Levitico 18:1-30
18 Sinabi pa ni Jehova kay Moises:
2 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Ako ang Diyos ninyong si Jehova.+
3 Huwag ninyong gagayahin ang ginagawa ng mga tao sa Ehipto, na tinirhan ninyo noon, at huwag ninyong gagawin ang ginagawa ng mga tao sa Canaan, kung saan ko kayo dadalhin.+ Huwag kayong susunod sa kanilang mga batas.
4 Dapat ninyong isagawa ang aking mga hudisyal na pasiya, at dapat ninyong sundin ang mga batas ko at mamuhay kaayon ng mga ito.+ Ako ang Diyos ninyong si Jehova.
5 Dapat ninyong sundin ang aking mga batas at hudisyal na pasiya; sinumang gagawa nito ay mabubuhay dahil sa mga iyon.+ Ako si Jehova.
6 “‘Hindi dapat makipagtalik* ang sinuman sa inyo sa kaniyang malapit na kamag-anak.+ Ako si Jehova.
7 Huwag kang makikipagtalik sa iyong ama, at huwag kang makikipagtalik sa iyong ina. Siya ay iyong ina, at huwag kang makikipagtalik sa kaniya.
8 “‘Huwag kang makikipagtalik sa asawa ng iyong ama.+ Mailalagay nito sa kahihiyan ang iyong ama.*
9 “‘Huwag kang makikipagtalik sa kapatid mong babae, anak man siya ng iyong ama o ng iyong ina, ipinanganak man kayo sa iisang sambahayan o hindi.+
10 “‘Huwag kang makikipagtalik sa apo mong babae, anak man siya ng anak mong lalaki o babae, dahil magdadala ito ng kahihiyan sa iyo.*
11 “‘Huwag kang makikipagtalik sa anak na babae ng asawa ng iyong ama, na anak ng iyong ama, dahil kapatid mo siya.
12 “‘Huwag kang makikipagtalik sa kapatid na babae ng iyong ama. Siya ay kadugo ng iyong ama.+
13 “‘Huwag kang makikipagtalik sa kapatid na babae ng iyong ina, dahil kadugo siya ng iyong ina.
14 “‘Huwag mong ilalagay sa kahihiyan ang* kapatid na lalaki ng iyong ama dahil sa pakikipagtalik sa asawa nito. Siya ay iyong tiya.+
15 “‘Huwag kang makikipagtalik sa manugang mong babae.+ Asawa siya ng anak mong lalaki, kaya huwag kang makikipagtalik sa kaniya.
16 “‘Huwag kang makikipagtalik sa asawa ng kapatid mong lalaki,+ dahil mailalagay nito sa kahihiyan ang kapatid mong lalaki.*
17 “‘Huwag kang makikipagtalik sa isang babae at sa anak niyang babae.+ Huwag kang makikipagtalik sa apo niyang babae, anak man ito ng anak niyang lalaki o babae. Sila ay malapit niyang mga kamag-anak; iyon ay mahalay na paggawi.*
18 “‘Huwag mong kukunin bilang karagdagang asawa* ang kapatid na babae ng asawa mo+ at makipagtalik dito habang buháy pa ang asawa mo.
19 “‘Huwag kang makikipagtalik sa isang babae habang marumi siya dahil sa pagreregla.+
20 “‘Huwag kang makikipagtalik sa asawang babae ng iyong kapuwa;* magiging marumi ka dahil dito.+
21 “‘Huwag mong hahayaang maialay kay Molec ang sinuman sa iyong mga supling.+ Huwag mong lalapastanganin ang pangalan ng iyong Diyos sa gayong paraan.+ Ako si Jehova.
22 “‘Huwag kang sisiping sa kapuwa mo lalaki, kung paanong sumisiping ka sa isang babae.*+ Iyon ay kasuklam-suklam na gawain.
23 “‘Ang isang lalaki ay hindi dapat makipagtalik sa isang hayop at maging marumi dahil dito; ang isang babae ay hindi rin dapat lumapit sa isang hayop para makipagtalik dito.+ Iyon ay paglabag sa kung ano ang likas.
24 “‘Huwag kayong magpakarumi sa paggawa ng alinman sa mga ito, dahil ang mga bansang palalayasin ko sa harap ninyo ay nagpapakarumi dahil sa mga bagay na ito.+
25 Kaya marumi ang lupain, at paparusahan ko ang mga nakatira dito dahil sa kasalanan nila, at isusuka sila ng lupain.+
26 Pero dapat ninyong sundin ang aking mga batas at hudisyal na pasiya,+ at huwag gagawin ng sinuman ang alinman sa kasuklam-suklam na mga bagay na ito, katutubo man siya o dayuhan na naninirahang kasama ninyo.+
27 Dahil ang lahat ng kasuklam-suklam na bagay na ito ay ginawa ng mga tao na naunang tumira sa inyo sa lupain,+ kaya marumi ang lupain.
28 Sa gayon, dahil hindi ninyo pinarumi ang lupain, hindi kayo isusuka nito kung paanong isusuka nito ang mga bansa na nauna sa inyo.
29 Kung gagawin ng sinuman ang alinman sa kasuklam-suklam na mga bagay na ito, ang lahat ng gumagawa nito ay dapat patayin.
30 Tuparin ninyo ang obligasyon ninyo sa akin at huwag ninyong gagawin ang alinman sa kasuklam-suklam na mga kaugalian ng mga nauna sa inyo,+ para hindi kayo maging marumi dahil sa mga iyon. Ako ang Diyos ninyong si Jehova.’”
Talababa
^ Lit., “maghantad ng kahubaran,” sa talatang ito at sa sumusunod pang mga paglitaw.
^ Lit., “Iyon ay kahubaran ng iyong ama.”
^ Lit., “dahil sila ay kahubaran mo.”
^ Lit., “ihahantad ang kahubaran ng.”
^ Lit., “iyon ay kahubaran ng kapatid mong lalaki.”
^ O “kahiya-hiyang paggawi; kalaswaan.”
^ O “bilang karibal.”
^ O “kasamahan.”
^ O “Huwag kang makikipagtalik sa kapuwa mo lalaki.”