Ayon kay Lucas 10:1-42

10  Pagkatapos nito, nag-atas ang Panginoon ng 70 iba pa at isinugo sila nang dala-dalawa+ para mauna sa kaniya sa bawat lunsod at nayon na pupuntahan niya.+ 2  Pagkatapos, sinabi niya: “Talagang marami ang aanihin, pero kakaunti ang mga manggagawa. Kaya makiusap kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa pag-aani niya.+ 3  Humayo kayo! Isinusugo ko kayong gaya ng mga kordero* sa gitna ng mga lobo.*+ 4  Huwag kayong magdala ng pera,* lalagyan ng pagkain, o sandalyas,+ at huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan.+ 5  Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna: ‘Magkaroon nawa ng kapayapaan sa bahay na ito.’+ 6  At kung may isang kaibigan ng kapayapaan na naroon, mapapasakaniya ang inyong kapayapaan. Pero kung wala, babalik ito sa inyo. 7  Kaya manatili kayo sa bahay na iyon,+ at kainin ninyo at inumin ang ibinibigay nila,+ dahil ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang kabayaran.+ Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay. 8  “Gayundin, saanmang lunsod kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kainin ninyo ang inihahain nila sa inyo, 9  pagalingin ang mga maysakit doon, at sabihin sa kanila: ‘Ang Kaharian ng Diyos ay malapit na.’+ 10  Pero kapag hindi kayo tinanggap sa isang lunsod, lumabas kayo sa malalapad na daan nito at sabihin ninyo: 11  ‘Pinupunasan namin maging ang alikabok na dumikit sa mga paa namin mula sa inyong lunsod bilang patotoo laban sa inyo.+ Pero tandaan ninyo, ang Kaharian ng Diyos ay malapit na.’ 12  Sinasabi ko sa inyo na sa araw na iyon, mas magaan pa ang magiging parusa sa Sodoma kaysa sa lunsod na iyon.+ 13  “Kaawa-awa ka, Corazin! Kaawa-awa ka, Betsaida! dahil kung nakita ng mga lunsod ng Tiro at Sidon ang makapangyarihang mga gawa na nakita ninyo,+ matagal na sana silang nagsisi, na nakasuot ng telang-sako at nakaupo sa abo.+ 14  Dahil dito, mas magaan pa ang magiging parusa sa Tiro at Sidon sa paghuhukom kaysa sa inyo. 15  At ikaw, Capernaum,+ itataas ka kaya sa langit? Sa Libingan ka ibababa! 16  “Ang sinumang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin.+ At sinumang hindi tumatanggap sa inyo ay hindi rin tumatanggap sa akin. Isa pa, sinumang hindi tumatanggap sa akin ay hindi rin tumatanggap sa nagsugo sa akin.”+ 17  Pagkatapos, masayang bumalik ang 70 at sinabi nila: “Panginoon, maging ang mga demonyo ay napapasunod namin sa pamamagitan ng pangalan mo.”+ 18  Sinabi niya: “Nakikita ko nang nahulog si Satanas+ na tulad ng kidlat mula sa langit. 19  Ibinigay ko na sa inyo ang awtoridad na tapak-tapakan ang mga ahas* at mga alakdan,+ gayundin ang lakas para talunin ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway,+ at walang anumang makapananakit sa inyo. 20  Pero huwag kayong magsaya dahil napapasunod ninyo ang mga espiritu, kundi magsaya kayo dahil ang inyong mga pangalan ay nakasulat na sa langit.”+ 21  Nang mismong oras na iyon ay nag-umapaw siya sa kagalakan dahil sa banal na espiritu at sinabi niya: “Sa harap ng mga tao ay pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil maingat mong itinago ang mga bagay na ito mula sa marurunong at matatalino+ at isiniwalat ang mga ito sa mga bata. Oo, dahil ito ang kalooban mo, O Ama.+ 22  Ang lahat ng bagay ay ibinigay na sa akin ng aking Ama, at walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak+ at ang sinumang gustong turuan ng Anak tungkol sa Ama.”+ 23  Pagkatapos, tumingin siya sa mga alagad at sinabi niya: “Maligaya ang mga nakakakita ng mga bagay na nakikita ninyo.+ 24  Dahil sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at hari ang naghangad na makita ang mga nakikita ninyo pero hindi nila nakita ang mga iyon,+ at marinig ang mga naririnig ninyo pero hindi nila narinig ang mga iyon.” 25  At isang lalaki na eksperto sa Kautusan ang tumayo para subukin siya at nagsabi: “Guro, ano ang kailangan kong gawin para magmana ako ng buhay na walang hanggan?”+ 26  Sinabi niya sa lalaki: “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang naintindihan mo sa nabasa mo?” 27  Sumagot ito: “‘Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong lakas mo at nang buong pag-iisip mo’+ at ‘ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’”+ 28  Sinabi niya rito: “Tama ang sagot mo; patuloy mong gawin ito at magkakaroon ka ng buhay.”+ 29  Pero dahil gusto ng lalaki na patunayang matuwid siya,+ sinabi niya kay Jesus: “Sino ba talaga ang kapuwa ko?” 30  Sinabi ni Jesus: “Isang lalaki na galing* sa Jerusalem ang papuntang Jerico at nabiktima ng mga magnanakaw. Hinubaran siya ng mga ito, binugbog, at iniwang halos patay na. 31  Nagkataon naman, isang saserdote ang dumaan doon,* pero nang makita niya ang lalaki, lumipat siya sa kabilang panig ng daan. 32  Dumaan din ang isang Levita; nang makita niya ang lalaki, lumipat din siya sa kabilang panig ng daan. 33  Pero nang makita ng isang Samaritanong+ naglalakbay sa daang iyon ang lalaki, naawa siya rito. 34  Kaya nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat nito, at binendahan. Pagkatapos, isinakay niya ito sa kaniyang hayop, dinala sa isang bahay-tuluyan, at inalagaan. 35  Kinabukasan, nagbigay siya ng dalawang denario sa may-ari ng bahay-tuluyan at sinabi niya: ‘Alagaan mo siya, at kung mas malaki pa rito ang magagastos mo, babayaran kita pagbalik ko.’ 36  Sa tingin mo, sino sa tatlong ito ang naging kapuwa+ sa lalaking nabiktima ng mga magnanakaw?” 37  Sinabi niya: “Ang nagpakita ng awa sa kaniya.”+ Sinabi ni Jesus: “Kung gayon, ganoon din ang gawin mo.”+ 38  Nagpatuloy sila sa paglalakbay at pumasok sa isang nayon. At isang babae na nagngangalang Marta+ ang tumanggap kay Jesus sa bahay niya. 39  May kapatid itong babae, si Maria, na nakaupo sa paanan ng Panginoon at patuloy na nakikinig sa itinuturo* niya. 40  Samantala, abalang-abala si Marta sa dami ng inaasikaso niya. Kaya lumapit siya kay Jesus, at sinabi niya: “Panginoon, hahayaan mo na lang ba na hindi ako tinutulungan ng kapatid ko sa paghahanda? Sabihin mo naman sa kaniya na tulungan ako.” 41  Sumagot ang Panginoon: “Marta, Marta, masyado kang nag-aalala sa maraming bagay. 42  Iilang bagay lang ang kailangan o kahit isa lang.+ Pinili ni Maria ang mabuting bahagi+ at hindi ito kukunin sa kaniya.”

Talababa

O “ng mababangis na aso.”
O “batang tupa.”
O “lalagyan ng pera.”
O “serpiyente.”
Lit., “bumaba mula.”
Lit., “ang bumaba sa daang iyon.”
Lit., “salita.”

Study Notes

Pagkatapos nito: Ang mga pangyayaring nakaulat sa Luc 10:1 hanggang 18:14 ay hindi nabanggit sa ibang Ebanghelyo. Pero ang ilang paksa sa mga kabanatang ito ay iniulat din ng ibang manunulat ng Ebanghelyo, at lumilitaw na ang mga ito ay may kaugnayan sa mas naunang mga pangyayari sa ministeryo ni Jesus. Posibleng naganap ang mga pangyayari sa ulat ni Lucas pagkatapos ng Kapistahan ng mga Tabernakulo (o, Kubol) noong taglagas ng 32 C.E. (Tingnan ang Ap. A7.) Lumilitaw na noong mga panahong ito, nagpokus na si Jesus sa timog, sa Jerusalem at sa mga lugar sa palibot nito at sa mga distrito ng Judea at Perea. Doon siya nagpokus sa pangangaral noong huling anim na buwan ng ministeryo niya sa lupa.

70: Ang mababasa sa ilang sinaunang manuskrito ay “72,” at ito ang ginamit sa ilang salin ng Bibliya. Pero “70” ang makikita sa maraming luma at maaasahang manuskrito, gaya ng Codex Sinaiticus na mula noong ikaapat na siglo C.E. at Codex Alexandrinus at Codex Ephraemi Syri rescriptus, na parehong mula noong ikalimang siglo. Magkakaiba ang paliwanag ng mga iskolar ng Bibliya, pero ang maliit na pagkakaibang ito sa mga manuskrito ay wala namang epekto sa kabuoang mensahe. Magkakatugma ang sinasabi ng maraming sinaunang manuskrito at salin sa mahahalagang detalye, at pinapatunayan ng mga ito na talagang isinugo ni Jesus ang isang malaking grupo ng alagad nang dala-dalawa, o pares-pares, para mangaral.

70 iba pa: Lumilitaw na hindi kasama sa 70 alagad ang 12 apostol na nauna nang sinanay at isinugo.​—Luc 9:1-6.

sandalyas: Lumilitaw na tumutukoy ito sa ekstrang pares ng sandalyas dahil sinabi ni Jesus na huwag silang magdala ng sandalyas. Karaniwan noon na magdala ng ekstrang sandalyas kapag mahaba ang paglalakbay, dahil posibleng mapudpod ang suwelas o mapigtas ang sintas ng suot nilang sandalyas. Noong nagbigay si Jesus ng katulad na tagubilin sa isang naunang pagkakataon, sinabi niya sa mga alagad na ‘isuot’ ang sandalyas nila. (Mar 6:8, 9) At gaya ng binabanggit sa Mat 10:9, 10, sinabi niya sa kanila na huwag “magdala” ng sandalyas, ibig sabihin, huwag na silang magdala ng ekstrang pares bukod pa sa suot nila.

batiin ang sinuman: O “yakapin ang sinuman bilang pagbati.” Sa ilang pagkakataon, ang salitang Griego na a·spaʹzo·mai (“batiin”) ay hindi lang basta pagsasabi ng “kumusta” o “magandang araw.” Posibleng kasama dito ang pagyakap at mahabang kuwentuhan kapag nagkikita ang magkakaibigan. Hindi naman sinasabi ni Jesus na magsuplado ang mga alagad niya. Sa halip, idinidiin lang niya na dapat umiwas ang mga alagad sa di-kinakailangang panggambala at sulitin nila ang oras nila sa ministeryo. Ganito rin ang iniutos noon ni propeta Eliseo sa tagapaglingkod niyang si Gehazi. (2Ha 4:29) Sa dalawang pagkakataong ito, parehong apurahan ang gawain, kaya walang oras na dapat sayangin.

kaibigan ng kapayapaan: Lit., “anak ng kapayapaan.” Isinulat ito sa Griego, pero ang pananalitang ito ay may kahawig na idyomang Hebreo na tumutukoy sa mapagpayapa o mapayapang tao. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa isang tao na gustong makipagkasundo sa Diyos at nakikinig sa “mabuting balita ng kapayapaan” at tumatanggap nito, kaya nagkakaroon siya ng mapayapang kaugnayan sa Diyos.​—Gaw 10:36.

Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay: Sa isang naunang pagkakataon, nagbigay si Jesus ng katulad na tagubilin sa 12 apostol. (Mat 10:11; Mar 6:10; Luc 9:4) Dito, tinatagubilinan ni Jesus ang 70 mángangarál na kapag nakarating sila sa isang nayon at pinatuloy sa isang bahay, dapat silang manatili roon. Kung hindi sila magpapalipat-lipat ng bahay para maghanap ng matutuluyan na mas komportable, may mapaglilibangan, o may iba pang materyal na bagay, maipapakita nila na mas mahalaga sa kanila ang atas na mangaral kaysa sa mga ito.

mas magaan pa ang magiging parusa: Lumilitaw na gumamit dito si Jesus ng eksaherasyon at hindi ito dapat intindihin nang literal. (Ihambing ang ilang eksaherasyon na ginamit ni Jesus, gaya ng nasa Mat 5:18; Luc 16:17; 21:33.) Nang sabihin ni Jesus na “sa araw na iyon [Araw ng Paghuhukom], mas magaan pa ang magiging parusa sa Sodoma” (Mat 10:15; 11:22, 24; Luc 10:14), hindi sinasabi ni Jesus na ang mga taga-Sodoma ay naroon sa araw na iyon. (Ihambing ang Jud 7.) Malinaw na idinidiin lang niya kung gaano katigas ang ulo ng karamihan sa mga tao sa Corazin, Betsaida, at Capernaum. (Luc 10:13-15) Kapansin-pansin na nakilala ang sinaunang Sodoma sa sinapit nito kaya madalas itong banggitin may kaugnayan sa galit at hatol ng Diyos.​—Deu 29:23; Isa 1:9; Pan 4:6.

Tiro at Sidon: Mga banyagang lunsod sa Fenicia, na nasa baybayin ng Mediteraneo.​—Tingnan ang Ap. B10.

langit: Tingnan ang study note sa Mat 11:23.

Libingan: Tingnan ang study note sa Mat 11:23.

70: Tingnan ang study note sa Luc 10:1.

Nakikita ko nang nahulog si Satanas na tulad ng kidlat mula sa langit: Maliwanag na makahula ang pananalitang ito ni Jesus, na para bang nahulog na talaga si Satanas mula sa langit. Inilalarawan sa Apo 12:7-9 ang isang digmaan sa langit, at iniuugnay nito ang paghahagis kay Satanas sa pagtatatag ng Mesiyanikong Kaharian. Idinidiin dito ni Jesus na siguradong matatalo si Satanas at ang mga demonyo sa labanang iyon, dahil ang 70 alagad, na mga tao lang at di-perpekto, ay binigyan ng Diyos ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo.​—Luc 10:17.

mga ahas at mga alakdan: Sa kontekstong ito, ginamit ni Jesus ang mga nilalang na ito para tumukoy sa mapaminsalang mga bagay.​—Ihambing ang Eze 2:6.

bata: Tingnan ang study note sa Mat 11:25.

Jehova: Sa Deu 6:5, na sinipi dito, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.​—Tingnan ang Ap. C.

puso . . . kaluluwa . . . lakas . . . pag-iisip: Dito, isang lalaking eksperto sa Kautusan ang sumipi sa Deu 6:5, kung saan ang orihinal na tekstong Hebreo ay gumamit ng tatlong termino—puso, kaluluwa, at lakas. Pero sa ulat ni Lucas, na isinulat sa Griego, apat na konsepto ang binanggit—puso, kaluluwa, lakas, at pag-iisip. Ang sinabi ng lalaki ay maliwanag na nagpapakita na noong panahon ni Jesus, tinatanggap ng mga tao na ang apat na konseptong ito sa Griego ang katumbas ng tatlong salitang Hebreo sa tekstong sinipi.​—Para sa mas detalyadong paliwanag, tingnan ang study note sa Mar 12:30.

buong kaluluwa mo: O “buong pagkatao (buhay) mo.”​—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

kapuwa: Tingnan ang study note sa Mat 22:39.

isang Samaritanong: Karaniwan nang mababa ang tingin ng mga Judio sa mga Samaritano at ayaw nilang makihalubilo sa mga ito. (Ju 4:9) Ginagamit pa nga ng ilang Judio ang terminong “Samaritano” para manlait o manghamak. (Ju 8:48) Isang rabbi ang sinipi sa Mishnah: “Ang kumakain ng tinapay ng Samaritano ay katulad ng kumakain ng karne ng baboy.” (Shebiith 8:10) Maraming Judio ang hindi naniniwala sa testimonya ng mga Samaritano o hindi tumatanggap ng serbisyo mula sa mga ito. Dahil alam ni Jesus na hinahamak ng karamihan sa mga Judio ang mga Samaritano, nagturo siya ng mahalagang aral gamit ang ilustrasyong ito, na nakilala bilang ang kuwento ng mabuting Samaritano.

binuhusan ng langis at alak ang mga sugat nito, at binendahan: Detalyadong iniulat ng doktor na si Lucas ang ilustrasyon ni Jesus. Inilarawan niya ang paraan ng paggamot sa sugat na karaniwan noong panahong iyon. Karaniwang ginagamit sa mga bahay noon ang langis at alak para gamutin ang mga sugat. Ginagamit ang langis kung minsan para palambutin ang sugat. (Ihambing ang Isa 1:6.) Ginagamit naman ang alak na panlinis ng sugat at pamatay ng baktirya. Sinabi rin ni Lucas na ang sugat ay binendahan, o tinalian, para hindi ito lumala.

bahay-tuluyan: Ang salitang Griego ay literal na nangangahulugang “isang lugar kung saan ang lahat ay tinatanggap o pinapatuloy.” Sa ganitong mga lugar tumutuloy ang mga naglalakbay kasama ang mga alaga nilang hayop. Inilalaan ng may-ari ng bahay-tuluyan ang pangunahing pangangailangan ng mga naglalakbay, at puwede siyang bayaran para alagaan ang sinuman o anumang ihahabilin sa kaniya.

denario: Tingnan sa Glosari at Ap. B14.

Ang nagpakita ng awa sa kaniya: Posibleng nag-aalangan ang lalaking eksperto sa Kautusan na gamitin ang salitang “Samaritano.” Ito man ang kaso o hindi, naging maliwanag sa sagot niya at sa huling sinabi ni Jesus ang punto ng ilustrasyon: Ang tunay na kapuwa ay ang nagpapakita ng awa.

isang nayon: Lumilitaw na tumutukoy sa Betania, isang nayon sa timog-silangang dalisdis ng Bundok ng mga Olibo na mga 3 km (2 mi) mula sa Jerusalem. (Tingnan ang study note sa Ju 11:18.) Dito nakatira sina Marta, Maria, at Lazaro. Kung paanong Capernaum ang pinakatirahan ni Jesus sa Galilea (Mar 2:1), Betania naman ang masasabing pinakatirahan niya sa Judea.

Marta: Si Marta lang ang binanggit na tumanggap kay Jesus sa bahay niya. Madalas na si Marta ang punong-abala (Luc 10:40; Ju 11:20), na nagpapakitang posibleng mas matanda siya kay Maria.​—Luc 10:39.

Iilang bagay lang ang kailangan o kahit isa lang: Ang mababasa lang sa ilang sinaunang manuskrito ay “Pero iisa lang ang kailangan.” At ganiyan ang mababasa sa ilang salin ng Bibliya. Pero makikita sa maaasahang mga manuskrito ang pananalitang ginamit sa saling ito. May pagkakaiba man, hindi naman nagbago ang pinakadiwa ng payo ni Jesus: Dapat unahin ang espirituwal na mga bagay. Pagkatapos, pinuri ni Jesus si Maria dahil pinili niya “ang mabuting bahagi” nang unahin niya ang espirituwal na mga bagay.

mabuting bahagi: O “pinakamabuting bahagi.” Sa Septuagint, ang salitang Griego na me·risʹ, isinalin ditong “bahagi,” ay ginagamit para tumukoy sa bahagi, o parte, sa pagkain (Gen 43:34; Deu 18:8) at sa espirituwal na “bahagi” o “mana” (Aw 16:5; 119:57). Kasama sa “mabuting bahagi” na tinanggap ni Maria ang espirituwal na pagkain mula sa Anak ng Diyos.

Media