Ayon kay Juan 5:1-47
Study Notes
kapistahan ng mga Judio: Hindi espesipikong binanggit ni Juan kung anong kapistahan ito, pero may makatuwirang mga dahilan para isipin na ito ay ang Paskuwa noong 31 C.E. Karaniwan nang nag-uulat si Juan ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari. Ipinapakita ng konteksto na ang kapistahang ito ay naganap hindi pa natatagalan matapos sabihin ni Jesus na “may apat na buwan pa bago ang pag-aani.” (Ju 4:35) Ang panahon ng pag-aani, partikular na ng sebada, ay nagsimula noong panahon ng Paskuwa (Nisan 14). Kaya lumilitaw na sinabi ito ni Jesus mga apat na buwan bago ang Paskuwa, na pumapatak sa buwan ng Kislev (Nobyembre/Disyembre). May dalawa pang kapistahan, ang mga kapistahan ng Pag-aalay at ng Purim, na ipinagdiriwang sa pagitan ng Kislev at Nisan. Pero sa mga kapistahang ito, hindi kailangan ng mga Israelita na pumunta . . . sa Jerusalem. Kaya sa kontekstong ito, lumilitaw na ang tinutukoy na “kapistahan ng mga Judio” ay ang Paskuwa, dahil kinailangang magpunta ni Jesus sa Jerusalem bilang pagsunod sa Kautusan ng Diyos sa Israel. (Deu 16:16) Totoo na kaunti lang ang mga pangyayaring iniulat ni Juan bago niya banggitin ang sumunod na Paskuwa (Ju 6:4), pero kung pagbabatayan ang chart sa Ap. A7, makikita na hindi detalyadong iniulat ni Juan ang mga pangyayari sa simula ng ministeryo ni Jesus, at hindi na niya binanggit ang marami sa mga ulat na mababasa sa tatlong iba pang Ebanghelyo. Sa katunayan, ang napakaraming ulat ng tatlong iba pang Ebanghelyo tungkol sa mga ginawa ni Jesus ay karagdagang patunay na talagang may isa pang Paskuwang naganap sa pagitan ng nakaulat sa Ju 2:13 at sa Ju 6:4.—Tingnan ang Ap. A7 at study note sa Ju 2:13.
Hebreo: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ginamit ng mga manunulat ang terminong “Hebreo” para tumukoy sa wikang sinasalita ng mga Judio (Ju 19:13, 17, 20; Gaw 21:40; 22:2; Apo 9:11; 16:16) at sa wikang ginamit ng binuhay-muli at niluwalhating si Jesus sa pakikipag-usap kay Saul ng Tarso (Gaw 26:14, 15). Sa Gaw 6:1, may binanggit na “mga Judiong nagsasalita ng Hebreo” at “mga Judiong nagsasalita ng Griego.” Naniniwala ang ilang iskolar na ang terminong “Hebreo” sa mga ulat na ito ay dapat na isinaling “Aramaiko,” pero may makatuwirang dahilan para isiping ang terminong ito ay talagang tumutukoy sa wikang Hebreo. Halimbawa, nang sabihin ng doktor na si Lucas na kinausap ni Pablo ang mga taga-Jerusalem “sa wikang Hebreo,” ang mga kausap noon ni Pablo ay ang mga nagpapakadalubhasa sa Kautusan ni Moises sa wikang Hebreo. Isa pa, ang kalakhang bahagi ng napakaraming natagpuang piraso at manuskrito ng Dead Sea Scroll ay mababasa sa wikang Hebreo, bahagi man ito ng Kasulatan o ibang dokumento. Nagpapatunay ito na karaniwang wika noon ang Hebreo. May natagpuan ding mga piraso ng Dead Sea Scroll sa wikang Aramaiko, na nagpapakitang parehong ginagamit ang dalawang wikang ito. Kaya kapag ginagamit ng mga manunulat ng Bibliya ang terminong “Hebreo,” imposibleng ang tinutukoy nila ay wikang Aramaiko o Siryano. (Gaw 21:40; 22:2; ihambing ang Gaw 26:14.) Makikita sa Hebreong Kasulatan na magkaiba ang “Aramaiko” at ang “wika ng mga Judio” (2Ha 18:26), at may kinalaman sa partikular na ulat na ito, makikita sa sinabi ng Judiong istoryador noong unang siglo na si Josephus na magkaiba ang “Aramaiko” at “Hebreo.” (Jewish Antiquities, X, 8 [i, 2]) Totoo na may mga termino sa Aramaiko at Hebreo na magkahawig, at posibleng may mga termino sa Hebreo na galing sa Aramaiko. Pero hindi pa rin makatuwirang isipin na kapag Hebreo ang sinabi ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang tinutukoy talaga nila ay Aramaiko.
Betzata: Ang pangalang Hebreo ay nangangahulugang “Bahay ng Olibo [o, mga Olibo].” Sa ilang manuskrito, ang paliguan ay tinatawag na “Betesda,” na posibleng nangangahulugang “Bahay ng Awa.” Sa ibang manuskrito naman, ang mababasa ay “Betsaida,” na nangangahulugang “Bahay ng Mangangaso [o, Mangingisda].” Maraming iskolar sa ngayon ang pabor sa pangalang Betzata.
Naroon ang maraming maysakit: Marami ang naniniwala noon na gagaling ang sinumang lulublob sa paliguang ito kapag gumalaw ang tubig. (Ju 5:7) Dahil diyan, nagpupunta dito ang mga maysakit. Walang sinasabi ang Bibliya na may anghel na gumagawa ng himala sa paliguan ng Betzata. (Tingnan ang study note sa Ju 5:4.) Pero sinasabi nito na gumawa ng himala si Jesus sa may paliguan. Sa ulat na ito, hindi lumublob sa tubig ang lalaki, pero gumaling siya.
Sa ilang manuskrito, idinagdag ito o ang bahagi nito sa dulo ng talata 3 hanggang sa talata 4: “na naghihintay sa paggalaw ng tubig. 4 Bumababa kasi paminsan-minsan ang anghel ng Panginoon [o, “ni Jehova”] sa paliguan at ginagalaw ang tubig; ang unang lulublob matapos gumalaw ang tubig ay gagaling, anuman ang sakit na nagpapahirap sa kaniya.” Pero hindi ito mababasa sa pinakaluma at maaasahang mga manuskrito, at lumilitaw na hindi talaga ito bahagi ng ulat ni Juan. (Tingnan ang Ap. A3.) Sa ilang salin sa Hebreo ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, na may code na J9, 22, 23 sa Ap. C4, ang mababasa ay “anghel ni Jehova” sa halip na “anghel ng Panginoon.”
hinihigaan: Sa mga lupaing binanggit sa Bibliya, ang mga higaan ay karaniwan nang banig na gawa sa dayami o hungko, na posibleng may kubrekama o kutson para maging mas komportable. Kapag hindi ginagamit, ang mga higaang ito ay inirorolyo at itinatabi. Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na kraʹbat·tos ay lumilitaw na tumutukoy sa higaan ng mahihirap. Sa ulat ng Mar 2:4-12, ang salitang Griegong ito ay tumutukoy naman sa isang uri ng stretcher kung saan nakaratay ang paralitiko.
mga Judio: Gaya ng pagkakagamit ng terminong ito sa Ebanghelyo ni Juan, iba-iba ang ibig sabihin nito depende sa konteksto. Puwede itong tumukoy sa mga Judio sa pangkalahatan, sa mga taga-Judea, o sa mga nakatira sa Jerusalem o malapit dito. Puwede rin itong tumukoy sa mga panatikong Judio na galít kay Jesus at nanghahawakan sa tradisyon ng tao may kaugnayan sa Kautusang Mosaiko. Sa kontekstong ito, ang “mga Judio” ay posibleng tumutukoy sa mga Judiong lider ng relihiyon, pero puwede ring saklaw nito ang iba pang Judio na panatikong sumusunod sa mga tradisyon.
Huwag ka nang gumawa muli ng kasalanan: Hindi sinasabi ni Jesus na nagkasakit ang lalaki dahil sa kasalanang nagawa nito. Ang lalaking pinagaling niya ay 38 taon nang may sakit dahil sa minana nitong di-kasakdalan, o pagiging di-perpekto. (Ju 5:5-9; ihambing ang Ju 9:1-3.) Pero ngayong pinagpakitaan na siya ng awa at pinagaling, sinabihan siya ni Jesus na umiwas sa sadyang paggawa ng kasalanan para maligtas siya at walang mangyari sa kaniya na mas masama pa sa pagkakasakit, ang mapuksa magpakailanman.—Heb 10:26, 27.
pinag-usig: Ang anyo ng pandiwang Griego na ginamit dito ay nagpapahiwatig na mula nang panahong iyon, pinag-uusig na si Jesus ng mga Judio—posibleng tumutukoy sa mga Judiong lider o sa mga panatikong Judio na nanghahawakan sa tradisyon ng tao may kaugnayan sa Kautusang Mosaiko.
ginagawa niyang kapantay ng Diyos ang sarili niya: Tinatawag talaga ni Jesus na Ama ang Diyos, pero hindi niya kailanman inangkin na magkapantay sila. (Ju 5:17) Ang mga Judio lang naman ang nagsasabi na sa pagtawag ni Jesus sa Diyos bilang kaniyang Ama, ginagawa niyang kapantay ng Diyos ang sarili niya. Gaya ng maling bintang ng mga Judio na nilalabag ni Jesus ang Sabbath, mali rin ang akusasyon nilang ito. Pinatunayan ito ni Jesus sa sinabi niya sa talata 19 hanggang 24 na wala siyang anumang magagawa sa sarili niyang pagkukusa. Maliwanag, hindi niya inaangkin na magkapantay sila ng Diyos.—Ju 14:28.
sa sarili niyang pagkukusa: Lit., “mula sa sarili niya,” ibig sabihin, nang siya lang. Bilang Punong Kinatawan ng Diyos, si Jesus ay laging nakikinig kay Jehova at ang lahat ng sinasabi niya ay mula kay Jehova.
Mahal ng Ama ang Anak: Inilalarawan dito ni Jesus ang matibay na buklod at matalik na pagkakaibigan nila ng kaniyang Ama mula pa sa pasimula ng paglalang. (Kaw 8:30) Nang iulat ito ni Juan, ginamit niya ang isang anyo ng pandiwang Griego na phi·leʹo, ang pag-ibig na may paggiliw. Ang pandiwang ito ay kadalasan nang lumalarawan sa isang napakalapít na ugnayan, katulad ng sa tunay na magkakaibigan. Halimbawa, ginamit ang pandiwang ito sa pagkakaibigan nina Jesus at Lazaro. (Ju 11:3, 36) Ginagamit din ito para sa ugnayan ng magulang at anak. (Mat 10:37) At ginagamit din ang phi·leʹo para ilarawan ang malapít na kaugnayan at pagkagiliw ni Jehova sa mga tagasunod ng kaniyang Anak at ang pagmamahal ng mga alagad sa Anak ng Diyos.—Ju 16:27.
hahatulan: Ang terminong Griego na kriʹsis, na isinalin ditong “hahatulan,” ay may iba’t ibang kahulugan, depende sa konteksto. Halimbawa, ang terminong ito ay puwedeng tumukoy sa pagbababa ng hatol o sa proseso ng pagsisiyasat o pagbuo ng hatol (Ju 5:22, 27, 29 at study note), sa katarungan (Mat 23:23; Luc 11:42), o sa hukuman (Mat 5:21). Puwede rin itong tumukoy sa mismong hatol, paborable man o hindi, pero sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, kadalasan nang tumutukoy ito sa isang di-paborableng hatol. Sa talatang ito, ang ‘hatol’ ay iniuugnay sa kamatayan, na kabaligtaran ng buhay at ng buhay na walang hanggan; kaya ang hatol na tinutukoy dito ay nagbubunga ng kamatayan.—2Pe 2:9; 3:7.
nakabangon siya mula sa kamatayan tungo sa buhay: Lumilitaw na ang tinutukoy dito ni Jesus ay ang mga dating patay sa espirituwal pero nakinig sa kaniya, nanampalataya, at tumalikod sa kanilang makasalanang pamumuhay. (Efe 2:1, 2, 4-6) Nakabangon sila “mula sa kamatayan tungo sa buhay” dahil pinalaya sila mula sa hatol ng kamatayan, at binigyan sila ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan dahil sa pananampalataya nila sa Diyos. Lumilitaw na mga patay rin sa espirituwal ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya sa isang anak na Judio na gustong umuwi para ilibing ang kaniyang ama: “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay.”—Luc 9:60; tingnan ang study note sa Luc 9:60; Ju 5:25.
mga patay: Sinabi ni Jesus na nagsisimula na ang panahon kung kailan “maririnig ng mga patay ang tinig” niya, kaya maliwanag na ang tinutukoy niya ay ang mga taong buháy na nagmana ng kasalanan kay Adan at nahatulan ng kamatayan. (Ro 5:12) Para sa Diyos, walang karapatang mabuhay ang mga tao sa pangkalahatan dahil ang “kabayaran” para sa kasalanan ay kamatayan. (Ro 6:23) Sa pakikinig at pagsunod sa “salita” ni Jesus, ang mga tao ay makasagisag na ‘makakabangon mula sa kamatayan tungo sa buhay.’ (Tingnan ang study note sa Ju 5:24.) Sa Bibliya, ang terminong “pakikinig” ay kadalasan nang tumutukoy sa “pagbibigay-pansin” o “pagsunod.”
may kapangyarihang magbigay ng buhay: Lit., “may buhay sa sarili.” Si Jehova lang ang may kapangyarihang magbigay ng buhay, pero si Jesus ay mayroon ding “kakayahang magbigay ng buhay [lit., “buhay sa sarili”]” dahil binigyan siya ng kaniyang Ama ng ganitong kapangyarihan. Siguradong kasama dito ang awtoridad na bigyan ang tao ng pagkakataong magkaroon ng magandang katayuan sa harap ng Diyos at magkaroon ng buhay. Kasama rin dito ang kakayahang bumuhay-muli ng mga patay. Mga isang taon pagkatapos itong sabihin ni Jesus, ginamit niya ang ekspresyong “buhay sa sarili” para naman sa mga alagad niya.—Para sa kahulugan ng ekspresyong ito kapag ginagamit sa mga tagasunod ni Jesus, tingnan ang study note sa Ju 6:53.
Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.
libingan: Lit., “alaalang libingan.” Salin ito ng salitang Griego na mne·meiʹon, mula sa pandiwang mi·mneʹsko·mai, na nangangahulugang “alalahanin” at tumutukoy sa isang libingan. Kaya ipinapahiwatig ng terminong ito na di-malilimutan ang taong namatay. Sa kontekstong ito, ipinapakita na ang taong namatay ay hindi makakalimutan ng Diyos. Kaya mas maiintindihan natin kung bakit sa ulat ni Lucas, sinabi ng kriminal na katabi ni Jesus: “Alalahanin [isang anyo ng pandiwang mi·mneʹsko·mai] mo ako pagdating mo sa iyong Kaharian.”—Luc 23:42.
mabubuhay silang muli: Tingnan ang study note sa Mat 22:23.
pagkabuhay-muli sa buhay: Ang mga tatanggap ng “pagkabuhay-muli sa buhay” ay ang mga “gumawa ng mabubuting bagay” bago sila namatay. Sigurado na ang pag-asa ng tapat na mga taong ito, kaya sinasabi ng Bibliya na “silang lahat ay buháy” sa Diyos kahit hindi pa sila aktuwal na binubuhay muli. Nakasulat na ang mga pangalan nila sa “balumbon [o “aklat”] ng buhay mula nang itatag ang sanlibutan.” (Luc 20:38 at study note; Apo 17:8; tingnan din ang Fil 4:3 at study note.) Lumilitaw na sila rin ang “mga matuwid” na bubuhaying muli sa Gaw 24:15. Sinasabi sa Ro 6:7 na “ang taong namatay ay napawalang-sala na.” Kinansela na ni Jehova ang mga kasalanang nagawa ng mga matuwid noong mamatay sila, pero nasa alaala pa rin niya ang mga gawa ng katapatan nila noong nabubuhay pa sila. (Heb 6:10) Siyempre, kailangan pa rin nilang manatiling tapat para hindi mabura ang pangalan nila sa “balumbon [o “aklat”] ng buhay” at magkaroon sila ng “buhay na walang hanggan.”—Apo 20:12; Ju 3:36.
pagkabuhay-muli . . . tungo sa paghatol: Ang “mga gumawa ng masasamang bagay” bago sila namatay ay bubuhaying muli “tungo sa paghatol.” Iba-iba ang kahulugan ng terminong Griego na isinalin ditong “paghatol” (kriʹsis), depende sa konteksto. (Tingnan ang study note sa Ju 5:24.) Sa talatang ito, lumilitaw na tumutukoy ang terminong “paghatol” sa panahong kailangan para maobserbahan at masubok ang isang tao, o gaya ng sinasabi ng isang leksikong Griego, panahon ito ng “pagsusuri sa paggawi ng isa.” Lumilitaw na ang mga bubuhaying muli “tungo sa paghatol” ay ang mga tinukoy na “di-matuwid” sa Gaw 24:15. Hahatulan sila depende sa paggawi nila sa ilalim ng pamamahala ni Kristo at ng kasama niyang mga hukom sa Kaharian. (Luc 22:30; Ro 6:7) Sa panahong iyon, hahatulan “ang bawat isa sa kanila ayon sa mga ginawa nila.” (Apo 20:12, 13) Mapapasulat lang sila sa “aklat ng buhay” at magkakaroon ng “buhay na walang hanggan” kung iiwan nila ang dati nilang di-matuwid na paraan ng pamumuhay.—Apo 20:15; Ju 3:36.
sa sarili kong pagkukusa: Lit., “mula sa sarili ko,” ibig sabihin, nang siya lang. Bilang Punong Kinatawan ng Diyos, si Jesus ay laging nakikinig kay Jehova at ang lahat ng sinasabi niya ay mula kay Jehova.
ayon sa sinasabi ng Ama: Pinapakinggan ni Jesus ang sinasabi ng Ama dahil ang Ama ang Kataas-taasang Hukom.
ang Kasulatan: Ang ekspresyong ito ay kadalasan nang tumutukoy sa Hebreong Kasulatan. Madali lang sanang makikita ng mga Judiong nagsasaliksik nang mabuti sa Kasulatan na si Jesus ang Mesiyas kung ikukumpara nila ang buhay at turo ni Jesus sa mga hula dito. Pero hindi talaga sinuri ng mga Judiong ito ang napakaraming ebidensiya sa Kasulatan na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. Iniisip nila na magkakaroon sila ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Kasulatan, pero hindi nila matanggap ang sinasabi nito na si Jesus ang daan para magkaroon ng buhay.—Deu 18:15; Luc 11:52; Ju 7:47, 48.
ang mismong nakasulat dito: Mababasa sa Kasulatan ang mga hula tungkol sa Mesiyas na nagpapakitang si Jesus ang daan para magkaroon ng “buhay na walang hanggan” ang mga nakikinig sa kaniya.
nag-iisang Diyos: Sa ilang sinaunang manuskrito, hindi mababasa ang salitang “Diyos” at puwede itong isaling “Nag-iisa.” Pero ang ginamit sa saling ito ay mababasa sa ibang sinaunang maaasahang manuskrito.