Levitico 3:1-17
3 “‘Kung ang handog niya ay haing pansalo-salo*+ at kukunin niya iyon mula sa bakahan, lalaki man o babae, dapat siyang maghandog ng malusog na hayop sa harap ni Jehova.
2 Ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng handog niya, at papatayin iyon sa pasukan ng tolda ng pagpupulong; at iwiwisik ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote, ang dugo sa lahat ng panig ng altar.
3 Ihaharap niya kay Jehova ang mga bahaging ito ng haing pansalo-salo bilang handog na pinaraan sa apoy:+ ang taba+ na nakapalibot sa mga bituka, ang lahat ng taba na bumabalot sa mga bituka,
4 at ang dalawang bato pati ang taba ng mga iyon na malapit sa balakang. Kukunin din niya ang lamad* sa atay kasama ng mga bato.+
5 Susunugin iyon ng mga anak ni Aaron sa altar, sa ibabaw ng handog na sinusunog na nakapatong sa kahoy na nasa ibabaw ng mga baga, para pumailanlang ang usok;+ iyon ay handog na pinaraan sa apoy, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova.+
6 “‘Kung ang ihahandog niyang haing pansalo-salo para kay Jehova ay mula sa kawan, maghahandog siya ng isang malusog na lalaki o babaeng hayop.+
7 Kung isang batang lalaking tupa ang handog niya, ihahandog niya iyon sa harap ni Jehova.
8 Ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng handog niya, at papatayin iyon sa harap ng tolda ng pagpupulong. Iwiwisik ng mga anak ni Aaron ang dugo nito sa lahat ng panig ng altar.
9 Ihaharap niya kay Jehova ang taba mula sa haing pansalo-salo bilang handog na pinaraan sa apoy.+ Kukunin niya ang buong matabang buntot na malapit sa gulugod, ang taba na nakapalibot sa mga bituka, ang lahat ng taba na bumabalot sa mga bituka,
10 at ang dalawang bato pati ang taba ng mga iyon na malapit sa balakang. Kukunin din niya ang lamad sa atay kasama ng mga bato.+
11 Susunugin iyon ng saserdote bilang pagkain* para pumailanlang mula sa altar ang usok nito, isang handog kay Jehova na pinaraan sa apoy.+
12 “‘Kung isang kambing ang handog niya, ihahandog niya iyon sa harap ni Jehova.
13 Ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo nito, at papatayin iyon sa harap ng tolda ng pagpupulong, at iwiwisik ng mga anak ni Aaron ang dugo nito sa lahat ng panig ng altar.
14 Ang mga bahaging ihaharap niya kay Jehova bilang handog na pinaraan sa apoy ay ang taba na nakapalibot sa mga bituka, ang lahat ng taba na bumabalot sa mga bituka,+
15 at ang dalawang bato pati ang taba ng mga iyon na malapit sa balakang. Kukunin din niya ang lamad sa atay kasama ng mga bato.
16 Susunugin iyon ng saserdote bilang pagkain* para pumailanlang mula sa altar ang usok nito, isang handog na pinaraan sa apoy, isang nakagiginhawang amoy. Ang lahat ng taba ay kay Jehova.+
17 “‘Ito ay isang batas hanggang sa panahong walang takda para sa inyong mga henerasyon, sa lahat ng lugar na titirhan ninyo: Huwag na huwag kayong kakain ng anumang taba o ng anumang dugo.’”+
Talababa
^ O “handog para sa kapayapaan.”
^ O “taba.”
^ Lit., “tinapay,” ang parte ng Diyos sa haing pansalo-salo.
^ Lit., “tinapay,” ang parte ng Diyos sa haing pansalo-salo.