Ayon kay Juan 19:1-42

19  Pagkatapos, iniutos ni Pilato na hagupitin si Jesus.+ 2  At gumawa ang mga sundalo ng koronang tinik at inilagay iyon sa ulo niya at sinuotan siya ng purpurang* damit,+ 3  at lumalapit sila sa kaniya at sinasabi nila: “Magandang araw, Hari ng mga Judio!” Pinagsasampal din nila siya.+ 4  Muling lumabas si Pilato, at sinabi niya: “Tingnan ninyo! Inihaharap ko siya sa inyo para malaman ninyo na wala akong makitang dahilan para hatulan siya.”*+ 5  Lumabas si Jesus, suot ang koronang tinik at ang purpurang damit. Sinabi ni Pilato sa kanila: “Narito ang tao!” 6  Pero nang makita siya ng mga punong saserdote at mga guwardiya, sumigaw sila: “Ibayubay* siya sa tulos! Ibayubay siya sa tulos!”+ Sinabi ni Pilato: “Kunin ninyo siya at kayo ang pumatay sa kaniya dahil wala akong makitang dahilan para hatulan siya.”*+ 7  Sumagot ang mga Judio: “May kautusan kami, at ayon sa kautusan,+ dapat siyang mamatay dahil inaangkin niyang anak siya ng Diyos.”+ 8  Nang marinig ni Pilato ang sinabi nila, lalo siyang natakot, 9  at pumasok siyang muli sa bahay ng gobernador at sinabi niya kay Jesus: “Saan ka nagmula?” Pero hindi siya sinagot ni Jesus.+ 10  Kaya sinabi ni Pilato: “Hindi ka ba sasagot? Hindi mo ba alam na may awtoridad akong palayain ka o patayin ka?”* 11  Sumagot si Jesus: “Kung hindi ka binigyan ng Diyos ng awtoridad, wala ka sanang awtoridad sa akin.+ Kaya mas malaki ang kasalanan ng taong nagbigay sa akin sa kamay mo.” 12  Dahil dito, patuloy na naghanap si Pilato ng paraan para mapalaya siya. Pero sumigaw ang mga Judio: “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ni Cesar. Ang sinuman na ginagawang hari ang sarili niya ay nagsasalita laban* kay Cesar.”+ 13  Kaya pagkarinig ni Pilato sa sinabi nila, inilabas niya si Jesus, at umupo siya sa luklukan ng paghatol sa lugar na tinatawag na Latag ng Bato, pero sa Hebreo ay Gabata. 14  Noon ay araw ng Paghahanda+ sa Paskuwa, mga ikaanim na oras. Sinabi niya sa mga Judio: “Tingnan ninyo! Ang inyong hari!” 15  Pero sumigaw sila: “Patayin siya! Patayin siya! Ibayubay siya sa tulos!” Sinabi ni Pilato: “Papatayin ko ba ang hari ninyo?” Sumagot ang mga punong saserdote: “Wala kaming ibang hari kundi si Cesar.” 16  Pagkatapos, ibinigay niya si Jesus sa kanila para ibayubay sa tulos.+ Kaya kinuha nila si Jesus. 17  Habang pasan ang pahirapang tulos, lumabas si Jesus papunta sa lugar na tinatawag na Golgota sa Hebreo, na ang ibig sabihin ay Bungo.+ 18  Doon nila siya ipinako sa tulos+ kasama ang dalawa pang lalaki, ang bawat isa sa magkabilang panig ni Jesus.+ 19  Isinulat din ni Pilato ang ganitong mga salita at ipinalagay sa pahirapang tulos: “Si Jesus na Nazareno, ang Hari ng mga Judio.”+ 20  Maraming Judio ang nakabasa nito, dahil malapit sa lunsod ang lugar kung saan ipinako si Jesus sa tulos, at nakasulat ito sa wikang Hebreo, Latin, at Griego. 21  Pero sinabi ng mga punong saserdote ng mga Judio kay Pilato: “Huwag mong isulat, ‘Ang Hari ng mga Judio,’ kundi isulat mo na sinabi niya, ‘Ako ay Hari ng mga Judio.’” 22  Sumagot si Pilato: “Kapag naisulat ko na, naisulat ko na.” 23  Nang si Jesus ay maipako na ng mga sundalo sa tulos, kinuha nila ang balabal niya at hinati sa apat, isa sa bawat sundalo. Kinuha rin nila ang damit niya. Pero wala itong dugtungan at hinabi mula sa itaas hanggang sa ibaba. 24  Kaya sinabi nila sa isa’t isa: “Huwag natin itong punitin, kundi magpalabunutan tayo para malaman kung kanino ito mapupunta.”+ Nangyari ito para matupad ang nasa Kasulatan: “Pinaghati-hatian nila ang damit ko, at pinagpalabunutan nila ang kasuotan ko.”+ Gayon nga ang ginawa ng mga sundalo. 25  Sa tabi ng pahirapang tulos* ni Jesus ay nakatayo ang kaniyang ina+ at ang kapatid na babae nito, gayundin si Maria na asawa ni Clopas at si Maria Magdalena.+ 26  Kaya nang makita ni Jesus ang kaniyang ina at ang minamahal niyang alagad+ na nakatayo sa malapit, sinabi niya sa kaniyang ina: “Tingnan mo!* Ang iyong anak!” 27  At sinabi niya sa alagad: “Tingnan mo! Ang iyong ina!” Mula noon, kinupkop na ng alagad sa sarili niyang tahanan ang ina ni Jesus. 28  Pagkatapos nito, nakita ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya para matupad ang nasa Kasulatan, sinabi niya: “Nauuhaw ako.”+ 29  May isang lalagyan doon na punô ng maasim na alak. Kaya naglagay sila ng espongha na punô ng maasim na alak sa isang tangkay ng isopo at inilapit iyon sa bibig niya.+ 30  Pagkatapos matikman ang maasim na alak, sinabi ni Jesus: “Naganap na!”+ Pagyuko niya, nalagutan siya ng hininga.+ 31  Dahil araw noon ng Paghahanda,+ hiniling ng mga Judio kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nakabayubay at ibaba ang mga katawan nito para hindi manatili ang mga ito sa pahirapang tulos+ sa Sabbath (dahil espesyal ang araw ng Sabbath na iyon).+ 32  Kaya pumunta ang mga sundalo at binali ang mga binti ng dalawang lalaking ibinayubay kasama ni Jesus. 33  Pero paglapit nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang mga binti niya. 34  Pero sinaksak ng sibat ng isa sa mga sundalo ang tagiliran ni Jesus,+ at agad na lumabas ang dugo at tubig. 35  Ang mga ito ay pinatotohanan ng taong nakakita nito, at tunay ang patotoo niya. Alam niya na totoo ang sinasabi niya, at sinabi niya ang mga ito para maniwala rin kayo.+ 36  Sa katunayan, nangyari ang mga ito para matupad ang kasulatan: “Walang isa mang buto niya ang mababali.”*+ 37  At sinasabi pa sa ibang kasulatan: “Titingin sila sa sinaksak nila.”+ 38  Pagkatapos, si Jose ng Arimatea ay humingi ng pahintulot kay Pilato na makuha ang katawan ni Jesus. Alagad siya ni Jesus, pero inilihim niya ito dahil sa takot sa mga Judio.+ Pinahintulutan siya ni Pilato kaya pumunta siya at kinuha niya ang katawan ni Jesus.+ 39  Dumating din si Nicodemo,+ ang lalaking pumunta noon kay Jesus nang gabi. May dala siyang pinaghalong mira at aloe na mga 100 libra ang bigat.+ 40  Kaya kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot ito ng mga telang lino na may mababangong sangkap,*+ ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing.+ 41  Nagkataong may hardin sa lugar kung saan siya pinatay,* at sa harding iyon ay may bagong libingan+ na wala pang naililibing. 42  Dahil araw iyon ng Paghahanda+ ng mga Judio at malapit lang ang libingan, doon nila inilibing si Jesus.

Talababa

O “kulay-ubeng.” Tingnan sa Glosari.
Lit., “wala akong makitang mali sa kaniya.”
O “Ibitin.”
Lit., “wala akong makitang mali sa kaniya.”
O “o ibayubay ka sa tulos?”
O “ay kumakalaban.”
Tingnan sa Glosari.
O “Babae, tingnan mo!”
O “madudurog.”
Dahon, langis, o iba pa na ginagamit sa paghahanda ng katawan para sa paglilibing.
O “ipinako sa tulos.”

Study Notes

hagupitin si Jesus: Kadalasan nang hinahagupit muna ang isang bibitayin sa tulos. Nang madala si Pilato sa pamimilit ng mga Judio na patayin si Jesus at palayain si Barabas, iniutos ni Pilato na “hagupitin si Jesus.” (Mat 20:19; 27:26) Ang pinakanakapangingilabot na panghagupit ay tinatawag na flagellum. May hawakan ito na kinakabitan ng ilang kurdon o mahahabang piraso ng katad. Ang mga pirasong ito ng katad ay nilalagyan ng matatalim na piraso ng buto o metal para lalong maging masakit ang mga hampas.

koronang: Tingnan ang study note sa Mar 15:17.

sinuotan siya ng purpurang damit: Tingnan ang study note sa Mar 15:17.

Magandang araw: O “Mabuhay ka.”—Tingnan ang study note sa Mat 27:29.

Narito ang tao!: Kahit na bugbog-sarado at sugatan si Jesus, nanatili pa rin siyang matatag at kalmado; kaya makikita sa sinabi ni Pilato na kahit naaawa siya, may paggalang pa rin siya kay Jesus. Ang salin ng Vulgate sa sinabi ni Pilato, ecce homo, ang inspirasyon ng mga likhang-sining ng maraming dalubhasa. Posibleng naalala ng mga nakarinig sa sinabi ni Pilato at pamilyar sa Hebreong Kasulatan ang hula tungkol sa Mesiyas na mababasa sa Zac 6:12: “Ito ang lalaking [o, “Narito ang taong”] nagngangalang Sibol.”

May kautusan kami: Nang makita ng mga Judio na walang nangyari kahit inakusahan nila si Jesus ng paglaban sa gobyerno, inakusahan naman nila si Jesus ng pamumusong, na nagpalabas ng tunay nilang motibo. Ito rin ang bintang nila kay Jesus noong nililitis siya sa Sanedrin mga ilang oras pa lang ang nakakalipas, pero isa itong bagong akusasyon sa harap ni Pilato.

Kung hindi ka binigyan ng Diyos ng awtoridad: O “Kung wala kang awtoridad galing sa langit.” Ang salitang Griego dito na aʹno·then ay isinalin namang “mula sa itaas” sa San 1:17; 3:15, 17. Ginamit din ang terminong ito sa Ju 3:3, 7, kung saan puwede itong isaling “muli” at “mula sa itaas.”—Tingnan ang study note sa Ju 3:3.

taong: Malamang na hindi lang iisang indibidwal ang tinutukoy dito ni Jesus, kundi lahat ng taong sangkot sa pagpatay sa kaniya. Kasama dito si Hudas Iscariote, “ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin,” pati na rin ang “mga tao” na nasulsulang hilingin ang paglaya ni Barabas.—Mat 26:59-65; 27:1, 2, 20-22; Ju 18:30, 35.

kaibigan ni Cesar: Ang titulong ito ay karaniwan nang ibinibigay sa mga gobernador ng lalawigan ng Imperyo ng Roma. Pero sa kontekstong ito, maliwanag na hindi ito ginamit ng mga Judiong lider bilang titulo. Sinasabi lang nila na kapag ginawa ito ni Pilato, puwede siyang maparatangan ng pagkunsinti sa rebelyon. Ang Cesar noong panahong iyon ay si Tiberio, isang emperador na kilalá sa pagpatay sa sinumang itinuturing niyang traidor—kahit pa matataas na opisyal. Halimbawa, si Lucius Aelius Sejanus ang kumandante ng mga Guwardiya ng Pretorio, at ibinigay sa kaniya ang titulong “kaibigan ni Cesar.” Masasabing pumapangalawa siya kay Tiberio pagdating sa kapangyarihan. May magandang ugnayan si Pilato at ang maimpluwensiyang si Sejanus. At noong nasa kapangyarihan pa si Sejanus, pinoprotektahan at sinusuportahan niya si Pilato. Pero noong 31 C.E., inakusahan ni Tiberio si Sejanus ng sedisyon at ipinapatay ito at ang marami sa mga tagasuporta nito. Kakatapos lang nitong mangyari noong humarap si Jesus kay Pilato. Kaya puwedeng manganib ang buhay ni Pilato kung magrereklamo ang mga Saduceo sa emperador, lalo na kung ang reklamo nila ay “hindi [siya] kaibigan ni Cesar.” Nainis na ni Pilato ang mga Judio, kaya ayaw na niyang mas mainis pa ang mga ito at maakusahan siyang traidor. Kaya lumilitaw na natakot lang si Pilato sa emperador nang sentensiyahan niya ng kamatayan si Jesus kahit alam niyang inosente ito.

Cesar: Tingnan ang study note sa Mat 22:17.

luklukan ng paghatol: Tingnan ang study note sa Mat 27:19.

Latag ng Bato: Ang lugar na ito ay tinatawag sa Hebreo na Gabata. Hindi tiyak kung saan nakuha ang salitang ito, pero posibleng nangangahulugan itong “burol,” “mataas na lugar,” o “hantad na lugar.” Sa Griego, ang tawag dito ay Li·thoʹstro·ton (Latag ng Bato), at posibleng tumutukoy ito sa isang latag ng bato na simple lang o may dekorasyon; iniisip ng ilang iskolar na posibleng isa itong magandang mosaic. Ang lokasyon nito ay posibleng nasa isang hantad na lugar sa harap ng palasyo ni Herodes na Dakila, pero iba naman ang sinasabi ng ilang iskolar. Hindi tiyak ang eksaktong lokasyon nito.

Hebreo: Tingnan ang study note sa Ju 5:2.

araw ng Paghahanda: Ang tawag sa araw bago ang lingguhang Sabbath, dahil sa araw na ito inihahanda ng mga Judio ang kailangan para sa Sabbath. (Tingnan ang study note sa Mar 15:42.) Idinagdag sa Ebanghelyo ni Juan ang ekspresyong sa Paskuwa. Sa kontekstong ito, ang tinutukoy ay ang umaga ng Nisan 14, ang araw kung kailan nilitis at pinatay si Jesus. Nagsimula ang Paskuwa sa gabi ng sinundang araw, at gaya ng mababasa sa ibang Ebanghelyo, ipinagdiwang ni Jesus at ng mga apostol niya ang Paskuwa nang gabing iyon. (Mat 26:18-20; Mar 14:14-17; Luc 22:15) Lubusang sinunod ni Kristo ang Kautusan, pati na ang kahilingang ipagdiwang ang Paskuwa kapag Nisan 14. (Exo 12:6; Lev 23:5) Ang araw na iyon noong 33 C.E. ay tinawag na Paghahanda sa Paskuwa dahil paghahanda iyon para sa pitong-araw na Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa na magsisimula kinabukasan. Dahil magkakasunod ang mga araw na ito sa kalendaryo, kung minsan, ang terminong “Paskuwa” ay tumutukoy na sa buong kapistahang iyon. (Luc 22:1) Ang araw pagkatapos ng Nisan 14 ay laging sabbath, anumang araw ito pumatak. (Lev 23:5-7) Noong 33 C.E., tumapat ang Nisan 15 sa regular na araw ng Sabbath, kaya ang araw na iyon ay naging “espesyal,” o dobleng, Sabbath.—Tingnan ang study note sa Ju 19:31.

mga ikaanim na oras: Mga 12:00 n.t.—Para sa paliwanag kung bakit magkaiba ang ulat na ito at ang ulat ni Marcos, na nagsasabing ipinako si Jesus sa tulos noong “ikatlong oras,” tingnan ang study note sa Mar 15:25.

Habang pasan ang pahirapang tulos: Sa ulat ni Juan, si Jesus ang pumasan sa pahirapang tulos niya. Pero sinasabi ng ibang Ebanghelyo (Mat 27:32; Mar 15:21; Luc 23:26) na pinilit si Simon na taga-Cirene na buhatin ang tulos hanggang sa lugar kung saan papatayin si Jesus. Kung minsan, hindi na binabanggit ni Juan ang lahat ng detalye, at kadalasan nang hindi na niya inuulit ang mga detalyeng nabanggit na sa ibang Ebanghelyo. Kaya hindi na niya binanggit dito na binuhat ni Simon ang tulos.

pahirapang tulos: Tingnan ang study note sa Mat 27:32.

Golgota: Mula sa salitang Hebreo na nangangahulugang “bungo.” (Ihambing ang Huk 9:53; 2Ha 9:35; 1Cr 10:10, kung saan ang salitang Hebreo na gul·goʹleth ay isinaling “bungo.”) Noong panahon ni Jesus, ang lugar na ito ay nasa labas ng pader ng Jerusalem. Hindi matukoy ang eksaktong lokasyon nito, pero iniisip ng ilan na posibleng ito ang lugar kung saan matatagpuan sa ngayon ang Church of the Holy Sepulchre. (Tingnan ang Ap. B12.) Hindi sinasabi sa Bibliya na ang Golgota ay nasa burol, pero binabanggit dito na ang pagpatay kay Jesus ay nakita ng mga tao mula sa malayo.—Mar 15:40; Luc 23:49.

Bungo: Ang ekspresyong Griego na Kra·niʹou Toʹpon ay katumbas ng pangalang Hebreo na Golgota. (Tingnan ang study note sa Golgota sa talatang ito. Para sa pagtalakay sa pagkakagamit ng terminong Hebreo sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, tingnan ang study note sa Ju 5:2.) Ang terminong “Calvary” ay ginamit sa Luc 23:33 sa ilang Ingles na salin ng Bibliya. Mula ito sa salitang Latin na calvaria (bungo) na ginamit sa Vulgate.

pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.”—Tingnan sa Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”

Hebreo: Tingnan ang study note sa Ju 5:2.

Latin: Dito lang espesipikong binanggit ang wikang Latin sa Bibliya. Noong panahon ni Jesus, Latin ang wikang ginagamit ng mga Romanong awtoridad sa Israel. Hindi ito ang wikang karaniwang ginagamit ng mga tao, pero ito ang ginagamit sa opisyal na mga inskripsiyon. Iba-iba ang wikang ginagamit noon, at posibleng ito ang dahilan kaya ipinasulat ni Pilato sa opisyal na Latin, pati na sa Hebreo at Griego (Koine), ang nasa ulunan ni Jesus noong patayin siya, gaya ng binabanggit sa Ju 19:19. Maraming salita at ekspresyon sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang mula sa Latin.—Tingnan sa Glosari; “Introduksiyon sa Marcos.”

kinuha nila ang balabal niya at hinati: Tingnan ang study note sa Mat 27:35.

ang kapatid na babae nito: Tingnan ang study note sa Mar 15:40.

Clopas: Dito lang lumitaw ang pangalang ito sa Bibliya. Ipinapalagay ng maraming iskolar na iisa lang si Clopas at si Alfeo na binanggit sa Mat 10:3; Mar 3:18; Luc 6:15; at Gaw 1:13. Gaya ng makikita sa Bibliya, karaniwan lang noon na magkaroon ng dalawang pangalan ang isang indibidwal.—Ihambing ang Mat 9:9; 10:2, 3; Mar 2:14.

ang minamahal niyang alagad: Ang isa na mahal na mahal ni Jesus. Ito ang ikalawa sa limang pagbanggit sa alagad na “minamahal ni Jesus.” (Ju 13:23; 20:2; 21:7, 20) Naniniwala ang marami na ang alagad na ito ay si apostol Juan.—Tingnan ang study note sa Ju 13:23.

sinabi niya sa alagad: “Tingnan mo! Ang iyong ina!”: Dahil mahal ni Jesus ang kaniyang inang si Maria (na lumilitaw na biyuda na) at nagmamalasakit siya rito, ipinagkatiwala niya ito sa minamahal niyang apostol na si Juan. (Tingnan ang study note sa Ju 13:23.) Siguradong gustong matiyak ni Jesus na mailalaan kay Maria, hindi lang ang pisikal at materyal na pangangailangan nito, kundi lalo na ang espirituwal. Subók na ang pananampalataya ni apostol Juan, samantalang hindi pa malinaw kung mánanampalatayá na noon ang mga kapatid ni Jesus.—Mat 12:46-50; Ju 7:5.

maasim na alak: Tingnan ang study note sa Mat 27:48.

tangkay ng isopo: Ang salitang Griego na hysʹso·pos, na karaniwang isinasaling “isopo,” ay dalawang beses lang mababasa sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito at sa Heb 9:19. Iba-iba ang opinyon ng mga iskolar sa kung anong halaman ang tinutukoy sa Ju 19:29. Iniisip ng ilan na ito rin ang halaman na karaniwang tinatawag na “isopo” sa Hebreong Kasulatan, na ipinapalagay ng marami na ang marjoram, o Origanum maru; Origanum syriacum. (Lev 14:2-7; Bil 19:6, 18; Aw 51:7) Ang isopong ito ang ginamit ng mga Israelitang nasa Ehipto nang ipahid nila ang dugo ng mga hain para sa Paskuwa sa itaas na bahagi ng pasukan ng bahay nila at sa dalawang poste nito. (Exo 12:21, 22) Dahil ginamit ito sa pagdiriwang ng Paskuwa, ipinapalagay ng ilan na may makukuhang ganitong halaman noong patayin si Jesus. Pero iniisip ng ilan na malambot ang tangkay ng marjoram para kayanin nito ang bigat ng espongha na isinawsaw sa alak at maikli ito para umabot ang espongha sa bibig ni Jesus. May nag-iisip naman na ang isopong tinutukoy dito ay posibleng isang bungkos ng marjoram na ikinabit sa isang tambo para mailapit sa bibig ni Jesus. Kaayon ito ng kaparehong ulat sa Mat 27:48 at Mar 15:36, kung saan binanggit na ang esponghang isinawsaw sa maasim na alak ay inilagay sa “isang tambo.”

nalagutan siya ng hininga: Lit., “isinuko niya ang kaniyang puwersa ng buhay.” O “namatay siya.” Ang salitang Griego para sa “puwersa ng buhay” (pneuʹma) ay puwedeng tumukoy sa “hininga,” at sinusuportahan ito ng pandiwang Griego na ek·pneʹo (lit., “bumuga ng hininga”) na ginamit sa kaparehong ulat sa Mar 15:37 at Luc 23:46 (kung saan isinalin itong “namatay” at puwede ring isaling “nalagutan ng hininga” ayon sa mga study note sa mga talatang ito). Sinasabi ng ilan na ang paggamit ng terminong Griego na puwedeng literal na isaling “isinuko” ay nangangahulugang hindi na nakipaglaban si Jesus para mabuhay, dahil naganap na ang lahat ng kailangang mangyari. “Ibinuhos niya ang sarili niya hanggang sa kamatayan.”—Isa 53:12; Ju 10:11.

araw . . . ng Paghahanda: Tumutukoy sa araw bago ang lingguhang Sabbath. Sa araw na ito, naghahanda ang mga Judio para sa Sabbath. Naghahanda sila ng mas maraming pagkain, at tinatapos nila ang anumang trabahong hindi na makakapaghintay hanggang sa matapos ang Sabbath. Sa pagkakataong ito, ang araw ng Paghahanda ay tumapat sa Nisan 14. (Mar 15:42; tingnan sa Glosari, “Paghahanda.”) Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang katawan ng mga namatay ay “hindi dapat manatili nang magdamag sa tulos,” kundi dapat itong ilibing sa mismong “araw na iyon.”—Deu 21:22, 23; ihambing ang Jos 8:29; 10:26, 27.

baliin ang mga binti: Sa Latin, ang gawaing ito ay tinatawag na crurifragium. Napakabrutal ng parusang ito, at sa pagkakataong ito, malamang na ginawa ito para mapabilis ang pagkamatay ng mga nakabitin sa tulos. Nahihirapang huminga ang isang taong nakabitin sa tulos. Kapag balî na ang mga binti niya, hindi na niya maiaangat ang katawan niya para makahugot ng hininga kaya mamamatay siya.

espesyal ang araw ng Sabbath na iyon: Laging sabbath ang Nisan 15, ang araw pagkatapos ng Paskuwa, anumang araw ng linggo ito tumapat. (Lev 23:5-7) Kapag tumapat sa iisang araw ang Sabbath na ito at ang regular na Sabbath (ang ikapitong araw ng linggo ng mga Judio, mula sa paglubog ng araw sa Biyernes hanggang sa paglubog ng araw sa Sabado), tinatawag itong “espesyal” na Sabbath. Nang mamatay si Jesus sa araw ng Biyernes, ang sumunod na araw ay isang espesyal na Sabbath. Mula 31 hanggang 33 C.E., noong 33 C.E. lang tumapat ng Biyernes ang Nisan 14. Sinusuportahan nito ang konklusyon na namatay si Jesus noong Nisan 14, 33 C.E.

Walang isa mang buto niya ang mababali: Sinipi ito mula sa Aw 34:20. Nang pasimulan ni Jehova ang Paskuwa, iniutos niyang ‘huwag baliin ang kahit isang buto’ ng kordero (o kambing) na papatayin sa gabing iyon. (Exo 12:46; Bil 9:12) Tinawag ni Pablo si Jesus na “ating korderong pampaskuwa,” at gaya ng inihula sa Aw 34:20, wala sa mga buto ni Jesus ang nabali. (1Co 5:7; tingnan ang study note sa Ju 1:29.) Natupad ang hulang ito, kahit na lumilitaw na nakaugalian ng mga sundalong Romano na baliin ang mga binti ng mga pinapatay sa tulos, malamang na para pabilisin ang pagkamatay ng mga ito. (Tingnan ang study note sa Ju 19:31.) Binali ng mga sundalo ang mga binti ng dalawang kriminal na katabi ni Jesus, pero nang makita nilang patay na si Jesus, hindi na nila binali ang mga binti niya. Sa halip, “sinaksak ng sibat ng isa sa mga sundalo ang tagiliran ni Jesus.”—Ju 19:33, 34.

Jose: Tingnan ang study note sa Mar 15:43.

Arimatea: Tingnan ang study note sa Mat 27:57.

mga Judio: Lumilitaw na tumutukoy sa mga Judiong lider ng relihiyon.—Tingnan ang study note sa Ju 7:1.

Nicodemo: Si Juan lang ang bumanggit na sinamahan ni Nicodemo si Jose ng Arimatea sa paghahanda ng katawan ni Jesus para sa libing.—Tingnan ang study note sa Ju 3:1.

pinaghalong: Ang mababasa sa ilang manuskrito ay “isang rolyo ng,” pero ang ginamit dito ay mababasa sa sinauna at maaasahang mga manuskrito.

mira: Tingnan sa Glosari.

aloe: Isang uri ng puno na may mabangong substansiya na ginagamit bilang pabango noong panahon ng Bibliya. (Aw 45:8; Kaw 7:17; Sol 4:14) Malamang na ang aloe na dala ni Nicodemo ay kapareho ng aloe na tinutukoy sa Hebreong Kasulatan. Ginagamit ang aloe sa paghahanda ng bangkay para sa libing. Inihahalo ang pinulbos na aloe sa mira, posibleng para matabunan ang amoy ng nabubulok na bangkay. Para sa karamihan ng mga komentarista, ang puno ng aloe na binabanggit sa Bibliya ay ang Aquilaria agallocha, na tinatawag kung minsan na puno ng eaglewood at karaniwan nang makikita ngayon sa India at kalapít na mga rehiyon. Puwedeng umabot nang 30 m (mga 100 ft) ang taas ng punong ito. Sa loob ng katawan at mga sanga ng punong ito, matatagpuan ang dagta at mabangong langis na nagagamit sa paggawa ng mamahaling pabango. Lumilitaw na nagiging pinakamabango ang kahoy nito kapag nabubulok na, kaya ibinabaon ito kung minsan sa lupa para mapabilis ang pagkabulok nito. Pinupulbos ito, at ang produkto ay tinatawag na “aloe.” Naniniwala naman ang ilang iskolar na ang “aloe” sa talatang ito ay mula sa pamilya ng mga liryo na tinatawag ngayong Aloe vera, na ginagamit hindi dahil sa mabango ito, kundi dahil nakakabuti ito sa kalusugan.

libra: Ang terminong Griego na liʹtra ay karaniwan nang sinasabing ang Romanong libra (mula sa salitang Latin na libra). May bigat itong 327 g (11.5 oz). Kaya ang pinaghalong mira at aloe na binanggit dito ay tumitimbang nang mga 33 kg (72 lb).—Tingnan ang Ap. B14.

libingan: Tingnan ang study note sa Mat 27:60.

Media