Ayon kay Lucas 11:1-54

11  Minsan, pagkatapos niyang manalangin, sinabi sa kaniya ng isa sa mga alagad niya: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin gaya ng ginawa ni Juan sa mga alagad niya.” 2  Kaya sinabi niya sa kanila: “Kapag nananalangin kayo, sabihin ninyo: ‘Ama, pakabanalin nawa ang pangalan mo.+ Dumating nawa ang Kaharian mo.+ 3  Bigyan mo kami ng pagkain sa bawat araw ayon sa kailangan namin.+ 4  At patawarin mo kami sa mga kasalanan namin,+ dahil pinatatawad din namin ang lahat ng nagkasala sa amin;+ at huwag mo kaming hayaang mahulog sa tukso.’”+ 5  Pagkatapos, sinabi niya sa kanila: “Ipagpalagay nang isa sa inyo ang may kaibigan, at pinuntahan ninyo siya nang hatinggabi at sinabi sa kaniya, ‘Kaibigan, pahingi naman ng tatlong tinapay. 6  May dumating kasi akong kaibigan na galing sa paglalakbay at wala akong maipakain sa kaniya.’ 7  Pero sumagot ito mula sa loob ng bahay: ‘Huwag mo na akong istorbohin. Nakakandado na ang pinto, at natutulog na kami ng mga anak ko.* Hindi na ako puwedeng bumangon para bigyan ka ng anuman.’ 8  Sinasabi ko sa inyo, babangon ang kaibigan niya at ibibigay ang kailangan niya, hindi dahil sa magkaibigan sila, kundi dahil sa mapilit siya.+ 9  Kaya sinasabi ko sa inyo, patuloy na humingi+ at bibigyan kayo, patuloy na maghanap at makakakita kayo, patuloy na kumatok at pagbubuksan kayo;+ 10  dahil bawat isa na humihingi ay tumatanggap,+ at bawat isa na naghahanap ay nakakakita, at bawat isa na kumakatok ay pinagbubuksan. 11  Sino ngang ama ang magbibigay ng ahas sa kaniyang anak kung humihingi ito ng isda?+ 12  O magbibigay ng alakdan kung humihingi ito ng itlog? 13  Kaya kung kayo na makasalanan ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa mga anak ninyo, lalo pa nga ang Ama sa langit! Magbibigay siya ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya.”+ 14  Pagkatapos, nagpalayas siya ng isang piping demonyo.+ Pagkalabas ng demonyo, nakapagsalita na ang lalaking sinapian nito. Kaya namangha ang mga tao.+ 15  Pero sinabi ng ilan sa kanila: “Nagpapalayas siya ng demonyo sa tulong ni Beelzebub, ang pinuno ng mga demonyo.”+ 16  May mga nanghingi rin sa kaniya ng tanda+ mula sa langit para subukin siya. 17  Alam ni Jesus ang iniisip nila,+ kaya sinabi niya sa kanila: “Bawat kaharian na nababahagi ay babagsak, at ang isang pamilyang nababahagi ay mawawasak. 18  Ngayon, kung kinakalaban ni Satanas ang sarili niya, paano tatayo ang kaharian niya? Dahil sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng demonyo sa tulong ni Beelzebub. 19  Kung nagpapalayas ako ng demonyo sa tulong ni Beelzebub, sino ang tumutulong sa mga tagasunod ninyo para mapalayas sila? Kaya ang mga tagasunod ninyo ang magpapatunay na mali kayo.* 20  Pero kung pinalalayas ko ang mga demonyo sa tulong ng daliri ng Diyos,+ dumating na ang Kaharian ng Diyos nang hindi ninyo namamalayan.+ 21  Kung malakas at maraming sandata ang taong nagbabantay sa sarili niyang palasyo, ligtas ang mga pag-aari niya. 22  Pero kapag sinalakay siya at natalo ng isa na mas malakas sa kaniya, kukunin nito ang lahat ng kaniyang sandata na iniisip niyang magsasanggalang sa mga pag-aari niya, at ipamamahagi nito ang mga bagay na kinuha sa kaniya. 23  Sinumang wala sa panig ko ay laban sa akin, at sinumang hindi nakikipagtulungan sa akin sa pagtitipon ay nagtataboy ng mga tao palayo sa akin.+ 24  “Kapag ang isang masamang* espiritu ay lumabas sa isang tao, dumadaan siya sa tigang na mga lugar para maghanap ng mapagpapahingahan, at kapag wala siyang nakita, sinasabi niya, ‘Babalik ako sa bahay na inalisan ko.’+ 25  At pagdating doon, nadaratnan niya itong nawalisan at may dekorasyon. 26  Kaya bumabalik siya at nagsasama ng pitong iba pang espiritu na mas masama kaysa sa kaniya, at pagkapasok sa loob, naninirahan na sila roon. Kaya lalong lumalala ang kalagayan ng taong iyon.”+ 27  Habang sinasabi niya ito, isang babae mula sa karamihan ang sumigaw: “Maligaya ang ina na nagdala sa iyo sa sinapupunan niya at nag-aruga* sa iyo!”+ 28  Pero sinabi niya: “Hindi. Maligaya ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”+ 29  Nang matipon ang maraming tao, sinabi niya: “Napakasama ng henerasyong ito; naghahanap sila ng tanda,* pero walang tandang ibibigay sa kanila maliban sa tanda ni Jonas.+ 30  Dahil kung paanong si Jonas+ ay naging tanda sa mga Ninevita, magiging gayon din ang Anak ng tao sa henerasyong ito. 31  Ang reyna ng timog+ ay bubuhaying muli sa paghuhukom kasama ng mga tao sa henerasyong ito at hahatulan niya sila, dahil naglakbay siya nang napakalayo para pakinggan ang karunungan ni Solomon. Pero higit pa kay Solomon ang narito.+ 32  Ang mga taga-Nineve ay bubuhaying muli sa paghuhukom kasama ng henerasyong ito at hahatulan nila ito, dahil nagsisi sila nang mangaral si Jonas.+ Pero higit pa kay Jonas ang narito. 33  Pagkasindi ng isang tao sa lampara, hindi niya ito itinatago o tinatakpan ng basket, kundi inilalagay ito sa patungan ng lampara+ para makita ng mga pumapasok sa silid ang liwanag. 34  Ang mata ang lampara ng iyong katawan. Kung nakapokus ang mata mo, magiging maliwanag* ang buong katawan mo;+ pero kung mainggitin ito, magiging madilim ang katawan mo.+ 35  Kaya maging alerto, dahil baka ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman. 36  Kung maliwanag ang buong katawan mo at walang bahaging madilim, magliliwanag ito na gaya ng isang lampara na nagbibigay sa iyo ng liwanag.” 37  Pagkasabi nito, inimbitahan siya ng isang Pariseo na kumain. Kaya pumasok siya sa bahay nito at umupo* sa mesa. 38  Pero nagulat ang Pariseo nang makita niyang hindi siya naghugas ng kamay bago mananghalian.+ 39  Kaya sinabi ng Panginoon sa kaniya: “Kayong mga Pariseo, nililinis ninyo ang labas ng kopa at pinggan, pero ang puso* ninyo ay punô ng kasakiman* at kasamaan.+ 40  Mga di-makatuwiran! Hindi ba ang gumawa ng nasa labas ang siya ring gumawa ng nasa loob? 41  Kaya gumawa kayo ng mabuti sa mahihirap mula sa inyong puso, at kung gagawin ninyo ito, magiging lubos kayong malinis.*+ 42  Pero kaawa-awa kayong mga Pariseo, dahil ibinibigay ninyo ang ikasampu ng yerbabuena, ruda, at lahat ng iba pang* gulay,+ pero binabale-wala ninyo ang katarungan* at pag-ibig sa Diyos! Obligado kayong gawin ang mga iyon, pero hindi ninyo dapat bale-walain ang iba pang bagay.+ 43  Kaawa-awa kayong mga Pariseo, dahil gustong-gusto ninyo na umupo sa pinakamagagandang puwesto sa mga sinagoga at na binabati kayo ng mga tao sa mga pamilihan!+ 44  Kaawa-awa kayo, dahil gaya kayo ng mga libingang* walang tanda,+ na natatapakan ng mga tao nang hindi nila alam!” 45  Sinabi ng isa sa mga eksperto sa Kautusan: “Guro, naiinsulto rin kami sa mga sinasabi mo.” 46  Kaya sinabi niya: “Kaawa-awa rin kayong mga eksperto sa Kautusan, dahil ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mga pasan na mahirap dalhin, pero ayaw man lang ninyong galawin ang mga iyon ng kahit isang daliri ninyo!+ 47  “Kaawa-awa kayo, dahil iginagawa ninyo ng libingan* ang mga propeta, pero ang mga ninuno naman ninyo ang pumatay sa kanila!+ 48  Alam na alam ninyo ang ginawa ng inyong mga ninuno pero kinunsinti ninyo sila, dahil pinatay nila ang mga propeta+ pero iginagawa ninyo ng libingan ang mga ito. 49  Kaya naman, dahil sa karunungan ng Diyos, sinabi niya: ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at apostol, at pag-uusigin nila at papatayin ang ilan sa mga ito,+ 50  kaya puwedeng singilin sa henerasyong ito ang dugo ng lahat ng propetang pinatay mula nang itatag ang sanlibutan,+ 51  mula sa dugo ni Abel+ hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng altar at ng templo.’+ Oo, sinasabi ko sa inyo, sisingilin iyon sa henerasyong ito. 52  “Kaawa-awa kayong mga eksperto sa Kautusan, dahil inilayo ninyo sa iba ang susi ng kaalaman. Kayo mismo ay hindi pumasok, at pinipigilan din ninyo ang mga gustong pumasok!”+ 53  Pagkalabas niya roon, pinaulanan siya ng tanong ng mga eskriba at mga Pariseo at kinontra siya. 54  Nag-aabang sila ng anumang sasabihin niya na puwede nilang gamitin laban sa kaniya.+

Talababa

Lit., “at katabi ko na sa higaan ang maliliit na anak ko.”
Lit., “ang magiging hukom ninyo.”
Lit., “maruming.”
O “nagpasuso.”
O “himala.”
O “mapupuno ng liwanag.”
Lit., “humilig.”
Lit., “loob.”
O “pandarambong; pagnanakaw.”
O posibleng “magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo.”
O “iba pang uri ng.”
O “matuwid na paghatol.”
O “alaalang libingang.”
O “alaalang libingan.”

Study Notes

Panginoon, turuan mo kaming manalangin: Si Lucas lang ang bumanggit ng kahilingan ng alagad na ito. Ang pag-uusap na ito ay nangyari mga 18 buwan matapos ibigay ni Jesus ang Sermon sa Bundok, kung saan itinuro niya sa mga alagad niya ang modelong panalangin. (Mat 6:9-13) Posibleng wala ang partikular na alagad na ito nang panahong iyon, kaya naging makonsiderasyon sa kaniya si Jesus at itinuro ulit ang mahahalagang punto ng modelong panalangin. Ang pananalangin ay regular na bahagi ng buhay at pagsamba ng mga Judio, at maraming mababasang panalangin sa aklat ng Awit at sa iba pang bahagi ng Hebreong Kasulatan. Kaya malamang na marunong namang manalangin ang alagad na ito at dati na siyang nananalangin. Siguradong pamilyar din siya sa pormalistikong panalangin ng mga relihiyosong lider ng Judaismo. Pero malamang na naobserbahan niya kung paano manalangin si Jesus at nakita niya ang malaking kaibahan nito sa pakitang-taong panalangin ng mga rabbi.​—Mat 6:5-8.

Kapag nananalangin kayo, sabihin ninyo: Ang laman ng panalanging mababasa sa talata 2b-4 ay katulad ng itinuro ni Jesus sa kaniyang modelong panalangin mga 18 buwan na ang nakakalipas sa kaniyang Sermon sa Bundok. (Mat 6:9b-13) Kapansin-pansin na hindi niya inulit ang panalangin nang salita-por-salita, na nagpapakitang hindi niya itinuturo na dapat kabisaduhin ang panalanging ito at bigkasin nang paulit-ulit. Gayundin, sa mga sumunod na panalangin ni Jesus at ng mga alagad, hindi nila ginaya nang eksaktong-eksakto ang modelong panalangin.

pakabanalin nawa: Tingnan ang study note sa Mat 6:9.

pangalan: Tingnan ang study note sa Mat 6:9.

Dumating nawa ang Kaharian mo: Tingnan ang study note sa Mat 6:10.

pagkain sa bawat araw ayon sa kailangan namin: Lit., “tinapay para sa araw na ito.” Sa maraming konteksto, ang salitang Hebreo at Griego para sa “tinapay” ay nangangahulugang “pagkain.” (Gen 3:19) Kaya ipinapakita ni Jesus na ang mga lingkod ng Diyos ay puwedeng humiling sa Kaniya, hindi ng sobra-sobrang pagkain, kundi ng sapat lang na pagkain sa bawat araw, at makakapagtiwala silang ibibigay ito ng Diyos. Posibleng naipaalala nito sa mga alagad ni Jesus ang iniutos ng Diyos sa mga Israelita nang makahimala siyang maglaan ng manna. Bawat isa sa kanila ay dapat na “kumuha ng kaya niyang kainin” sa bawat araw. (Exo 16:4) Ang pananalita sa kahilingang ito ay kahawig, pero hindi kaparehong-kapareho, ng itinuro ni Jesus sa mga alagad niya mga 18 buwan na ang nakakalipas sa kaniyang Sermon sa Bundok. (Mat 6:9b-13) Ipinapakita nito na hindi gusto ni Jesus na bigkasin ng mga tagasunod niya nang salita-por-salita ang panalanging ito. (Mat 6:7) Kapag inuulit ni Jesus ang mahahalagang bagay na itinuro na niya—gaya ng ginawa niya dito sa panalangin—ginagawa niya ito sa paraang makikinabang ang mga hindi nakapakinig nang una niyang ituro ang mga ito. Para naman sa mga nakapakinig na, ipinapaalala niya ang mahahalagang punto.

nagkasala sa amin: Lit., “may utang sa amin.” Kapag ang isa ay nagkasala sa kapuwa niya, para siyang nagkakautang sa taong iyon, o nagkakaroon ng obligasyon dito, at kailangan niyang hingin ang kapatawaran nito. Sa modelong panalangin na itinuro ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok, ang orihinal na terminong ginamit niya ay “utang” sa halip na kasalanan. (Tingnan ang study note sa Mat 6:12.) Ang salitang Griego para sa patawarin ay literal na nangangahulugang “hayaan na,” ibig sabihin, hindi na niya sisingilin ang inutang sa kaniya.

huwag mo kaming hayaang mahulog sa tukso: Tingnan ang study note sa Mat 6:13.

Kaibigan, pahingi naman ng tatlong tinapay: Sa Gitnang Silangan, gustong-gusto ng mga tao na maging mapagpatuloy at itinuturing nila itong obligasyon, gaya ng makikita sa ilustrasyong ito. Kahit na biglang dumating ang bisita nang hatinggabi, na nagpapakitang maraming nagiging aberya dati sa paglalakbay, pinagsikapan ng may-bahay na mabigyan ito ng makakain. Naobliga pa nga siyang istorbohin ang kapitbahay niya nang dis-oras ng gabi para humingi ng pagkain.

Huwag mo na akong istorbohin: Nag-aalangang tumulong ang kapitbahay sa ilustrasyon, hindi naman dahil sa madamot siya, kundi dahil natutulog na sila ng pamilya niya. Walang kuwarto ang mga bahay noon, lalo na sa bahay ng mahihirap. Kapag bumangon ang ama, malamang na maistorbo niya ang buong pamilya, kasama na ang natutulog na mga anak.

mapilit: Ang salitang Griego na ginamit dito ay puwedeng literal na isaling “walang kahihiyan.” Pero sa kontekstong ito, ang salitang ito ay tumutukoy sa pagiging mapilit o malakas ang loob. Ang lalaki sa ilustrasyon ni Jesus ay hindi nahiyang mangulit para makuha ang kailangan niya, at sinabi ni Jesus sa mga alagad niya na dapat na maging ganoon din sila kapag nananalangin.​—Luc 11:9, 10.

patuloy na humingi . . . maghanap . . . kumatok: Tingnan ang study note sa Mat 7:7.

kayo na makasalanan: Tingnan ang study note sa Mat 7:11.

lalo pa nga: Tingnan ang study note sa Mat 7:11.

Beelzebub: Posibleng ibang anyo ng Baal-zebub, na nangangahulugang “May-ari (Panginoon) ng mga Langaw,” ang Baal na sinasamba ng mga Filisteo sa Ekron. (2Ha 1:3) Ginamit sa ilang manuskritong Griego ang iba pang anyo nito na Beelzeboul at Beezeboul, na posibleng nangangahulugang “May-ari (Panginoon) ng Marangal na Tahanan (Tirahan),” o kung iniuugnay naman sa salitang Hebreo na zeʹvel (dumi ng hayop) na hindi ginamit sa Bibliya, nangangahulugan itong “May-ari (Panginoon) ng Dumi ng Hayop.” Gaya ng ipinapakita sa Luc 11:18, tumutukoy ang “Beelzebub” kay Satanas—ang pinuno ng mga demonyo.

pamilyang: Tingnan ang study note sa Mar 3:25.

daliri ng Diyos: Tumutukoy sa banal na espiritu ng Diyos, gaya ng ipinapakita sa ulat ni Mateo tungkol sa isang kahawig at naunang pag-uusap. Dito sa ulat ni Lucas, sinabi ni Jesus na pinapalayas niya ang mga demonyo “sa tulong ng daliri ng Diyos,” samantalang sa ulat ni Mateo, sinabi ni Jesus na ginagawa niya ito “sa tulong ng espiritu ng Diyos,” o ng Kaniyang aktibong puwersa.​—Mat 12:28.

nawalisan: Ang mababasa sa ilang manuskrito ay “bakante, nawalisan,” pero ang ginamit sa saling ito ay makikita sa luma at maaasahang mga manuskrito. Ang salitang Griego para sa “bakante” ay mababasa sa Mat 12:44, kung saan halos ganito rin ang sinabi ni Jesus, kaya sinasabi ng ilang iskolar na idinagdag lang ng mga tagakopya ang salitang ito sa ulat ni Lucas para tumugma sa ulat ni Mateo.

tanda ni Jonas: Sa isang naunang pagkakataon, ginamit ni Jesus ang ekspresyong “tanda ng propetang si Jonas” at ipinaliwanag na tumutukoy ito sa kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli. (Mat 12:39, 40) Ikinumpara ni Jonas sa pagbangon mula sa Libingan ang pagliligtas sa kaniya mula sa tiyan ng isda pagkatapos ng “tatlong araw at tatlong gabi.” (Jon 1:17–2:2) Ang pagkabuhay-muli ni Jesus mula sa literal na libingan ay tiyak na mangyayari, gaya ng pagliligtas kay Jonas mula sa tiyan ng isda. Pero kahit nabuhay-muli si Jesus pagkatapos maging patay sa loob ng tatlong araw, ayaw pa ring manampalataya sa kaniya ng mga kritikong may matitigas na puso. Nagsilbi ring tanda si Jonas sa pamamagitan ng kaniyang lakas-loob na pangangaral, na nagpakilos sa mga Ninevita na magsisi.​—Mat 12:41; Luc 11:32.

reyna ng timog: Tingnan ang study note sa Mat 12:42.

lampara: Tingnan ang study note sa Mat 5:15.

basket: Tingnan ang study note sa Mat 5:15.

mata ang lampara ng iyong katawan: Tingnan ang study note sa Mat 6:22.

nakapokus: Tingnan ang study note sa Mat 6:22.

mainggitin: Tingnan ang study note sa Mat 6:23.

naghugas: Tumutukoy sa paglilinis sa sarili sa seremonyal na paraan. Ang salitang Griego na ba·ptiʹzo (ilublob; ilubog), na madalas gamitin para ilarawan ang bautismong Kristiyano, ay ginamit dito para tumukoy sa ritwal ng paulit-ulit na paghuhugas na kaayon ng tradisyon ng mga Judio.​—Tingnan ang study note sa Mar 7:4.

gumawa kayo ng mabuti sa mahihirap: Tingnan ang study note sa Mat 6:2.

mula sa inyong puso: Lit., “mula sa mga bagay sa loob.” Sa sumunod na talata (Luc 11:42), idiniin ni Jesus ang katarungan at pag-ibig, kaya ang “mga bagay sa loob” ay lumilitaw na tumutukoy sa kalagayan ng puso ng isa. Ang paggawa ng mabuti ay masasabing ekspresyon ng tunay na habag kung ito ay bukal sa loob at mula sa mapagmahal na puso.

ikasampu ng yerbabuena, ruda, at lahat ng iba pang gulay: Sa Kautusang Mosaiko, dapat magbigay ang mga Israelita ng ikapu, o ikasampu, ng ani nila. (Lev 27:30; Deu 14:22) Hindi espesipikong iniutos ng Kautusan na ibigay ang ikasampu ng maliliit na halamang pampalasa, gaya ng yerbabuena at ruda; pero hindi naman kinondena ni Jesus ang kaugaliang ito. Ang pinuna niya ay ang mga eskriba at mga Pariseo dahil mas mahalaga sa kanila ang maliliit na detalye ng Kautusan kaysa sa mga simulain dito, gaya ng katarungan at pag-ibig sa Diyos. Nang ulitin ni Jesus ang puntong ito, na nakaulat sa Mat 23:23, binanggit niya ang yerbabuena, eneldo, at komino.

pinakamagagandang puwesto: Tingnan ang study note sa Mat 23:6.

pamilihan: Tingnan ang study note sa Mat 23:7.

libingang walang tanda: O “libingang hindi madaling mapansin.” Karaniwan nang simple lang at walang dekorasyon ang libingan ng mga Judio. Gaya ng ipinapakita sa talatang ito, may mga libingan na hindi talaga mapapansin, kaya posibleng matapakan iyon ng mga tao at maging marumi sila sa seremonyal na paraan nang hindi nila namamalayan. Sa Kautusan ni Moises, itinuturing na marumi ang sinumang madikit sa anumang bagay na may kaugnayan sa patay, kaya ang sinumang makatapak sa mga libingang iyon ay magiging marumi sa seremonyal na paraan nang pitong araw. (Bil 19:16) Para madaling makita at maiwasan ang mga libingan, pinapaputi iyon ng mga Judio taon-taon. Sa kontekstong ito, maliwanag na sinasabi ni Jesus na ang mga taong nakikihalubilo sa mga Pariseo dahil naniniwala silang mabubuting tao ang mga ito ay naiimpluwensiyahan ng masamang ugali at maruming kaisipan ng mga Pariseo nang hindi nila namamalayan.​—Tingnan ang study note sa Mat 23:27.

dahil sa karunungan ng Diyos, sinabi niya: Lit., “sinabi rin ng karunungan ng Diyos.” Ang Diyos ang nagsabi ng sumunod na pananalita, pero sa ibang pagkakataon, sinabi rin ito ni Jesus.​—Mat 23:34.

nang itatag ang sanlibutan: Ang salitang Griego para sa “itatag” ay isinaling “nagdalang-tao” sa Heb 11:11. Ang ekspresyon dito na “itatag ang sanlibutan” ay lumilitaw na tumutukoy sa pagsilang sa mga anak nina Adan at Eva. Iniugnay ni Jesus ang ‘pagkakatatag ng sanlibutan’ kay Abel, dahil maliwanag na siya ang unang tao na puwedeng tubusin at nakasulat ang pangalan niya sa balumbon ng buhay mula pa “nang itatag ang sanlibutan.”—Luc 11:51; Apo 17:8; tingnan ang study note sa Mat 25:34.

mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias: Tingnan ang study note sa Mat 23:35.

sa pagitan ng altar at ng templo: Ang “templo” ay ang gusali kung saan makikita ang Banal at Kabanal-banalan. Ayon sa 2Cr 24:21, si Zacarias ay pinatay sa “looban ng bahay [o, templo] ni Jehova.” Ang altar ng handog na sinusunog ay nasa maliit na looban, sa labas ng templo at nasa harap ng pasukan nito. (Tingnan ang Ap. B8.) Kaya katugma ito ng sinabi ni Jesus na lugar kung saan naganap ang pangyayaring ito.

ang susi ng kaalaman: Sa Bibliya, ang mga binigyan ng mga susi, literal man o makasagisag, ay pinagkatiwalaan ng awtoridad. (1Cr 9:26, 27; Isa 22:20-22) Kaya ang terminong “susi” ay naging sagisag ng awtoridad at responsibilidad. Sa kontekstong ito, ang “kaalaman” ay lumilitaw na tumutukoy sa kaalamang mula sa Diyos dahil ang kausap ni Jesus ay mga lider ng relihiyon na eksperto sa Kautusan. Dapat sana ay ginagamit nila ang awtoridad at kapangyarihan nila para bigyan ang mga tao ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa kanila ng salita ng Diyos. Sa Mat 23:13, sinabi ni Jesus na “isinasara [ng mga lider ng relihiyon] ang Kaharian ng langit sa mga tao.” Ipinapakita lang nito na ang ekspresyong pumasok sa Luc 11:52 ay tumutukoy sa pagpasok sa Kahariang iyon. Dahil hindi itinuturo ng mga lider ng relihiyon sa mga tao ang tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos, napipigilan nila ang mga ito na maintindihan nang tama ang Salita ng Diyos at makapasok sa Kaharian ng Diyos.

kinontra siya: Ang ekspresyon sa orihinal na Griego ay puwedeng tumukoy sa literal na panggigitgit sa isang tao, pero dito, lumilitaw na tumutukoy ito sa panggigipit kay Jesus ng mga lider ng relihiyon para takutin siya dahil sa galit nila sa kaniya. Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay isinaling “nagkimkim ng galit” sa Mar 6:19 para ipakitang hindi humuhupa ang galit ni Herodias kay Juan Bautista.

Media