pha·ne·roʹo, “ihayag”), na isinalin ding “ipinakilala.” Sa Bibliya, ang pagpapakilala sa pangalan ng isa ay hindi lang basta pagsasabi ng pangalan ng mismong indibidwal. Kasama sa pangalan ang reputasyon niya at ang lahat ng sinasabi niya tungkol sa kaniyang sarili. (Tingnan ang study note sa Mat 6:9; ihambing ang Apo 3:4, tlb.) Ipinakilala ni Jesus ang pangalan ng Diyos, hindi lang sa pamamagitan ng paggamit nito, kundi sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga tao kung sino talaga ang Diyos—ang mga layunin, gawain, at katangian Niya. Dito, sinabi pa ni Jesus na patuloy niya itong ipapakilala. Kaya patuloy pang lalalim ang kahulugan ng pangalan ng Diyos para sa mga tagasunod ni Jesus.