Levitico 26:1-46
26 “‘Huwag kayong gagawa ng walang-silbing mga diyos para sa inyong sarili,+ at huwag kayong gagawa ng inukit na imahen+ o magtatayo ng sagradong haligi para sa inyong sarili, at huwag kayong maglalagay ng isang batong rebulto+ sa inyong lupain para yumukod dito;+ dahil ako ang Diyos ninyong si Jehova.
2 Sundin ninyo ang batas ko sa mga sabbath, at dapat kayong magpakita ng matinding paggalang* sa aking santuwaryo. Ako si Jehova.
3 “‘Kung patuloy ninyong susundin ang mga batas ko at tutuparin ang mga utos ko at isasagawa ang mga iyon,+
4 magpapaulan ako sa tamang panahon,+ at magbibigay ng ani ang lupain,+ at mamumunga ang mga puno sa parang.
5 Ang inyong panahon ng paggiik ay aabot hanggang sa pamimitas ng ubas, at ang pamimitas ng ubas ay aabot hanggang sa panahon ng paghahasik; at kakain kayo hanggang sa mabusog at maninirahan nang panatag sa inyong lupain.+
6 At magdadala ako ng kapayapaan sa lupain,+ at hihiga kayo at walang tatakot sa inyo;+ at aalisin ko sa lupain ang mababangis na hayop, at walang gagamit ng espada para makipagdigma sa inyo.
7 Hahabulin ninyo ang inyong mga kaaway, at pababagsakin ninyo sila gamit ang espada.
8 Hahabulin ng 5 sa inyo ang 100, at hahabulin ng 100 sa inyo ang 10,000, at pababagsakin ninyo ang inyong mga kaaway gamit ang espada.+
9 “‘Pagpapalain ko kayo* at gagawing palaanakin at pararamihin,+ at tutuparin ko ang tipan ko sa inyo.+
10 Habang kinakain pa ninyo ang ani ng nakaraang taon, kakailanganin na ninyo itong itapon dahil mayroon nang bagong ani.
11 Ilalagay ko ang aking tabernakulo sa gitna ninyo,+ at hindi ko* kayo itatakwil.
12 Lalakad ako sa gitna ninyo at ako ay magiging Diyos ninyo,+ at kayo naman ay magiging bayan ko.+
13 Ako ang Diyos ninyong si Jehova, na naglabas sa inyo sa Ehipto para hindi na nila kayo alipinin, at binali ko ang pamatok ninyo at pinalakad kayo nang taas-noo.*
14 “‘Pero kung hindi kayo makikinig sa akin at hindi ninyo susundin ang lahat ng utos na ito,+
15 at kung itatakwil ninyo ang mga batas ko,+ at kung hindi ninyo susundin ang lahat ng utos ko dahil kinamuhian ninyo ang aking mga hudisyal na pasiya, at kung hindi kayo tutupad sa aking tipan,+
16 ito ang gagawin ko sa inyo: Bilang parusa, pipighatiin ko kayo at magkakaroon kayo ng tuberkulosis at nag-aapoy na lagnat, na magpapalabo ng mga mata ninyo at magpapahina sa inyo. Wala kayong mapapakinabangan sa inihasik ninyong binhi, dahil kakainin iyon ng inyong mga kaaway.+
17 Itatakwil ko kayo, at matatalo kayo ng mga kaaway ninyo;+ at tatapak-tapakan kayo ng mga napopoot sa inyo,+ at tatakas kayo kahit wala namang tumutugis sa inyo.+
18 “‘Kung sa kabila nito ay hindi pa rin kayo makinig sa akin, paparusahan ko kayo nang pitong ulit pa dahil sa inyong mga kasalanan.
19 Babaliin ko ang inyong pagmamatigas,* at gagawin kong tulad ng bakal ang inyong langit+ at tulad ng tanso ang inyong lupa.
20 Uubusin ninyo ang inyong lakas pero mawawalan ito ng saysay, dahil hindi magbibigay ng ani ang inyong lupain+ at hindi mamumunga ang mga puno sa parang.
21 “‘Kung patuloy kayong lalaban* sa akin at hindi pa rin makikinig, kakailanganin kong parusahan kayo nang pitong ulit pa dahil sa inyong mga kasalanan.
22 Padadalhan ko kayo ng mababangis na hayop sa parang,+ at papatayin ng mga ito ang mga anak ninyo+ at lilipulin ang inyong mga alagang hayop at kaunti na lang ang matitira sa inyo, at matitiwangwang ang inyong mga daan.+
23 “‘Kung sa kabila nito ay ayaw pa rin ninyong tanggapin ang pagtutuwid ko+ at lumalaban pa rin kayo sa akin,
24 lalabanan ko rin kayo at sasaktan nang pitong ulit pa dahil sa inyong mga kasalanan.
25 Pasasalakayin ko ang mga kaaway ninyo dala ang mga espada nila para maipaghiganti ang pagsira ninyo sa tipan.+ Kung manganganlong kayo sa inyong mga lunsod, magpapadala ako ng sakit sa gitna ninyo,+ at matatalo kayo ng kaaway.+
26 Kapag sinira ko ang mga lalagyan* ninyo ng tinapay,*+ 10 babae ang makapagluluto ng tinapay sa iisang pugon at titimbangin pa nila ang ibibigay nilang tinapay sa inyo;+ at kakain kayo pero hindi mabubusog.+
27 “‘Kung sa kabila nito ay hindi pa rin kayo makikinig sa akin at patuloy ninyo akong lalabanan,
28 lalo akong magagalit sa inyo,+ at kakailanganin ko kayong parusahan nang pitong ulit dahil sa inyong mga kasalanan.
29 Kaya magagawa ninyong kainin ang laman ng inyong mga anak na lalaki, at kakainin ninyo ang laman ng inyong mga anak na babae.+
30 Wawasakin ko ang inyong sagradong matataas na lugar+ at puputulin ang inyong mga patungan ng insenso, at ibubunton ko ang mga bangkay ninyo sa ibabaw ng walang-buhay at kasuklam-suklam na mga idolo* ninyo,+ at itatakwil ko* kayo at kamumuhian.+
31 Wawasakin ko ang mga lunsod ninyo+ at ititiwangwang ang inyong mga santuwaryo, at hindi ko lalanghapin ang nakagiginhawang amoy ng inyong mga handog.
32 Gagawin kong tiwangwang ang lupain,+ at ang mga kaaway ninyo na titira doon ay magugulat at matutulala sa makikita nila.+
33 At pangangalatin ko kayo sa mga bansa,+ at bubunot ako ng espada at hahabulin kayo nito;+ at magiging tiwangwang ang inyong lupain,+ at mawawasak ang inyong mga lunsod.
34 “‘Sa panahong nakatiwangwang ang lupain, makakabawi ito sa mga sabbath habang kayo ay nasa lupain ng inyong mga kaaway. Sa panahong iyon, magpapahinga ang lupain,* dahil kailangan nitong makabawi sa mga sabbath nito.+
35 Magpapahinga ang lupain sa lahat ng araw na tiwangwang ito, dahil hindi ito namahinga sa panahon ng inyong mga sabbath noong nakatira kayo rito.
36 “‘Kung tungkol sa mga nakaligtas,+ pupunuin ko ng takot ang puso nila sa mga lupain ng kanilang mga kaaway; at magsisitakbo sila dahil sa tunog ng nililipad-lipad na dahon, at tatakas sila na parang hinahabol ng espada at mabubuwal kahit wala namang humahabol.+
37 Magkakatisuran sila sa pagtakbo na parang hinahabol ng espada kahit wala namang humahabol sa kanila. Hindi ninyo matatalo ang inyong mga kaaway.+
38 Mamamatay kayo sa gitna ng mga bansa,+ at lalamunin kayo ng lupain ng inyong mga kaaway.
39 Ang matitira sa inyo ay mabubulok sa mga lupain ng inyong mga kaaway+ dahil sa inyong kasalanan. Oo, mabubulok sila dahil sa kasalanan ng kanilang mga ama.+
40 At ipagtatapat nila ang sarili nilang kasalanan+ at ang kasalanan at kataksilan ng kanilang mga ama, at aaminin nilang hindi sila naging tapat sa akin dahil nilabanan nila ako.+
41 Kaya naman nilabanan ko rin sila+ at dinala sa lupain ng mga kaaway nila.+
“‘Baka sa panahong iyon ay magpakumbaba ang kanilang di-tuling* puso,+ at pagbabayaran nila ang kasalanan nila.
42 At aalalahanin ko ang tipan ko kay Jacob+ at tipan ko kay Isaac,+ at aalalahanin ko ang tipan ko kay Abraham,+ at aalalahanin ko ang lupain.
43 Sa panahong iniwan nila ang lupain, magiging tiwangwang ito at babawi sa mga sabbath nito+ habang wala sila, at sila naman ay magbabayad sa kasalanan nila, dahil itinakwil nila ang aking mga hudisyal na pasiya at kinamuhian ang mga batas ko.+
44 Pero sa kabila ng lahat ng ito, habang naroon sila sa lupain ng mga kaaway nila, hindi ko sila lubusang itatakwil+ o kamumuhian hanggang sa puntong malipol ko sila, dahil sisirain nito ang aking tipan+ sa kanila, dahil ako ang Diyos nilang si Jehova.
45 Alang-alang sa kanila, aalalahanin ko ang tipan ko sa kanilang mga ninuno+ na inilabas ko sa Ehipto sa paningin ng mga bansa,+ para ako ay maging Diyos nila. Ako si Jehova.’”
46 Ito ang mga tuntunin, hudisyal na pasiya, at kautusan na itinakda ni Jehova sa pagitan niya at ng mga Israelita sa Bundok Sinai sa pamamagitan ni Moises.+
Talababa
^ O “mamangha.” Lit., “matakot.”
^ Lit., “Babaling ako sa inyo.”
^ Lit., “tuwid.”
^ O “pagmamataas.”
^ O “lalakad nang pasalungat.”
^ O “pagkain.”
^ Lit., “tungkod.” Posibleng tumutukoy sa mga tungkod na pinagsasabitan ng tinapay.
^ Ang terminong Hebreo para dito ay puwedeng iugnay sa isang salita para sa “dumi ng hayop” at isang ekspresyon ng paghamak.
^ O “masusunod ng lupain ang batas sa sabbath.”
^ O “nagmamatigas na.”